Sino ang “Makaliligtas”?
“Ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—GAWA 2:21.
1. Bakit isang napakahalagang araw ang Pentecostes ng 33 C.E. sa kasaysayan ng daigdig?
ANG Pentecostes 33 C.E. ay isang napakahalagang araw sa kasaysayan ng daigdig. Bakit? Sapagkat noong araw na iyon isinilang ang isang bagong bansa. Sa pasimula, hindi ito isang malaking bansa—binubuo lamang ito ng 120 alagad ni Jesus na natipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Subalit ngayon, samantalang karamihan ng mga bansang umiiral noon ay nalimot na, ang bansang isinilang sa silid na iyon sa itaas ay narito pa ring kasama natin. Ang bagay na ito ay lubhang mahalaga sa ating lahat, sapagkat ito nga ang bansang hinirang ng Diyos upang maging kaniyang saksi sa sangkatauhan.
2. Anong makahimalang mga pangyayari ang naging palatandaan ng pagsilang ng bagong bansa?
2 Nang magsimulang umiral ang bagong bansang iyon, may naganap na mahahalagang pangyayari na tumupad sa mga makahulang salita ni Joel. Mababasa natin ang mga pangyayaring ito sa Gawa 2:2-4: “Bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay katulad niyaong sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kung saan sila ay nakaupo. At mga dila na parang apoy ang nagpakita sa kanila at nabaha-bahagi, at dumapo ang isa sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, gaya ng ipinagkaloob ng espiritu sa kanila na salitain.” Sa ganitong paraan ang 120 tapat na mga lalaki’t babaing iyon ay naging isang espirituwal na bansa, ang unang mga miyembro ng tinawag ni apostol Pablo sa dakong huli na “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
3. Anong hula ni Joel ang natupad noong Pentecostes 33 C.E.?
3 Maraming tao ang nagtipun-tipon upang alamin kung ano ang “malakas na hanging humahagibis,” at ipinaliwanag sa kanila ni apostol Pedro na natutupad ang isa sa mga hula ni Joel. Aling hula? Buweno, pakinggan ang kaniyang sinabi: “ ‘Sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ay ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain at ang inyong mga matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip; at maging sa aking mga aliping lalaki at sa aking mga aliping babae ay ibubuhos ko ang aking espiritu sa mga araw na iyon, at sila ay manghuhula. At magbibigay ako ng mga palatandaan sa langit sa itaas at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo at apoy at singaw ng usok; ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay dugo bago dumating ang dakila at maningning na araw ni Jehova. At ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ ” (Gawa 2:17-21) Ang mga salitang sinipi ni Pedro ay masusumpungan sa Joel 2:28-32, at ang katuparan nito ay nangangahulugang nauubos na ang panahon para sa bansang Judio. “Ang dakila at maningning na araw ni Jehova,” isang panahon ng pagtutuos para sa di-tapat na Israel, ay malapit na. Ngunit sino ang maliligtas, o makaliligtas? At ano ang ibinabadya nito para sa hinaharap?
Dalawang Katuparan ng Hula
4, 5. Dahil sa dumarating na mga pangyayari, anong payo ang ibinigay ni Pedro, at bakit kumakapit pa rin ang payong iyon pagkaraan ng kaniyang panahon?
4 Noong mga taon makalipas ang 33 C.E., ang espirituwal na Israel ng Diyos ay lumago, ngunit ang likas na bansang Israel ay hindi. Noong 66 C.E., nakikipagdigma ang likas na Israel sa Roma. Noong 70 C.E., halos naglaho na ang Israel, at ang Jerusalem at ang templo nito ay tinupok ng apoy. Noong Pentecostes 33 C.E., nagbigay si Pedro ng mainam na payo tungkol sa dumarating na trahedyang iyon. Sa muling pagsipi kay Joel ay sinabi niya: “Ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Ang bawat indibiduwal na Judio ay kailangang gumawa ng personal na pasiya na tumawag sa pangalan ni Jehova. Kalakip dito ang pagsunod sa karagdagang mga tagubilin ni Pedro: “Magsisi kayo, at ang bawat isa sa inyo ay magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” (Gawa 2:38) Kailangang tanggapin ng mga tagapakinig ni Pedro si Jesus bilang ang Mesiyas, na siyang tinanggihan ng Israel bilang isang bansa.
5 Ang mga makahulang salitang iyon ni Joel ay nagkaroon ng malaking epekto sa maaamo noong unang siglo. Subalit mas malaki ang epekto nito ngayon sapagkat, gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari sa ika-20 siglo, nagkaroon ng ikalawang katuparan ang hula ni Joel. Tingnan natin kung paano.
6. Paano naging maliwanag ang pagkakakilanlan ng Israel ng Diyos habang papalapit ang 1914?
6 Pagkamatay ng mga apostol, ang Israel ng Diyos ay natabunan ng mga panirang-damo ng huwad na Kristiyanismo. Subalit sa panahon ng kawakasan, na nagsimula noong 1914, muling naging maliwanag ang pagkakakilanlan ng espirituwal na bansang ito. Lahat ng ito ay katuparan ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at mga panirang-damo. (Mateo 13:24-30, 36-43) Habang papalapit na ang 1914, ang mga pinahirang Kristiyano ay nagsimulang humiwalay sa di-tapat na Sangkakristiyanuhan, anupat buong-tapang na itinatakwil ang kaniyang mga huwad na turo at ipinangangaral ang dumarating na katapusan ng “itinakdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Ngunit ang unang digmaang pandaigdig, na sumiklab noong 1914, ay nagbangon ng mga isyung di nila inaasahan. Sa ilalim ng matinding panggigipit, marami ang nanghina, at ang ilan ay nakipagkompromiso. Pagsapit ng 1918 ang kanilang gawaing pangangaral ay halos tumigil na.
7. (a) Anong pangyayari na katulad din noong Pentecostes 33 C.E. ang naganap noong 1919? (b) Pasimula noong 1919, ano ang naging epekto sa mga lingkod ni Jehova ng pagbubuhos ng espiritu ng Diyos?
7 Subalit, hindi ito nagtagal. Magmula noong 1919, pinasimulang ibuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kaniyang bayan sa paraang katulad din noong Pentecostes 33 C.E. Mangyari pa, noong 1919 ay walang pagsasalita sa mga wika at walang malakas na hanging humahagibis. Nauunawaan natin mula sa mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 13:8 na ang panahon para sa mga himala ay malaon nang nakalipas. Ngunit malinaw na nakita ang espiritu ng Diyos noong 1919 nang, sa isang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., muling napasigla ang tapat na mga Kristiyano at muling sinimulan ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Noong 1922 ay bumalik sila sa Cedar Point at naantig sila ng panawagang “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Gaya ng nangyari noong unang siglo, hindi maaaring di-mapansin ng sanlibutan ang mga epekto ng pagbubuhos ng espiritu ng Diyos. Ang bawat nakaalay na Kristiyano—lalaki at babae, matanda at bata—ay nagsimulang “manghula,” alalaong baga’y, magpahayag ng “mariringal na bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11) Tulad ni Pedro, kanilang hinimok ang maaamo: “Maligtas kayo mula sa likong salinlahing ito.” (Gawa 2:40) Paano ito magagawa ng mga taong gustong tumugon? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ni Joel na masusumpungan sa Joel 2:32: “Sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.”
8. Paano sumulong ang mga bagay para sa Israel ng Diyos mula noong 1919?
8 Magmula ng mga unang taon na iyon, ang gawain ng Israel ng Diyos ay sumulong na. Lumilitaw na malaon nang naganap ang pagtatatak ng mga pinahiran, at mula noong dekada ng 1930 ay isang malaking pulutong ng maaamong may makalupang pag-asa ang lumitaw sa eksena. (Apocalipsis 7:3, 9) Ang lahat ay nakadarama ng pagkaapurahan, sapagkat ipinakikita ng ikalawang katuparan ng Joel 2:28, 29 na malapit na tayo sa isang higit na dakilang kakila-kilabot na araw ni Jehova, na pupuksain na ang pambuong-daigdig na relihiyoso, makapulitika, at komersiyal na sistema ng mga bagay. Taglay natin ang matitibay na dahilan upang “tumawag sa pangalan ni Jehova” nang may lubos na pananampalataya na tayo’y kaniyang ililigtas!
Paano ba Tayo Tumatawag sa Pangalan ni Jehova?
9. Ano ang ilan sa mga bagay na nasasangkot sa pagtawag sa pangalan ni Jehova?
9 Ano ba ang nasasangkot sa pagtawag sa pangalan ni Jehova? Ang konteksto ng Joel 2:28, 29 ay tumutulong sa atin na sagutin ang tanong na iyan. Halimbawa, hindi lahat ng tumatawag kay Jehova ay pinakikinggan niya. Sa pamamagitan ng isa pang propeta, si Isaias, sinabi ni Jehova sa Israel: “Pagka inyong iniuunat ang inyong mga kamay, aking ikinukubli ang aking mga mata sa inyo. Kahit kayo’y nagsisidalangin nang marami, hindi ko kayo diringgin.” Bakit ayaw dinggin ni Jehova ang kaniyang bayan? Siya mismo ang nagpapaliwanag: “Ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.” (Isaias 1:15) Hindi diringgin ni Jehova ang sinumang may kasalanan sa dugo o namimihasa sa pagkakasala. Iyan ang dahilan kung bakit sinabihan ni Pedro ang mga Judio noong Pentecostes na sila’y magsisi. Sa konteksto ng Joel 2:28, 29, makikita natin na idiniin din ni Joel ang pagsisisi. Halimbawa, sa Joel 2:12, 13, mababasa natin: “ ‘At ngayon din,’ sabi ni Jehova, ‘manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, at may pag-aayuno at may pananangis at may paghagulhol. At hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan; at manumbalik kayo kay Jehova na inyong Diyos, sapagkat siya’y may magandang loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.’ ” Pasimula noong 1919, ang mga pinahirang Kristiyano ay kumilos kasuwato ng mga salitang ito. Pinagsisihan nila ang kanilang mga kakulangan at nagpasiyang hindi na muling makikipagkompromiso o manghihinawa. Ito’y nagbukas ng daan upang maibuhos ang espiritu ng Diyos. Gayunding landasin ang dapat sundin ng bawat isang tumatawag sa pangalan ni Jehova at nagnanais na mapakinggan.
10. (a) Ano ba ang tunay na pagsisisi? (b) Paano tumutugon si Jehova sa tunay na pagsisisi?
10 Tandaan, ang tunay na pagsisisi ay higit pa sa pagsasabi lamang ng, “Ikinalulungkot ko.” Dati ay hinahapak ng mga Israelita ang kanilang mga panlabas na kasuutan upang ipakita ang tindi ng kanilang damdamin. Ngunit sinabi ni Jehova: “Hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan.” Ang tunay na pagsisisi ay nanggagaling sa puso, mula sa kaloob-loobang bahagi ng ating pagkatao. Kalakip nito ang pagtalikod natin sa kasamaan, gaya nga ng mababasa natin sa Isaias 55:7: “Lisanin ng balakyot ang kaniyang daan, at ng liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova.” Nasasangkot dito ang pagkapoot sa kasalanan, gaya ng ginawa ni Jesus. (Hebreo 1:9) Kung magkagayon, umaasa tayong patatawarin tayo ni Jehova salig sa haing pantubos sapagkat si Jehova ay “may magandang loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” Kaniyang tatanggapin ang ating pagsamba, ang ating espirituwal na handog na butil at handog na inumin. Makikinig siya kapag tumatawag tayo sa kaniyang pangalan.—Joel 2:14.
11. Ano ang dapat na maging dako ng tunay na pagsamba sa ating buhay?
11 Sa Sermon sa Bundok, binigyan tayo ni Jesus ng iba pang dapat na isaalang-alang, nang kaniyang sabihin: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Ang ating pagsamba ay hindi dapat ipagwalang-bahala, na parang isang bagay na ginagawa lamang bilang pampalubag-loob sa ating budhi. Ang paglilingkod sa Diyos ay nararapat bigyan ng pangunahing dako sa ating buhay. Kaya naman, sa pamamagitan ni Joel, sinabi pa ni Jehova: “Hipan ninyo ang tambuli sa Sion . . . Tipunin ninyo ang bayan. Banalin ang kongregasyon. Pisanin ang matatandang lalaki. Tipunin ang mga bata at yaong mga pasusuhin. Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kaniyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kaniyang silid.” (Joel 2:15, 16) Likas lamang para sa mga bagong kasal na medyo malibang ang isip, anupat laging nakatutok ang pansin sa isa’t isa. Ngunit kahit para sa kanila, dapat mauna ang paglilingkod kay Jehova. Walang bagay ang dapat mauna sa ating pagkakatipon sa ating Diyos, anupat tumatawag sa kaniyang pangalan.
12. Anong potensiyal para sa pagsulong ang makikita sa ulat ng Memoryal noong nakaraang taon?
12 Taglay ito sa isipan, isaalang-alang natin ang isang estadistika na isiniwalat ng ating 1997 Taunang Ulat ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova. Noong nakaraang taon umabot tayo sa pinakamataas na bilang na 5,599,931 na mamamahayag ng Kaharian—tunay na isang malaking pulutong ng mga tagapuri! Ang dumalo sa Memoryal ay 14,322,226—mga walo at kalahating milyon ang kahigitan sa bilang ng mga mamamahayag. Ang bilang na ito ay nagpapahiwatig ng malaking potensiyal para sa pagsulong. Marami sa walo at kalahating milyong iyon ay nag-aaral na ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova bilang mga taong interesado o bilang mga anak ng mga bautisadong magulang. Marami sa kanila ay dumalo sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon. Ang pagkanaroroon nila ay nagbigay sa mga Saksi ni Jehova ng pagkakataong makilala silang mabuti at matulungan silang sumulong pa. Pagkatapos, nariyan din yaong mga sumisipot sa Memoryal taun-taon at marahil ay dumadalo rin naman sa iba pang mga pulong, ngunit hindi naman sumusulong. Mangyari pa, buong-lugod nating tinatanggap ang mga ito na dumalo sa mga pulong. Ngunit ating hinihimok sila na bulay-bulaying mabuti ang mga makahulang salita ni Joel at tingnan ang karagdagang mga hakbang na dapat nilang kunin upang tiyaking diringgin sila ni Jehova kapag sila’y tumawag sa kaniyang pangalan.
13. Kung tayo ay tumatawag na sa pangalan ni Jehova, anong obligasyon ang taglay natin sa iba?
13 Idiniin ni apostol Pablo ang isa pang aspekto ng pagtawag sa pangalan ng Diyos. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, kaniyang sinipi ang mga makahulang salita ni Joel: “Ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Pagkatapos ay nangatuwiran siya: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:13, 14) Oo, marami pang iba na hindi pa nakakakilala kay Jehova hanggang ngayon ang kailangang tumawag sa kaniyang pangalan. Yaong mga nakakakilala na kay Jehova ay may obligasyon hindi lamang upang mangaral kundi upang abutin sila at dalhin din sa kanila ang tulong na iyan.
Isang Espirituwal na Paraiso
14, 15. Anong malaparaisong mga pagpapala ang tinatamasa ng bayan ni Jehova dahil sa tumatawag sila sa kaniyang pangalan sa paraan na nakalulugod sa kaniya?
14 Iyan ang pangmalas kapuwa ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa, at dahil dito, pinagpapala sila ni Jehova. “Si Jehova ay magiging masigasig sa kaniyang lupain at magpapakita ng pagdamay sa kaniyang bayan.” (Joel 2:18) Noong 1919, nagpakita si Jehova ng sigasig at pagdamay sa kaniyang bayan nang kaniyang panumbalikin sila at dalhin sila sa nasasakupan ng kaniyang espirituwal na gawain. Tunay na ito ay isang espirituwal na paraiso, na inilarawang mainam ni Joel sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Huwag kang matakot, O lupa. Ikaw ay magalak at magsaya; sapagkat si Jehova ay gagawa ng isang dakilang bagay sa Kaniyang ginagawa. Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang, sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay tiyak na magiging luntian. Sapagkat ang punungkahoy ay magbibigay ng bunga nito. Ang puno ng igos at punong-ubas ay magbibigay ng saligang enerhiya ng mga ito. At, kayong mga anak ng Sion, magalak at magsaya kayo kay Jehova na inyong Diyos; sapagkat tiyak na ibibigay niya sa inyo ang ulan sa taglagas sa tamang sukat, at kaniyang ibubuhos sa inyo ang ulan, ang ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol, gaya ng sa una. At ang mga giikan ay mapupuno ng nilinis na butil, at ang mga pisaan ay aapawan ng bagong alak at langis.”—Joel 2:21-24.
15 Anong kaiga-igayang paglalarawan! Saganang paglalaan ng tatlong pangunahing pangangailangan sa buhay sa Israel—butil, langis ng olibo, at alak—lakip pa ang pagkarami-raming kawan. Sa ating kaarawan ang mga makahulang salitang iyon ay tunay na natutupad sa espirituwal na paraan. Nagbibigay si Jehova sa atin ng lahat ng kailangan nating espirituwal na pagkain. Hindi ba nalulugod tayong lahat sa ganitong bigay-Diyos na kasaganaan? Tunay, tulad ng inihula ni Malakias, ang ating Diyos ay ‘nagbukas ng mga dungawan ng langit at nagbuhos sa atin ng isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’—Malakias 3:10.
Ang Katapusan ng Isang Sistema ng mga Bagay
16. (a) Ano ang kahulugan ng pagbubuhos ng espiritu ni Jehova sa ating panahon? (b) Ano ang mangyayari sa hinaharap?
16 Pagkatapos na ihula ang malaparaisong kalagayan ng bayan ng Diyos, saka naman inihula ni Joel ang tungkol sa pagbubuhos ng espiritu ni Jehova. Nang sipiin ni Pedro ang hulang ito noong Pentecostes, sinabi niya na ito’y natupad “sa mga huling araw.” (Gawa 2:17) Ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos noon ay nangahulugan na nagsimula na ang mga huling araw para sa Judiong sistema ng mga bagay. Ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos sa Israel ng Diyos sa ika-20 siglo ay nangangahulugan na tayo’y nabubuhay ngayon sa mga huling araw ng pambuong-daigdig na sistema ng mga bagay. Dahil dito, ano ngayon ang mangyayari sa hinaharap? Nagpatuloy ang hula ni Joel sa pagsasabi sa atin: “Ako’y magbibigay ng mga palatandaan sa langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Joel 2:30, 31.
17, 18. (a) Anong kakila-kilabot na araw ni Jehova ang sumapit sa Jerusalem? (b) Ang katiyakan ng kakila-kilabot na araw ni Jehova sa hinaharap ay nagpapakilos sa atin upang gawin ang ano?
17 Noong 66 C.E., ang mga makahulang salitang iyon ay nagsimulang matupad sa Judea habang tuluy-tuloy na nagaganap ang mga pangyayari na humantong sa sukdulan sa kakila-kilabot na araw ni Jehova noong 70 C.E. Totoong kakila-kilabot noong panahong iyon na mapabilang sa mga hindi tumatawag sa pangalan ni Jehova! Sa ngayon, nasa unahan natin ang ganiyan ding kakila-kilabot na mga pangyayari, kapag ang buong pandaigdig na sistemang ito ng mga bagay ay lilipulin na sa kamay ni Jehova. Magkagayunman, posible pa ring makatakas. Nagpatuloy ang hula sa pagsasabi: “Mangyayari na ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas; sapagkat sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem ay doroon ang mga nakatakas, tulad ng sinabi ni Jehova, at doon sa mga nakaligtas, yaong mga tinatawag ni Jehova.” (Joel 2:32) Tunay na nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa pagkaalam ng pangalan ni Jehova, at lubos ang kanilang tiwala na ililigtas niya sila kung tatawag sila sa kaniya.
18 Subalit, ano ang mangyayari kapag buong-pagngangalit na hampasin ang sanlibutang ito ng dakila at maningning na araw ni Jehova? Iyan ang tatalakayin sa huling araling artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Kailan unang ibinuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kaniyang bayan?
◻ Ano ang ilang bagay na nasasangkot sa pagtawag sa pangalan ni Jehova?
◻ Kailan sumapit sa likas na Israel ang dakila at maningning na araw ni Jehova?
◻ Paano pinagpapala ni Jehova yaong tumatawag sa kaniyang pangalan ngayon?
[Larawan sa pahina 15]
Isinilang ang isang bagong bansa noong Pentecostes 33 C.E.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Maaga sa siglong ito, muling ibinuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kaniyang bayan bilang katuparan ng Joel 2:28, 29
[Larawan sa pahina 18]
Dapat matulungan ang mga tao na tumawag sa pangalan ni Jehova