NAZAREO
[Isa na Pinili; Isa na Nakaalay; Isa na Nakabukod].
May dalawang uri ng Nazareo: yaong mga nagboluntaryo at yaong mga itinalaga ng Diyos. Matatagpuan sa aklat ng Mga Bilang, kabanata 6, ang mga tuntunin para sa boluntaryong mga Nazareo. Lalaki man o babae ay maaaring gumawa ng pantanging panata kay Jehova para mamuhay bilang Nazareo sa loob ng isang yugto ng panahon. Gayunman, kung ang panata ng isang anak na babae ay marinig ng kaniyang ama o ang panata ng isang asawang babae ay marinig ng kaniyang asawa at hindi sumang-ayon ang mga ito, maaaring kanselahin ng ama o ng asawa ang panatang iyon.—Bil 30:1-8.
Tatlong pangunahing restriksiyon ang ipinapataw sa mga nananata ng pagka-Nazareo: (1) Hindi sila dapat uminom ng anumang nakalalangong inumin; hindi rin sila dapat kumain ng anumang bunga ng puno ng ubas, iyon man ay hilaw, hinog, o pinatuyo, ni maaari silang uminom ng anumang katas nito, iyon man ay sariwa, pinakasim, o ginawang sukà. (2) Hindi nila dapat gupitin ang buhok ng kanilang ulo. (3) Hindi sila dapat humipo ng bangkay, kahit yaong sa pinakamalapit na kamag-anak nila, gaya ng ama, ina, kapatid na lalaki, o kapatid na babae.—Bil 6:1-7.
Pantanging mga Panata. Ang taong gumawa ng pantanging panatang ito ay dapat “mamuhay bilang Nazareo [samakatuwid nga, nakaalay, nakabukod] para kay Jehova” at hindi para pahangain ang mga tao sa kaniyang pagpapakasakit. Sa halip, “sa lahat ng mga araw ng kaniyang pagka-Nazareo ay banal siya kay Jehova.”—Bil 6:2, 8; ihambing ang Gen 49:26, tlb sa Rbi8.
Samakatuwid, ang mga kahilingang ipinataw sa mga Nazareo ay may pantanging kahalagahan at kahulugan sa pagsamba kay Jehova. Ang Nazareo ay tulad din ng mataas na saserdote na dahil sa kaniyang banal na katungkulan ay hindi maaaring humipo ng bangkay, kahit ng kaniyang pinakamalapit na kamag-anak. Dahil sa seryosong pananagutan ng mataas na saserdote at ng mga katulong na saserdote, pinagbawalan silang uminom ng alak o ng nakalalangong inumin kapag nagsasagawa ng kanilang sagradong mga tungkulin sa harap ni Jehova.—Lev 10:8-11; 21:10, 11.
Karagdagan pa, ang Nazareo (sa Heb., na·zirʹ) ay dapat ‘magpakabanal sa pamamagitan ng pagpapahaba ng buhok ng kaniyang ulo,’ dahil iyon ay magsisilbing pinakakoronang tanda upang agad na makilala ng lahat ang kaniyang banal na pagka-Nazareo. (Bil 6:5) Ang Hebreong salitang iyon na na·zirʹ ay ginamit may kaugnayan sa mga “di-napungusang” punong ubas sa panahon ng sagradong mga taon ng Sabbath at Jubileo. (Lev 25:5, 11) Kapansin-pansin din na ang laminang ginto sa harap ng turbante ng mataas na saserdote, kung saan nakalilok ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova,” ay tinatawag na “banal na tanda ng pag-aalay [sa Heb., neʹzer, mula sa salitang-ugat din ng na·zirʹ].” (Exo 39:30, 31) Gayundin naman, ang opisyal na putong, o diadema, na isinusuot ng pinahirang mga hari ng Israel ay tinatawag ding neʹzer. (2Sa 1:10; 2Ha 11:12; tingnan ang KORONA; PAG-AALAY.) Sa kongregasyong Kristiyano, sinabi ng apostol na ang babae ay binigyan ng mahabang buhok sa halip na isang panakip sa ulo. Iyon ay isang likas na paalaala sa kaniya na ang posisyon niya ay iba sa posisyon ng lalaki. Dapat isaisip ng babae na kailangan niyang maging mapagpasakop dahil sa kaniyang posisyon sa kaayusan ng Diyos. Kaya sa pamamagitan ng gayong mga kahilingan—buhok na di-ginugupitan (na hindi likas sa lalaki), ganap na pag-iwas sa alak, gayundin ang pangangailangang maging malinis at walang dungis—idiniin sa nakaalay na Nazareo ang kahalagahan ng pagkakait sa sarili at lubos na pagpapasakop sa kalooban ni Jehova.—1Co 11:2-16; tingnan ang BUHOK; KALIKASAN; TALUKBONG SA ULO.
Mga kahilingan kapag nadungisan ang Nazareo. Ang isang Nazareo ay magiging marumi nang pitong araw kapag nakahipo siya ng bangkay, kahit pa hindi niya sinasadyang mahipo ang isang taong namatay sa tabi niya nang di-inaasahan. Sa ikapitong araw ay mag-aahit siya ng ulo at magpapadalisay ng kaniyang sarili, at sa sumunod na araw ay magdadala siya sa saserdote ng dalawang batu-bato (o, dalawang inakáy na kalapati), upang ang isa ay magsilbing handog ukol sa kasalanan at ang isa naman ay magsilbing haing sinusunog. Magdadala rin siya ng isang batang barakong tupa bilang handog ukol sa pagkakasala. Bukod diyan, ang isa na nanata ng pagka-Nazareo ay muling magsisimula sa pagbilang ng mga araw ng panata na dati niyang itinakda.—Bil 6:8-12.
Mga kahilingan sa pagtatapos ng panata. Kapag natapos na ang itinakdang yugto ng panata, ang Nazareo ay paroroon sa mga saserdote sa harap ng tolda ng kapisanan, dala ang itinakdang mga hain na isang batang barakong tupa bilang handog na sinusunog, isang babaing kordero bilang handog ukol sa kasalanan, at isang barakong tupa bilang haing pansalu-salo. Magdadala rin siya ng isang basket ng hugis-singsing na mga tinapay at maninipis na tinapay na walang pampaalsa (walang lebadura) at nilangisang mainam, lakip na ang angkop na handog na mga butil at mga handog na inumin. Bukod sa kinakailangang mga haing ito, magdadala ang Nazareo ng iba pang mga handog sa santuwaryo ayon sa makakayanan niya. (Bil 6:13-17, 21) Sumunod, ipaaahit ng Nazareo ang kaniyang mahabang buhok, at ilalagay iyon sa apoy na nasa ilalim ng haing pansalu-salo. Pagkatapos, ang ilang bahagi ng mga handog ay ilalagay ng nanunungkulang saserdote sa mga kamay ng Nazareo at ikakaway ng saserdote bilang handog na ikinakaway sa harap ni Jehova.—Bil 6:18-20.
Lumilitaw na nang maglaon, pinahintulutan ng mga Judio ang mayayamang indibiduwal na maglaan ng kinakailangang mga hain bilang pagkakawanggawa sa mga taong dukha na nais gumawa ng panata ng pagka-Nazareo.
Waring sinamantala ng apostol na si Pablo ang kaugaliang ito pagdating niya sa Jerusalem sa pagtatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay. Upang patahimikin ang usap-usapan na diumano’y ‘tinuturuan ni Pablo ang lahat ng mga Judio sa gitna ng mga bansa na huwag lumakad sa kapita-pitagang mga kaugalian’ ng bansang Judio, nagrekomenda ang Kristiyanong mga kapatid ni Pablo ng isang plano. “Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili,” ang sabi nila kay Pablo. “Isama mo ang mga lalaking ito at maglinis ka ng iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang kanilang mga gastusin, upang mapaahitan nila ang kanilang mga ulo.”—Gaw 21:20-26.
Tungkol sa haba ng panahon ng pagiging Nazareo ng isang tao, depende ito sa nananata. Ayon sa tradisyong Judio (hindi sa Bibliya), hindi iyon dapat bumaba sa 30 araw, sapagkat ipinapalagay na ang anumang mas mababa rito ay paghamak sa pagiging seryoso ng panata, anupat nagiging pangkaraniwan na lamang ito.
Panghabang-Buhay na mga Nazareo. Sa kaso ng mga itinalaga ni Jehova na maging panghabang-buhay na mga Nazareo at pinili para sa pantanging paglilingkod, hindi sila gumawa ng anumang panata at hindi sila natatakdaan ng isang limitadong yugto ng panahon (na ang pagbilang ng mga araw ay muling nagsisimula kapag nasira ang panata bago ito matapos). Dahil dito, ang mga utos ni Jehova sa kanila ay medyo naiiba sa mga kahilingan niya sa boluntaryong mga Nazareo. Si Samson ay isang panghabang-buhay na Nazareong itinalaga ng Diyos bago pa man siya ipinaglihi. Hindi rin ito kapasiyahan ng kaniyang ina. Dahil ang isisilang ay magiging Nazareo, inutusan ng anghel ang ina ni Samson na sundin ang ilang pantanging tuntunin: huwag uminom ng alak o nakalalangong inumin o kumain ng anumang bagay na marumi sa panahon ng kaniyang pagdadalang-tao.—Huk 13:2-14; 16:17.
Hinggil kay Samson, iniutos na “walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.” (Huk 13:5) Gayunman, hindi siya pinagbawalang humipo ng mga bangkay. Dahil dito, hindi nadungisan ang kaniyang pagka-Nazareo nang patayin niya ang isang leon, o nang patayin niya ang 30 Filisteo at pagkatapos ay hubaran niya ang mga bangkay. Sa isa pang pagkakataon, taglay ang pagsang-ayon ng Diyos, pinatay niya ang isang libo sa mga kaaway “sa pamamagitan ng panga ng isang lalaking asno—isang bunton, dalawang bunton!”—Huk 14:6, 19; 15:14-16.
Sa kaso naman ni Samuel, ang kaniyang inang si Hana ang nanata, anupat itinalaga nito ang kaniyang di-pa-naipaglilihing anak para sa maglingkod kay Jehova bilang Nazareo. Sinabi niya sa Diyos sa panalangin: “Kung walang pagsalang . . . bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay [“at hindi siya iinom ng anumang alak o matapang na inumin,” (1Ha 1:11, LXX)], at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.” (1Sa 1:9-11, 22, 28) Si Juan na Tagapagbautismo ay ‘hindi kailanman iinom ng alak at matapang na inumin.’ Bagaman kakaunti lamang ang detalye na ibinigay tungkol sa kaniyang pagka-Nazareo, binanggit ng ulat na itinalaga rin siya ng Diyos na maging Nazareo mula noong araw ng kaniyang kapanganakan.—Luc 1:11-15; ihambing ang Mat 3:4; 11:18.
Isa si Juan na Tagapagbautismo sa mga Nazareong ibinangon mismo ni Jehova. Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos: “Patuloy kong ibinabangon ang ilan sa inyong mga anak bilang mga propeta at ang ilan sa inyong mga kabataang lalaki bilang mga Nazareo.” Subalit kung minsan ay hindi sila tinatanggap ni iginagalang, at tinangka pa nga ng suwail na Israel na sirain ang kanilang katapatan kay Jehova. (Am 2:11, 12) Nang umabot sa kasukdulan ang mga kasalanan ng Israel at alisin ito ni Jehova noong 607 B.C.E., ang di-tapat na mga Nazareo sa loob ng Jerusalem ay hindi nakatakas. Inilarawan ni Jeremias kung paano nangitim ang dating malulusog at malalakas na Nazareo nang ang kanilang balat ay manguluntoy sa kanilang mga buto dahil sa matinding taggutom.—Pan 4:7-9.