DUGO
Isang kahanga-hangang fluido na dumadaloy sa mga ugat ng katawan ng mga tao at ng karamihan sa mga hayop na binubuo ng maraming selula. Sa Hebreo, ito ay dam, at sa Griego naman ay haiʹma. Inihahatid ng dugo ang sustansiya at oksiheno sa lahat ng bahagi ng katawan, tinatangay nito ang mga dumi, at napakahalaga nito sa pangangalaga sa katawan laban sa impeksiyon. Ang kemikal na kayarian ng dugo ay napakamasalimuot anupat marami pang hindi nalalaman ang mga siyentipiko hinggil dito.
Sa Bibliya, ang kaluluwa ay sinasabing nasa dugo sapagkat napakahalaga ng dugo sa mga proseso ng buhay. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sapagkat ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay niyaon sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ang nagbabayad-sala dahil sa kaluluwa na naroroon.” (Lev 17:11) Sa dahilan ding ito, ngunit sa mas tuwirang paraan, sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa ng bawat uri ng laman ay ang dugo nito.” (Lev 17:14) Maliwanag, ang buhay at ang dugo ay kapuwa itinuturing ng Salita ng Diyos bilang sagrado.
Pagkitil ng Buhay. Si Jehova ang bukal ng buhay. (Aw 36:9) Hindi kayang ibalik ng tao ang isang buhay na kinitil niya. “Ang lahat ng kaluluwa—akin ang mga iyon,” ang sabi ni Jehova. (Eze 18:4) Samakatuwid, ang pagkitil ng buhay ay para na ring pagkuha ng pag-aari ni Jehova. Bawat bagay na buháy ay may layunin at dako sa paglalang ng Diyos. Walang sinumang tao ang may karapatang kumitil ng buhay malibang ipahintulot iyon ng Diyos at gawin iyon sa paraang itinagubilin niya.
Pagkatapos ng Baha, si Noe at ang kaniyang mga anak, na pinagmulan ng lahat ng tao sa ngayon, ay inutusang magpakita ng paggalang sa buhay, sa dugo, ng kanilang kapuwa. (Gen 9:1, 5, 6) May-kabaitan din silang pinahintulutan ng Diyos na kumain ng karne ng hayop. Gayunman, dapat nilang kilalanin na ang buhay ng anumang hayop na pinatay upang kainin ay pag-aari ng Diyos, anupat maipakikita nila iyon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo nito sa lupa gaya ng tubig. Sa gayon ay parang isinasauli nila ito sa Diyos, anupat hindi nila ito ginagamit para sa kanilang sarili.—Deu 12:15, 16.
May karapatan ang tao na masiyahan sa buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa kaniya, at mananagot sa Diyos ang sinumang magkait sa kaniya ng buhay na iyon. Ipinakita ito ng sinabi ng Diyos sa mamamaslang na si Cain: “Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Gen 4:10) Maging ang taong napopoot sa kaniyang kapatid, anupat naghahangad na mamatay na ito, o naninirang-puri rito o nagpapatotoo nang may kabulaanan laban dito, at sa gayon ay isinasapanganib ang buhay nito, ay nagkakasala may kaugnayan sa dugo ng kaniyang kapuwa.—Lev 19:16; Deu 19:18-21; 1Ju 3:15.
Dahil sa pangmalas ng Diyos sa kahalagahan ng buhay, ang lupa ay sinasabing nadurungisan dahil sa dugo ng isang taong pinaslang, at malilinis lamang ang karungisang iyon kung ibububo ang dugo ng mamamaslang. Salig dito, ipinahihintulot ng Bibliya ang parusang kamatayan para sa pagpaslang, ngunit sa pamamagitan ng itinalagang awtoridad. (Bil 35:33; Gen 9:5, 6) Sa sinaunang Israel, hindi maaaring tumanggap ng pantubos para iligtas ang isang mamamaslang mula sa parusang kamatayan.—Bil 35:19-21, 31.
Maging sa mga kaso kung saan hindi matukoy mula sa pagsisiyasat kung sino ang pumatay, ang lunsod na pinakamalapit sa kinaroroonan ng bangkay ang ituturing na may pagkakasala sa dugo. Upang maalis ang pagkakasala sa dugo ng lunsod na iyon, kailangang isagawa ng may-pananagutang matatanda ng lunsod ang mga pagkilos na hinihiling ng Diyos, kailangan nilang itanggi na may pagkakasala sila o na may kabatiran sila tungkol sa pagpaslang, at kailangang manalangin sila sa Diyos na kaawaan niya sila. (Deu 21:1-9) Kung ang isang nakapatay nang di-sinasadya ay hindi nababahala na may napatay siya at hindi niya sinunod ang kaayusan ng Diyos upang maipagsanggalang siya sa pamamagitan ng pagtakas tungo sa kanlungang lunsod at ng pananatili roon, ang pinakamalapit na kamag-anak ng taong pinatay ang magiging tagapaghiganti na may karapatan at pananagutang pumatay sa kaniya upang maalis sa lupain ang pagkakasala sa dugo.—Bil 35:26, 27; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.
Wastong Paggamit sa Dugo. Isa lamang ang paraan ng paggamit sa dugo na sinang-ayunan ng Diyos, at ito ay sa paghahain. Inutusan niya yaong mga nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko na maghandog ng mga haing hayop upang magbayad-sala para sa kasalanan. (Lev 17:10, 11) Kasuwato rin ng kalooban Niya na ihandog ng Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang sakdal na buhay-tao nito bilang isang hain para sa mga kasalanan.—Heb 10:5, 10.
Ang nagliligtas-buhay na dugo ni Kristo ay patiunang inilarawan sa Hebreong Kasulatan sa iba’t ibang paraan. Noong panahon ng unang Paskuwa, sa Ehipto, ang dugo sa itaas na bahagi ng pintuan at sa mga poste ng pinto ng mga bahay ng mga Israelita ay nagsanggalang sa panganay na nasa loob nito upang hindi ito mapatay ng anghel ng Diyos. (Exo 12:7, 22, 23; 1Co 5:7) Ang tipang Kautusan, na may makalarawang probisyon para sa pag-aalis ng kasalanan, ay binigyang-bisa sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop. (Exo 24:5-8) Ang iba’t ibang paghahain ng dugo, lalo na yaong mga inihahandog sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ay para sa makasagisag na pagbabayad-sala para sa kasalanan, anupat lumalarawan ang mga ito sa tunay na pag-aalis ng kasalanan sa pamamagitan ng hain ni Kristo.—Lev 16:11, 15-18.
Ang legal na bisa ng dugo sa paningin ng Diyos, yamang tinatanggap niya ito para sa pagbabayad-sala, ay inilarawan ng pagbubuhos ng dugo sa paanan, o pundasyon, ng altar at ng paglalagay nito sa mga sungay ng altar. Ang saligan, o pundasyon, ng kaayusan sa pagbabayad-sala, ay nasa dugo, at ang bisa (na kinatawanan ng mga sungay) ng kaayusan sa paghahain ay nasa dugo.—Lev 9:9; Heb 9:22; 1Co 1:18.
Sa ilalim ng kaayusang Kristiyano, lalo pang idiniin ang kabanalan ng dugo. Hindi na kailangang maghandog pa ng dugo ng hayop, sapagkat ang gayong mga handog na hayop ay isang anino lamang ng katunayan, si Jesu-Kristo. (Col 2:17; Heb 10:1-4, 8-10) Noon ay kumukuha ang mataas na saserdote sa Israel ng kaunting dugo bilang sagisag at dinadala ito sa Kabanal-banalan ng makalupang santuwaryo. (Lev 16:14) Si Jesu-Kristo naman bilang ang tunay na Mataas na Saserdote ay pumasok sa langit mismo, hindi taglay ang kaniyang dugo, na ibinuhos sa lupa (Ju 19:34), kundi taglay ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay-tao na kinakatawanan ng dugo. Hindi niya naiwala ang karapatang ito sa buhay sa pamamagitan ng pagkakasala, kundi napanatili niya ito at magagamit niya ito sa pagbabayad-sala para sa kasalanan. (Heb 7:26; 8:3; 9:11, 12) Dahil dito, ang dugo ni Kristo ay sumisigaw ukol sa mga bagay na mas mabuti kaysa roon sa isinisigaw ng dugo ng matuwid na si Abel. Tanging ang dugo ng sakdal na hain ng Anak ng Diyos ang makahihiling ng awa, samantalang ang dugo ni Abel at ang dugo ng mga tagasunod ni Kristo na pinatay bilang mga martir ay sumisigaw ukol sa paghihiganti.—Heb 12:24; Apo 6:9-11.
Kanino kumakapit ang pagbabawal sa pagkain ng dugo?
Pagkatapos ng Baha, pinahintulutan ni Jehova si Noe at ang kaniyang mga anak na kumain ng karne ng hayop, ngunit mahigpit silang inutusan na huwag kumain ng dugo. (Gen 9:1, 3, 4) Dito ay nagbigay ang Diyos ng tuntunin na kumakapit, hindi lamang kay Noe at sa kaniyang sariling pamilya, kundi sa buong sangkatauhan mula nang panahong iyon at patuloy, sapagkat ang lahat ng mga nabuhay mula noong Baha ay mga inapo ng pamilya ni Noe.
May kinalaman sa pagiging permanente ng pagbabawal na ito, sinabi ni Joseph Benson: “Dapat bigyang-pansin, na ang pagbabawal na ito sa pagkain ng dugo, na ibinigay kay Noe at sa lahat ng kaniyang supling, at inulit sa mga Israelita, sa napakapormal na paraan, sa ilalim ng kaayusang Mosaiko, ay hindi kailanman pinawalang-bisa, kundi, sa kabaligtaran pa nga, pinagtibay ito sa ilalim ng Bagong Tipan, Mga Gawa xv.; at sa gayon ay ginawang isang namamalaging obligasyon.”—Notes ni Benson, 1839, Tomo I, p. 43.
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Sa tipang Kautusan na ginawa ni Jehova sa bansang Israel, inilakip niya ang kautusang ibinigay kay Noe. Niliwanag niya na magkakaroon ng “pagkakasala sa dugo” ang sinumang magwawalang-bahala sa pamamaraang itinakda ng kautusan ng Diyos maging sa pagpatay ng isang hayop. (Lev 17:3, 4) Dapat ibuhos sa lupa ang dugo ng isang hayop na gagamitin bilang pagkain at dapat itong takpan ng alabok. (Lev 17:13, 14) Ang sinumang kumain ng dugo ng anumang uri ng laman ay ‘lilipulin mula sa kaniyang bayan.’ Ang sinasadyang paglabag sa kautusang ito may kinalaman sa pagiging sagrado ng dugo ay mangangahulugan ng ‘pagkalipol.’—Lev 17:10; 7:26, 27; Bil 15:30, 31.
Sa pagkokomento sa Levitico 17:11, 12, ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1882, Tomo I, p. 834) ay nagsasabi: “Ang mahigpit na utos na ito ay hindi lamang kumakapit sa mga Israelita, kundi maging sa mga taga-ibang bayan na naninirahan sa gitna nila. Ang kaparusahang itinakda sa paglabag dito ay ang ‘pagkalipol mula sa bayan,’ na waring tumutukoy sa parusang kamatayan (ihambing ang Heb. x, 28), bagaman mahirap matiyak kung inilapat ito sa pamamagitan ng tabak o sa pamamagitan ng pagbato.”
Sa Deuteronomio 14:21, ipinahihintulot na ipagbili sa naninirahang dayuhan o sa banyaga ang isang hayop na basta na lamang namatay o nilapa ng mabangis na hayop. Sa gayon ay ipinakikita na may pagkakaiba ang dugo ng gayong mga hayop at ang dugo ng mga hayop na pinatay ng tao upang kainin. (Ihambing ang Lev 17:14-16.) Ang mga Israelita, gayundin ang mga naninirahang dayuhan na umanib sa tunay na pagsamba at napasailalim sa tipang Kautusan, ay obligadong mamuhay ayon sa matataas na kahilingan ng Kautusang iyon. Ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay obligadong sumunod sa kahilingan sa Genesis 9:3, 4, ngunit yaong mga nasa ilalim ng Kautusan ay ipinasakop ng Diyos sa isang mas mataas na pamantayan ng pagsunod sa kahilingang iyon, anupat mas mataas kaysa sa pamantayan para sa mga banyaga at mga naninirahang dayuhan na hindi naging mananamba ni Jehova.
Sa ilalim ng kaayusang Kristiyano. Ang lupong tagapamahala ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ay nagpasiya may kinalaman sa dugo. Ganito ang kanilang iniutos: “Sapagkat minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad. Mabuting kalusugan sa inyo!” (Gaw 15:22, 28, 29) Kasama sa ipinagbabawal ang karne na mayroon pang dugo (“mga bagay na binigti”).
Ang pinakasaligan ng utos na ito ay ang utos ng Diyos na huwag kumain ng dugo, gaya ng ibinigay kay Noe at sa kaniyang mga anak, at kung gayon ay sa buong sangkatauhan. May kinalaman dito, ganito ang mababasa sa The Chronology of Antient Kingdoms Amended, ni Sir Isaac Newton (Dublin, 1728, p. 184): “Ang kautusang ito [na umiwas sa dugo] ay mas sinauna pa kaysa sa mga araw ni Moises, palibhasa’y ibinigay kay Noe at sa kaniyang mga anak, malaon pa bago ang mga araw ni Abraham: at samakatuwid, nang ideklara ng mga Apostol at Matatanda ng Sanggunian sa Jerusalem na ang mga Gentil ay hindi obligadong magpatuli at sumunod sa kautusan ni Moises, hindi nila isinama ang kautusang ito na umiwas sa dugo, at sa mga bagay na binigti, bilang isang mas naunang kautusan ng Diyos, anupat ipinataw hindi lamang sa mga anak ni Abraham, kundi sa lahat ng mga bansa, habang naninirahan silang magkakasama sa Sinar sa ilalim ng pamumuno ni Noe: at katulad din nito ang kautusan na umiwas sa mga karne na inihandog sa mga Idolo o huwad na mga Diyos, at sa pakikiapid.”—Kaniya ang italiko.
Tinutupad mula pa noong panahong apostoliko. Ipinadala ng sanggunian sa Jerusalem ang pasiya nito sa mga kongregasyong Kristiyano upang ipatupad ito. (Gaw 16:4) Mga pitong taon matapos ilabas ng sanggunian sa Jerusalem ang utos na ito, patuloy na sinusunod ng mga Kristiyano ang “pasiya na dapat nilang ingatan ang kanilang sarili sa anumang inihain sa mga idolo at gayundin sa dugo at sa anumang binigti at sa pakikiapid.” (Gaw 21:25) At pagkaraan ng mahigit sa isang daang taon, noong 177 C.E., sa Lyons (na ngayo’y nasa Pransiya), nang may-kabulaanang akusahan ang mga Kristiyano ng kanilang mga kaaway sa relihiyon na diumano’y kumakain sila ng mga bata, isang babae na nagngangalang Biblis ang nagsabi: “Paano magagawa ng mga taong iyon ang kumain ng mga bata, gayong hindi sila pinahihintulutang kainin kahit ang dugo ng walang-isip na mga hayop?”—The Ecclesiastical History, ni Eusebius, V, I, 26.
Iniwasan ng unang mga Kristiyano ang pagkain ng anumang uri ng dugo. May kinalaman dito, sinabi ni Tertullian (mga 155-pagkatapos ng 220 C.E.) sa kaniyang akda na Apology (IX, 13, 14): “Mapahiya nawa ang inyong kamalian sa harap ng mga Kristiyano, sapagkat kahit ang dugo ng mga hayop ay hindi namin isinasama sa aming likas na pagkain. Dahil dito, umiiwas kami sa mga bagay na binigti o basta na lamang namatay, upang sa paanuman ay hindi kami marumhan ng dugo, kahit nasa loob pa ito ng karne. At kapag sinusubok ninyo ang mga Kristiyano, inaalok ninyo sila ng mga longganisang punô ng dugo; sabihin pa, alam na alam ninyo na ipinagbabawal ito sa kanila; ngunit nais ninyo silang lumabag.” Kaugnay rin nito, si Minucius Felix, isang Romanong abogado na nabuhay hanggang noong mga 250 C.E., ay sumulat: “Hindi ipinahihintulot sa amin na tumingin sa pagpatay ng tao o pakinggan ang tungkol dito; gayon na lamang ang paglayo namin sa dugo ng tao anupat sa aming mga kainan ay iniiwasan namin ang dugo ng mga hayop na ginagamit bilang pagkain.”—Octavius, XXX, 6.
Nasasangkot ang Katapatan. Mula nang pasinayaan ang bagong tipan sa bisa ng dugo ni Jesu-Kristo, kinikilala ng mga Kristiyano ang nagbibigay-buhay na halaga ng dugong ito sa pamamagitan ng kaayusan ni Jehova at sa pamamagitan ni Jesus bilang ang dakilang Mataas na Saserdote na “pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.” Sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa dugo ni Kristo, nalinisan ang mga budhi ng mga Kristiyano mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol sila ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy. Interesado sila sa kanilang pisikal na kalusugan, ngunit pangunahin at lalong higit silang interesado sa kanilang espirituwal na kalusugan at sa kanilang katayuan sa harap ng Maylalang. Nais nilang panatilihin ang kanilang katapatan sa Diyos na buháy, anupat hindi ikinakaila ang hain ni Jesus, hindi ito itinuturing na walang halaga, at hindi ito niyuyurakan. Sapagkat hinahanap nila, hindi ang buhay na pansamantala lamang, kundi ang buhay na walang hanggan.—Heb 9:12, 14, 15; 10:28, 29.