ANTONIA, TORE NG
Isang nakukutaang istraktura sa Jerusalem na nagsilbing kuwartel ng mga kawal. Ayon kay Josephus, mayroon itong mga kuwarto, mga paliguan, mga baraks, at mga looban.—LARAWAN, Tomo 2, p. 535.
Ang Tore ng Antonia ay matatagpuan sa may HK sulok ng looban ng templo at maliwanag na nasa lugar na pinagtayuan noon ni Nehemias ng Kastilyo (o tanggulan) na binanggit sa Nehemias 2:8. Nagsagawa si Herodes na Dakila ng malawakan at magastos na pagkukumpuni rito at dinagdagan niya ang mga kuta nito. Dati itong tinatawag na Baris ngunit pinanganlan ito ni Herodes ng Antonia bilang parangal kay Mark Antony. Gaya ng ginawa noon ng Judiong mataas na saserdote at tagapamahala na si John Hyrcanus, ipinag-utos ni Herodes na doon itago ang mga kasuutan ng mga saserdote, anupat lumilitaw na isang paraan ito upang patuloy niyang masupil o makontrol ang mataas na saserdote.
Ayon kay Josephus, ang tanggulang ito ay itinayo sa isang batuhan na may taas na 50 siko (mga 22 m; 73 piye). Sa ibabaw ng batuhan, mayroon itong mga batong pader na 40 siko (mga 18 m; 58 piye) ang taas at apat na toreng panulok, na ang tatlo ay may taas na 50 siko (mga 22 m; 73 piye) at ang isa pa, na nasa timog-silangang panulukan, ay may taas na 70 siko (mga 31 m; 102 piye). Makikita mula sa pinakamataas na tore ang buong lugar ng templo. (The Jewish War, V, 238-247 [v, 8]) Bago ang panahon ni Herodes, ang tanggulang ito ay pangunahin nang nagsilbing proteksiyon laban sa mga pagsalakay mula sa H, ngunit nang maglaon ay nagsilbi itong isang dako na mula roon ay makokontrol ang mga Judio at mababantayan ang mga gawain sa lugar ng templo, na direktang mapupuntahan mula sa tanggulan.
Ipinahihiwatig ng kuwadradong disenyo ng tanggulan na mayroon itong gitnang looban. Naniniwala ang ilan na sa gayong gitnang looban sa loob ng toreng ito humarap si Jesus kay Pilato para sa paghatol. (Ju 19:13) Ipinapalagay nila na ang isang latag ng bato na natagpuan sa lugar na ito ang tinutukoy na “Gabata.” Gayunman, naniniwala ang iba na ang paghatol ni Pilato kay Jesus ay naganap sa harap ng palasyo ni Herodes.—Tingnan ang LATAG NG BATO.
Mas tiyakang tinutukoy ang Tore ng Antonia sa ulat ng Gawa 21:30-40 at 22:24. Lumilitaw na mula sa mga baytang ng tanggulan, binigkas ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol sa sarili at ang kaniyang patotoo sa harap ng mga relihiyosong mang-uumog at pagkatapos nito ay dinala siya sa kuwartel ng mga kawal para siyasatin. Malamang na ibinalik si Pablo sa lugar na ito pagkatapos ng mainitang sesyon sa Sanedrin at na naroon siya nang dumating ang kaniyang pamangkin upang babalaan siya tungkol sa sabuwatan laban sa kaniyang buhay.—Gaw 23:10, 16.
Tuluyang gumuho ang Tore ng Antonia noong 70 C.E. nang wasakin ito, kasama ng templo at lunsod, ng Romanong si Heneral Tito.