ANANIAS
[anyong Gr. ng pangalang Heb. na Hananias, nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob”].
1. Isang miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E., ang pisikal na mga pangangailangan ng mga mananampalataya na nanatili sa Jerusalem ay inilaan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga Kristiyano. Isang pondo ang pinasimulan para sa layuning ito. Tinustusan ito mula sa salapi na pinagbilhan ng mga bukid at mga bahay ng mga miyembro ng kongregasyon at na iniabuloy nila nang kusang-loob. (Gaw 4:34-37) Nagbenta si Ananias ng isang bukid at isang bahagi lamang ng pinagbilhan nito ang ibinigay niya, ngunit pinalitaw niyang ibinigay niya ang buong halaga. Samantala, alam ni Sapira ang lahat ng ito. Walang-alinlangang ginawa ito ni Ananias upang purihin sila at tingalain sa loob ng kongregasyon. Gayunman, dahil sa pantanging kaloob kay Pedro na kaalaman sa pamamagitan ng espiritu, nalaman niya ang pagkukunwari ni Ananias, at inilantad niya ito bilang ‘nagbubulaan sa banal na espiritu at sa Diyos.’ Kaagad na bumagsak si Ananias at nalagutan ng hininga. Nang bumalik ang mga lalaking naglibing sa kaniya pagkaraan ng mga tatlong oras, nasumpungan nila ang kaniyang asawang si Sapira na patay na rin dahil sa gayunding pagkukunwari.—Gaw 5:1-10.
2. Isang Kristiyanong alagad na taga-Damasco. Pagkatapos ng pagkakumberte ni Saul, nagkaroon si Ananias ng isang pangitain na doo’y ibinigay sa kaniya ni Jesus ang pangalan at tirahan ni Saul at tinagubilinan siyang dalawin ito. Bagaman noong una ay atubili siya dahil alam niya na buong-katindihang inuusig ni Saul ang mga Kristiyano, tumugon din si Ananias at pumaroon kay Saul. Pinanumbalik niya ang paningin ni Saul, sinabihan ito tungkol sa kaniyang atas na maging isang saksi ng Diyos, at isinaayos na mabautismuhan ito. Nang maglaon, sa isang diskurso bilang pagtatanggol sa harap ng sumasalansang na mga Judio, tinukoy ni Saul (Pablo) si Ananias bilang isang lalaking “mapagpitagan ayon sa Kautusan, na may mabuting ulat mula sa lahat ng mga Judio na tumatahan doon [sa Damasco].” Yamang isa siyang Kristiyano, ang gayong papuri mula sa isang Judio ay tunay na isang kamangha-manghang patotoo sa kaniyang matuwid na paggawi.—Gaw 9:10-18; 22:12-16.
3. Judiong mataas na saserdote mula noong mga 48 hanggang 58 C.E. Siya ay anak ni Nedebaeus at inatasan sa kaniyang katungkulan ni Herodes, na hari ng Chalcis at kapatid ni Herodes Agripa I. (Jewish Antiquities ni Josephus, XX, 103 [v, 2]) Pinapunta siya sa Roma noong 52 C.E. upang litisin dahil sa ilang suliraning bumangon sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano, ngunit pinawalang-sala siya ng emperador na si Claudio I.
Noong mga 56 C.E., habang pinangangasiwaan niya ang paglilitis kay Pablo sa harap ng Sanedrin, iniutos ni Ananias na sampalin sa mukha si Pablo. Tumugon si Pablo sa pamamagitan ng paghula na gagantihan ng Diyos ang gayong maling pagkilos, at tinukoy niya si Ananias bilang isang “pinaputing pader.” Nang sawayin siya dahil sa sinabi niyang iyon, nagpaliwanag si Pablo na hindi niya alam na ang nag-utos na sampalin siya ay ang mataas na saserdote at sinipi niya ang Exodo 22:28 bilang pagkilala sa obligasyon niyang magpakita ng kaukulang paggalang. Ipinapalagay ng ilan na ang pag-aangkin ni Pablo ng kawalang-sala ay sapagkat hindi pa tiyak ang legalidad ng posisyon ni Ananias bilang mataas na saserdote pagkabalik niya mula sa Roma, ngunit walang sapat na katibayan para rito. Maaaring isa lamang itong karagdagang katibayan na malabo ang mga mata ni Pablo, gaya ng ipinahihiwatig sa iba pang mga teksto. Maaaring ang pag-uutos ni Ananias ay maikli lamang at may halong matinding emosyon anupat naging mahirap para kay Pablo na makilala ang nagsalita.—Gaw 23:2-5.
Pagkatapos ng paglilitis sa Sanedrin, si Ananias, kasama ang ilang matatandang lalaki at isang pangmadlang orador, ay naglakbay patungong Cesarea upang magharap ng mga paratang laban kay Pablo sa harap ni Gobernador Felix. (Gaw 24:1) Wala nang iba pang binanggit sa Kasulatan tungkol sa kaniya pagkatapos nito. Gayunman, inilalarawan siya sa sekular na kasaysayan bilang isang taong palalo at malupit, na kinakitaan ng pagiging sakim kapuwa noong nanunungkulan siya bilang mataas na saserdote at noong sumunod na mga taon pagkatanggal sa kaniya sa posisyon. Sa bandang pasimula ng paghihimagsik ng mga Judio noong 66-70 C.E., si Ananias ay tinugis ng mga kabilang sa populasyong Judio dahil sa pakikipagtulungan niya sa mga Romanong awtoridad. Bagaman nagtago siya sa isang paagusan, natagpuan siya at pinaslang.