TAONG PINALAYA, TAONG LAYA
Noong panahon ng pamamahala ng Roma, ang isa na pinalaya mula sa pagkaalipin ay tinatawag na “taong pinalaya” (sa Gr., a·pe·leuʹthe·ros), samantalang ang “taong laya” (sa Gr., e·leuʹthe·ros) naman ay malaya na mula pa sa kapanganakan nito, anupat nagtatamasa ng lahat ng karapatan bilang mamamayan, gaya ng apostol na si Pablo.—Gaw 22:28.
Ang pormal na pagpapalaya ay nagkakaloob sa taong pinalaya ng pagkamamamayang Romano, ngunit ang dating aliping iyon ay hindi kuwalipikadong manungkulan sa pamahalaan, bagaman kuwalipikado ang kaniyang mga inapo, sa ikalawang salinlahi o kahit sa ikatlong salinlahi man lamang. Samantala, ang di-pormal na pagpapalaya naman ay nagbigay lamang ng praktikal na kalayaan sa indibiduwal, at hindi mga karapatang sibiko.—Tingnan ang MAMAMAYAN, PAGKAMAMAMAYAN.
Yamang ang taong pinalaya ay minamalas bilang pag-aari ng pamilya ng kaniyang dating panginoon, may obligasyon ang dalawang partido sa isa’t isa. Alinman sa ang taong pinalaya ay mananatiling nakikipisan at nagtatrabaho para sa kaniyang dating amo o tatanggap siya ng isang bukid at puhunan upang makapagsimula siya ng sarili niyang ikabubuhay. Kapag namatay ang taong pinalaya, ililibing siya ng kaniyang dating amo sa libingan ng pamilya nito, aalagaan nito ang kaniyang naulilang menor-de-edad na mga anak, at ito ang magmamana ng kaniyang ari-arian kung walang mga tagapagmana. Sa kabilang dako, kung ang dating amo ay maghirap sa pananalapi, hinihiling ng batas na alagaan siya ng taong pinalaya niya. Ngunit hindi maaaring isalin sa kaniyang mga tagapagmana ang mga karapatan ng isang dating panginoon may kaugnayan sa taong pinalaya niya.
Iminumungkahi na yaong mga kabilang sa “Sinagoga ng mga Pinalaya [sa literal, mga Libertino]” ay mga Judio na dinalang bihag ng mga Romano at nang maglaon ay pinalaya. Ayon sa isa pang pangmalas, ang mga taong ito ay mga aliping pinalaya at naging mga proselitang Judio. Ipinakikilala ng salin sa Armenian Version ang mga taong ito bilang “mga taga-Libya,” samakatuwid nga, mga taong nagmula sa Libya.—Gaw 6:9.
Gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, bagaman maaaring ang isang Kristiyano ay alipin ng isang makalupang panginoon, ang totoo ay isa siyang taong pinalaya ni Kristo, pinalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Ngunit palibhasa’y binili sa isang halaga, ng mahalagang dugo ni Jesus, ang isang Kristiyano na taong laya sa pisikal na diwa ay isang alipin ng Diyos at ni Jesu-Kristo, anupat obligadong sumunod sa kanilang mga utos. Ipinakikita nito na para sa mga tao, ang kalayaan ay laging may pasubali, hindi kailanman lubusan. Samakatuwid, sa punto de vista ng Diyos, sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay walang pagkakaiba ang alipin at ang taong laya. Karagdagan pa, walang karapatan ang isang Kristiyano na gamitin ang kalayaang tinatamasa niya bilang panakip ukol sa kasamaan.—1Co 7:22, 23; Gal 3:28; Heb 2:14, 15; 1Pe 1:18, 19; 2:16.