CLAUDIO LISIAS
Kumandante ng militar ng garison ng mga Romano sa Jerusalem noong huling pagdalaw roon ng apostol na si Pablo, mga 56 C.E. Bilang kumandante ng militar (chiliarch), si Claudio Lisias ay namamahala sa 1,000 tauhan. Ipinahihiwatig ng kaniyang Griegong pangalang Lisias na ipinanganak siyang Griego. Natamo niya ang kaniyang pagkamamamayang Romano kapalit ng malaking halaga ng salapi, malamang na noong namamahala si Claudio, kung kaya, gaya ng kaugalian ng mga nagsisikap magkamit ng pagkamamamayan, ginamit niya ang pangalan ng kasalukuyang emperador. (Gaw 22:28; 23:26) Ayon sa Romanong istoryador na si Dio Cassius, noong maagang bahagi ng pamamahala ni Emperador Claudio, ang pagkamamamayang Romano ay kadalasang ipinagbibili kapalit ng malalaking halaga.—Dio’s Roman History, LX, 17, 5, 6.
Nabanggit si Claudio Lisias sa ulat ng Mga Gawa dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa apostol na si Pablo. Iniligtas niya, at ng mga kawal at mga opisyal ng hukbo na kasama niya, si Pablo mula sa kamatayan sa kamay ng nagkakagulong mga mang-uumog. Nang mahawakan na niya si Pablo, ipinag-utos ni Claudio Lisias na igapos ang apostol. Dahil sa kaguluhan, hindi niya matiyak kung ano ang akusasyon laban kay Pablo, kung kaya iniutos niyang dalhin ang apostol sa kuwartel ng mga kawal na nasa Tore ng Antonia.—Gaw 21:30-34.
Inakala ni Claudio Lisias na si Pablo ang Ehipsiyong nanulsol ng sedisyon at nanguna sa 4,000 “lalaking may sundang” patungo sa ilang. Nang malaman niyang hindi pala, pinagbigyan niya ang kahilingan ng apostol na magsalita sa pulutong mula sa mga baytang, malamang ay sa hagdan ng tanggulan. Nang muling sumiklab ang karahasan matapos banggitin ni Pablo ang kaniyang atas na pumaroon sa mga bansa, iniutos ni Claudio Lisias na dalhin ito sa loob ng kuwartel ng mga kawal at maingat na siyasatin sa pamamagitan ng panghahagupit.—Gaw 21:35-40; 22:21-24.
Nang maiulat sa kaniya na si Pablo ay isang mamamayang Romano, at matapos niya itong tanungin nang personal, natakot si Claudio Lisias dahil nilabag niya ang mga karapatan ng isang Romano nang ipagapos niya si Pablo. (Gaw 22:25-29) Mauunawaan natin kung bakit agad niyang pinaniwalaan ang pag-aangkin ni Pablo na siya’y isang mamamayang Romano. Noon, napakaliit ng posibilidad na ang isang tao ay magpapanggap na siya’y isang mamamayang Romano, yamang ang gagawa nito ay mapapatawan ng kaparusahang kamatayan. Sinabi ng istoryador na si Suetonius: ‘Ipinagbawal ng emperador sa mga isinilang na banyaga ang paggamit ng mga pangalang Romano, lalo na yaong sa mga pamilyang Romano. Yaong mga ilegal na umangkin sa mga pribilehiyo ng pagkamamamayang Romano ay pinatay niya sa parang ng Esquiline.’—The Lives of the Caesars, Claudius XXV, 3.
Palibhasa’y nais pa rin niyang malaman ang katotohanan tungkol sa akusasyon laban kay Pablo, ipinag-utos ni Claudio Lisias na magtipon ang Sanedrin. Sa pagkakataong iyon, tinalakay ni Pablo ang paksa ng pagkabuhay-muli, na nauwi sa matinding pagtatalu-talo ng mga miyembro ng Sanedrin anupat, sa takot na baka pagluray-lurayin ng mga ito si Pablo, inutusan ni Claudio Lisias ang mga kawal na agawin ang apostol sa gitna ng mga ito.—Gaw 22:30; 23:6-10.
Nang maglaon, matapos niyang malaman mula sa mismong pamangkin ni Pablo ang tungkol sa pakana ng mga Judio na patayin ang apostol, tinawag ni Claudio Lisias ang dalawa sa kaniyang mga opisyal ng hukbo at inutusan ang mga ito na maghanda ng 200 kawal, 70 mangangabayo, at 200 maninibat upang umalis patungong Cesarea nang mga 9:00 n.g. at dalhin si Pablo kay Gobernador Felix. (Gaw 23:16-24) Bilang pagsunod sa batas Romano, nagpadala rin siya kay Gobernador Felix ng isang salaysay ng kasong iyon. Gayunman, hindi lahat ng nilalaman ng liham na ito ay totoo. Bagaman kinikilala niya ang kawalang-sala ni Pablo, pinalitaw ni Claudio Lisias na iniligtas niya si Pablo dahil nalaman niyang Romano ito, bagaman ang totoo’y nilabag niya ang mga karapatan ni Pablo bilang mamamayan nang ipagapos niya ito at iutos pa nga na siyasatin ito sa pamamagitan ng mga panghahagupit.—Gaw 23:25-30.
Hindi tiyak kung paano nalaman ng alagad na si Lucas ang nilalaman ng liham na ito. Maaaring binasa ito noong panahong dinggin ang kaso ni Pablo o baka tumanggap pa nga ng kopya ang apostol pagkatapos niyang umapela kay Cesar.