ROMA
Ang dating maliit na lunsod sa Latium na naging sentro ng pamahalaan ng pinakadakilang imperyong pandaigdig noong sinaunang panahon ng Bibliya; sa ngayon ay kabisera ito ng Italya. Ang Roma ay nasa looban ng lupain, mga 25 km (16 na mi) sa gawing itaas ng Ilog Tiber, sa magkabilang pampang, at nasa kalagitnaan kung pababa sa K panig ng peninsula ng Italya na may haba na 1,130 km (700 mi).
Dahil sa alamat at mitolohiya, hindi matiyak kung kailan itinatag ang Roma at kung sino ang nagtatag nito. Ayon sa tradisyon, itinatag ito ni Romulus, ang unang hari nito, noong 753 B.C.E., ngunit ipinahihiwatig ng mga libingan at ng iba pang mga ebidensiya na tinahanan na ito bago pa noong panahong iyon.
Ang mga unang pamayanan nito ay itinayo sa pitong burol sa S panig ng Ilog Tiber. Ayon sa tradisyon, ang burol ng Palatine ang lokasyon ng pinakamatandang pamayanan. Ang anim na iba pang burol na nasa palibot ng Palatine (pasimula sa H at iikot pakanan) ay ang Quirinal, Viminal, Esquiline, Caelian, Aventine, at Capitoline. Nang maglaon, ang malating mga libis sa pagitan ng mga burol ay inalisan ng tubig, at sa mahahalagang lugar na ito ay itinayo ang mga tirahan, mga porum, at mga sirkus. Ayon kay Pliny na Nakatatanda, noong 73 C.E. ang lunsod ay napalilibutan ng pader na may haba na mga 21 km (13 mi). Nang maglaon, ang mga burol at mga libis sa K panig ng Tiber ay idinugtong dito, kasama ang mahigit 40 ektarya (100 akre) na sakop ngayon ng Vatican. Ayon sa katamtamang pagtaya, bago ang malaking sunog noong panahon ni Nero, ang populasyon ng lunsod ay mahigit sa isang milyon katao.
Ang Pulitikal na Larawan ng Roma. Sa paglipas ng mga siglo, nag-eksperimento ang Roma sa maraming uri ng pulitikal na pamamahala. Ang ilang institusyon ay ginaya sa ibang mga bansa; ang ilan ay sariling mga ideya nito. Sa kaniyang Pocket History of the World, sinabi ni H. G. Wells: “Ang bagong Romanong kapangyarihang ito na bumangon upang mangibabaw sa kanluraning daigdig noong ikalawa at unang siglo B.C. ay naiiba sa ilang kaparaanan mula sa mga nagdaang malalaking imperyo na nanaig sa sibilisadong daigdig.” (1943, p. 149) Ang pulitikal na anyo ng Roma ay pabagu-bago habang dumarating at naglalaho ang iba’t ibang istilo ng pamamahala. Kasama rito ang mga koalisyon ng mga pinunong patriyarka, pamamahala ng mga hari, mga pamahalaang hawak ng iilang pamilyang maharlika, mga diktadura, at iba’t ibang anyo ng pamamahalang republikano kung saan nagkakaiba-iba ang kapangyarihang iginagawad sa mga senador, mga konsul, at mga triumvirate (mga koalisyon ng pamahalaan na binubuo ng tatlo katao), na may karaniwang tunggalian ng mga partido sa pagitan ng mga pangkat at mga paksiyon. Sunud-sunod na mga emperador ang namahala noong mga huling taon ng imperyo. Gaya ng pangkaraniwan sa mga pamahalaan ng tao, ang pulitikal na kasaysayan ng Roma ay may bahid ng pagkapoot, paninibugho, intriga, at pagpaslang, anupat maraming pakana at kontra-pakana ang binuo dahil sa mga alitan sa loob ng bansa at mga digmaan sa labas ng bansa.
Ang pangingibabaw ng Roma sa daigdig ay unti-unting naganap. Una, lumaganap ang kaniyang impluwensiya sa buong Peninsula ng Italya at nang maglaon ay umabot ito sa palibot at sa ibayo ng Mediteraneo. Ang pangalan ng lunsod ay halos naging singkahulugan ng pangalan ng imperyo.
Sa pandaigdig na larangan, naabot ng Roma ang tugatog ng kaluwalhatian nito sa ilalim ng pamamahala ng mga Cesar. Nangunguna sa talaang ito si Julio Cesar, hinirang na diktador sa loob ng sampung taon noong 46 B.C.E. ngunit pinaslang ng mga nagsabuwatan noong 44 B.C.E. Pagkaraan ng isang yugto kung saan tatlong tao, o triumvirate, ang nagtangkang humawak ng kapangyarihan, si Octavian ang naging solong tagapamahala ng Imperyo ng Roma (31 B.C.E.–14 C.E.). Noong 27 B.C.E. ay nagtagumpay siyang maging emperador, anupat ipinroklama siya bilang “Augusto.” Si Augusto ang namamahala nang isilang si Jesus noong 2 B.C.E. (Luc 2:1-7) Ang kahalili naman ni Augusto, si Tiberio (14-37 C.E.), ang namamahala noong panahon ng ministeryo ni Jesus. (Luc 3:1, 2, 21-23) Ang kasunod ay si Gayo (Caligula) (37-41 C.E.) at si Claudio (41-54 C.E.), at ang huling nabanggit ang naglabas ng batas na nagpapalayas sa mga Judio mula sa Roma. (Gaw 18:1, 2) Ang sumunod na namahala ay si Nero (54-68 C.E.), at sa kaniya iniapela ni Pablo ang kaso nito.—Gaw 25:11, 12, 21; MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 534.
Ang sumunod na mga emperador ng Roma pagkatapos ni Nero (noong unang siglo) ay sina Galba (68-69 C.E.); Otho at Vitellius (69 C.E.); Vespasian (69-79 C.E.), na siyang naghahari noong panahong wasakin ang Jerusalem; Tito (79-81 C.E.), na bago nito ay nanguna sa matagumpay na pagsalakay sa Jerusalem; Domitian (81-96 C.E.), na ayon sa tradisyon ay siyang namamahala noong panahong ipatapon si Juan sa pulo ng Patmos; Nerva (96-98 C.E.); at Trajan (98-117 C.E.). Umabot sa kasukdulan ang lawak ng nasasakupan ng imperyo sa ilalim ng pamamahala ni Trajan, anupat ang mga hangganan nito ay lumawak patungo sa lahat ng direksiyon—sa Rhine at sa North Sea, sa Danube, sa Eufrates, sa mga talon ng Nilo, sa malaking Disyerto ng Aprika, at sa Atlantiko sa K.—MAPA, Tomo 2, p. 533.
Si Constantinong Dakila ang emperador ng Imperyo ng Roma (306-337 C.E.) noong mga taon ng paghina nito. Matapos niyang makuha ang pamamahala, inilipat niya ang kabisera sa Byzantium (Constantinople). Bumagsak ang Roma nang sumunod na siglo, noong 476 C.E., at ang mandirigmang pinunong Aleman na si Odoacer ang naging unang “barbarong” hari nito.
Ang Buhay at mga Kalagayan sa Lunsod. Sa ilalim ni Augusto, hinati sa 14 na distrito ang pangangasiwa sa pamahalaan ng lunsod, anupat isang mahistrado ang pinipili taun-taon sa pamamagitan ng palabunutan upang mamahala sa bawat distrito. Pitong pamatay-sunog na brigada na tinatawag na vigiles ang inorganisa, at bawat isa sa mga ito ay may pananagutan sa dalawang distrito. Sa labas mismo ng HS hangganan ng lunsod ay nakahimpil ang isang pantanging hukbo na binubuo ng mga 10,000 katao, tinatawag na Tanod ng Pretorio, o ng Imperyo, para sa proteksiyon ng emperador. Mayroon ding tatlong “urban cohort,” isang uri ng pulisya ng lunsod, upang magpatupad ng batas at magpanatili ng kapayapaan sa Roma.
Ang mayayaman at maimpluwensiyang mga tao ay kadalasan nang nakatira sa malapalasyong mga tahanan sa mga burol; ang kanilang mga tahanan ay minamantini ng malalaking sambahayan ng mga lingkod at mga alipin, na kung minsan ay daan-daan. Sa mga libis naman ay nagsisiksikan ang karaniwang mga tao sa malalaking insula, o paupahang mga bahay, na may ilang palapag at nilimitahan ni Augusto sa taas na 21 m (70 piye). Sa pagitan ng mga bloke ng paupahang mga bahay na ito ay may makikitid, paliku-liko at maruruming lansangan na punô ng karaniwang trapiko at katiwaliang laganap sa malalaking lunsod.
Ang makasaysayang sunog noong 64 C.E. ay nagbunga ng napakalaking pagdurusa at ng pagkamatay ng maraming tao sa mga lugar na ito ng mga dukha. Inilalarawan ni Tacitus ang masamang kalagayan ng “mga babaing nagtitilian at takót na takót; mga takas na matatanda na o mga kabataan.” (The Annals, XV, XXXVIII) Apat lamang sa 14 na distrito ng Roma ang nakaligtas.
Kaunting-kaunti lamang sa mga taga-Roma ang maituturing na maykaya sa buhay; ang kayamanan ay hawak ng isa lamang maliit na minoridad. Nang unang dumating si Pablo sa Roma, marahil ay kalahati ng populasyon ang mga alipin, anupat dinala roon bilang mga bilanggong nahuli sa digmaan, mga hinatulang kriminal, o mga anak na ipinagbili ng mga magulang, mga aliping walang legal na mga karapatan. Ang kalakhang bahagi naman ng mga taong malaya ay mga maralita na halos nabubuhay lamang sa panustos na inilalaan ng pamahalaan.
Dalawang bagay ang inilaan ng estado, pagkain at libangan, upang hindi maghimagsik ang mga dukha, at dito nanggaling ang mapanlibak na pananalitang panem et circenses (tinapay at mga sirkus), na nagpapahiwatig na ito lamang ang kailangan upang mabigyang-kasiyahan ang mga dukha sa Roma. Mula noong 58 B.C.E., karaniwan nang ipinamamahagi nang libre ang mga butil at gayundin ang tubig, na nakararating sa lunsod mula sa malalayong lugar sa pamamagitan ng mga paagusan. Mura lang ang alak. May mga aklatan para sa mga gustong magbasa. Bilang libangan ng taong-bayan, nariyan ang mga pangmadlang paliguan at mga himnasyo, at gayundin ang mga dulaan at mga sirkus. Sa mga dulaan ay mapapanood ang Griego at Romanong mga dula, mga sayaw, at mga pantomina. Sa malalaking ampiteatro at mga sirkus ay idinaraos ang kapana-panabik na mga palaro, pangunahin na ang kagila-gilalas na mga karera ng karo at nakapangingilabot na mga paligsahan ng mga gladyador kung saan naglalaban ang mga tao at mga hayop hanggang sa kamatayan. Ang Circus Maximus ay nakapaglalaman ng mahigit sa 150,000 katao. Walang bayad ang panonood ng mga palaro.
Ang malalaking gastusing ito ng pamahalaan ng Roma ay hindi binabalikat ng taong-bayan, sapagkat pagkaraang masakop ng Roma ang Macedonia noong 168 B.C.E., ang mga mamamayan ng Roma ay libre na sa buwis. Sa halip, ang mga probinsiya ang pinagbuwis nang malaki, kapuwa nang tuwiran at di-tuwiran.—Mat 22:17-21.
Impluwensiya ng mga Banyaga. Sa maraming paraan, ang Roma ay binubuo ng iba’t ibang lahi, wika, kultura, at ideya. Mula sa pulitika ng Roma ay unti-unting nabuo ang kodigo ng batas Romano—mga batas na nagtakda sa mga karapatan at mga limitasyon ng mga pamahalaan, mga hukuman, at mga mahistrado, at naglaan ng legal na mga konsepto gaya ng pagkamamamayan bilang proteksiyon sa mga karapatang pantao. (Gaw 25:16) Pinagkalooban ng pagkamamamayan ang mga naninirahan sa mga kaalyadong lunsod ng Roma at sa iba’t ibang kolonya ng imperyo. Dala nito ang maraming pakinabang. (Gaw 16:37-39; 22:25, 26) Kung hindi man ito natamo sa kapanganakan, maaari itong bilhin. (Gaw 22:28) Sa ganito at sa iba pang paraan, sinikap ng Roma na gawing Romano ang mga teritoryong nasakop nito at sa gayon ay patibayin ang kaniyang posisyon bilang sentro ng pamahalaan ng imperyo.
Ang isa sa pinakamahuhusay na halimbawa ng impluwensiya sa Roma ng mga banyaga ay masusumpungan sa mga guho ng lumipas na kaluwalhatian nito sa arkitektura. Sa lahat ng dako, makikita sa museong lunsod na ito kung paano ito gumaya sa mga Griego at sa iba pang mga bansa. Ang tinatawag na arkong Romano, na lubos nitong pinakinabangan, ay hindi nito sariling tuklas sa inhinyeriya. Sa kalakhang bahagi, ang mga tagumpay ng Roma bilang tagapagtayo ay nakasalig sa paggamit nito ng isang sinaunang klase ng kongkreto bilang argamasa at bilang pangunahing sangkap sa paggawa ng artipisyal na mga bato.
Nagsimula ang maraming proyekto ng pagtatayo ng Roma noong huling siglo ng republika at pagkatapos ay partikular itong pinasigla ng mga emperador. Sinabi ni Augusto na nasumpungan niya ang Roma na isang lunsod ng mga laryo ngunit iniwan niya itong isang lunsod ng marmol. Karaniwan na, pinapatungan lamang ng manipis na marmol ang istrakturang laryo o kongkreto. Muling itinayo ang lunsod matapos itong masunog noong 64 C.E. Kabilang sa mga bantog na istrakturang Romano ang mga porum, mga templo, mga palasyo, mga ampiteatro, mga paliguan, mga paagusan, mga imburnal, at mga bantayog. Ang pagkalaki-laking Colosseum at ang ilang bantayog, tulad ng arkong daan ni Tito na naglalarawan sa pagbagsak ng Jerusalem, ay alinman sa nakatayo pang buo o ilang bahagi na lamang ang nakatayo. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 536) Nakilala rin ang mga Romano sa pagtatayo ng mga daan at mga tulay sa buong imperyo.
Napakaraming banyaga ang dumagsa anupat nagreklamo ang mga Romano na ang Roma ay hindi na Romano. Mula sa lahat ng purok ng imperyo, dinala nila ang kanilang mga hanapbuhay, mga kaugalian, mga tradisyon, at mga relihiyon. Bagaman Latin ang opisyal na wika, ang internasyonal na wika ay karaniwang Griego (Koine). Iyan ang dahilan kung bakit isinulat ng apostol na si Pablo sa wikang Griego ang kaniyang liham sa mga taga-Roma. Malaki rin ang naging impluwensiyang Griego sa kanilang panitikan at paraan ng pagtuturo. Pormal na tinuruan ang mga batang lalaki, at kung minsan ay pati mga batang babae, ayon sa sistemang ginagamit sa Atenas, anupat tinuturuan sila ng panitikan at oratoryong Griego, at ang mga anak na lalaki ng mga maykaya ay ipinadadala sa isa sa mga paaralan ng pilosopiya sa Atenas.
Relihiyon. Nakarating din sa Roma ang bawat uri ng huwad na pagsamba. Gaya ng inilarawan ng istoryador na si John Lord: “Ang mga pamahiin ay nakarating sa Roma, sapagkat naroroon ang mga saserdote at mga deboto ng lahat ng bansang pinamumunuan nito,—‘ang maiitim na anak na babae ni Isis, na may tambol at tamburin at mahalay na kaanyuan; mga deboto ni Mithras ng Persia; mga kinapon na taga-Asia; mga saserdote ni Cybele, na may magugulong sayaw at maiingay na sigaw; mga mananamba ng dakilang diyosang si Diana; mga barbarong bihag na may mga ritwal ng mga saserdoteng Teuton; mga Siryano, mga Judio, mga astrologong Caldeo, at mga manggagaway ng Thessaly.’”—Beacon Lights of History, 1912, Tomo III, p. 366, 367.
Dahil sa debosyon sa mga relihiyong ito, at sa walang-patumanggang pagpapakasasa sa sekso, ang moralidad at katuwiran ay lubusang itinakwil ng mga Romano, kapuwa ng mga dukha at mga maharlika. Ayon kay Tacitus, ang isang halimbawa ng huling nabanggit ay si Messalina, ang mapangalunya at mapamaslang na asawa ni Emperador Claudio.—The Annals, XI, I-XXXIV.
Prominente sa mga relihiyon ng Roma ang pagsamba sa emperador. Ang tagapamahalang Romano ay ginawang diyos. Partikular na tinanggap sa mga probinsiya ang pagsamba sa emperador, anupat nagtayo roon ng mga templo kung saan naghain sila sa kaniya bilang diyos. (LARAWAN, Tomo 2, p. 536) Sinabi ni George Botsford sa A History of Rome: “Ang pagsamba sa emperador ang siyang pinakamalakas na puwersa sa relihiyon ng daigdig na Romano hanggang noong tanggapin ang Kristiyanismo.” Isang inskripsiyong natagpuan sa Asia Minor ang nagsasabi tungkol sa emperador: “Siya ang amang Zeus at ang tagapagligtas ng buong sangkatauhan, na tumutupad sa lahat ng panalangin, nang higit pa sa ating hinihingi. Sapagkat may kapayapaan sa lupain at dagat; umuunlad ang mga lunsod; may pagkakaisa at kasaganaan at kaligayahan sa lahat ng dako.” Ang kultong ito ang naging pangunahing instrumento ng pag-uusig sa mga Kristiyano, na tungkol sa kanila ay sinabi ng manunulat na ito: “Ang kanilang pagtangging sumamba sa Genius, o nagbabantay na espiritu, ng emperador ay natural lamang na ituring na kalapastanganan at kataksilan sa tagapamahala.”—1905, p. 214, 215, 263.
Dumating ang Kristiyanismo sa Roma. Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., may “mga nakikipamayan mula sa Roma, kapuwa mga Judio at mga proselita,” na nakasaksi sa resulta ng pagbubuhos ng banal na espiritu, at ang ilan sa kanila ay tiyak na kabilang sa 3,000 na nabautismuhan noon. (Gaw 2:1, 10, 41) Nang bumalik sila sa Roma, tiyak na nangaral sila, at bilang resulta ay nabuo ang isang napakatibay at aktibong kongregasyong Kristiyano na ang pananampalataya, ayon sa apostol na si Pablo, ay “pinag-uusapan sa buong sanlibutan.” (Ro 1:7, 8) Ang mga Kristiyano sa Roma ay binanggit kapuwa ni Tacitus (The Annals, XV, XLIV) at ni Suetonius (The Lives of the Caesars, Nero, XVI, 2).
Sumulat si Pablo sa kongregasyong Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., at pagkaraan ng mga tatlong taon ay dumating siya sa Roma bilang isang bilanggo. Bagaman bago nito ay nais niyang dumalaw roon nang mas maaga at sa ilalim ng mas mabuting kalagayan (Gaw 19:21; Ro 1:15; 15:22-24), nagawa niyang makapagpatotoo nang lubusan, kahit isa siyang bilanggo, sa mga taong pinapupunta niya sa kaniyang bahay. Sa loob ng dalawang taon, sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, nagpatuloy siya na “ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo taglay ang buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.” (Gaw 28:14-31) Maging ang Tanod ng Pretorio ng emperador ay nakarinig ng mensahe ng Kaharian. (Fil 1:12, 13) Kaya gaya ng inihula tungkol sa kaniya, si Pablo ay ‘lubusang nakapagpatotoo maging sa Roma.’—Gaw 23:11.
Samantalang nakakulong si Pablo sa Roma sa loob ng dalawang taon, sumulat siya ng mga liham sa mga taga-Efeso, mga taga-Filipos, mga taga-Colosas, at kay Filemon. Maliwanag na noong panahon ding iyon, isinulat ni Marcos ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo samantalang nasa Roma. Nang malapit nang palayain si Pablo o kaagad pagkaraan nito, isinulat niya ang kaniyang liham sa mga Hebreo noong mga 61 C.E. (Heb 13:23, 24) Nang mabilanggo siya sa Roma sa ikalawang pagkakataon, noong mga 65 C.E., dinalaw siya ni Onesiforo at isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo.—2Ti 1:15-17.
Bagaman sina Pablo, Lucas, Marcos, Timoteo, at ang iba pang unang-siglong mga Kristiyano ay dumalaw sa Roma (Fil 1:1; Col 4:10, 14), walang matibay na ebidensiya na si Pedro ay pumunta sa Roma, gaya ng sinasabi ng ilang tradisyon. Ang mga kuwento tungkol sa pagkamatay ni Pedro bilang martir sa Roma ay ayon lamang sa tradisyon.—Tingnan ang PEDRO, MGA LIHAM NI.
Ang lunsod ng Roma ay nagkaroon ng napakasamang reputasyon dahil sa pag-uusig nito sa mga Kristiyano, lalo na noong mga panahon ng paghahari nina Nero at Domitian. Ang mga pag-uusig na ito ay may dalawang sanhi: (1) ang malaking sigasig ng mga Kristiyano sa pag-eebanghelyo upang makumberte ang iba, at (2) ang di-natitinag na paninindigan ng mga Kristiyano na ibigay sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos sa halip na ibigay ang mga iyon kay Cesar.—Mar 12:17.
[Larawan sa pahina 1024]
Ang Appian Way kung saan dumaan si Pablo patungo sa Roma