Kabanata 41
Ang Araw ng Paghuhukom ng Diyos—Ang Maligayang Kalalabasan Nito!
Pangitain 15—Apocalipsis 20:11–21:8
Paksa: Pangkalahatang pagkabuhay-muli, Araw ng Paghuhukom, at mga pagpapala ng mga bagong langit at isang bagong lupa
Panahon ng katuparan: Sa Sanlibong Taóng Paghahari
1. (a) Ano ang naiwala ng sangkatauhan nang magkasala sina Adan at Eva? (b) Anong layunin ng Diyos ang hindi nagbabago, at paano natin nalaman?
NILALANG tayong mga tao upang mabuhay magpakailanman. Kung sumunod lamang sina Adan at Eva sa mga utos ng Diyos, hindi sana sila namatay. (Genesis 1:28; 2:8, 16, 17; Eclesiastes 3:10, 11) Subalit nang magkasala sila, naiwala nila ang kasakdalan at buhay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para din sa kanilang mga supling, at naghari ang kamatayan sa sangkatauhan bilang isang malupit na kaaway. (Roma 5:12, 14; 1 Corinto 15:26) Sa kabila nito, hindi nagbago ang layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang sakdal na mga tao sa lupang paraiso. Dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan, isinugo niya sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, na nagbigay ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang tubusin ang “marami” sa mga supling ni Adan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Maaari ngayong gamitin ni Jesus ang legal na halaga ng kaniyang hain upang maibalik ang sumasampalatayang sangkatauhan sa kasakdalan sa isang lupang paraiso. (1 Pedro 3:18; 1 Juan 2:2) Kay-inam na dahilan upang ang sangkatauhan ay “magalak at magsaya”!—Isaias 25:8, 9.
2. Ano ang iniuulat ni Juan sa Apocalipsis 20:11, at ano ang “malaking tronong puti”?
2 Palibhasa’y naibulid na si Satanas sa kalaliman, makapagsisimula na ngayon ang maluwalhating Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus. Ito na ang “araw” kung kailan “nilalayon [ng Diyos na] hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan.” (Gawa 17:31; 2 Pedro 3:8) Inihahayag ni Juan: “At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang isa na nakaupo roon. Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit, at walang dakong nasumpungan para sa kanila.” (Apocalipsis 20:11) Ano ang “malaking tronong puti” na ito? Tiyak na ito ang luklukan ng paghatol ng “Diyos na Hukom ng lahat.” (Hebreo 12:23) Hahatol siya ngayon kung sino sa sangkatauhan ang karapat-dapat makinabang sa haing pantubos ni Jesus.—Marcos 10:45.
3. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pagiging “malaki” at “puti” ng trono ng Diyos? (b) Sino ang maghuhukom sa Araw ng Paghuhukom, at ano ang magiging saligan?
3 Ang trono ng Diyos ay “malaki,” na nagdiriin sa karingalan ni Jehova bilang Soberanong Panginoon, at ito ay “puti,” na tumatawag-pansin sa kaniyang sakdal na katuwiran. Siya ang kataas-taasang Hukom ng sangkatauhan. (Awit 19:7-11; Isaias 33:22; 51:5, 8) Gayunman, iniatas niya kay Jesu-Kristo ang paghuhukom: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya ang lahat ng paghatol sa Anak.” (Juan 5:22) Kasama ni Jesus ang 144,000, na ‘binigyan ng kapangyarihang humatol sa loob ng isang libong taon.’ (Apocalipsis 20:4) Gayunman, ang mga pamantayan ni Jehova ang magpapasiya kung ano ang kahihinatnan ng bawat indibiduwal sa Araw ng Paghuhukom.
4. Ano ang ibig sabihin ng “tumakas ang lupa at ang langit”?
4 Sa anong diwa “tumakas ang lupa at ang langit”? Ito rin ang langit na nahawing gaya ng isang balumbon sa pagbubukas ng ikaanim na tatak—ang namamahalang awtoridad ng tao na “nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (Apocalipsis 6:14; 2 Pedro 3:7) Ang lupa ay ang organisadong sistema ng mga bagay na umiiral sa ilalim ng pamamahalang ito. (Apocalipsis 8:7) Ang pagtakas ng langit at lupang ito ay tumutukoy sa pagkalipol ng mabangis na hayop at ng mga hari sa lupa at ng kanilang mga hukbo, pati na yaong mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at ang mga sumasamba sa larawan nito. (Apocalipsis 19:19-21) Yamang nailapat na ang hatol sa lupa at langit ni Satanas, nagtatakda naman ngayon ang Dakilang Hukom ng isa pang Araw ng Paghuhukom.
Ang Sanlibong-Taóng Araw ng Paghuhukom
5. Pagkaraang tumakas ang dating lupa at dating langit, sino pa ang huhukuman?
5 Sino pa ang huhukuman ngayong tumakas na ang dating lupa at ang dating langit? Hindi ang pinahirang nalabi ng 144,000, sapagkat nahatulan at natatakan na ang mga ito. Kung may nabubuhay pang pinahiran sa lupa pagkatapos ng Armagedon, hindi magtatagal at mamamatay rin sila upang tanggapin ang kanilang makalangit na gantimpala sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (1 Pedro 4:17; Apocalipsis 7:2-4) Gayunman, ang milyun-milyong kabilang sa malaking pulutong na lumabas ngayon mula sa malaking kapighatian ay kitang-kitang nakatayo “sa harap ng trono.” Ang mga ito ay naibilang nang matuwid ukol sa kaligtasan dahil sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, subalit magpapatuloy pa rin ang paghuhukom sa kanila sa kabuuan ng isang libong taon habang patuloy silang inaakay ni Jesus sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay.” Pagkatapos silang maibalik sa kasakdalan bilang tao at masubok, ipahahayag silang matuwid sa ganap na diwa nito. (Apocalipsis 7:9, 10, 14, 17) Ang mga bata na makaliligtas sa malaking kapighatian at ang lahat ng isisilang ng mga kabilang sa malaking pulutong sa panahon ng Milenyo ay kailangan ding hukuman sa loob ng isang libong taon.—Ihambing ang Genesis 1:28; 9:7; 1 Corinto 7:14.
6. (a) Anong lubhang karamihan ang nakikita ni Juan, at ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ‘malalaki at maliliit’? (b) Paano malamang na bubuhaying muli ang di-mabilang na milyun-milyong nasa alaala ng Diyos?
6 Gayunman, may nakikita si Juan na isang lubhang karamihan na mas marami pa kaysa sa nakaligtas na malaking pulutong. Milyun-milyon ito! “At nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon.” (Apocalipsis 20:12a) Kabilang sa ‘malalaki at maliliit’ ang mga prominente at maging ang di-gaanong prominenteng mga tao na nabuhay at namatay sa lupang ito sa nakalipas na 6,000 taon. Sa Ebanghelyo na isinulat ni apostol Juan di-nagtagal pagkatapos ng Apocalipsis, sinabi ni Jesus hinggil sa Ama: “Binigyan niya siya [si Jesus] ng awtoridad na gumawa ng paghatol, sapagkat siya ay Anak ng tao. Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:27-29) Anong kagila-gilalas na proyekto—kabaligtaran ito ng lahat ng kamatayan at paglilibing na naganap sa buong kasaysayan! Walang-pagsalang ang di-mabilang na milyun-milyong ito na nasa alaala ng Diyos ay unti-unting bubuhayin upang maharap ng malaking pulutong—na kakaunti lamang kung ihahambing sa kanila—ang mga problemang posibleng bumangon dahil maaaring may tendensiya pa ring gumawi sa pasimula ang mga binuhay-muli ayon sa kanilang dating istilo ng pamumuhay, pati na ang makalamang mga kahinaan at saloobin nito.
Sino ang mga Bubuhayin at Huhukuman?
7, 8. (a) Anong balumbon ang binubuksan, at ano ang magaganap pagkatapos nito? (b) Sinu-sino ang hindi na bubuhaying muli?
7 Sinasabi pa ni Juan: “Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.” (Apocalipsis 20:12b, 13) Tunay na isang makapigil-hiningang tanawin! ‘Ang dagat, ang kamatayan, at ang Hades’ ay may kani-kaniyang bahaging ginagampanan, subalit pansining hindi nagkakalayo ang kahulugan ng mga ito.a Sinabi ni Jonas na siya ay nasa Sheol, o Hades, noong nasa tiyan siya ng isda anupat nasa pusod ng dagat. (Jonas 2:2) Kapag ang isang tao ay biktima ng Adanikong kamatayan, malamang na nasa Hades din siya. Ang makahulang mga pananalitang ito ay matibay na garantiya na walang sinuman ang makakaligtaan.
8 Sabihin pa, hindi tiyak kung ilan ang mga hindi na bubuhaying muli. Kabilang dito ang di-nagsising mga eskriba at Pariseo na nagtakwil kay Jesus at sa mga apostol, ang relihiyosong “taong tampalasan,” at ang “nahulog” na mga pinahirang Kristiyano. (2 Tesalonica 2:3; Hebreo 6:4-6; Mateo 23:29-33) May binanggit din si Jesus na tulad-kambing na mga tao sa katapusan ng sanlibutan na mapupunta sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” samakatuwid nga, sa “walang-hanggang pagkalipol.” (Mateo 25:41, 46) Hindi na bubuhaying muli ang mga ito!
9. Paano ipinahihiwatig ni apostol Pablo na may ilan na bibigyan ng pantanging pabor kapag binuhay muli, at sino ang makakabilang sa mga ito?
9 Sa kabilang dako, ang ilan ay bibigyan ng pantanging pabor kapag binuhay muli. Ipinahiwatig ito ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Kung tungkol sa makalupang pagkabuhay-muli, makakabilang sa “matuwid” ang tapat na mga lalaki at babae noong unang panahon—sina Abraham, Rahab, at marami pang iba—na ipinahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:21, 23, 25) Kabilang din sa grupong ito ang mga matuwid na ibang tupa na namatay nang tapat kay Jehova sa makabagong panahon. Ang lahat ng tagapag-ingat na ito ng katapatan ay malamang na bubuhaying muli sa pasimula pa lamang ng Milenyong Paghahari ni Jesus. (Job 14:13-15; 27:5; Daniel 12:13; Hebreo 11:35, 39, 40) Walang-pagsalang marami sa mga matuwid na ito na bubuhaying muli ay aatasan ng pantanging mga pribilehiyo ng pangangasiwa sa napakalaking gawain ng pagsasauli sa Paraiso.—Awit 45:16; ihambing ang Isaias 32:1, 16-18; 61:5; 65:21-23.
10. Sa mga bubuhaying muli, sino ang “mga di-matuwid”?
10 Gayunman, sino ang “mga di-matuwid” na binabanggit sa Gawa 24:15? Makakabilang dito ang napakaraming taong namatay sa buong kasaysayan, lalung-lalo na yaong mga nabuhay sa ‘panahon ng kawalang-alam.’ (Gawa 17:30) Dahil sa lugar na kanilang sinilangan o sa panahong kinabuhayan nila, ang mga ito ay hindi nagkaroon ng pagkakataong matuto ng pagsunod sa kalooban ni Jehova. Bukod dito, maaaring may iba na nakarinig nga ng mensahe ng kaligtasan subalit hindi lubusang nakatugon nang panahong iyon o namatay bago sila sumapit sa pag-aalay at bautismo. Kapag binuhay-muli ang mga ito, dapat silang gumawa ng karagdagang mga pagbabago sa kanilang pag-iisip at landasin ng pamumuhay upang magkaroon sila ng pagkakataong magkamit ng buhay na walang hanggan.
Ang Balumbon ng Buhay
11. (a) Ano ang “balumbon ng buhay,” at kaninong mga pangalan ang nakatala sa balumbon na ito? (b) Bakit bubuksan ang balumbon ng buhay sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari?
11 May binabanggit si Juan na “balumbon ng buhay.” Ito ay talaan ng mga pagkakalooban ni Jehova ng buhay na walang hanggan. Nakatala sa balumbon na ito ang mga pangalan ng pinahirang mga kapatid ni Jesus, ng malaking pulutong, at ng tapat na mga tao noong una, gaya ni Moises. (Exodo 32:32, 33; Daniel 12:1; Apocalipsis 3:5) Sa ngayon, hindi pa nakatala sa balumbon ng buhay ang pangalan ng sinumang “di-matuwid” na bubuhaying muli. Kaya ang balumbon ng buhay ay bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari upang maisulat ang mga pangalan ng iba pa na magiging kuwalipikado. Yaong ang mga pangalan ay hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay, ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy.’—Apocalipsis 20:15; ihambing ang Hebreo 3:19.
12. Ano ang batayan upang mapasulat ang pangalan ng isa sa nakabukas na balumbon ng buhay, at paano nagpakita ng halimbawa ang Hukom na inatasan ni Jehova?
12 Kung gayon, ano ang batayan upang mapasulat ang pangalan ng isa sa nakabukas na balumbon ng buhay sa panahong iyon? Tulad noong panahon nina Adan at Eva, ang pinakamahalagang salik ay: pagsunod kay Jehova. Gaya ng isinulat ni apostol Juan sa minamahal niyang mga kapuwa Kristiyano: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:4-7, 17) Hinggil sa pagkamasunurin, nagpakita ng halimbawa ang Hukom na inatasan ni Jehova: “Bagaman [si Jesus] ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na siya ay mapasakdal, siya ang nagkaroon ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.”—Hebreo 5:8, 9.
Pagbubukas sa Iba Pang Balumbon
13. Paano dapat ipakita ng mga binuhay-muli ang kanilang pagkamasunurin, at anu-anong simulain ang dapat nilang sundin?
13 Paano dapat ipakita ng mga binuhay-muling ito ang kanilang pagkamasunurin? Binanggit mismo ni Jesus ang dalawang dakilang kautusan, sa pagsasabing: “Ang una ay, ‘Dinggin mo, O Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Marcos 12:29-31) Dapat din nilang sundin ang dati nang umiiral na mga simulain ni Jehova gaya ng pag-iwas sa pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay, at imoralidad.—1 Timoteo 1:8-11; Apocalipsis 21:8.
14. Anong iba pang balumbon ang bubuksan, at ano ang nilalaman ng mga ito?
14 Gayunman, kababanggit pa lamang ni Juan ng iba pang balumbon na bubuksan sa panahon ng Milenyong Paghahari. (Apocalipsis 20:12) Anu-ano ang mga ito? Sa pana-panahon, nagbibigay si Jehova ng espesipikong mga tagubilin para sa partikular na mga kalagayan. Halimbawa, noong panahon ni Moises, naglaan siya ng detalyadong serye ng mga batas na mangangahulugan ng buhay para sa mga Israelita kung susundin nila ito. (Deuteronomio 4:40; 32:45-47) Noong unang siglo, nagbigay ng bagong mga tagubilin upang tulungan ang mga tapat na sundin ang mga simulain ni Jehova sa ilalim ng Kristiyanong sistema ng mga bagay. (Mateo 28:19, 20; Juan 13:34; 15:9, 10) Iniuulat ngayon ni Juan na ang mga patay ay ‘hahatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.’ Kung gayon, maliwanag na sa pagbubukas ng mga balumbong ito ay ihahayag ang detalyadong mga kahilingan ni Jehova para sa sangkatauhan sa panahon ng isang libong taon. Kung ikakapit nila sa kanilang buhay ang mga tuntunin at utos sa mga balumbong iyon, hahaba ang buhay ng masunuring sangkatauhan, hanggang kamtin nila sa wakas ang buhay na walang hanggan.
15. Anong uri ng kampanya sa pagtuturo ang kakailanganin sa panahon ng pagkabuhay-muli, at paano malamang na magaganap ang pagkabuhay-muli?
15 Isang malawakang kampanya nga ng teokratikong pagtuturo ang kakailanganin! Noong 2005, may aberids na 6,061,534 na pag-aaral sa Bibliya ang idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa iba’t ibang dako. Pero sa panahon ng pagkabuhay-muli, di-mabilang na milyun-milyong pag-aaral na salig sa Bibliya at sa bagong mga balumbon ang walang-pagsalang idaraos! Ang lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos ay dapat maging guro at magpagal. Habang sumusulong sila, ang mga binuhay-muli ay walang-pagsalang makikibahagi rin sa malawakang programang ito ng pagtuturo. Ang pagkabuhay-muli ay malamang na magaganap sa paraang maaaring may-kagalakang salubungin at turuan ng mga nabubuhay ang mga dating kapamilya at kakilala, na sa kalaunan ay siya namang sasalubong at magtuturo sa iba. (Ihambing ang 1 Corinto 15:19-28, 58.) Ang mahigit anim na milyong Saksi ni Jehova na aktibo ngayong nagpapalaganap ng katotohanan ay nagtatatag ng mabuting pundasyon para sa mga pribilehiyong inaasahan nilang tanggapin sa pagkabuhay-muli.—Isaias 50:4; 54:13.
16. (a) Kaninong mga pangalan ang hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay? (b) Sinu-sino ang makararanas ng pagkabuhay-muli “sa buhay”?
16 Hinggil sa makalupang pagkabuhay-muli, sinabi ni Jesus na “lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” Dito, magkasalungat ang “buhay” at “paghatol,” anupat ipinakikita na yaong mga binuhay-muli na “gumawa ng buktot na mga bagay” pagkatapos maturuan sa kinasihang Kasulatan at sa mga balumbon ay hahatulang hindi karapat-dapat sa buhay. Ang kanilang pangalan ay hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay. (Juan 5:29) Ganiyan din ang mangyayari sa sinumang dating nagtataguyod ng tapat na landasin subalit lumihis dito sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari sa ilang kadahilanan. Ang mga pangalan ay maaaring mabura. (Exodo 32:32, 33) Sa kabilang dako, ang mga pangalan niyaong masunuring tumatalima sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ay mananatiling nakasulat sa talaan, ang balumbon ng buhay, at patuloy na mabubuhay. Pagkabuhay-muli “sa buhay” ang mararanasan ng mga ito.
Ang Wakas ng Kamatayan at ng Hades
17. (a) Anong kagila-gilalas na pangyayari ang inilalarawan ngayon ni Juan? (b) Kailan mawawalan ng laman ang Hades? (c) Kailan ‘ihahagis sa lawa ng apoy’ ang Adanikong kamatayan?
17 Pagkatapos, inilalarawan ni Juan ang isang bagay na talagang kagila-gilalas! “At ang kamatayan at ang Hades ay inihagis sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. Karagdagan pa, ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:14, 15) Sa katapusan ng milenyong Araw ng Paghuhukom, lubusang aalisin “ang kamatayan at ang Hades.” Bakit kailangang umabot pa ito nang isang libong taon? Ang Hades, ang karaniwang libingan ng buong sangkatauhan, ay mawawalan ng laman kapag nabuhay nang muli ang lahat ng nasa alaala ng Diyos. Subalit habang may bahid pa ng minanang kasalanan ang mga tao, kakambal pa rin nila ang Adanikong kamatayan. Lahat niyaong bubuhaying muli sa lupa, pati na ang malaking pulutong na makaliligtas sa Armagedon, ay kailangang sumunod sa nakasulat sa mga balumbon hanggang sa lubusan nang maikapit ang halaga ng pantubos ni Jesus sa pag-aalis ng karamdaman, pagtanda, at iba pang minanang mga kapansanan. Pagkatapos nito, ang Adanikong kamatayan, kasama na ang Hades, ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy.’ Mawawala na ang mga ito magpakailanman!
18. (a) Paano inilalarawan ni apostol Pablo ang tagumpay ng pamamahala ni Jesus bilang Hari? (b) Ano ang gagawin ni Jesus sa pinasakdal na pamilya ng tao? (c) Anu-ano pa ang magaganap sa katapusan ng isang libong taon?
18 Sa gayon, lubusang magaganap ang sunud-sunod na pangyayaring binabanggit ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto: ‘Sapagkat kailangang mamahala si Jesus bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang [Adanikong] kamatayan ay papawiin.’ Ano ang susunod na magaganap? “Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya.” Sa ibang salita, ‘ibibigay ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ (1 Corinto 15:24-28) Oo, palibhasa’y nadaig ni Jesus ang Adanikong kamatayan sa pamamagitan ng halaga ng kaniyang haing pantubos, maihaharap na niya ngayon sa kaniyang Ama, si Jehova, ang pinasakdal na pamilya ng tao. Maliwanag na sa panahong ito, sa katapusan ng isang libong taon, pakakawalan si Satanas at magaganap ang pangwakas na pagsubok upang matiyak kung kani-kaninong mga pangalan ang permanenteng mapapatala sa balumbon ng buhay. “Magpunyagi kayo nang buong-lakas” upang ang inyong pangalan ay mapabilang sa mga ito!—Lucas 13:24; Apocalipsis 20:5.
[Talababa]
a Hindi kasama sa mga bubuhaying muli mula sa dagat ang balakyot na mga naninirahan sa lupa na nalipol sa Delubyo noong panahon ni Noe; ang pagpuksang iyon ay pangwakas, gaya rin ng paglalapat ng hatol ni Jehova sa malaking kapighatian.—Mateo 25:41, 46; 2 Pedro 3:5-7.
[Larawan sa pahina 298]
Ang mga pangalan ng binuhay-muling “mga di-matuwid” na tatalima sa nakasulat sa mga balumbong bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ay maaari ding mapasulat sa balumbon ng buhay