Lakas-loob na Mangaral ng Kaharian ni Jehova!
“Kaniyang may kabaitang tinatanggap ang lahat ng sa kaniya’y nagsasadya, na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos.”—GAWA 28:30, 31.
1, 2. Ano ang katunayan na inalalayan ng Diyos si apostol Pablo, at anong halimbawa ang ipinakita niya?
SA TUWINA’Y inaalalayan ni Jehova ang mga tagapagbalita ng Kaharian. Totoong-totoo nga iyan tungkol kay apostol Pablo! Taglay ang pag-alalay ng Diyos, siya’y humarap sa mga pangulo, nagtiis ng karahasan ng mga mang-uumog, at lakas-loob na nangaral ng Kaharian ni Jehova.
2 Kahit na isang bilanggo sa Roma, “may kabaitang tinatanggap [ni Pablo] ang lahat ng sa kaniya’y nagsasadya, na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos.” (Gawa 28:30, 31) Anong inam na halimbawa para sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon! Malaki ang matututuhan natin buhat sa ministeryo ni Pablo na iniuulat ni Lucas sa mga katapusang kabanata ng aklat ng Mga Gawa sa Bibliya.—20:1–28:31.
Napatibay ang mga Kapananampalataya
3. Ano ang nangyari sa Troas, at ano ang kahalintulad nito sa ating kaarawan?
3 Pagkatapos na humupa ang kaguluhan sa Efeso, si Pablo ay nagpatuloy sa kaniyang ikatlong paglalakbay misyonero. (20:1-12) Gayunman, nang siya’y tutulak na lamang patungong Syria, kaniyang napag-alaman na ang mga Judio’y may balak laban sa kaniya. Yamang sila marahil ay nagplanong sumakay sa barko ring iyon at patayin si Pablo, siya’y dumaan sa Macedonia. Sa Troas, siya’y gumugol ng sanlinggo sa pagpapatibay sa mga kapananampalataya gaya ng ginagawa ngayon ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa mga Saksi ni Jehova. Noong gabi bago siya lumisan, ang kaniyang pahayag ay hinabaan ni Pablo hanggang sa hatinggabi. Si Eutico, nakaupo sa may bintana, ay marahil nahahapo dahil sa maghapong paggawa. Sa kaniyang pagkatulog, siya’y nahulog buhat sa ikatlong palapag at namatay, ngunit binuhay siya ni Pablo. Anong laking kagalakan ang naidulot nito! Pag-isipan, kung gayon, ang kagalakan na ibubunga pagka ang milyun-milyon ay binuhay-muli sa dumarating na bagong sanlibutan.—Juan 5:28, 29.
4. Tungkol sa ministeryo, ano ang itinuro ni Pablo sa matatanda sa Efeso?
4 Samantalang naglalayag patungong Jerusalem, sa Mileto, ang matatanda sa Efeso ay pinulong ni Pablo. (20:13-21) Kaniyang ipinagunita sa kanila na kaniyang tinuruan sila “sa bahay-bahay” at na siya’y “lubusang nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” Yaong naging matatanda sa bandang huli ay nangagsisi, at sila’y may pananampalataya. Sila’y sinasanay din ng apostol na lakas-loob na mangaral ng Kaharian sa mga di-sumasampalataya samantalang ginagawa nila ang ministeryo ng pagbabahay-bahay katulad ng isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.
5. (a) Papaanong si Pablo ay uliran kung tungkol sa pagtanggap sa patnubay buhat sa banal na espiritu? (b) Bakit kinailangang payuhan ang matatanda na ‘asikasuhin ang buong kawan’?
5 Si Pablo ay uliran sa pagtanggap ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. (20:22-30) “Natatali sa espiritu,” o nakadarama na obligadong sundin ang pangunguna niyaon, ang apostol ay pupunta sa Jerusalem, bagaman ang naghihintay sa kaniya roon ay mga tanikala at mga kapighatian. Sa kaniya’y mahalaga ang buhay, ngunit ang pananatiling tapat sa Diyos ang pinakamahalagang bagay sa kaniya, gaya rin ng nararapat sa atin. Ipinayo ni Pablo sa matatanda na ‘asikasuhin ang buong kawan na sa kanila’y hinirang sila ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa.’ Pagkatapos ng kaniyang “pag-alis” (marahil ang tinutukoy ay kamatayan), ang “ganid na mga lobo” ay “hindi makikitungo sa kawan nang may kabaitan.” Ang gayong mga tao ay manggagaling mula sa matatanda mismo, at ang di-gaanong may unawang mga alagad ang tatanggap sa kanilang pinilipit na mga turo.—2 Tesalonica 2:6.
6. (a) Bakit may pagtitiwalang ang matatanda ay maipagtatagubilin ni Pablo sa Diyos? (b) Papaano sinunod ni Pablo ang simulain sa Gawa 20:35?
6 Ang matatanda ay kailangang manatiling gising sa espirituwal upang makapag-ingat laban sa apostasya. (20:31-38) Ang apostol ang nagturo sa kanila ng Kasulatang Hebreo at ng mga turo ni Jesus, na may bisa na luminis at makatutulong sa kanila na tanggapin ang makalangit na Kaharian, “ang mana ng lahat ng mga pinabanal.” Sa pamamagitan ng pagtatrabaho upang matustusan ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga kasama, ang matatanda ay hinimok ni Pablo na maging masisipag na manggagawa. (Gawa 18:1-3; 1 Tesalonica 2:9) Kung tayo’y lalakad sa ganiyan ding landas at tutulungan ang iba na magkamit ng buhay na walang-hanggan, ating mauunawaan ang mga salita ni Jesus: “Lalong maligaya ang magbigay kaysa tumanggap.” Ang diwa ng pangungusap na ito ay matatagpuan sa mga Ebanghelyo ngunit sinisipi lamang ni Pablo, na marahil kaniyang tinanggap ito nang bibigan o sa pamamagitan ng pagkasi. Tatamasahin natin ang malaking kaligayahan kung tayo’y katulad ni Pablo sa pagsasakripisyo sa sarili. Aba, ganiyan na lamang ang ginawa niyang pagsasakripisyo sa sarili kung kaya’t sa kaniyang paglisan ay lubhang nalungkot ang matatanda sa Efeso!
Mangyari Nawa ang Kalooban ni Jehova
7. Papaanong nagpakita si Pablo ng halimbawa sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos?
7 Samantalang ang ikatlong paglalakbay misyonero ni Pablo ay malapit nang matapos (mga 56 C.E.), siya’y nagpakita ng mainam na halimbawa sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. (21:1-14) Sa Cesarea siya at ang kaniyang mga kasama ay pumisan kay Felipe, na ang apat na mga anak na dalaga ay “nagsisipanghula,” humuhula ng mga mangyayari sa pamamagitan ng banal na espiritu. Doon kinuha ng propetang Kristiyanong si Agabo ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang kaniyang sariling mga kamay at paa at kinasihan ng espiritu na magsabing ang may-ari niyaon ay igagapos ng mga Judio sa Jerusalem at siya’y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil. “Ako’y nahahanda na hindi lamang gapusin kundi mamatay rin sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus,” ang sabi ni Pablo. Ang mga alagad ay nangagkaisa, na ang sabi: “Mangyari nawa ang kalooban ni Jehova.”
8. Kung nahihirapan tayo kung minsan na tumanggap ng mabuting payo, ano ang dapat nating tandaan?
8 Sinabi ni Pablo sa mga matatanda sa Jerusalem kung ano ang ginawa ng Diyos sa gitna ng mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo. (21:15-26) Kung sakaling nahihirapan tayo kung minsan na tumanggap ng mabuting payo, tandaan natin kung papaano tinanggap iyon ni Pablo. Upang patunayan na hindi niya tinuturuan ang mga Judio sa mga lupaing Gentil ng “pag-aapostasya [paghiwalay] kay Moises,” kaniyang pinakinggan ang payo ng matatanda na sumailalim ng seremonyal na paglilinis at bayaran ang mga gastos para sa kaniyang sarili at sa apat pang mga ibang lalaki. Bagaman sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus ang Kautusan ay naalis, si Pablo ay walang ginawang kamalian sa pagsasagawa ng mga bahagi niyaon nang may kinalaman sa mga panata.—Roma 7:12-14.
Inumog Ngunit Hindi Nasiraan ng Loob
9. Tungkol sa karahasan ng mga mang-uumog, papaano magkatulad ang karanasan ni Pablo at niyaong mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
9 Ang mga Saksi ni Jehova ay kalimitan nananatiling tapat sa Diyos sa harap ng karahasan ng mga mang-uumog. (Halimbawa, tingnan ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 180-90.) Ang mga Judiong buhat sa Asia Minor ay nagbangon din ng pang-uumog laban kay Pablo. (21:27-40) Palibhasa’y nakita nila na kasama niya si Trofimo na taga-Efeso, kanilang buong kasinungalingang inakusahan ang apostol ng pagdungis sa templo sa pagdadala roon ng mga Griego. Halos papatayin na noon si Pablo nang dumating ang Romanong punong-kapitan Claudio Lysias at ang kaniyang mga kawal at kanilang pinahinto ang kaguluhan! Gaya ng inihula (ngunit ang sanhi’y mga Judio), iniutos ni Lysias na gapusin ng mga tanikala si Pablo. (Gawa 21:11) Ang apostol ay halos dadalhin na lamang sa kuwartel ng mga kawal na karatig lamang ng looban ng templo nang mapag-alaman ni Lysias na si Pablo’y hindi isang sedisyonista kundi isang Judio na pinayagang pumasok sa looban ng templo. Nang siya’y payagang magsalita, si Pablo’y nagsalita sa wikang Hebreo sa mga tao.
10. Papaano tinanggap ng mga Judio sa Jerusalem ang pahayag ni Pablo, at bakit hindi siya binugbog?
10 Si Pablo ay nagbigay ng isang lakas-loob na pagpapatotoo. (22:1-30) Kaniyang ipinakilala na siya’y isang Judio na tinuruan ng lubhang iginagalang na si Gamaliel. Ipinaliwanag ng apostol na samantalang siya’y patungo sa Damasco upang pag-usigin Ang Daan sa katauhan ng mga tagasunod nito, siya’y nabulag nang sandaling makita niya ang kaningningan ni Jesu-Kristo, ngunit isinauli ni Ananias ang kaniyang paningin. Nang maglaon sinabi ng Panginoon kay Pablo: “Yumaon ka, sapagkat susuguin kita sa mga bansa sa malayo.” Ang mga salitang iyan ang nagsilbing isang titis na nahulog sa kagubatan. Samantalang ipinagsusumigawan na si Pablo’y hindi karapat-dapat mabuhay, ipinaghagisan ng karamihan ang kanilang panlabas na mga kasuotan at sila’y nagsabog ng alabok sa hangin dahil sa kanilang galit. Kaya ang ginawa ni Lysias ay ipinadala si Pablo sa kuwartel ng mga kawal para siya’y siyasatin samantalang binubugbog upang maalaman kung bakit laban sa kaniya ang mga Judio. Napigil ang pagbugbog (sa pamamagitan ng isang pamalo na may mga panaling katad na may buhol o nakabaon nang mga piraso ng metal o buto) nang itanong ni Pablo: ‘Matuwid baga na bugbugin ang isang Romanong hindi pa nahahatulan?’ Nang mapag-alaman na si Pablo ay isang mamamayang Romano, natakot si Lysias at dinala siya sa harap ng Sanedrin upang alamin kung bakit siya’y inaakusahan ng mga Judio.
11. Sa papaanong si Pablo ay isang Fariseo?
11 Nang simulan ni Pablo ang pagtatanggol sa kaniyang sarili sa harap ng Sanedrin sa pamamagitan ng pagsasabing siya’y “nabuhay sa harapan ng Diyos sa buong kalinisan ng budhi,” iniutos ng Mataas na Saserdoteng si Ananias na siya’y sampalin. (23:1-10) Sinabi ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader.” “Nilalait mo ba ang mataas na saserdote?” ang tanong ng iba. Dahilan sa kaniyang malabong paningin, baka hindi nakilala ni Pablo si Ananias. Ngunit nang mapansin na ang kapulungan ay binubuo ng mga Fariseo at Saduceo, sinabi ni Pablo: ‘Ako’y isang Fariseo na sinisiyasat tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli.’ Dahil dito’y nahati ang Sanedrin, sapagkat ang mga Fariseo’y naniniwala sa pagkabuhay-muli at ang mga Saduceo naman ay hindi naniniwala. Kaya nagkaroon ng malubhang pagkakabaha-bahagi at kinailangan na sagipin ni Lysias ang apostol.
12. Papaanong naligtasan ni Pablo ang isang pakana na siya’y patayin sa Jerusalem?
12 Sumunod ay naligtasan ni Pablo ang isang pakana na siya’y patayin. (23:11-35) Apatnapung Judio ang nanumpa na sila’y hindi kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay siya. Ito’y ibinalita sa kaniya at kay Lysias ng pamangkin ni Pablo. Samantalang may kasamang opisyal ng hukbo, ang apostol ay dinala kay Gobernador Antonio Felix sa Cesarea, ang Romanong pangasiwaang kabisera ng Judea. Pagkatapos na pangakuan si Pablo ng paglilitis, pinapangyari ni Felix na siya’y magkaroon ng bantay sa Pretoreong palasyo ni Herodes na Dakila, ang punong-kuwartel ng gobernador.
Lakas ng Loob sa Harap ng mga Pinunò
13. Tungkol sa ano nagpatotoo si Pablo kay Felix, at ano ang epekto?
13 Hindi nagtagal at ipinagtanggol ng apostol ang kaniyang sarili laban sa mga maling paratang at lakas-loob na nagpatotoo kay Felix. (24:1-27) Sa harap ng mga Judiong umaakusa sa kaniya, ipinakita ni Pablo na hindi niya sinulsulan ang mga mang-uumog. Sinabi niyang siya’y naniniwala sa mga bagay na nakasulat sa Kautusan at sa Mga Propeta at naniniwala sa “pagkabuhay-muli ng kapuwa mga matuwid at ng mga di-matuwid.” Si Pablo ay naparoon sa Jerusalem na dala ang “mga kaloob ng kaawaan” (mga abuloy para sa mga tagasunod ni Jesus na ang karalitaan ay marahil bunga ng pag-uusig) at dumaan na sa seremonyal na paglilinis. Bagaman ipinagpaliban ni Felix ang paghatol, si Pablo nang malaunan ay nangaral sa kaniya at sa kaniyang asawang si Drusilla (anak na babae ni Herodes Agrippa I) tungkol kay Kristo, sa katuwiran, pagpipigil-sa-sarili, at sa darating na paghuhukom. Palibhasa’y natakot sa gayong ipinahayag, si Pablo ay pinaalis na ni Felix. Gayunman, nang malaunan ay malimit na ipinatatawag niya ang apostol, sapagkat siya’y may maling pag-asa na bibigyan siya ng suhol. Batid ni Felix na si Pablo ay walang kasalanan ngunit hinayaan siyang nakagapos, sa pag-asa ni Felix na siya’y kalulugdan ng mga Judio. Nang lumipas ang dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo.
14. Ano ang legal na paglalaan na ginamit ni Pablo nang siya’y humarap kay Festo, at anong kahalintulad ang makikita mo rito?
14 Si Pablo ay gumawa rin naman ng isang lakas-loob na pagtatanggol ng kaniyang sarili sa harapan ni Festo. (25:1-12) Kung ang apostol ay karapat-dapat sa kamatayan, hindi niya tatanggihan ang kamatayan, ngunit walang taong makapagbibigay sa kaniya sa mga Judio bilang pabor. “Ako’y aapela kay Cesar!” ang sabi ni Pablo, anupa’t ginamit niya ang karapatan ng isang mamamayang Romano upang siya’y doon litisin sa Roma (noon ay sa harap ni Emperador Nero). Pagkatapos na payagang umapela, si Pablo ay “nagbigay ng patotoo sa Roma,” gaya ng inihula. (Gawa 23:11) Ginagamit din ng mga Saksi ni Jehova ang mga paglalaan na ‘ipagsanggalang at legal na itatag ang mabuting balita.’—Filipos 1:7.
15. (a) Anong hula ang natupad nang si Pablo’y humarap kay Haring Agrippa at kay Cesar? (b) Papaanong ‘sumikad [si Saulo] sa matutulis’?
15 Si Haring Herodes Agrippa II ng hilagang Judea at ang kaniyang kapatid na babaing si Bernice (na naging asawa niya) ay nakabalita na si Pablo’y dumadalaw kay Festo sa Cesarea. (25:13–26:23) Sa pagpapatotoo kay Agrippa at kay Cesar, tinupad ni Pablo ang hula na kaniyang dadalhin sa mga hari ang pangalan ng Panginoon. (Gawa 9:15) Sa pagsasabi kay Agrippa kung ano ang nangyari sa daan patungo sa Damasco, binanggit ni Pablo na sinabi ni Jesus: “Mahirap sa iyo ang patuloy na sumikad sa matutulis.” Kung papaanong sinasaktan ng isang sutil na baka ang kaniyang sarili sa pagsikad sa tumutundong mga tulis ng isang bagay, sinaktan ni Saulo ang kaniyang sarili sa paglaban sa mga tagasunod ni Jesus, na itinataguyod ng Diyos.
16. Papaanong naapektuhan si Festo at si Agrippa ng patotoo ni Pablo?
16 Papaano naapektuhan si Festo at si Agrippa? (26:24-32) Palibhasa’y hindi nila maunawaan ang pagkabuhay-muli at dahil sa kanilang panggigilalas sa matibay na pananalig ni Pablo, sinabi ni Festo: “Ang kalakhan ng dunong mo ay siyang sa iyo’y nagpapaulol!” Sa katulad na paraan, ang iba ngayon ay umaakusa sa mga Saksi ni Jehova na pagiging mga ulol, bagaman sila ay talagang katulad ni Pablo sa “pagsasalita ng mga salita ng katotohanan at ng katinuan ng isip.” “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo ako na maging isang Kristiyano,” ang sabi ni Agrippa, na tumapos sa paglilitis ngunit sinabi niyang si Pablo’y mapalalaya sana kung siya’y hindi umapela kay Cesar.
Panganib sa Karagatan!
17. Papaano mo ilalarawan ang mga panganib na naranasan sa dagat sa pagbibiyahe ni Pablo patungo sa Roma?
17 Sa pagbibiyahe ni Pablo patungo sa Roma siya ay napaharap sa “mga panganib sa dagat.” (2 Corinto 11:24-27) Isang opisyal ng hukbo na nagngangalang Julio ang inilagay na tagapangasiwa sa mga bilanggo na naglalayag buhat sa Cesarea patungong Roma. (27:1-26) Nang ang kanilang barko’y dumaong sa Sidon, si Pablo ay pinayagang dumalaw sa mga kapananampalataya, na nagbigay-ginhawa sa kaniya sa kaniyang espirituwalidad. (Ihambing ang 3 Juan 14.) Sa Myra sa Asia Minor, pinasakay ni Julio ang mga preso sa isang barkong pangkargada ng mga binutil na patungong Italya. Bagaman may malalakas na hangin, sila’y nakarating din sa Fair Havens, (Mabuting Daungan) malapit sa siyudad ng Lasea sa Creta. Pagkalisan doon patungong Phoenix, isang unos galing sa hilagang-silanganan ang umabot sa barko. Sa takot na mapapadpad sa Syrte (kumunoy) sa may baybayin ng hilagang Aprika, ang mga magdaragat ay “nagpabagal ng takbo,” marahil kanilang ibinaba ang mga layag at mga albor. Tinalian ng lubid ang ibaba ng barko upang ang mga dugtong ay huwag mabiyak. Samantalang ang bagyo’y malakas pa rin nang sumunod na araw, ang barko ay binawasan ng kargada sa pamamagitan ng pagtatapon ng mga bagay na nakalulan dito. Nang ikatlong araw, kanilang itinapon ang mga kasangkapan ng barko (mga layag o ekstrang kagamitan). Nang waring wala nang pag-asa, isang anghel ang napakita kay Pablo at sinabi sa kaniya na huwag matakot, sapagkat siya’y haharap kay Cesar. Anong laking kaginhawahan nang sabihin ng apostol na lahat ng manlalakbay ay ipapadpad sa isang pulô!
18. Ano sa wakas ang nangyari kay Pablo at sa kaniyang kasamang mga manlalakbay?
18 Ang mga manlalakbay ay nakaligtas nga. (27:27-44) Nang hatinggabi noong ika-14 na araw, sinapantaha ng mga magdaragat na sila’y malapit na sa isang lupain. Pinatunayan ito ng kanilang ginawang pag-arok, at naghulog sila ng mga sinepete upang maiwasan na sila’y mapadpad sa batuhan. Sa panghihimok ni Pablo, lahat ng 276 na mga lalaki ay nagsikain. Pagkatapos ang barko ay pinagaang sa pamamagitan ng pagtatapon sa dagat ng nakalulang trigo. Nang mag-uumaga na, inihulog ng mga magdaragat ang mga sinepete, kinalag ang mga tali ng mga ugit, at itinaas sa hangin ang layag sa unahan. Ang barko’y sumadsad sa dakong mababaw at nagpasimulang magkawasak-wasak ang hulihan. Ngunit lahat ay nakaligtas.
19. Ano ang nangyari kay Pablo sa Malta, at ano ang ginawa niya roon para sa mga iba pa?
19 Ngayong sila’y napababad at mga hapo na, ang mga sakay ng barkong lumubog ay sumadsad sa Malta, na kung saan sila’y pinagpakitaan ng mga tagaroon ng “di-karaniwang kagandahang-loob.” (28:1-16) Subalit, pagkatapos gatungan ni Pablo ang isang nagliliyab na apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init at kumapit sa kaniyang kamay. (Wala na ngayong mga makamandag na ahas sa Malta, ngunit ito’y isang “makamandag na kinapal.”) Inakala ng mga taga-Malta na si Pablo ay isang mamamatay-tao na hindi tutulutan ng “mapaghiganting katarungan” na mabuhay pa, ngunit nang siya’y hindi nabuwal na patay o namanas dahil sa pamamaga, kanilang sinabi na siya’y isang diyos. Sa kalaunan ay maraming napagaling si Pablo, kasali na ang ama ni Publio, na pangulo ng Malta. Pagkalipas ng tatlong buwan, sina Pablo, Lucas, at Aristarco ay naglayag sa isang barko na may pigurang “Mga Anak ni Zeus” (sina Castor at Pollux, magkakambal na mga diyos na ipinalalagay na mapagbiyaya sa mga magdaragat). Pagkatapos dumaong sa Puteoli, si Julio ay nagpatuloy kasama ang kaniyang ampon. Si Pablo’y nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang loob nang mga Kristiyano buhat sa kabiserang Romano ang sumalubong sa kanila sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan sa Daang Appio. Sa wakas, sa Roma, si Pablo ay pinayagan na mag-isa, bagaman binabantayan ng isang kawal.
Patuloy na Mangaral ng Kaharian ni Jehova!
20. Sa anong gawain laging abala si Pablo sa kaniyang tuluyan sa Roma?
20 Sa kaniyang tuluyan sa Roma, lakas-loob na ipinangaral ni Pablo ang Kaharian ni Jehova. (28:17-31) Sinabi niya sa mga pangulong Judio: “Dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.” Ang gayong pag-asa ay may kinalaman sa pagtanggap sa Mesiyas, isang bagay na ukol doon ay kailangan ding tayo’y handang magdusa. (Filipos 1:29) Bagaman karamihan ng mga Judiong iyon ay hindi sumampalataya, maraming Gentil at isang Judiong nalabi ang may matuwid na kalagayan ng puso. (Isaias 6:9, 10) Sa loob ng dalawang taon (mga 59-61 C.E.) tinanggap ni Pablo ang lahat ng nagpupunta sa kaniya, “na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesu-Kristo nang buong kalayaan ng pagsasalita, na walang anumang nakahahadlang.”
21. Hanggang sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay, anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo?
21 Maliwanag na si Pablo’y inaring walang-sala ni Nero at siya’y pinalaya. Nang magkagayo’y ipinagpatuloy ng apostol ang kaniyang gawain kasama si Timoteo at si Tito. Gayunman, siya’y muling ibinilanggo sa Roma (mga 65 C.E.) at malamang na siya’y dumanas ng pagkamartir sa mga kamay ni Nero. (2 Timoteo 4:6-8) Ngunit hanggang sa katapusan, si Pablo ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa bilang isang may tibay-loob na tagapangaral ng Kaharian. Taglay ang ganiyan ding espiritu sa mga huling araw na ito, harinawang lahat ng mga nag-alay ng sarili sa Diyos ay lakas-loob na mangaral ng Kaharian ni Jehova!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong pagsasanay sa ministeryo ang ibinigay ni Pablo sa mga matatanda sa Efeso?
◻ Papaano nagpakita si Pablo ng isang halimbawa ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos?
◻ Tungkol sa karahasan ng mga mang-uumog, ano ang pagkakahawig ng mga karanasan ni Pablo at ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
◻ Anong legal na paglalaan ang ginamit ni Pablo mismo nang siya’y nasa harap ni Gobernador Festo, at ito’y may anong kahalintulad sa modernong panahon?
◻ Sa anong gawain laging abala si Pablo sa kaniyang tuluyan sa Roma, na nagpapakita ng anong halimbawa?