EUROAQUILO
Ang napakalakas na unos na pahilagang-silangan na bumayo sa barkong sinasakyan ni Pablo noong naglalakbay siya mula sa Magagandang Daungan patungong Fenix, isang daungan sa timugang baybayin ng Creta. (Gaw 27:14) Ang hanging iyon, na kilala ng mga marinerong taga-Mediteraneo bilang ang gregale, ang pinakamalakas na hangin sa dagat na iyon at lubhang mapanganib para sa isang barko na may malalaking layag, na madaling tumaob kapag may gayong bagyo. Dahil dito, nang hindi na makayanan ng barko na panatilihing nakasalunga sa hangin ang unahan nito at palibhasa’y natakot din ang mga magdaragat na baka sumadsad ito sa mga kumunoy malapit sa hilagaang baybayin ng Aprika, “ibinaba nila ang kasangkapang panlayag at sa gayon ay nagpaanod na lamang.” (Gaw 27:15-17) Ang limang uri ng gregale na kilala ng mga meteorologo ay likha ng mga bahaging mababa ang presyon sa ibabaw ng Libya o sa Gulpo ng Gabes, na humihila sa malalakas na daloy ng hangin mula sa Gresya. Sa mga salin ng Bibliya batay sa Tinanggap na Teksto, gaya ng King James Version, ang hanging ito ay tinatawag na “Euroclydon” (mula sa euʹros [hanging timog-silangan o silangan] at klyʹdon [daluyong ng dagat]). Gayunman, ang salitang Eu·ra·kyʹlon, isinaling “Euroaquilo” (mula sa Latin na eurus [hanging silangan (o timog-silangan)] at aquilo [hanging hilaga]), ang matatagpuan sa ilan sa pinakamahuhusay na manuskrito. “Euroaquilo” ang mas mahusay na salin, yamang ipinahihiwatig nito na ang hangin ay mula sa SHS.