Ipagtanggol ang Mabuting Balita sa Harap ng Matataas na Opisyal
“ANG taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari.” (Gawa 9:15) Ganiyan ang sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa isang bagong kumberte sa Kristiyanismo, ang lalaking Judio na nakilala bilang si apostol Pablo.
Isa sa “mga hari” na iyon ay ang Romanong emperador na si Nero. Ano ang madarama mo kung kailangan mong ipagtanggol ang iyong pananampalataya sa harap ng gayong tagapamahala? Pinasisigla ang mga Kristiyano na tularan si Pablo. (1 Cor. 11:1) Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa naging karanasan ni Pablo sa mga hudisyal na sistema noong panahon niya.
Kautusang Mosaiko ang ipinatutupad noon sa lupain ng Israel, at ito ang pamantayang moral na sinusunod ng debotong mga Judio sa lahat ng lugar. Pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E., hindi na obligadong sumunod sa Kautusang Mosaiko ang mga tunay na mananamba. (Gawa 15:28, 29; Gal. 4:9-11) Pero hindi nagsalita si Pablo at ang ibang mga Kristiyano laban sa Kautusan, kaya naman malaya silang nakapagpatotoo sa maraming komunidad ng mga Judio. (1 Cor. 9:20) Ang totoo, maraming beses pumunta si Pablo sa mga sinagoga, kung saan makapagpapatotoo siya sa mga taong nakakakilala sa Diyos ni Abraham at maaaring mangatuwiran sa kanila salig sa Hebreong Kasulatan.—Gawa 9:19, 20; 13:5, 14-16; 14:1; 17:1, 2.
Pinili ng mga apostol ang Jerusalem bilang unang sentro ng gawaing pangangaral. Regular silang nagtuturo sa templo. (Gawa 1:4; 2:46; 5:20) Sa pana-panahon, naglalakbay si Pablo patungong Jerusalem, at nang maglaon, dinakip siya roon. Dito nagsimula ang isang legal na prosesong nagdala sa kaniya sa Roma.
SI PABLO AT ANG BATAS ROMANO
Ano kaya ang naging pananaw ng mga Romanong awtoridad sa ipinangangaral ni Pablo? Para masagot iyan, tingnan natin kung ano ang turing ng mga Romano sa mga relihiyon sa pangkalahatan. Hindi nila pinipilit ang iba’t ibang grupong etniko sa imperyo na talikuran ang kanilang relihiyon, maliban na lang kung banta ito sa Estado o sa moralidad.
Binigyan ng Roma ang mga Judio ng liberal na mga karapatan sa imperyo. Sinasabi ng aklat na Backgrounds of Early Christianity: “Maganda ang katayuan ng Judaismo sa imperyo ng Roma. . . . Malayang naisasagawa ng mga Judio ang kanilang relihiyon at eksemted sila sa pagsamba sa mga bathala ng estado ng Roma. Maipatutupad nila ang kanilang kautusan sa kanilang sariling mga komunidad.” Hindi rin nila kailangang maglingkod sa militar.a Ginamit ni Pablo ang proteksiyong ibinibigay ng batas Romano sa relihiyong Judio nang ipagtanggol niya ang Kristiyanismo sa harap ng mga Romanong awtoridad.
Sinikap ng mga kalaban ni Pablo na sulsulan ang mga mamamayan at mga awtoridad laban sa kaniya. (Gawa 13:50; 14:2, 19; 18:12, 13) Halimbawa, narinig ng mga Kristiyanong matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem ang isang usap-usapang kumakalat sa mga Judio. Nangangaral daw si Pablo ng “isang apostasya laban kay Moises.” Dahil sa mga usap-usapang iyon, baka isipin ng bagong-kumberteng mga Judiong Kristiyano na nilalabag ni Pablo ang mga kaayusan ng Diyos. Maaari ding ideklara ng Sanedrin na ang Kristiyanismo ay isang pag-aapostasya mula sa Judaismo. Kapag nangyari iyan, baka parusahan ang mga Judiong nakikisama sa mga Kristiyano. Puwede silang itakwil sa lipunan at pagbawalang magpatotoo sa templo o sa mga sinagoga. Kaya naman, pinayuhan si Pablo ng mga matatanda sa kongregasyon na pasinungalingan ang mga usap-usapang ito sa pamamagitan ng pagpunta sa templo at paggawa ng isang bagay na hindi hinihiling ng Diyos sa kaniya pero hindi naman masama.—Gawa 21:18-27.
Sinunod iyan ni Pablo, at nagkaroon siya ng mga pagkakataong ‘ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita.’ (Fil. 1:7) Sa templo, nagkagulo ang mga Judio at gusto nilang patayin si Pablo. Kinuha si Pablo ng Romanong kumandante ng militar. Nang inihahanda na si Pablo para hagupitin, sinabi niya na isa siyang mamamayang Romano. Dahil dito, dinala siya sa Cesarea, ang Romanong kabisera ng Judea. Doon, magkakaroon siya ng naiibang mga pagkakataon na magpatotoo nang may katapangan sa harap ng mga awtoridad. Dahil diyan, malamang na higit na naipakilala ang Kristiyanismo sa mga tao na walang gaanong alam tungkol dito.
Inilalahad ng Gawa kabanata 24 ang paglilitis kay Pablo sa harap ni Felix, ang Romanong gobernador ng Judea, na may nalalaman na tungkol sa paniniwala ng mga Kristiyano. Pinaratangan ng mga Judio si Pablo na lumabag sa batas Romano nang di-kukulangin sa tatlong paraan. Sinabi nila na nagtataguyod siya ng sedisyon sa gitna ng mga Judio sa buong imperyo; na tagapanguna siya ng isang mapanganib na sekta; at na tinangka niyang lapastanganin ang templo, na noon ay protektado ng Roma. (Gawa 24:5, 6) Ang mga paratang na iyon ay maaaring mauwi sa sentensiyang kamatayan.
Mahalagang pag-isipan ng mga Kristiyano ngayon kung paano hinarap ni Pablo ang mga paratang na iyon. Nanatili siyang kalmado at magalang. Tinukoy ni Pablo ang Kautusan at ang mga Propeta, at binanggit niya ang karapatang sumamba sa ‘Diyos ng kaniyang mga ninuno.’ Iyan ay karapatang taglay rin ng ibang mga Judio sa ilalim ng batas Romano. (Gawa 24:14) Nang maglaon, naipagtanggol at naipahayag ni Pablo ang pananampalataya niya sa harap ng sumunod na gobernador, si Porcio Festo, at pati kay Haring Herodes Agripa.
Bilang panghuli, para makakuha ng patas na pagdinig, sinabi ni Pablo: “Umaapela ako kay Cesar!”—ang pinakamakapangyarihang tagapamahala noong panahong iyon.—Gawa 25:11.
ANG PAGLILITIS KAY PABLO SA HUKUMAN NI CESAR
“Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar,” ang sabi ng isang anghel kay Pablo. (Gawa 27:24) Nang magsimulang mamahala ang Romanong emperador na si Nero, sinabi niya na hindi siya ang hahatol sa lahat ng kaso. Noong unang walong taon ng pamamahala niya, karaniwan nang ipinauubaya niya ang gawaing ito sa iba. Iniulat ng aklat na The Life and Epistles of Saint Paul na kapag tumatanggap si Nero ng kasong hahatulan, dinirinig niya ito sa kaniyang palasyo, kung saan tinutulungan siya ng isang pangkat ng mga tagapayo na makaranasan at maimpluwensiya.
Hindi sinasabi ng Bibliya kung si Nero mismo ang duminig at nagdesisyon sa kaso ni Pablo o kung nag-atas siya ng iba na hahawak sa apela ni Pablo at mag-uulat kay Nero. Anuman ang nangyari, malamang na ipinaliwanag ni Pablo na sinasamba niya ang Diyos ng mga Judio at na hinihimok niya ang lahat ng tao na magbigay ng kaukulang karangalan sa pamahalaan. (Roma 13:1-7; Tito 3:1, 2) Lumilitaw na matagumpay ang pagtatanggol ni Pablo ng mabuting balita sa harap ng matataas na opisyal dahil pinalaya siya ng hukuman ni Cesar.—Fil. 2:24; Flm. 22.
ANG ATING ATAS NA IPAGTANGGOL ANG MABUTING BALITA
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mat. 10:18) Pribilehiyo nating maging kinatawan ni Jesus sa ganitong paraan. Ang ating pagsisikap na ipagtanggol ang mabuting balita ay maaaring magbunga ng mga tagumpay sa hukuman. Siyempre pa, hindi naman lubusang ‘legal na naitatatag’ ng desisyon ng di-sakdal na mga tao ang mabuting balita. Tanging ang Kaharian ng Diyos ang magdudulot ng permanenteng ginhawa mula sa lahat ng paniniil at kawalang-katarungan.—Ecles. 8:9; Jer. 10:23.
Pero kahit sa ngayon, naluluwalhati ang pangalan ni Jehova kapag ipinagtatanggol ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya. Gaya ni Pablo, dapat tayong maging kalmado, taimtim, at nakakukumbinsi. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na hindi nila kailangang ‘magsanay nang patiuna kung paano gagawin ang kanilang pagtatanggol, sapagkat bibigyan niya sila ng bibig at karunungan, na hindi makakayang labanan o tutulan ng lahat ng mga sumasalansang sa kanila.’—Luc. 21:14, 15; 2 Tim. 3:12; 1 Ped. 3:15.
Kapag ipinagtatanggol ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa harap ng mga hari, gobernador, o iba pang mga opisyal, nakapagpapatotoo sila sa mga tao na mahirap mapaabutan ng mensahe ng Bibliya. Dahil sa ilang desisyon sa korte na pabor sa atin, may mga batas na napahusay, at sa gayon ay napoprotektahan ang kalayaan sa pagsasalita at pagsamba. Anuman ang resulta ng gayong mga kaso, nakapagpapasaya sa Diyos ang lakas ng loob na ipinakikita ng kaniyang mga lingkod sa panahon ng paglilitis.
a Ganito ang komento ng manunulat na si James Parkes: “Ang mga Judio . . . ay may karapatang mangilin ng kanilang mga kapistahan. Walang kakaiba sa pagbibigay ng mga pribilehiyong ito. Sa paggawa nito, sinusunod lang ng mga Romano ang kanilang kaugalian na magbigay ng pinakamalaking awtonomiya hangga’t maaari sa iba’t ibang bahagi ng kanilang imperyo.”