Ikawalong Kabanata
Ang Diyos na Jehova ay Nasa Kaniyang Banal na Templo
1, 2. (a) Kailan tinanggap ni propeta Isaias ang kaniyang pangitain tungkol sa templo? (b) Bakit naiwala ni Haring Uzias ang pagsang-ayon ni Jehova?
“NOONG taóng mamatay si Haring Uzias ay nakita ko naman si Jehova, na nakaupo sa isang trono na matayog at nakataas, at pinupuno ng kaniyang laylayan ang templo.” (Isaias 6:1) Sa pamamagitan ng mga salitang ito ng propeta, nagpasimula ang ika-6 na kabanata ng aklat ng Isaias. Ito’y noong taóng 778 B.C.E.
2 Sa kalakhang bahagi, ang pamamahala ni Uzias sa loob ng 52 taon bilang hari ng Juda ay isang maningning na tagumpay. Dahil sa paggawa “ng tama sa paningin ni Jehova,” tinulungan siya ng Diyos sa kaniyang mga gawaing pangmilitar, sa pagtatayo, at sa agrikultura. Subalit ang kaniyang tagumpay ang kaniya ring naging kasiraan. Sa dakong huli, ang kaniyang puso ay naging mapagmataas, “anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumaroon sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso.” Dahil sa mapangahas na pagkilos na ito at dahil sa pagkagalit niya laban sa mga saserdote na pumuna sa kaniya, si Uzias ay namatay na isang ketongin. (2 Cronica 26:3-22) Humigit-kumulang noong panahong ito nagsimula si Isaias sa kaniyang makahulang paglilingkod.
3. (a) Aktuwal bang nakita ni Isaias si Jehova? Ipaliwanag. (b) Anong tanawin ang nakita ni Isaias, at sa anong kadahilanan?
3 Hindi sinabi sa atin kung saan naroroon si Isaias nang makita niya ang pangitain. Subalit ang nakita ng kaniyang literal na mga mata ay maliwanag na isang pangitain, hindi ang aktuwal na pagkakita sa Makapangyarihan-sa-lahat, yamang “walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18; Exodo 33:20) Gayunpaman, ang pagkakita sa Maylalang, si Jehova, kahit sa pangitain man lamang ay isang kagila-gilalas na tanawin. Ang nakaupo sa isang mataas na trono, na kumakatawan sa kaniyang papel bilang ang walang-hanggang Hari at Hukom, ay ang Pansansinukob na Tagapamahala at Bukal ng lahat ng matuwid na pamahalaan! Ang laylayan ng kaniyang mahaba at maluwang na damit ang pumuno sa templo. Si Isaias ay tinatawag para sa isang makahulang paglilingkod na dadakila sa soberanong kapangyarihan at katarungan ni Jehova. Bilang paghahanda, siya’y bibigyan muna ng isang pangitain hinggil sa kabanalan ng Diyos.
4. (a) Bakit ang nakikitang paglalarawan kay Jehova sa pangitaing nakaulat sa Bibliya ay makasagisag? (b) Ano ang natutuhan hinggil kay Jehova sa pangitain ni Isaias?
4 Si Isaias ay walang ibinigay na paglalarawan sa anyo ni Jehova sa kaniyang pangitain—di-tulad ng ginawa sa mga pangitaing iniulat nina Ezekiel, Daniel, at Juan. At ang mga ulat na iyon ay nagkakaiba-iba hinggil sa kung ano ang nakita sa langit. (Ezekiel 1:26-28; Daniel 7:9, 10; Apocalipsis 4:2, 3) Gayunman, dapat taglayin sa isipan ang uri at layunin ng mga pangitaing ito. Ang mga ito ay hindi literal na paglalarawan sa presensiya ni Jehova. Ang literal na mata ay hindi makakakita ng espirituwal na mga bagay, ni kayang malirip ng may limitasyong isip ng tao ang dako ng mga espiritu. Kaya, ang impormasyon na inihaharap ng mga pangitain ay itinatawid sa paraang maiintindihan ng tao. (Ihambing ang Apocalipsis 1:1.) Sa pangitain ni Isaias, ang isang paglalarawan sa anyo ng Diyos ay hindi na kailangan. Ipinababatid ng pangitain kay Isaias na si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo at na siya ay banal at ang kaniyang mga kahatulan ay dalisay.
Ang mga Serapin
5. (a) Sino ang mga serapin, at ano ang kahulugan ng terminong ito? (b) Bakit ikinukubli ng mga serapin ang kanilang mga mukha at mga paa?
5 Pakinggan! Si Isaias ay nagpapatuloy: “May mga serapin na nakatayo sa itaas niya. Bawat isa ay may anim na pakpak. Ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mukha, at ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad.” (Isaias 6:2) Ang Isaias kabanata 6 ang tanging dako sa Bibliya na doo’y matatagpuan natin ang pagbanggit sa mga serapin. Maliwanag, sila’y mga nilalang na anghel na naglilingkod kay Jehova taglay ang napakataas na mga pribilehiyo at karangalan, palibhasa’y nasa palibot ng makalangit na trono ni Jehova. Di-tulad ng mapagmataas na si Haring Uzias, sila’y nanunungkulan taglay ang lubos na pagpapakumbaba at kahinhinan. Dahil sa sila’y nasa presensiya ng makalangit na Soberano, tinatakpan nila ang kanilang mga mukha ng isang pares ng mga pakpak; at taglay ang pagpipitagan sa dakong banal, tinatakpan nila ang kanilang mga paa ng isa pang pares ng mga pakpak. Palibhasa’y malapit sila sa Pansansinukob na Soberano, lalong higit na pinababa ng mga serapin ang kanilang sarili upang huwag makuha ang kaluwalhatiang nauukol lamang sa Diyos. Ang terminong “mga serapin,” na nangangahulugang “mga nag-aapoy” o “mga nagliliyab,” ay nagpapahiwatig na sila’y nagpapasinag ng kaningningan, ngunit ikinukubli nila ang kanilang mukha mula sa nakahihigit na kaningningan at kaluwalhatian ni Jehova.
6. Ano ang posisyon ng mga serapin may kaugnayan kay Jehova?
6 Ginagamit ng mga serapin ang ikatlong pares ng mga pakpak sa paglipad at, walang pagsalang upang manatiling lumilipad-lipad, o ‘nakatayo,’ sa kanilang mga puwesto. (Ihambing ang Deuteronomio 31:15.) Hinggil sa kanilang posisyon, si Propesor Franz Delitzsch ay nagkomento: “Tunay na ang serapin ay wala sa itaas ng ulo Niya na nakaupo sa trono, kundi sila ay lumilipad-lipad sa ibabaw ng Kaniyang mahabang pananamit na pumupuno sa bulwagan.” (Commentary on the Old Testament) Ito’y waring makatuwiran. Sila ay “nakatayo sa itaas,” hindi bilang nakatataas kay Jehova, kundi bilang nagsisilbi sa kaniya, masunurin at handang maglingkod.
7. (a) Anong atas ang ginagampanan ng mga serapin? (b) Bakit tatlong ulit na ipinahayag ng mga serapin ang kabanalan ng Diyos?
7 Pakinggan ngayon ang mga serapin na ito na may pantanging katayuan! “Ang isang ito ay tumawag sa isang iyon at nagsabi: ‘Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang kabuuan ng buong lupa ay kaniyang kaluwalhatian.’” (Isaias 6:3) Ang kanilang atas ay upang tiyakin na ang kabanalan ni Jehova ay naihahayag at ang kaniyang kaluwalhatian ay kinikilala sa buong sansinukob, kalakip na sa lupa. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nakikita sa lahat ng nilalang niya at ito’y malapit nang maunawaan ng lahat ng naninirahan sa lupa. (Bilang 14:21; Awit 19:1-3; Habakuk 2:14) Ang tatluhang-bahaging kapahayagan, “banal, banal, banal,” ay hindi patotoo ng isang Trinidad. Sa halip, ito’y tatlong ulit na pagdiriin sa kabanalan ng Diyos. (Ihambing ang Apocalipsis 4:8.) Si Jehova ay banal sa pinakasukdulang antas.
8. Ano ang naging resulta ng mga kapahayagan ng mga serapin?
8 Bagaman hindi binanggit ang bilang ng mga serapin, maaaring may mga grupo ng serapin na nakapuwesto malapit sa trono. Sa isang magandang awit, kanilang isa-isang inuulit ang kapahayagan ng kabanalan at kaluwalhatian ng Diyos. Anong resulta ang ating mapapansin? Muling pakinggan habang nagpapatuloy si Isaias: “Ang mga paikutan ng mga pintuan ay nagsimulang manginig dahil sa tinig niyaong tumatawag, at ang bahay ay unti-unting napuno ng usok.” (Isaias 6:4) Sa Bibliya, ang usok o isang ulap ay kadalasang nagsisilbing nakikitang patotoo ng presensiya ng Diyos. (Exodo 19:18; 40:34, 35; 1 Hari 8:10, 11; Apocalipsis 15:5-8) Ito’y nagbabadya ng kaluwalhatian na hindi maaaring lapitan ng mga taong nilalang tulad natin.
Hindi Karapat-dapat, Subalit Nilinis
9. (a) Ano ang naging epekto ng pangitain kay Isaias? (b) Ano ang maliwanag na pagkakaiba ni Isaias kay Haring Uzias?
9 Ang pangitaing ito ng trono ni Jehova ay may matinding epekto kay Isaias. Kaniyang iniulat: “Sinabi ko: ‘Sa aba ko! Sapagkat para na rin akong pinatahimik, dahil ako ay lalaking may maruruming labi, at sa gitna ng isang bayan na may maruruming labi ay tumatahan ako; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!’” (Isaias 6:5) Kay laking pagkakaiba ni Isaias kay Haring Uzias! Inagaw ni Uzias ang posisyon ng pinahirang pagkasaserdote at may kalapastanganang pinasok ang Banal na silid ng templo. Bagaman nakita ni Uzias ang mga gintong kandelero, ang gintong altar ng insenso, at ang mga mesa ng “tinapay ng Presensiya,” hindi niya nakita ang mukha ng pagsang-ayon ni Jehova o tumanggap ng anumang pantanging atas mula sa kaniya. (1 Hari 7:48-50; talababa sa Ingles) Sa kabaligtaran nito, hindi winalang-bahala ni propeta Isaias ang pagkasaserdote o pinanghimasukan man niya ang templo. Gayunman, nakita niya ang isang pangitain ni Jehova sa kaniyang banal na templo at siya’y binigyan ng karangalan sa pamamagitan ng isang tuwirang atas mula sa Diyos. Bagaman ang mga serapin ay hindi nangangahas na tumingin sa nakaluklok na Panginoon ng templo, si Isaias ay pinahintulutan, sa pangitain, na tumingin sa “Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!”
10. Bakit natakot si Isaias nang makita ang pangitain?
10 Dahil sa nakita ni Isaias ang lubhang malaking pagkakaiba ng kabanalan ng Diyos at ng kaniyang sariling pagkamakasalanan, higit niyang nadama na siya’y lubhang marumi. Lipos ng takot, inisip niyang siya’y mamamatay. (Exodo 33:20) Naririnig niyang pinupuri ng mga serapin ang Diyos taglay ang malilinis na labi, datapuwat ang kaniyang sariling mga labi ay marumi at lalo pang nadungisan ng karumihan ng labi ng mga taong tumatahang kasama niya na ang mga salita’y kaniyang naririnig. Si Jehova ay banal, at ang kaniyang mga lingkod ay dapat na magpakita ng gayon ding katangian. (1 Pedro 1:15, 16) Bagaman pinili na si Isaias bilang tagapagsalita ng Diyos, lubha niyang nababatid ang kaniyang kalagayan bilang makasalanan at ang kakulangan ng malilinis na labi na karapat-dapat sa isang tagapagsalita ng maluwalhati at banal na Hari. Ano ang magiging katugunan ng langit?
11. (a) Ano ang ginawa ng isa sa mga serapin, at ano ang isinasagisag ng hakbanging ito? (b) Paanong ang pagbubulay-bulay sa sinabi ng serapin kay Isaias ay makatutulong sa atin kapag ating nadarama na hindi tayo karapat-dapat bilang mga lingkod ng Diyos?
11 Sa halip na itaboy ang abang si Isaias mula sa harapan ng presensiya ni Jehova, kumilos ang mga serapin upang siya’y tulungan. Ang ulat ay nagsasabi: “Sa gayon, ang isa sa mga serapin ay lumipad patungo sa akin, at sa kaniyang kamay ay may nagbabagang uling na kinuha niya sa altar sa pamamagitan ng mga sipit. At sinaling niya ang aking bibig at sinabi: ‘Narito! Sinaling nito ang iyong mga labi, at ang iyong kamalian ay naalis at ang iyong kasalanan ay naipagbayad-sala.’” (Isaias 6:6, 7) Sa isang makasagisag na diwa, ang apoy ay may kapangyarihang dumalisay. Nang ang nagbabagang uling mula sa banal na apoy ng altar ay idampi sa mga labi ni Isaias, tiniyak ng serapin kay Isaias na ang kaniyang mga kasalanan ay naipagbayad-sala na sa sapat na antas na kailangan upang marapat niyang kamtin ang pagsang-ayon at atas ng Diyos. Tunay ngang isang malaking katiyakan ito para sa atin! Tayo ay makasalanan din at hindi karapat-dapat lumapit sa Diyos. Subalit tayo’y tinubos na sa bisa ng haing pantubos ni Jesus at sa gayo’y makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos at makalalapit sa kaniya sa panalangin.—2 Corinto 5:18, 21; 1 Juan 4:10.
12. Anong altar ang nakita ni Isaias, at ano ang naging epekto ng apoy?
12 Ang pagbanggit sa “altar” ay muling nagpapaalaala sa atin na ito’y isang pangitain. (Ihambing ang Apocalipsis 8:3; 9:13.) May dalawang altar sa templo sa Jerusalem. Sa harapan ng kurtina ng Kabanal-banalan ay ang maliit na altar ng insenso, at sa harapan ng pasukan ng santuwaryo ay ang malaking altar ng hain, kung saan ang apoy ay pinananatiling laging nagniningas. (Levitico 6:12, 13; 16:12, 13) Subalit ang makalupang mga altar na ito ay makasagisag, kumakatawan sa lalong dakilang mga bagay. (Hebreo 8:5; 9:23; 10:5-10) Apoy mula sa langit ang umubos sa handog na susunugin sa altar nang pasinayaan ni Haring Solomon ang templo. (2 Cronica 7:1-3) At ngayon ito’y apoy mula sa tunay at makalangit na altar na siyang nag-alis ng karumihan sa mga labi ni Isaias.
13. Anong katanungan ang ibinangon ni Jehova, at sino ang isinasama niya sa pagsasabi ng “amin”?
13 Tayo’y makinig kasama ni Isaias. “Narinig ko ang tinig ni Jehova na nagsasabi: ‘Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?’ At sinabi ko: ‘Narito ako! Isugo mo ako.’” (Isaias 6:8) Ang tanong na iniharap ni Jehova ay maliwanag na nilayon upang makuha ang tugon ni Isaias, yamang walang ibang propetang tao ang naroroon sa pangitain. Hindi mapag-aalinlanganan na ito’y isang paanyaya kay Isaias na maging mensahero ni Jehova. Subalit bakit nagtanong si Jehova, “Sino ang yayaon para sa amin?” Sa pamamagitan ng paglipat mula sa isahang personal na panghalip na “ko” tungo sa pangmaramihang panghalip na “amin,” ngayo’y isinasama ni Jehova ang isa pang persona. Sino? Hindi kaya ito ang kaniyang bugtong na Anak, na sa dakong huli ay naging ang taong si Jesu-Kristo? Sa katunayan, sa Anak ding ito sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Genesis 1:26; Kawikaan 8:30, 31) Oo, kapiling ni Jehova sa makalangit na korte ang kaniyang bugtong na Anak.—Juan 1:14.
14. Paano tumugon si Isaias sa paanyaya ni Jehova, at anong halimbawa ang iniiwan niya sa atin?
14 Hindi nag-atubiling tumugon si Isaias! Anuman ang maging mensahe, karaka-raka siyang tumugon: “Narito ako! Isugo mo ako.” Ni hindi siya nagtanong kung ano ang mapapakinabangan niya sa pagtanggap ng atas. Ang may pagkukusa niyang espiritu ay isang mainam na halimbawa para sa lahat ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon, na may atas na ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian sa buong tinatahanang lupa.’ (Mateo 24:14) Tulad ni Isaias, sila’y may katapatang nananatili sa kanilang atas at nagbibigay ng “patotoo sa lahat ng mga bansa,” sa kabila ng di-pagtugon ng karamihan. At sila’y humahayong may pagtitiwala, tulad ni Isaias, sa pagkaalam na ang kanilang atas ay nagmumula sa pinakamataas na awtoridad.
Ang Atas ni Isaias
15, 16. (a) Ano ang sasabihin ni Isaias sa “bayang ito,” at ano ang magiging tugon nila? (b) Ang reaksiyon ba ng bayan ay dahil sa anumang pagkukulang sa bahagi ni Isaias? Ipaliwanag.
15 Ngayo’y binabalangkas ni Jehova kung ano ang sasabihin ni Isaias at kung ano ang magiging pagtugon dito: “Yumaon ka, at sabihin mo sa bayang ito, ‘Dinggin ninyo nang paulit-ulit, gayunma’y hindi ninyo mauunawaan; at tingnan ninyo nang paulit-ulit, gayunma’y hindi ninyo malalaman.’ Gawin mong manhid ang puso ng bayang ito, at gawin mong bingi ang kanila mismong mga tainga, at pagdikitin mo ang kanila mismong mga mata, upang hindi nila makita ng kanilang mga mata at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay hindi nila marinig, at upang ang kanilang puso ay hindi makaunawa at upang hindi nga sila manumbalik at magtamo ng kagalingan para sa kanilang sarili.” (Isaias 6:9, 10) Ito ba’y nangangahulugan na si Isaias ay magiging tahasan at di-mataktika at iinisin ang mga Judio, anupat sila’y patuloy na mananatiling kasalungat ni Jehova? Tunay na hindi! Ang mga ito’y sariling kababayan ni Isaias na itinuturing niyang mga kamag-anak. Subalit ipinahihiwatig ng mga salita ni Jehova kung ano ang magiging tugon ng bayan sa kaniyang mensahe, gaano mang katapat ang pagganap ni Isaias sa kaniyang atas.
16 Nasa bayan ang pagkukulang. Si Isaias ay magsasalita sa kanila nang “paulit-ulit,” subalit hindi nila tatanggapin ang mensahe o tatamuhin ang kaunawaan. Ang karamihan ay magiging matigas ang ulo at hindi makikinig, na para bang sila’y ganap na mga bulag at mga bingi. Sa paulit-ulit na pagpunta sa kanila, hahayaan ni Isaias na ipakita ng “bayang ito” na talagang hindi nila nais makaunawa. Patutunayan nila na kanilang sinasarhan ang kanilang isip at puso sa mensahe ni Isaias—ang mensahe ng Diyos—sa kanila. Totoong-totoo rin ito sa mga tao sa ngayon! Napakarami sa kanila ang tumatangging makinig sa mga Saksi ni Jehova habang ang mga ito’y nangangaral ng mabuting balita hinggil sa dumarating na Kaharian ng Diyos.
17. Nang itanong ni Isaias, “Hanggang kailan?” ano ang tinutukoy niya?
17 Si Isaias ay nababahala: “Dahil dito ay sinabi ko: ‘Hanggang kailan, O Jehova?’ At sinabi niya: ‘Hanggang sa ang mga lunsod ay gumuho nga, na walang isa mang tumatahan, at ang mga bahay ay mawalan ng makalupang tao, at ang lupa ay masira tungo sa pagkatiwangwang; at lubusan ngang ilayo ni Jehova ang mga makalupang tao, at ang pagkatiwangwang ay maging napakalubha sa gitna ng lupain.’” (Isaias 6:11, 12) Sa pagtatanong, “Hanggang kailan?” hindi itinatanong ni Isaias kung hanggang kailan siya magpapatuloy sa pangangaral sa mga taong hindi tumutugon. Bagkus, siya’y nababahala hinggil sa mga tao at nagtatanong kung hanggang kailan magpapatuloy ang kanilang masamang espirituwal na kalagayan at hanggang kailan sisiraang-puri ang pangalan ni Jehova sa lupa. (Tingnan ang Awit 74:9-11.) Kung gayon, hanggang kailan kaya magpapatuloy ang walang-kabuluhang kalagayang ito?
18. Hanggang kailan magpapatuloy ang masamang espirituwal na kalagayan ng bayan, at mananatili bang buháy si Isaias upang masaksihan ang ganap na katuparan ng hula?
18 Nakalulungkot naman, ang sagot ni Jehova ay nagpapakita na ang masamang espirituwal na kalagayan ng bayan ay magpapatuloy hanggang sa lubusang maganap ang magiging kahihinatnan ng pagsuway sa Diyos, gaya ng binalangkas sa kaniyang tipan. (Levitico 26:21-33; Deuteronomio 28:49-68) Ang bansa ay magigiba, ang bayan ay itatapon, at ang lupain ay magiging tiwangwang. Hindi na mananatiling buháy si Isaias upang masaksihan ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito sa pamamagitan ng hukbo ng Babilonya pagsapit ng 607 B.C.E., bagaman siya’y manghuhula nang mahigit sa 40 taon, tuluy-tuloy hanggang sa paghahari ni Hezekias na kaapu-apuhan ni Haring Uzias. Gayunpaman, si Isaias ay mananatiling tapat sa kaniyang atas hanggang sa kaniyang kamatayan, mahigit sa 100 taon bago naganap ang pambansang kapahamakang iyon.
19. Bagaman ang bansa ay puputulin tulad ng isang punungkahoy, anong katiyakan ang ibinigay ng Diyos kay Isaias?
19 Ang pagkawasak na magpapangyari sa Juda na “masira tungo sa pagkatiwangwang” ay tiyak na darating, subalit ang kalagayan ay hindi naman ganap na wala nang pag-asa. (2 Hari 25:1-26) Tinitiyak ni Jehova kay Isaias: “Mananatili pa roon ang isang ikasampu, at iyon ay muling magiging isang bagay na susunugin, tulad ng isang malaking punungkahoy at tulad ng isang dambuhalang punungkahoy na kapag pinutol ang mga iyon ay naroon ang isang tuod; isang binhing banal ang magiging tuod niyaon.” (Isaias 6:13) Oo, “isang ikasampu, . . . isang binhing banal,” ang matitira, tulad ng isang tuod ng isang pinutol na dambuhalang punungkahoy. Walang pagsalang ang katiyakang ito ay nakaaliw kay Isaias—isang banal na nalabi ang masusumpungan sa gitna ng kaniyang bayan. Bagaman ang bansa ay nakararanas ng paulit-ulit na pagkasunog, tulad ng isang malaking punungkahoy na pinutol upang maging panggatong, isang mahalagang tuod ng makasagisag na punungkahoy ng Israel ang mananatili. Ito’y magiging isang binhi, o supling, na banal kay Jehova. Sa takdang panahon, ito’y muling sisibol, at ang punungkahoy ay muling tutubo.—Ihambing ang Job 14:7-9; Daniel 4:26.
20. Paano unang natupad ang huling bahagi ng hula ni Isaias?
20 Nagkatotoo ba ang mga salita ng hula? Oo. Pitumpung taon matapos na matiwangwang ang lupain ng Juda, isang may-takot-sa-Diyos na nalabi ang nagbalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. Kanilang itinayong muli ang templo at ang lunsod, at kanilang ibinalik ang tunay na pagsamba sa lupain. Ang pagbabalik-muling ito ng mga Judio sa kanilang bigay-Diyos na lupang tinubuan ay nagpangyaring magkaroon ng ikalawang katuparan ang hulang ito na ibinigay ni Jehova kay Isaias. Magiging ano kaya iyon?—Ezra 1:1-4.
Iba Pang mga Katuparan
21-23. (a) Kanino natupad noong unang siglo ang hula ni Isaias, at paano? (b) Sino ang naging “binhing banal” noong unang siglo, at paano ito naingatan?
21 Ang makahulang gawain ni Isaias ay lumalarawan sa gawaing isasakatuparan ng Mesiyas, si Jesu-Kristo, makalipas ang mga 800 taon. (Isaias 8:18; 61:1, 2; Lucas 4:16-21; Hebreo 2:13, 14) Bagaman lalong dakila kaysa kay Isaias, si Jesus man ay handa rin na siya’y suguin ng kaniyang makalangit na Ama, sa pagsasabing: “Narito! Ako ay pumarito upang gawin ang iyong kalooban.”—Hebreo 10:5-9; Awit 40:6-8.
22 Tulad ni Isaias, may katapatang isinagawa ni Jesus ang kaniyang atas na gawain at nakaranas ng gayunding reaksiyon. Ayaw tanggapin ng mga Judio ang mensahe noong kaarawan ni Jesus kagaya rin niyaong mga pinangaralan ni propeta Isaias. (Isaias 1:4) Ang paggamit ng mga ilustrasyon ay isang bahagi ng ministeryo ni Jesus. Ito ang nag-udyok sa kaniyang mga alagad na magtanong: “Bakit ka nga ba nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon?” Sumagot si Jesus: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng langit, ngunit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob. Ito ang dahilan kung bakit ako nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon, sapagkat, sa pagtingin, sila ay tumitingin nang walang kabuluhan, at sa pakikinig, sila ay nakikinig nang walang kabuluhan, ni nakukuha man nila ang diwa nito; at sa kanila ay nagkakaroon ng katuparan ang hula ni Isaias, na nagsasabi, ‘Sa pakikinig, maririnig ninyo ngunit sa anumang paraan ay hindi makukuha ang diwa nito; at, sa pagtingin, titingin kayo ngunit sa anumang paraan ay hindi makikita. Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay narinig nila nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ang diwa nito ng kanilang mga puso at manumbalik, at mapagaling ko sila.’”—Mateo 13:10, 11, 13-15; Marcos 4:10-12; Lucas 8:9, 10.
23 Sa pagsipi mula sa Isaias, ipinakikita ni Jesus na ang hula ay may katuparan sa kaniyang kaarawan. Ang mga tao sa kabuuan ay may saloobing kagaya ng sa mga Judio noong kaarawan ni Isaias. Ginawa nilang bulag at bingi ang kanilang sarili sa kaniyang mensahe at sila man ay napahamak. (Mateo 23:35-38; 24:1, 2) Ito’y naganap nang lusubin ng hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito ang Jerusalem noong 70 C.E. at wasakin ang lunsod at ang templo nito. Subalit, ang ilan ay nakinig kay Jesus at naging kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay tinawag ni Jesus na “maligaya.” (Mateo 13:16-23, 51) Ipinagbigay-alam niya sa kanila na kapag nakita nila “ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo,” dapat silang “magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” (Lucas 21:20-22) Sa gayon ang “binhing banal” na nanampalataya at nabuo bilang isang espirituwal na bansa, “ang Israel ng Diyos,” ay naligtas.a—Galacia 6:16.
24. Anong pagkakapit ang ginawa ni Pablo sa hula ni Isaias, at ano ang ipinahihiwatig nito?
24 Humigit-kumulang noong 60 C.E., si apostol Pablo ay nabilanggo sa isang bahay sa Roma. Doo’y isinaayos niya ang isang pulong sa “mga pangunahing lalaki ng mga Judio” at sa mga iba pa at nagbigay sa kanila “ng lubusang pagpapatotoo may kinalaman sa kaharian ng Diyos.” Nang ayaw tanggapin ng marami ang kaniyang mensahe, ipinaliwanag ni Pablo na ito’y katuparan ng hula ni Isaias. (Gawa 28:17-27; Isaias 6:9, 10) Kaya ginampanan ng mga alagad ni Jesus ang isang atas na katulad din ng kay Isaias.
25. Ano ang natalos ng makabagong-panahong mga Saksi ng Diyos, at paano sila tumutugon?
25 Kahawig din nito, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nakatatalos na ang Diyos na Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. (Malakias 3:1) Tulad ni Isaias, sila’y nagsasabi: “Narito ako! Isugo mo ako.” May kasigasigan, kanilang pinaaalingawngaw ang babalang mensahe hinggil sa nalalapit na wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Subalit, gaya ng ipinahiwatig ni Jesus, iilan lamang tao ang nagbubukas ng kanilang mga mata at mga tainga upang makakita at makarinig at sa gayo’y maligtas. (Mateo 7:13, 14) Tunay ngang maligaya yaong mga nagkikiling ng kanilang mga puso upang makinig at “magtamo ng kagalingan para sa kanilang sarili”!—Isaias 6:8, 10.
[Talababa]
a Noong 66 C.E., dahilan sa paghihimagsik ng mga Judio, pinalibutan ng hukbong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus ang Jerusalem at nakapasok sa lunsod hanggang sa mga pader ng templo. Pagkatapos sila’y umatras, anupat ang mga alagad ni Jesus ay nagkaroon ng pagkakataong tumakas sa mga bundok ng Perea bago bumalik ang mga Romano noong 70 C.E.
[Larawan sa pahina 94]
“Narito ako! Isugo mo ako.”
[Larawan sa pahina 97]
‘Hanggang sa ang mga lunsod ay gumuho, na walang isa mang tumatahan’