MANGANGARAL, PANGANGARAL
Ang pinakamahusay na paraan upang malaman ang konsepto ng Bibliya hinggil sa “pangangaral” ay sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng orihinal na mga terminong Hebreo at Griego. Ang Griegong ke·rysʹso, na karaniwang isinasalin bilang “mangaral,” ay pangunahin nang nangangahulugang ‘gumawa ng paghahayag bilang isang tagapagbalita, maging isang tagapagbalita, manungkulan bilang tagapagbalita, ipahayag (bilang manlulupig).’ Ang kaugnay nitong pangngalan ay ang keʹryx, na nangangahulugang ‘tagapagbalita, pangmadlang mensahero, sugo, tagapag-anunsiyo (ang gumagawa ng mga paghahayag at nagpapanatili ng kaayusan sa mga kapulungan, atbp.).’ Ang isa pang pangngalan na kaugnay nito ay ang keʹryg·ma, na nangangahulugan namang ‘yaong isinisigaw ng isang tagapagbalita, kapahayagan, patalastas (ng tagumpay sa mga palaro), utos, panawagan.’ (A Greek-English Lexicon, nina H. Liddell at R. Scott, nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 949) Samakatuwid, ang ke·rysʹso ay hindi nagtatawid ng ideya ng pagbigkas ng isang sermon sa isang eksklusibong grupo ng mga alagad kundi, sa halip, ng isang lantaran at pangmadlang paghahayag. Ipinakikita iyan ng paggamit sa salitang ito upang ilarawan ang “malakas na anghel na naghahayag [ke·rysʹson·ta] sa malakas na tinig: ‘Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magkalag ng mga tatak nito?’”—Apo 5:2; ihambing din ang Mat 10:27.
Ang salitang eu·ag·ge·liʹzo·mai ay nangangahulugang “magpahayag ng mabuting balita.” (Mat 11:5) Ang kaugnay na mga salita ay di·ag·gelʹlo, “magpahayag nang malawakan; magbigay-alam” (Luc 9:60; Gaw 21:26; Ro 9:17) at ka·tag·gelʹlo, “magpahayag; ipakipag-usap; maghayag.” (Gaw 13:5; Ro 1:8; 1Co 11:26; Col 1:28) Ang pangunahing pagkakaiba ng ke·rysʹso at ng eu·ag·ge·liʹzo·mai ay na idiniriin ng ke·rysʹso ang paraan ng paghahayag, na ito ay isang pangmadla at awtorisadong kapahayagan, at idiniriin naman ng eu·ag·ge·liʹzo·mai ang nilalaman niyaon, ang paghahayag o pagdadala ng eu·ag·geʹli·on, ang mabuting balita o ebanghelyo.
Sa paanuman, ang ke·rysʹso ay katumbas ng Hebreong ba·sarʹ, na nangangahulugang “maghatid ng balita; magpatalastas; gumanap bilang isang tagapaghatid ng balita.” (1Sa 4:17; 2Sa 1:20; 1Cr 16:23) Gayunman, ang ba·sarʹ ay hindi nagpapahiwatig ng opisyal na katungkulan sa antas na gaya ng sa ke·rysʹso.
Ang Pangangaral sa Hebreong Kasulatan. Si Noe ang unang taong tinukoy bilang “isang mangangaral” (2Pe 2:5), bagaman maaaring sa pamamagitan ng pangangaral ipinabatid ang mas naunang panghuhula ni Enoc. (Jud 14, 15) Bago ang Baha, maliwanag na ang pangangaral ni Noe ng katuwiran ay may kalakip na panawagan ukol sa pagsisisi at babala hinggil sa dumarating na pagkapuksa, gaya ng pinatutunayan ng pagtukoy ni Jesus sa ‘hindi pagbibigay-pansin’ ng mga tao noon. (Mat 24:38, 39) Samakatuwid, sa kalakhang bahagi, ang pangmadlang paghahayag ni Noe, na awtorisado ng Diyos, ay hindi isang pagdadala ng mabuting balita.
Pagkaraan ng Baha, maraming lalaki, gaya ni Abraham, ang naglingkod bilang mga propeta, anupat bumigkas ng mga pagsisiwalat ng Diyos. (Aw 105:9, 13-15) Gayunman, bago mamirmihan ang Israel sa Lupang Pangako, waring hindi hayagang isinasagawa ang regular na pangangaral o pangangaral bilang isang bokasyon. Ang sinaunang mga patriyarka ay hindi tinagubilinang gumanap bilang mga tagapagbalita. Subalit noong panahon ng pamamahala ng mga hari sa Israel, ang mga propeta ay gumanap bilang mga pangmadlang tagapagsalita na naghahayag ng mga batas, mga kahatulan, at mga panawagan ng Diyos sa pampublikong mga lugar. (Isa 58:1; Jer 26:2) Ang kapahayagan ni Jonas sa Nineve ay tugmang-tugma sa ideyang itinatawid ng keʹryg·ma, at gayon nga ang pagkakalarawan dito. (Ihambing ang Jon 3:1-4; Mat 12:41.) Gayunman, karaniwan nang mas malawak ang ministeryo ng mga propeta kaysa sa ministeryo ng isang tagapagbalita o mangangaral, at sa ilang kaso ay gumagamit sila ng ibang tao upang gumanap bilang mga tagapagsalita nila. (2Ha 5:10; 9:1-3; Jer 36:4-6) Ang ilan sa kanilang mga mensahe at mga pangitain ay isinulat sa halip na ipinahayag nang bibigan (Jer 29:1, 30, 31; 30:1, 2; Dan kab 7-12); marami ang inihayag nang sarilinan sa kinauukulan, at gumamit din ang mga propeta ng makasagisag na mga pagkilos upang magtawid ng mga ideya.—Tingnan ang HULA; PROPETA.
Mga payo, babala, at kahatulan ang ipinapahayag noon, pati mabuting balita—ng mga tagumpay, mga pagliligtas, at mga pagpapala—at mga papuri sa Diyos na Jehova. (1Cr 16:23; Isa 41:27; 52:7; ang Hebreong ba·sarʹ ang ginamit sa mga tekstong ito.) May mga pagkakataong isinisigaw o inaawit ng mga babae ang mga balita tungkol sa mga pagbabakang napanalunan o sa kaginhawahang darating.—Aw 68:11; Isa 40:9; ihambing ang 1Sa 18:6, 7.
Tinutukoy rin ng Hebreong Kasulatan ang gawaing pangangaral na isasagawa ni Kristo Jesus at ng kongregasyong Kristiyano. Sinipi ni Jesus ang hula ng Isaias 61:1, 2 hinggil sa kaniyang atas na mula sa Diyos at sa kaniyang awtorisasyong mangaral. (Luc 4:16-21) Bilang katuparan ng Awit 40:9 (anupat ang naunang mga talata ay ikinapit ng apostol na si Pablo kay Jesus sa Heb 10:5-10), “inihayag [ni Jesus] ang mabuting balita [isang anyo ng ba·sarʹ] ng katuwiran sa malaking kongregasyon.” Sinipi ng apostol na si Pablo ang Isaias 52:7 (may kinalaman sa mensaherong nagdadala ng balita tungkol sa paglaya ng Sion mula sa pagkabihag) at iniugnay niya ito sa pangmadlang gawaing pangangaral ng mga Kristiyano.—Ro 10:11-15.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bagaman si Juan na Tagapagbautismo ay pangunahin nang naging aktibo sa ilang na mga rehiyon, ginawa niya ang gawain ng isang mangangaral o pangmadlang mensahero, anupat ibinalita niya sa mga Judiong pumaroon sa kaniya ang pagdating ng Mesiyas at ng Kaharian ng Diyos at kasabay nito’y nanawagan siya sa kanila na magsisi. (Mat 3:1-3, 11, 12; Mar 1:1-4; Luc 3:7-9) Naglingkod din si Juan bilang isang propeta, guro (na may mga alagad), at ebanghelisador. (Luc 1:76, 77; 3:18; 11:1; Ju 1:35) Siya ay isang “kinatawan ng Diyos” at Kaniyang saksi.—Ju 1:6, 7.
Hindi nanatili si Jesus sa ilang na rehiyon ng Judea pagkatapos ng kaniyang 40-araw na pag-aayuno roon, ni ibinukod man niya ang kaniyang sarili gaya ng mga monghe. Natanto niya na kasangkot sa kaniyang atas mula sa Diyos ang gawaing pangangaral, at isinagawa niya ito nang hayagan, sa mga lunsod at mga nayon, sa lugar ng templo, mga sinagoga, mga pamilihan at mga lansangan, pati sa mga karatig na lupain. (Mar 1:39; 6:56; Luc 8:1; 13:26; Ju 18:20) Tulad ni Juan, hindi lamang siya basta nangaral. Higit niyang binigyang-pansin ang kaniyang pagtuturo kaysa sa kaniyang pangangaral. Ang pagtuturo (di·daʹsko) ay naiiba sa pangangaral dahil ang isang guro ay hindi lamang basta naghahayag; siya’y nagbibigay ng instruksiyon, nagpapaliwanag, naghaharap ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pangangatuwiran, at naglalaan ng mga katibayan. Kaya naman, kapuwa bago at pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, ang gawain ng kaniyang mga alagad ay kombinasyon ng pangangaral at pagtuturo.—Mat 4:23; 11:1; 28:18-20.
Ganito ang tema ng pangangaral ni Jesus: ‘Magsisi, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ (Mat 4:17) Tulad ng isang opisyal na tagapagbalita, ipinagbigay-alam niya sa kaniyang mga tagapakinig ang gawain ng kaniyang Soberanong Diyos, at ang isang panahon ng oportunidad at pagpapasiya. (Mar 1:14, 15) Gaya ng inihula ni Isaias, hindi lamang siya nagdala ng mabuting balita at kaaliwan sa maaamo, sa mga may pusong wasak, at mga nagdadalamhati, at naghayag ng paglaya sa mga bihag, kundi ipinahayag din niya ang “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isa 61:2) Buong-tapang niyang ipinatalastas ang mga layunin, mga batas, mga paghirang, at mga kahatulan ng Diyos sa harap ng mga tagapamahala at ng bayan.
Pagkamatay ni Jesus. Pagkamatay ni Jesus, at partikular na mula noong Pentecostes ng 33 C.E., ipinagpatuloy ng kaniyang mga alagad ang gawaing pangangaral, una ay sa mga Judio at nang bandang huli ay sa lahat ng mga bansa. Yamang sila’y pinahiran ng banal na espiritu, natanto nila na sila’y mga awtorisadong tagapagbalita at paulit-ulit nila itong ipinaalam sa kanilang mga tagapakinig (Gaw 2:14-18; 10:40-42; 13:47; 14:3; ihambing ang Ro 10:15), kung paanong idiniin ni Jesus na siya’y ‘isinugo ng Diyos’ (Luc 9:48; Ju 5:36, 37; 6:38; 8:18, 26, 42), na Siyang nagbigay sa kaniya ng “utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Ju 12:49) Kaya naman nang utusan silang ihinto ang kanilang pangangaral, ganito ang tugon ng mga alagad: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gaw 4:19, 20; 5:29, 32, 42) Ang gawaing pangangaral na ito ay mahalagang bahagi ng kanilang pagsamba, isang paraan ng pagpuri sa Diyos at isang kahilingan sa pagtatamo ng kaligtasan. (Ro 10:9, 10; 1Co 9:16; Heb 13:15; ihambing ang Luc 12:8.) Kaya naman kailangang makibahagi rito ang lahat ng alagad, mga lalaki at mga babae, hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat 28:18-20; Luc 24:46-49; Gaw 2:17; ihambing ang Gaw 18:26; 21:9; Ro 16:3.
Ang unang mga Kristiyanong mangangaral na ito ay hindi mga taong mataas ang pinag-aralan kung ibabatay sa pamantayan ng sanlibutan. Napag-unawa ng Sanedrin na ang mga apostol na sina Pedro at Juan ay “mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gaw 4:13) Tungkol naman kay Jesus, “namangha ang mga Judio, na sinasabi: ‘Paanong ang taong ito ay may kaalaman sa mga titik, samantalang hindi siya nakapag-aral sa mga paaralan?’” (Ju 7:15) Itinawag-pansin ng sekular na mga istoryador ang gayunding mga punto. “Si Celsus, ang unang manunulat laban sa Kristiyanismo, ay nangungutya sa bagay na, ang mga manggagawa, mga sapatero, mga magsasaka, na pinakamangmang at pinakakakatwang mga tao, ang naging masisigasig na mangangaral ng Ebanghelyo.” (The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries, ni Augustus Neander; isinalin ni Henry John Rose mula sa Aleman, 1848, p. 41) Ipinaliwanag ito ni Pablo sa ganitong paraan: “Sapagkat nakikita ninyo ang kaniyang pagtawag sa inyo, mga kapatid, na hindi marami na marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang ipinanganak na maharlika; kundi pinili ng Diyos ang mangmang na mga bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong.”—1Co 1:26, 27.
Gayunman, bagaman wala silang mataas na edukasyon mula sa mga paaralan ng sanlibutan, hindi naman kulang sa pagsasanay ang unang mga Kristiyanong mangangaral. Puspusang sinanay ni Jesus ang 12 apostol bago niya sila isinugo upang mangaral. (Mat 10) Ang pagsasanay na ito ay hindi lamang basta pagbibigay ng mga instruksiyon, kundi isang praktikal na pagsasanay.—Luc 8:1.
“Kaharian ng Diyos” pa rin ang naging tema ng Kristiyanong pangangaral. (Gaw 20:25; 28:31) Gayunman, kung ihahambing sa kapahayagan nila noong bago ang kamatayan ni Kristo, ang kanilang kapahayagan ay nagkaroon ng karagdagang mga aspekto. Ang “sagradong lihim” ng layunin ng Diyos ay naisiwalat na sa pamamagitan ni Kristo; ang kaniyang sakripisyong kamatayan ay isa nang mahalagang salik sa tunay na pananampalataya (1Co 15:12-14); ang kaniyang itinaas na posisyon bilang Hari at Hukom na inatasan ng Diyos ay kailangang malaman, kilalanin, at pagpasakupan ng lahat ng nagnanais magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay. (2Co 4:5) Kaya naman kadalasang binabanggit na ‘ipinangangaral [ng mga alagad] si Kristo Jesus.’ (Gaw 8:5; 9:20; 19:13; 1Co 1:23) Kung susuriin ang kanilang pangangaral, magiging maliwanag na ang ginawa nilang ‘pangangaral ng Kristo’ ay hindi upang ibukod siya sa isip ng kanilang mga tagapakinig na para bang sa paanuman ay hiwalay siya sa kaayusan at pangkalahatang layunin ng Kaharian ng Diyos. Sa halip, inihahayag nila kung ano ang ginawa ng Diyos na Jehova para sa kaniyang Anak at sa pamamagitan niya, kung paano natutupad at matutupad pa kay Jesus ang mga layunin ng Diyos. (2Co 1:19-21) Kaya naman, ang lahat ng gayong pangangaral ay para sa kapurihan at kaluwalhatian ng Diyos, “sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Ro 16:25-27.
Hindi nila isinagawa ang kanilang pangangaral dahil lamang sa ito’y tungkulin nila, at ang kanilang pagbabalita ay hindi basta pagsasalita lamang ng isang mensahe sa pormal na paraan. Udyok ito ng taos-pusong pananampalataya at isinagawa taglay ang pagnanais na parangalan ang Diyos at taglay ang maibiging pag-asa na makapagdala ng kaligtasan sa iba. (Ro 10:9-14; 1Co 9:27; 2Co 4:13) Dahil dito, handa ang mga mangangaral na pakitunguhan sila ng marurunong sa sanlibutan bilang mangmang o kaya ay pag-usigin sila ng mga Judio bilang mga erehe. (1Co 1:21-24; Gal 5:11) Sa dahilan ding ito, sa kanilang pangangaral ay gumamit sila ng pangangatuwiran at panghihikayat upang tulungan ang mga nakikinig na maniwala at manampalataya. (Gaw 17:2; 28:23; 1Co 15:11) Sinabi ni Pablo na siya’y inatasan bilang “isang mangangaral at apostol at guro.” (2Ti 1:11) Ang mga Kristiyanong ito ay hindi mga suwelduhang tagapagbalita kundi mga nakaalay na mananamba na nagbibigay ng kanilang sarili, anupat ibinibigay ang kanilang panahon at ang kanilang lakas sa gawaing pangangaral.—1Te 2:9.
Yamang ang lahat ng nagiging mga alagad ay nagiging mga mangangaral din ng Salita, mabilis na lumaganap ang mabuting balita, at nang panahong isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Colosas (mga 60-61 C.E. o mga 27 taon pagkamatay ni Kristo), masasabi niya na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Col 1:23) Samakatuwid, ang hula ni Kristo tungkol sa ‘pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng mga bansa’ ay nagkaroon ng isang katuparan bago ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito noong 70 C.E. (Mat 24:14; Mar 13:10; MAPA, Tomo 2, p. 744) Ang mismong mga salita ni Jesus, gayundin ang aklat ng Apocalipsis, na isinulat pagkaraan ng pagkawasak na iyon, ay tumuturo sa mas malaking katuparan ng hulang ito sa panahong magsisimulang mamahala si Kristo sa Kaharian at bago puksain ang lahat ng kaaway ng Kahariang iyon, anupat isang angkop na panahon upang isakatuparan ang isang malaking gawaing pagbabalita.—Apo 12:7-12, 17; 14:6, 7; 19:5, 6; 22:17.
Anong mga resulta ang dapat asahan ng mga Kristiyanong mangangaral sa kanilang mga pagsisikap? Batay sa karanasan ni Pablo, “ang ilan ay nagsimulang maniwala sa mga bagay na sinabi; ang iba ay ayaw maniwala.” (Gaw 28:24) Ang tunay na Kristiyanong pangangaral, na nakasalig sa Salita ng Diyos, ay humihiling ng partikular na pagtugon. Ito ay pangangaral na masigla, dinamiko, at higit sa lahat, naghaharap ng isyu na doo’y dapat pumili ng papanigan ang mga tao. May ilan na nagiging aktibong mananalansang ng mensahe ng Kaharian. (Gaw 13:50; 18:5, 6) May iba naman na nakikinig sa loob ng ilang panahon, ngunit sa bandang huli ay tumatalikod dahil sa iba’t ibang kadahilanan. (Ju 6:65, 66) Ang iba ay tumatanggap ng mabuting balita at kumikilos ayon dito.—Gaw 17:11; Luc 8:15.
“Sa Bahay-bahay.” Pumaroon mismo si Jesus sa mga tao taglay ang mensahe ng Kaharian, anupat nagturo sa kanila nang hayagan at sa kanilang mga tahanan. (Mat 5:1; 9:10, 28, 35) Nang isugo niya ang kaniyang unang mga alagad upang mangaral, iniutos niya sa kanila: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mat 10:7, 11-14) Makatuwiran lamang na kalakip sa gayong ‘paghahanap’ ang pagpunta sa mga tahanan ng mga tao, kung saan ang mga “karapat-dapat” ay tumutugon sa mensahe at kung saan makapanunuluyan ang mga alagad sa kinagabihan.—Luc 9:1-6.
Noong isang pagkakataon naman, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kaniya mismong paroroonan.” Hindi lamang sila mangangaral sa pampublikong mga lugar kundi paroroon din sila sa mga tao sa tahanan ng mga ito. Tinagubilinan sila ni Jesus: “Saanman kayo pumasok sa isang bahay ay sabihin muna, ‘Magkaroon nawa ng kapayapaan ang bahay na ito.’”—Luc 10:1-7.
Noong mga araw pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., patuloy na dinala ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita sa mismong mga tahanan ng mga tao. Bagaman inutusan silang “tumigil na sa pagsasalita,” sinasabi ng kinasihang rekord na “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gaw 5:40-42; ihambing ang Dy, NIV.) Ang pananalitang “sa bahay-bahay” ay salin ng Griegong katʼ oiʹkon, sa literal, “ayon sa bahay”; ang diwa ng Griegong pang-ukol na ka·taʹ ay distributive (“sa bahay-bahay”) at hindi basta pang-abay (‘sa tahanan’). (Tingnan ang tlb sa Rbi8.) Ang pamamaraang ito ng pag-abot sa mga tao—ang tuwirang pagpunta sa kanilang mga tahanan—ay nagkaroon ng napakahusay na mga resulta. “Ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem.”—Gaw 6:7; ihambing ang 4:16, 17 at 5:28.
Sinabi ng apostol na si Pablo sa matatanda ng Efeso: “Mula nang unang araw na tumuntong ako sa distrito ng Asia . . . hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gaw 20:18-21; ihambing ang KJ, Dy, AS, RS, Mo, NIV, La.) Dito ay tinutukoy ni Pablo ang kaniyang mga pagsisikap na mangaral sa mga lalaking ito noong hindi pa sila mga mananampalataya, mga taong nangangailangang makaalam ng “tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” Kaya naman mula sa pasimula ng kaniyang paglilingkod bilang misyonero sa Asia, hinanap ni Pablo “sa bahay-bahay” ang mga taong nakahilig sa espirituwal na mga bagay. Nang matagpuan niya sila, walang alinlangang bumalik siya sa kanilang mga tahanan upang turuan pa sila nang higit at, nang sila’y maging mga mananampalataya, bumalik din siya upang palakasin sila sa pananampalataya. Sa kaniyang aklat na Word Pictures in the New Testament, ganito ang komento ni Dr. A. T. Robertson sa Gawa 20:20: “Sa (ayon sa) mga bahay. Mahalagang pansinin na ang pinakadakilang mangangaral na ito ay nangaral sa bahay-bahay at ang kaniyang mga pagdalaw ay hindi mga sosyal na pagdalaw lamang.”—1930, Tomo III, p. 349, 350.
Pangangaral sa Loob ng Kongregasyon. Karamihan sa gawaing pangangaral na nakaulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may kaugnayan sa paghahayag na ginagawa sa labas ng kongregasyon. Gayunman, ang pangangaral sa loob ng kongregasyon, gaya ng ginagawa ng isang panlahatang tagapangasiwa, ay kalakip din sa payo ni Pablo kay Timoteo na “ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2Ti 4:2) Ang liham ni Pablo kay Timoteo ay isang liham pastoral, samakatuwid nga, ipinatungkol ito sa isa na nagsasagawa ng gawaing pagpapastol sa gitna ng mga Kristiyano at naglalaan ito ng payo may kinalaman sa gayong ministeryo ng pangangasiwa. Bago ibinigay ni Pablo ang payong ito na ‘ipangaral ang salita,’ binabalaan niya si Timoteo hinggil sa apostasyang nagsisimula nang mahayag, na lalago at higit pang lulubha. (2Ti 2:16-19; 3:1-7) Bilang karagdagan sa kaniyang payo kay Timoteo na manghawakan at huwag lumihis mula “sa salita” sa kaniyang pangangaral, ipinakita ni Pablo ang pangangailangang maging apurahan, sa pagsasabing, “sapagkat darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo” kundi, sa halip ay hahanap sila ng mga guro na nagtuturo nang ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at sa gayon ay “itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan,” anupat ang inilalarawan niya ay hindi mga tagalabas, kundi yaong mga nasa loob ng kongregasyon. (2Ti 4:3, 4) Dahil dito, hindi dapat maiwala ni Timoteo ang kaniyang espirituwal na pagkatimbang kundi dapat siyang maging matatag sa buong-tapang na paghahayag ng Salita ng Diyos (hindi ng pilosopiya o ng walang-saysay na mga espekulasyon ng mga tao) sa kaniyang mga kapatid, bagaman maaari itong magdulot sa kaniya ng suliranin at pagdurusa mula sa mga may maling hilig sa loob ng mga kongregasyon. (Ihambing ang 1Ti 6:3-5, 20, 21; 2Ti 1:6-8, 13; 2:1-3, 14, 15, 23-26; 3:14-17; 4:5.) Sa paggawa nito, siya’y magsisilbing isang hadlang sa apostasya at magiging malaya sa pagkakasala sa dugo, gaya rin ni Pablo.—Gaw 20:25-32.
Ano ang layunin ng pangangaral ni Jesus “sa mga espiritung nasa bilangguan”?
Sa 1 Pedro 3:19, 20, pagkatapos niyang ilarawan ang pagkabuhay-muli ni Jesus tungo sa buhay bilang espiritu, sinabi ng apostol: “Sa kalagayan ding ito ay humayo siya at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang arka.” Bilang komento sa tekstong ito, ganito ang sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words: “Sa I Ped. 3:19, ang malamang na tinutukoy ay hindi ang masayang pabalita (na wala namang tunay na katibayang ipinangaral ni Noe, ni may katibayan man na aktuwal na ‘nasa bilangguan’ ang mga espiritu ng mga taong nabuhay bago ang baha), kundi ang ginawa ni Kristo, matapos Siyang buhaying-muli, na paghahayag ng Kaniyang tagumpay sa mga espiritung anghel na nagkasala.” (1981, Tomo 3, p. 201) Gaya ng nabanggit na, ang ke·rysʹso ay maaaring tumukoy sa paghahayag, hindi lamang ng isang bagay na mabuti, kundi maging ng isang bagay na masama, gaya noong ihayag ni Jonas ang dumarating na pagkawasak ng Nineve. Ang tanging nakabilanggong mga espiritu na tinukoy sa Kasulatan ay yaong mga anghel noong mga araw ni Noe na ‘ibinulid sa mga hukay ng pusikit na kadiliman’ (2Pe 2:4, 5) at “itinaan sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” (Jud 6) Samakatuwid, tiyak na ang pangangaral ng binuhay-muling si Jesus sa gayong di-matuwid na mga anghel ay isang pangangaral ng kahatulan. Mapapansin na ang aklat ng Apocalipsis na ibinigay ni Kristo Jesus kay Juan sa pamamagitan ng pangitain sa pagtatapos ng unang siglo C.E. ay naglalaman ng maraming impormasyon tungkol kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga demonyo at gayundin sa kanilang lubusang pagkapuksa, samakatuwid nga ay isang pangangaral ng kahatulan. (Apo 12-20) Ang paggamit ni Pedro ng panahunang pangnagdaan (“nangaral”) ay nagpapahiwatig na ang gayong pangangaral ay isinagawa bago niya isulat ang kaniyang unang liham.