Mga Salitang Binigkas na Naging Sagradong Kasulatan—Ang Pagsulat at ang Unang mga Kristiyano
DI-MABILANG na henerasyon ng mga mananampalataya ang gumugol ng napakaraming oras sa pagbabasa, pag-aaral, at pagsusuri ng ilan sa pinakatanyag na mga akda na naisulat kailanman—ang mga akdang nilalaman ng Bagong Tipan, gaya ng karaniwang tawag sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang mga akdang ito, pati na ang iba pang aklat ng Bibliya, ay nakaimpluwensiya nang malaki sa daigdig. Ang mga ito ay naging batayan sa moralidad at inspirasyon sa panitikan at sining. Higit sa lahat, natulungan nito ang milyun-milyong tao—marahil pati na ikaw—na magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa Diyos at kay Jesus.—Juan 17:3.
Ang mga Ebanghelyo, pati na ang iba pang aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay hindi kaagad isinulat pagkamatay ni Jesus. Lumilitaw na 7 o 8 taon pa ang lumipas bago isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo, at mga 65 taon naman bago isinulat ni Juan ang kaniyang aklat. Paano nila naisulat nang walang pagkakamali ang mga sinabi at ginawa ni Jesus? Maliwanag na ginabayan sila ng banal na espiritu ng Diyos. (Juan 14:16, 26) Pero paano kaya tumpak na naipasa sa iba’t ibang tao ang mga turo ni Jesus hanggang sa maging bahagi ito ng Sagradong Kasulatan?
‘Talaga Bang Walang Pinag-aralan?’
Nitong nakaraang siglo, sinasabi ng ilan na malamang na hindi isinulat ng unang mga alagad ni Jesus ang kaniyang mga itinuro at ginawa kundi isinalaysay lamang nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagkukuwento. Halimbawa, ganito ang sinabi ng isang iskolar: “Maraming dekada pa ang lumipas mula nang isagawa ni Jesus ang kaniyang pangmadlang ministeryo bago isulat ng mga awtor ng Ebanghelyo ang mga sinabi niya. Sa pagitan ng mga panahong iyon, anumang impormasyon tungkol kay Jesus ay isinasalaysay sa pamamagitan ng pagkukuwento.” Ikinakatuwiran pa nga ng ilang mananaliksik na ang unang mga alagad ni Jesus ay “talagang walang pinag-aralan.”a Sinasabi pa nila na noong panahong iyon, ang ulat hinggil sa ministeryo ni Jesus ay dinagdagan, ibinagay, o pinalawak. Kaya raw hindi na tumpak ang mga ulat na iyon.
May isa pang teoriya na pinapaboran ng ilang iskolar. Ayon sa teoriyang ito, malamang na ginamit daw ng mga Judiong alagad ni Jesus na malapít sa kaniya ang paraan ng pagtuturo ng mga rabbi—ang pagmememorya sa pamamagitan ng pag-uulit. Nakatulong daw ang pamamaraang ito para tumpak na maikuwento ang ulat tungkol kay Jesus. Umasa lamang ba ang mga alagad sa pagkukuwento para maitawid ang mga impormasyon hinggil sa ministeryo ni Jesus? O sumulat sila ng rekord para maingatan ito? Bagaman hindi tayo lubusang nakatitiyak sa bagay na ito, posible na may bahagi rito ang pagsulat.
Bahagi ng Pang-araw-araw na Buhay ang Pagsulat
Noong unang siglo, marunong bumasa at sumulat ang mga tao anuman ang kalagayan nila sa buhay. Ganito ang sinabi hinggil dito ni Alan Millard, propesor sa wikang Hebreo at sinaunang mga wikang Semitiko: “Ang pagsulat sa wikang Griego, Aramaiko at Hebreo ay karaniwan nang ginagawa ng lahat anuman ang estado nila sa buhay.” Idinagdag pa niya: “Iyan ang kalagayan noong panahon ni Jesus.”
Hinggil naman sa sinasabing ang mga Ebanghelyo ay isinulat “sa isang lipunan na talagang walang-pinag-aralan,” ganito ang binanggit ni Propesor Millard: “Malayong mangyari iyon, [dahil] malamang na marunong sumulat ang mga tao sa lahat ng dako . . . Kaya posibleng pangkaraniwan sa mga taong naroroon na isulat ang kanilang narinig, para sa kanilang sariling gamit o para ibahagi sa iba.”
Lumilitaw na mayroon na noong mga sulatang pinahiran ng wax. Isang halimbawa nito ang mababasa sa unang kabanata ng Lucas. Tinanong si Zacarias, na pansamantalang napipi noon, kung ano ang ipapangalan niya sa kaniyang anak. Ganito ang sinasabi sa talata 63: “Siya ay humingi ng sulatan [malamang na sa pamamagitan ng senyas] at sumulat: ‘Juan ang pangalan nito.’” Ipinaliliwanag ng mga diksyunaryo ng Bibliya na ang salitang “sulatan” ay maaaring tumutukoy sa isang tabla na pinahiran ng wax. Malamang na isa sa mga naroroon nang panahong iyon ang may dalang sulatan, na nagamit naman ni Zacarias.
May isa pang halimbawa na nagpapakitang ginagamit na noon ang mga sulatan. Sa aklat ng Mga Gawa, mababasa natin na nagpahayag si Pedro sa isang pulutong sa may templo at pinayuhan sila: “Magsisi kayo . . . upang mapawi ang inyong mga kasalanan.” (Gawa 3:11, 19) Ang salitang “mapawi” ay galing sa pandiwang Griego na nangangahulugang “punasan o burahin.” Ganito ang paliwanag ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang ideyang ipinahihiwatig ng pandiwa rito at marahil sa iba pang dako ay malamang na ang pagpapakinis sa ibabaw ng isang sulatang pinahiran ng wax para muli itong magamit.”
Ipinakikita rin ng mga ulat ng Ebanghelyo na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng ilan sa mga tagasunod at tagapakinig ni Jesus ang pagsulat. Halimbawa, nariyan ang mga maniningil ng buwis na sina Mateo at Zaqueo (Mateo 9:9; Lucas 19:2); isang opisyal ng sinagoga (Marcos 5:22); isang opisyal ng hukbo (Mateo 8:5); si Juana, asawa ng isang mataas na opisyal sa ilalim ni Herodes Antipas (Lucas 8:3); gayundin ang mga eskriba, Pariseo, Saduceo, at mga miyembro ng Sanedrin. (Mateo 21:23, 45; 22:23; 26:59) Walang-alinlangan na marami—kung hindi man lahat—sa mga apostol at alagad ni Jesus ay marunong sumulat.
Estudyante, Guro, at Manunulat
Para maging mga Kristiyanong guro ang mga alagad, kailangang alam nila ang mga sinabi at ginawa ni Jesus, at nauunawaan nila kung paano kumakapit sa Kristo ang Kautusan at mga hula sa Hebreong Kasulatan. (Gawa 18:5) Kapansin-pansin, iniulat ni Lucas ang minsang pakikipagtagpo ni Jesus sa ilan sa Kaniyang mga alagad pagkatapos Siyang buhaying muli. Ano ang ginawa ni Jesus? “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Pagkatapos nito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “‘Ito ang aking mga salita na sinalita ko sa inyo noong ako ay kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit tungkol sa akin.’ Nang magkagayon ay lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.” (Lucas 24:27, 44, 45) Nang maglaon, “naalaala” ng mga alagad ang mga kaunawaang ibinigay sa kanila ni Jesus.—Juan 12:16.
Ipinahihiwatig ng mga ulat na ito na malamang na masusing pinag-aralan at sinuri ng mga alagad at mga apostol ang Kasulatan upang lubusan nilang maunawaan ang kanilang nakita at narinig hinggil sa kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo. (Lucas 1:1-4; Gawa 17:11) Tungkol dito, ganito ang isinulat ni Harry Y. Gamble, propesor ng mga pag-aaral sa relihiyon sa University of Virginia: “Halos hindi mapag-aalinlanganan na sa pasimula pa lamang, mayroon nang mga Kristiyano, malamang na mga grupo pa nga sila, na masusing nag-aral at nagbigay-kahulugan sa Judiong kasulatan, at sumulat mula rito ng mga patotoo [katibayan] ng mga paniniwalang Kristiyano para magamit sa Kristiyanong pangangaral.”
Ang lahat ng ito ay nagpapahiwatig na nag-aral, nagbasa, at sumulat ang unang mga alagad ni Jesus, sa halip na umasa lamang sa pagsasalaysay sa pamamagitan ng pagkukuwento. Sila ay mga estudyante, guro, at manunulat. Higit sa lahat, sila ay mga taong maka-Diyos na umasa sa patnubay ng banal na espiritu. Tiniyak sa kanila ni Jesus na “ang espiritu ng katotohanan” ang ‘magbabalik sa kanilang mga pag-iisip ng lahat ng bagay na sinabi niya sa kanila.’ (Juan 14:17, 26) Tinulungan sila ng banal na espiritu ng Diyos na maalaala at maisulat ang mga ginawa at sinabi ni Jesus, maging ang mahahaba niyang pananalita, gaya ng Sermon sa Bundok. (Mateo, kabanata 5-7) Pinatnubayan din ng banal na espiritu ang mga manunulat ng Ebanghelyo sa pagsulat hinggil sa mga nadama ni Jesus sa ilang pagkakataon at sa mga sinabi niya sa panalangin.—Mateo 4:2; 9:36; Juan 17:1-26.
Bagaman nakatulong sa mga manunulat ng Ebanghelyo ang mga impormasyong narinig o nabasa nila, ang mga isinulat nila ay nagmula sa isang di-hamak na mas mapagkakatiwalaan at nakatataas na pinagmumulan ng impormasyon—ang Diyos na Jehova mismo. Kaya lubusan tayong makapagtitiwala na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos” at makapagtuturo at maaaring maging patnubay natin sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya.—2 Timoteo 3:16.
[Talababa]
[Blurb sa pahina 14]
Malamang na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng ilan sa mga tagasunod ni Jesus ang pagsulat
[Blurb sa pahina 15]
Tinulungan ng banal na espiritu ng Diyos ang unang mga alagad ni Jesus na maalaala at maisulat ang kaniyang mga ginawa at sinabi
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
Wala Bang Pinag-aralan ang mga Apostol?
Nang “makita [ng mga tagapamahala at matatandang lalaki ng Jerusalem] ang pagkatahasan nina Pedro at Juan, at mapag-unawa na sila ay mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan, sila ay namangha.” (Gawa 4:13) Talaga bang walang pinag-aralan ang mga apostol? Hinggil sa bagay na ito, ganito ang komento ng The New Interpreter’s Bible: “Sa paanuman, hindi dapat unawain nang literal ang mga terminong ito na para bang hindi talaga nag-aral si Pedro [at si Juan] at hindi sila marunong sumulat o bumasa. Ipinakikita lamang nito ang malaking pagkakaiba ng katayuan sa lipunan ng mga apostol at ng mga humuhusga sa kanila.”
[Larawan sa pahina 13]
“Siya ay humingi ng sulatan at sumulat: ‘Juan ang pangalan nito’”
[Larawan sa pahina 13]
Isang sulatang pinahiran ng wax at mga panulat na ginamit noong una o ikalawang siglo C.E.
[Credit Line]
© British Museum/Art Resource, NY