“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao”
‘Hindi Namin Magagawang Tumigil sa Pagsasalita Tungkol kay Jesus’
ANG taon ay 33 C.E., at ang lugar ay ang maringal na silid-hukuman ng pambansang tribunal ng mga Judio sa Jerusalem. Sa tagpong ito, lilitisin ng Sanedrin ang 12 tagasunod ni Jesu-Kristo. Bakit? Dahil nangangaral sila tungkol kay Jesus. Ito ang ikalawang pagkakataon nina apostol Pedro at Juan na humarap sa hukuman. Ito naman ang unang paglilitis para sa iba pang mga apostol.
Kinausap ng mataas na saserdote ang 12 apostol hinggil sa utos na inilabas ng hukuman sa naunang pagkakataon. Noong panahong iyon, nang utusan sina apostol Pedro at Juan na huminto sa pagtuturo hinggil kay Jesus, sinabi nila: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Pagkatapos manalangin ukol sa lakas ng loob, ang mga alagad ni Jesus ay nagpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita.—Gawa 4:18-31.
Palibhasa’y nababatid na hindi mabisa ang kaniyang naunang mga pagbabanta, idineklara ng mataas na saserdote sa ikalawang paglilitis na ito: “Mahigpit namin kayong pinag-utusan na huwag nang magturo salig sa pangalang ito, at gayunman, narito! pinunô ninyo ng inyong turo ang Jerusalem, at determinado kayong ipataw sa amin ang dugo ng taong ito.”—Gawa 5:28.
Di-nagmamaliw na Determinasyon
Lakas-loob na sinabi ni Pedro at ng iba pang mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Sa katunayan, sa halip na sundin ang mga tao, dapat tayong sumunod kay Jehova kapag ang hinihiling ng tao ay sumasalungat sa Kaniyang mga utos.a
Dapat sana’y nakumbinsi ang mga miyembro ng Sanedrin sa paninindigan ng mga apostol hinggil sa katapatan ng mga ito sa Diyos. Kung tatanungin hinggil sa pagsunod sa Diyos, dapat sana’y nagkaisang tumugon ang mga lider na ito ng lipunan ng mga Judio: “Sundin ninyo ang Diyos.” Tutal, hindi ba’t naniniwala sila na ang Diyos ang Soberanong Panginoon ng sansinukob?
Yamang waring siya ang kumakatawan sa lahat ng apostol, sinabi ni Pedro na hinggil sa kanilang ministeryo, sinusunod nila ang Diyos sa halip na mga tao. Kaya pinawawalang-bisa niya ang paratang tungkol sa di-umano’y pagsuway ng mga apostol. Mula sa mismong kasaysayan ng kanilang bansa, alam ng mga miyembro ng Sanedrin na may mga panahong maliwanag na tamang sumunod sa Diyos sa halip na sa mga tao. Dalawang komadrona sa Ehipto ang natakot sa Diyos, hindi kay Paraon, sa pamamagitan ng hindi pagpatay sa mga lalaking isinilang ng mga babaing Hebreo. (Exodo 1:15-17) Sinunod ni Haring Hezekias si Jehova, hindi si Haring Senakerib, nang gipitin siyang sumuko. (2 Hari 19:14-37) Idiniriin ng Hebreong Kasulatan, kung saan pamilyar ang mga miyembro ng Sanedrin, na inaasahan ni Jehova na susundin siya ng kaniyang bayan.—1 Samuel 15:22, 23.
Ginagantimpalaan ang Pagkamasunurin
Sa paanuman, isang miyembro ng mataas na hukuman ang lumilitaw na naapektuhan ng mga salitang “dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Hinikayat ni Gamaliel, isang hukom na lubhang iginagalang sa Sanedrin, ang hukuman na makinig sa kaniyang matalinong payo na sinabi niya nang sila-sila lamang. Sa pagbanggit sa mga naganap noong nakalipas, binanggit ni Gamaliel na hindi matalinong makialam sa gawain ng mga apostol. Ganito ang sinabi niya bilang konklusyon: “Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; . . . sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”—Gawa 5:34-39.
Nakumbinsi ng makatuwirang mga salita ni Gamaliel ang mataas na hukuman na palayain ang mga apostol. Bagaman pinagpapalo, hinding-hindi natakot ang mga apostol sa naranasan nilang ito. Sa halip, sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:42.
Tunay ngang pinagpala ang mga apostol sa kanilang paninindigan na ang awtoridad ng Diyos ang pinakamataas! Ganiyan din ang saloobin ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Si Jehova pa rin ang kinikilala ng mga Saksi ni Jehova bilang ang kanilang Kataas-taasang Tagapamahala. Kapag inutusan silang kumilos nang salungat sa mga tagubilin ng Diyos, tumutugon sila gaya ng pagtugon ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”
[Talababa]
a Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, September/October.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
NAISIP MO NA BA?
Paano kaya nalaman ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ang mga salita ni Gamaliel noong magpulong ang Sanedrin nang sila-sila lamang? Malamang na ang mga salita ni Gamaliel ay isiniwalat kay Lucas sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos. Marahil, si Pablo (isa sa mga naging estudyante ni Gamaliel) ang nagsabi kay Lucas tungkol sa sinabi ni Gamaliel. O baka sumangguni si Lucas sa isang miyembro ng mataas na hukuman na may simpatiya sa mga apostol.