Paglakad na Kasama ng Diyos—Hanggang sa Walang Hanggan
“Kami sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.”—MIKAS 4:5.
1. Bakit matatawag si Jehova na “Haring walang-hanggan”?
ANG Diyos na Jehova ay walang pasimula. Angkop lamang na tawagin siyang “ang Matanda sa mga Araw,” yamang hindi matatalunton ang pasimula ng kaniyang pag-iral. (Daniel 7:9, 13) Si Jehova rin naman ay may walang-hanggang kinabukasan. Siya lamang ang “Haring walang-hanggan.” (Apocalipsis 10:6; 15:3) At sa kaniyang paningin, ang isang libong taon ay “katulad lamang ng kahapong nagdaan, at gaya ng isang pagbabantay sa gabi.”—Awit 90:4.
2. (a) Ano ang layunin ng Diyos para sa masunuring mga tao? (b) Sa ano natin dapat ituon ang ating pag-asa at mga plano?
2 Yamang walang hanggan ang Tagapagbigay ng buhay, maipagkakaloob niya sa unang taong mag-asawa, sina Adan at Eva, ang pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso. Subalit dahil sa pagsuway, naiwala ni Adan ang karapatang mabuhay magpakailanman, anupat ipinamana sa kaniyang mga inapo ang kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12) Gayunman, hindi binigo ng paghihimagsik ni Adan ang orihinal na layunin ng Diyos. Kalooban ni Jehova na mabuhay magpakailanman ang masunuring mga tao, at walang-pagsalang tutuparin niya ang kaniyang layunin. (Isaias 55:11) Angkop nga, kung gayon, na ituon natin ang ating pag-asa at mga plano sa paglilingkod kay Jehova hanggang sa walang hanggan. Samantalang ibig nating panatilihin sa isipan “ang araw ni Jehova,” mahalagang tandaan na ang ating tunguhin ay ang paglakad na kasama ng Diyos magpakailanman.—2 Pedro 3:12.
Kumikilos si Jehova sa Kaniyang Itinakdang Panahon
3. Paano natin nalalaman na si Jehova ay may “itinakdang panahon” upang tuparin ang kaniyang mga layunin?
3 Gaya sa mga lumalakad na kasama ng Diyos, tayo’y lubhang interesado na gawin ang kaniyang kalooban. Alam natin na si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng panahon, at may tiwala tayo na hindi siya kailanman nabibigo sa pagtupad ng kaniyang mga layunin sa panahong itinakda niya. Halimbawa, “nang dumating na ang hustong hangganan ng panahon, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak.” (Galacia 4:4) Sinabihan si apostol Juan na may “itinakdang panahon” para sa katuparan ng makahulang mga bagay na nakita niya sa mga tanda. (Apocalipsis 1:1-3) May “itinakdang panahon upang ang mga patay ay hatulan.” (Apocalipsis 11:18) Mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas, si apostol Pablo ay kinasihang magsabi na ang Diyos ay ‘nagtakda ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran.’—Gawa 17:31.
4. Paano natin nalalaman na ibig wakasan ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay?
4 Wawakasan ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, sapagkat ang kaniyang pangalan ay inuupasala ng sanlibutan sa ngayon. Nananagana ang masasama. (Awit 92:7) Sa kanilang salita at gawa, iniinsulto nila ang Diyos, at masakit sa kaniya ang makitang nilalait at pinag-uusig ang kaniyang mga lingkod. (Zacarias 2:8) Hindi nakapagtataka na itinalaga ni Jehova na puksain ang buong organisasyon ni Satanas sa lalong madaling panahon! Itinakda ng Diyos kung kailan ito eksaktong magaganap, at nililiwanag ng katuparan ng mga hula sa Bibliya na nabubuhay tayo ngayon sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Malapit na siyang kumilos upang pagpalain ang lahat ng umiibig sa kaniya.
5. Paano minalas nina Lot at Habacuc ang mga kalagayan sa palibot nila?
5 Ang mga lingkod ni Jehova noon ay nanabik na makita ang katapusan ng kasamaan. Ang matuwid na si Lot ay “lubhang nabagabag sa pagpapakasasa ng mga taong sumasalansang-sa-batas sa mahalay na paggawi.” (2 Pedro 2:7) Palibhasa’y napipighati sa mga kalagayang nakapalibot sa kaniya, nagsumamo si propeta Habacuc: “O Jehova, hanggang kailan ako daraing, at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako daraing sa iyo dahil sa pandarahas, at hindi ka magliligtas? Bakit hinahayaan mong makita ko ang kasamaan, at iyo lamang pinagmamasdan ang kasamaan? At bakit nasa harap ko ang pandarambong at karahasan, at bakit may pag-aaway, at bakit may pag-aalitan?”—Habacuc 1:2, 3.
6. Ano ang sinabi ni Jehova bilang tugon sa panalangin ni Habacuc, at ano ang matututuhan natin dito?
6 Sa isang banda, sinagot ni Jehova si Habacuc sa ganitong mga salita: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na asamin iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo. Hindi na magtatagal.” (Habacuc 2:3) Kaya ipinabatid ng Diyos na kikilos siya sa “itinakdang panahon.” Bagaman waring nagluluwat, tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin—nang walang pagsala!—2 Pedro 3:9.
Paglilingkod Taglay ang Di-naglalahong Sigasig
7. Bagaman hindi alam ni Jesus ang eksaktong pagdating ng araw ni Jehova, paano niya isinagawa ang kaniyang mga gawain?
7 Kailangan pa bang malaman ang eksaktong panahon ni Jehova para sa mga pangyayari upang buong-sigasig tayong makalakad na kasama ng Diyos? Hindi, hindi na kailangan. Tingnan ang ilang halimbawa. Lubhang interesado si Jesus sa panahon na ang kalooban ng Diyos ay mangyayari sa lupa kung paanong gayon sa langit. Sa katunayan, ganito ang itinuro ni Kristo na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Bagaman alam ni Jesus na sasagutin ang kaniyang kahilingan, hindi niya alam ang eksaktong panahon ng mga bagay-bagay. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi niya: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Yamang si Jesu-Kristo ay napakahalaga sa katuparan ng mga layunin ng Diyos, siya’y tuwirang masasangkot sa paglipol sa mga kaaway ng kaniyang makalangit na Ama. Subalit nang si Jesus ay nasa lupa, hindi man lamang niya alam kung kailan kikilos ang Diyos. Dahil ba rito ay hindi siya naging gaanong masigasig sa paglilingkod kay Jehova? Tiyak na hindi! Nang makita si Jesus na buong-sigasig sa paglilinis ng templo, “naalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: ‘Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.’ ” (Juan 2:17; Awit 69:9) Nanatiling lubhang okupado si Jesus sa gawain na pinagsuguan sa kaniya, at ginawa niya iyon taglay ang di-naglalahong sigasig. Naglingkod din siya sa Diyos taglay sa isipan ang kawalang-hanggan.
8, 9. Nang magtanong ang mga alagad tungkol sa pagsasauli ng Kaharian, ano ang sinabi sa kanila, at paano sila tumugon?
8 Totoo rin ito sa mga alagad ni Kristo. Nakipagkita si Jesus sa kanila bago siya umakyat sa langit. Sabi ng ulat: “Ngayon, nang sila ay magkatipon, ay nagtanong sila sa kaniya: ‘Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?’ ” Tulad ng kanilang Panginoon, nananabik sila sa pagdating ng Kaharian. Gayunman, sumagot si Jesus: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon; ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:6-8.
9 Walang pahiwatig na nasiraan ng loob ang kaniyang mga alagad dahil sa sagot na ito. Sa halip, sila’y buong-sigasig na nagbuhos ng pansin sa gawaing pangangaral. Sa loob lamang ng ilang linggo, pinunô nila ang Jerusalem ng kanilang turo. (Gawa 5:28) At sa loob ng 30 taon, pinalawak nila nang gayon na lamang ang kanilang gawaing pangangaral anupat nasabi ni Pablo na ang mabuting balita ay ipinangaral “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Bagaman ang Kaharian ay hindi ‘isinauli sa Israel’ gaya ng maling inasahan ng mga alagad at hindi iyon itinatag sa langit noong kanilang kapanahunan, patuloy silang naglingkod kay Jehova nang buong-sigasig taglay sa isipan ang kawalang-hanggan.
Suriin ang Ating mga Motibo
10. Ang hindi pagkaalam kung kailan pupuksain ng Diyos ang sistema ni Satanas ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na patunayan ang ano?
10 Nananabik din ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova na makita ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Subalit ang pangunahin nating pinagtutuunan ng pansin ay hindi ang ating pagkaligtas tungo sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. Ibig nating makitang pinababanal ang pangalan ni Jehova at ipinagbabangong-puri ang kaniyang soberanya. Dahil dito, magagalak tayo na hindi sinabi sa atin ng Diyos ang ‘araw o oras’ na itinakda sa pagpuksa sa sistema ni Satanas. Ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataong patunayan na tayo ay determinadong lumakad na kasama ng Diyos magpakailanman sapagkat iniibig natin siya at hindi dahil sa mayroon tayong panandalian at mapag-imbot na mga layunin.
11, 12. Sa anong paraan hinamon ang katapatan ni Job, at ano ang kaugnayan ng hamong iyon sa atin?
11 Ang pag-iingat ng ating katapatan sa Diyos ay tumutulong din na patunayang mali ang Diyablo nang magbintang siya na ang matuwid na si Job—at ang mga taong gaya niya—ay naglilingkod lamang sa Diyos udyok ng pansariling kapakanan. Matapos ilarawan ni Jehova ang kaniyang lingkod na si Job bilang isang taong walang-kapintasan, matuwid, at may takot sa Diyos, ubod-samang ikinatuwiran ni Satanas: “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi baga kinulong mo siya ng bakod at pati kaniyang sambahayan at lahat ng kaniyang pag-aari? Iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit, para mapaiba naman, pakisuyong iunat mo ang iyong kamay at galawin ang lahat na taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.” (Job 1:8-11) Sa pag-iingat ng kaniyang katapatan sa ilalim ng pagsubok, pinatunayan ni Job na mali ang bintang na ito.
12 Kung mag-iingat din tayo ng isang landasin ng katapatan, mapabubulaanan natin ang anumang bintang ni Satanas na naglilingkod lamang tayo sa Diyos dahil alam natin na may napipintong gantimpala. Ang hindi pagkaalam ng eksaktong panahon ng paghihiganti ng Diyos sa masasama ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong patunayan na talagang iniibig natin si Jehova at nais nating lumakad sa kaniyang mga daan magpakailanman. Ipinakikita nito na tayo ay matapat sa Diyos at nagtitiwala sa kaniyang paraan ng paglutas ng mga bagay-bagay. Isa pa, ang hindi pagkaalam ng araw at oras ay tumutulong sa atin na manatiling mapagbantay at gising sa espirituwal sapagkat natatanto natin na ang wakas ay maaaring dumating anumang oras, gaya ng isang magnanakaw sa gabi. (Mateo 24:42-44) Sa araw-araw na paglakad na kasama ni Jehova, pinagagalak natin ang kaniyang puso at naglalaan tayo ng sagot sa Diyablo, na tumutuya sa kaniya.—Kawikaan 27:11.
Magplano Para sa Kawalang-Hanggan!
13. Ano ang ipinakikita ng Bibliya hinggil sa pagpaplano sa kinabukasan?
13 Batid ng mga lumalakad na kasama ng Diyos na isang katalinuhan ang gumawa ng makatuwirang mga plano para sa kinabukasan. Palibhasa’y nalalaman ang mga suliranin at limitasyon na kaakibat ng katandaan, sinisikap ng maraming tao na samantalahin ang kanilang kabataan at lakas upang sila’y maging matatag sa pinansiyal sa kanilang pagtanda. Paano na, kung gayon, ang tungkol sa ating higit na mahalagang espirituwal na kinabukasan? Sinasabi ng Kawikaan 21:5: “Ang mga plano ng isa na masikap ay tiyak na para sa kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na nagmamadali ay tiyak na hahantong sa kakulangan.” Tunay na kapaki-pakinabang ang patiunang pagpaplano taglay sa isipan ang kawalang-hanggan. Yamang hindi natin nalalaman kung kailan eksaktong darating ang wakas ng sistemang ito, kailangang pag-isipan natin ang ating mga pangangailangan sa kinabukasan. Ngunit maging timbang tayo at unahin sa ating buhay ang kapakanan ng Diyos. Baka sabihin ng mga taong walang pananampalataya na isang makitid na pananaw ang pagtutuon ng pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ngunit gayon nga ba?
14, 15. (a) Anong ilustrasyon ang binanggit ni Jesus hinggil sa pagpaplano sa kinabukasan? (b) Bakit makitid ang pananaw ng taong mayaman sa ilustrasyon ni Jesus?
14 Bumanggit si Jesus ng isang ilustrasyon na naglilinaw sa bagay na ito. Sinabi niya: “Ang lupain ng isang taong mayaman ay nagbubunga nang mainam. Dahil dito nagpasimula siyang mangatuwiran sa kaniyang sarili, na sinasabi, ‘Ano ang gagawin ko, ngayon na wala na akong dako upang pagtipunan ng aking mga inani?’ Kaya sinabi niya, ‘Ito ang gagawin ko: Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ay titipunin ko ang lahat ng aking butil at ang lahat ng aking mabubuting bagay; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: “Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.” ’ Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Isa na di-makatuwiran, sa gabing ito ay mahigpit na hinihingi nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Sino, kung gayon, ang magmamay-ari sa mga bagay na inimbak mo?’ Kaya gayon ang nangyayari sa isang tao na nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:16-21.
15 Sinabi ba ni Jesus na ang taong mayaman ay hindi sana dapat na nagsikap upang maging matatag ang kaniyang kinabukasan sa materyal na paraan? Hindi, sapagkat ipinapayo ng Kasulatan ang masikap na paggawa. (2 Tesalonica 3:10) Ang pagkakamali ng taong mayaman ay ang bagay na hindi niya ginawa ang kinakailangan upang maging “mayaman sa Diyos.” Matamasa man niya ang kaniyang materyal na kayamanan sa loob ng maraming taon, mamamatay rin siya sa dakong huli. Naging makitid ang kaniyang pananaw, anupat hindi inisip ang kawalang-hanggan.
16. Bakit may-pagtitiwalang makaaasa tayo kay Jehova para sa isang tiwasay na kinabukasan?
16 Ang paglakad na kasama ni Jehova taglay sa isipan ang kawalang-hanggan ay kapuwa praktikal at isang mabuting pasiya. Iyon ang pinakamagaling na paraan upang magplano para sa kinabukasan. Bagaman isang katalinuhan na gumawa ng praktikal na mga plano hinggil sa pag-aaral, pagtatrabaho, at pananagutan sa pamilya, dapat na lagi nating tandaan na hindi kailanman pinababayaan ni Jehova ang kaniyang matapat na mga lingkod. Umawit si Haring David: “Ako’y naging bata, ako rin naman ay tumanda, at gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan nang lubusan ang sinumang matuwid, ni nagpalimos man ng tinapay ang kaniyang supling.” (Awit 37:25) Nagbigay rin naman si Jesus ng katiyakan na maglalaan ang Diyos para sa lahat ng nagsisikap na unahin ang Kaharian at lumalakad sa matuwid na mga daan ni Jehova.—Mateo 6:33.
17. Paano natin nalalaman na malapit na ang wakas?
17 Bagaman naglilingkod tayo sa Diyos taglay sa isipan ang kawalang-hanggan, hindi pa rin natin kinalilimutan ang araw ni Jehova. Malinaw na pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya ang pagiging malapit ng araw na iyan. Ang siglong ito ay kakikitaan ng mga digmaan, salot, lindol, at kakapusan sa pagkain, pati na ng pag-uusig sa mga tunay na Kristiyano at ng pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Lahat ng ito ay tanda ng panahon ng katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:7-14; Lucas 21:11) Ang sanlibutan ay punô ng mga taong “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Sa mapanganib na mga huling araw na ito, mahirap ang buhay para sa atin bilang mga lingkod ni Jehova. Tunay na nananabik tayo sa araw na wawakasan na ng Kaharian ni Jehova ang lahat ng kasamaan! Samantala, maging determinado tayo na lumakad na kasama ng Diyos hanggang sa walang hanggan.
Paglilingkod Taglay sa Isipan ang Buhay na Walang Hanggan
18, 19. Ano ang nagpapakita na ang mga tapat noon ay naglingkod sa Diyos taglay sa isipan ang kawalang-hanggan?
18 Habang lumalakad tayo na kasama ni Jehova, tandaan natin ang pananampalataya nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at Sara. Matapos na banggitin sila, sumulat si Pablo: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na tinanggap ang mga iyon at hayagang ipinahayag na sila ay mga estranghero at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” (Hebreo 11:13) “Inaabot [ng mga tapat na ito] ang isang lalong mabuting dako, alalaong baga, isa na nauukol sa langit.” (Hebreo 11:6) Sa pananampalataya, inasam nila ang isang lalong mabuting dako sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Makatitiyak tayo na gagantimpalaan sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan sa lalong mabuting dakong iyon—ang Paraiso sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.—Hebreo 11:39, 40.
19 Ipinahayag ni propeta Mikas ang pasiya ng bayan ni Jehova na sumamba sa Diyos magpakailanman. Sumulat siya: “Ang lahat ng bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.” (Mikas 4:5) Hanggang sa mamatay siya, buong-katapatang naglingkod kay Jehova si Mikas. Kapag binuhay-muli sa bagong sanlibutan, tiyak na ang propetang iyan ay magpapatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos magpakailanman. Anong inam na halimbawa para sa atin na nabubuhay sa dulo ng panahon ng kawakasan!
20. Ano ang dapat na maging pasiya natin?
20 Pinahahalagahan ni Jehova ang pag-ibig na ipinakita natin sa kaniyang pangalan. (Hebreo 6:10) Batid niya na mahirap para sa atin ang manatiling tapat sa kaniya sa sanlibutang ito na pinangingibabawan ng Diyablo. Bagaman “ang sanlibutan ay lumilipas,” gayunman, “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17; 5:19) Kung gayon, sa tulong ni Jehova, ipasiya nating batahin ang mga pagsubok na nakakaharap natin sa araw-araw. Ang ating pag-iisip at paraan ng pamumuhay ay nakatuon nawa sa kamangha-manghang mga pagpapala na ipinangako ng ating maibiging Ama sa langit. Mapapasaatin ito kung patuloy tayong lalakad na kasama ng Diyos taglay sa isipan ang kawalang-hanggan.—Judas 20, 21.
Paano Kayo Sasagot?
◻ Ano ang layunin ng Diyos para sa masunuring mga tao?
◻ Bakit hindi pa kumikilos si Jehova upang wakasan ang di-makadiyos na sanlibutan?
◻ Bakit hindi dapat makabawas sa ating sigasig ang hindi pagkaalam kung kailan eksaktong kikilos ang Diyos?
◻ Ano ang ilang kapakinabangan sa paglakad na kasama ng Diyos taglay sa isipan ang kawalang-hanggan?
[Larawan sa pahina 17]
Kahilingan sa paglakad na kasama ng Diyos ang paglingkuran natin siya nang buong-sigasig gaya ng ginawa ng mga naunang alagad ni Kristo