KALOOB NG AWA, MGA
Ang mga ito ay mga bagay na ibinibigay sa taong nangangailangan upang paginhawahin ang kaniyang kalagayan. Bagaman ang “mga kaloob ng awa” (sa ilang salin, “mga limos” o “mga pagkakawanggawa”) ay hindi tuwirang binabanggit sa Hebreong Kasulatan, nagbigay ang Kautusan ng espesipikong mga tagubilin sa mga Israelita tungkol sa mga pananagutan nila sa mga dukha. Hindi nila dapat pagtikuman ng kamay ang kanilang nagdarahop na mga kapatid kundi dapat silang maging bukas-palad sa pakikitungo sa mga ito.—Deu 15:7-10.
Mga Paglalaan Para sa mga Dukha sa Israel. Pinahintulutan ng Kautusan ang indibiduwal na makapasok sa ubasan at bukirin ng mga butil ng iba at doon ay kumain ng bunga hanggang sa mabusog siya; ngunit hindi siya dapat mag-uwi ng anuman. (Deu 23:24, 25) Kapag nag-aani ang mga Israelita, hindi nila dapat gapasin nang lubusan ang mga gilid ng kanilang mga bukid ni maghihimalay man sila sa kanilang mga bukid, mga punong olibo, at mga ubasan, sapagkat ang mga himalay ay para sa naninirahang dayuhan, sa batang lalaking walang ama, at sa babaing balo.—Lev 19:9, 10; Deu 24:19-21.
Tuwing ikatlong taon, dapat ilabas ng mga Israelita ang buong ikasampung bahagi ng kanilang ani sa taóng iyon at ilalagay nila iyon sa loob ng kanilang mga pintuang-daan upang maging panustos ng mga Levita, mga naninirahang dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo.—Deu 14:28, 29; tingnan ang IKAPU.
Tuwing ika-7 taon at tuwing ika-50 taon o taon ng Jubileo, ang lupain ay hahayaang di-natatamnan, upang lubusan itong makapagpahinga nang isang sabbath, at hindi titipunin ang ani gaya ng karaniwang ginagawa. Pagkatapos, anuman ang tumubo sa ganang sarili nito ay magsisilbing pagkain para sa mga dukha, bagaman may karapatan ding kumain mula rito ang mga may-ari ng lupain, ang kanilang mga alipin, at ang kanilang mga upahang trabahador. Gayunman, maliwanag na sa pangkalahatan, ginamit ng mga Israelita ang kanilang nakaimbak na pagkain bilang panustos kapag taon ng Sabbath.—Exo 23:10, 11; Lev 25:1-7, 11, 12, 20-22.
Ang mga simulaing may kaugnayan sa mga pananagutan ng Israel sa mga dukha gaya ng ipinahayag sa Kautusan ay inuulit sa iba pang mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. (Job 31:16-22; Aw 37:21; 112:9; Kaw 19:17; Ec 11:1, 2) Yaong mga gumagawi nang may pakundangan sa maralita ay ipinahahayag na maligaya at tiyak na pagpapalain. (Aw 41:1, 2; Kaw 22:9) Noong mga araw ni Isaias, sinabihan ang di-tapat na mga Israelita na magbahagi sila ng kanilang tinapay sa gutóm, dalhin sa kanilang mga bahay ang walang tahanan, at damtan ang hubad—isang landasin na magbubunga ng pabor ng Diyos. (Isa 58:6, 7) Tungkol sa taong matuwid, ganito ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel: “Sa gutóm ay ibinibigay niya ang kaniyang sariling tinapay at ang hubad ay dinaramtan niya ng kasuutan.”—Eze 18:7-9.
Ang totoo, hindi sana dapat magkaroon ng mga dukha sa gitna ng mga Israelita, sapagkat nangako si Jehova na pagpapalain niya ang kaniyang bayan. Ngunit ang di-pagkakaroon ng karalitaan ay nakasalalay sa pagsunod nila sa Kautusan. Samakatuwid, dahil sa di-kasakdalan ng mga tao at sa pagsuway nila sa kautusan ng Diyos, laging magkakaroon ng mga dukha sa gitna ng mga Israelita. (Deu 15:4, 5, 11) Gayunpaman, maliwanag na bibihira ang namamalimos sa sinaunang Israel, sapagkat ang isa sa mga kapahamakan na sinabing sasapit sa balakyot ay na mapipilitang mamalimos ang kaniyang mga anak.—Aw 109:10; ihambing ang Aw 37:25; tingnan ang DUKHA.
Di-wastong mga Pangmalas sa Pagbibigay. Nang maglaon, ang pagbibigay ng mga kaloob ng awa ay minalas ng mga Judio hindi lamang bilang may merito sa ganang sarili nito kundi may kapangyarihan ding magbayad-sala para sa mga kasalanan. Ang Kawikaan 11:4, na nagsasabing: “Ang mahahalagang pag-aari ay hindi mapakikinabangan sa araw ng poot, ngunit katuwiran ang magliligtas mula sa kamatayan,” ay ipinaliwanag, kasuwato ng konsepto ng Talmud, upang mangahulugan ng ganito: “Pinapatay ng tubig ang lumalagablab na apoy; sa gayunding paraan, ang pagbibigay ng limos ay nagbabayad-sala para sa mga kasalanan.” (The Jewish Encyclopedia, 1976, Tomo I, p. 435) Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, lumilitaw na ang pagbibigay ng ilan ay may kasabay na matinding pagpaparangya, kaya naman sa kaniyang Sermon sa Bundok ay nagsalita siya laban sa gayong kaugalian.—Mat 6:2-4.
Mga Kaloob ng Awa ng mga Kristiyano. Yaong mga kabilang sa “munting kawan” ni Jesus ay pinasiglang ‘ipagbili ang kanilang mga pag-aari at magbigay ng mga kaloob ng awa.’ (Luc 12:32, 33) Gayunding payo ang ibinigay ni Jesus sa isang mayaman at kabataang tagapamahala, anupat idinagdag niya, “at halika maging tagasunod kita.” (Mat 19:16-22; Luc 18:18-23; tingnan din ang Ju 13:29.) Ang idiniin ni Jesus ay ang pagbibigay ‘bilang mga kaloob ng awa ng mga bagay na nasa loob.’ Sa gayon, maaaring ang tinutukoy niya ay ang mga katangian ng puso, dahil karaka-raka pagkatapos nito ay itinampok naman niya ang katarungan at pag-ibig.—Luc 11:39-42.
Organisadong tulong. Dahilan sa pagkakaragdag ng mga 3,000 Judio at proselita sa kongregasyong Kristiyano noong araw ng Pentecostes at dahil patuloy na dumami ang bilang nila di-nagtagal pagkatapos nito, bumangon ang isang di-karaniwang situwasyon sa gitna ng mga Kristiyano, anupat kinailangan nilang pansamantalang bumuo ng pondo mula sa kani-kanilang pinansiyal na pag-aari. Ito ay upang yaong mga pumaroon sa kapistahan mula sa malalayong lupain ay matulungang makapanatili pa nang mas matagal kaysa sa inaasahan at sa gayo’y matuto pa sila nang higit tungkol sa kanilang bagong pananampalataya. Dahil dito, ipinagbili niyaong may mga pag-aari ang kanilang mga tinatangkilik at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan upang maipamahagi sa mga nangangailangan. “Ang lahat niyaong naging mga mananampalataya ay magkakasamang nagtaglay ng lahat ng bagay para sa lahat.” Ngunit kusang-loob ang buong kaayusang ito, gaya ng ipinakikita ng tanong ni Pedro kay Ananias: “Hangga’t nananatili pa iyon sa iyo, hindi ba iyon nananatiling iyo, at pagkatapos na maipagbili iyon, hindi ba nasa pamamahala mo pa rin iyon?”—Gaw 2:41-47; 4:4, 34, 35; 5:4.
Waring sa kalaunan ay naglaho ang ganitong uri ng tulong, ngunit nagpatuloy pa rin ang pamamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga babaing balo sa kongregasyon. May kaugnayan dito, nagsimulang magbulung-bulungan ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, “sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.” Upang malunasan ang situwasyong ito, inirekomenda ng mga apostol na pumili ang kongregasyon ng pitong kuwalipikadong lalaki na “puspos ng espiritu at karunungan” upang sila ang mamahagi ng pagkain. Ang mga lalaking pinili ay inilagay sa harap ng mga apostol, na pagkatapos manalangin ay nag-atas sa mga lalaking iyon. Walang alinlangang kasama sa kanilang gawain ang paghawak ng mga pondo, pagbili, at pag-iingat ng ilang rekord sa pamamahagi ng panustos na pagkain. (Gaw 6:1-6) Nang isulat ni Pablo ang kaniyang unang liham kay Timoteo, mayroon pang kaayusan ng pangangalaga sa mga babaing balo, gaya ng ipinakikita ng mga tagubilin niya kay Timoteo tungkol sa mga kuwalipikado para sa gayong pinansiyal na tulong.—1Ti 5:3-16.
Bukod sa pangangalaga sa mga babaing balo, ang unang-siglong kongregasyon ay nag-organisa ng tulong alang-alang sa iba pang nagdarahop na mga mananampalataya. Muli, kusang-loob ang gayong organisadong pagbibigay, bagaman pinangasiwaan ito ng mga lalaking inatasan mula sa kongregasyon.—Gaw 11:28-30; Ro 15:25-27; 1Co 16:1-3; 2Co 9:5, 7; tingnan ang TULONG.
Relatibong kahalagahan ng pagbibigay ng materyal na tulong. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pinasisigla ang pagkamapagpatuloy at ang pagbabahagi sa iba, ngunit bukod pa riyan, ipinakikita rin nito na ang paglalaan para sa mga miyembro ng pamilya ng isa at ang pagtulong sa nagdarahop na mga kapatid ay mga kahilingan sa mga Kristiyano. (Ro 12:13; 1Ti 5:4, 8; San 2:15, 16; 1Ju 3:17, 18) Ang isang pagkakakilanlan ng tunay na relihiyon ay ang taimtim na pagkabahala sa mga dukha. (San 1:27; 2:1-4) Sa katunayan, gaya ng sinabi ni Jesus, ang paggawa ng mabuti sa “pinakamababa sa mga ito na [kaniyang] mga kapatid” ang ipinagkaiba ng “mga tupa” mula sa “mga kambing.” (Mat 25:31-46) Gayunman, sa halip na maging pagkakawanggawa lamang, ang tulong na ibinibigay ng “mga tupa” ay udyok ng pagkilala nila sa posisyon ng mga tagasunod ni Kristo.—Mat 10:40-42.
Upang magbunga ng tunay na kaligayahan sa nagbibigay, ang pagbibigay ay dapat gawin nang walang bulung-bulungan at hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit. “Iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2Co 9:7; Gaw 20:35; 1Pe 4:9) Sabihin pa, hindi sapat ang materyal na mga kaloob ng awa sa ganang sarili upang ang isa ay magtamo ng buhay na walang hanggan at hindi itinuring ni Jesu-Kristo na ang mga ito ang siyang pinakamahalaga.—Ju 17:3; 12:1-8.