MGA TANONG MULA SA MGA MAMBABASA
Paano hinihirang ang mga elder at ministeryal na lingkod sa bawat kongregasyon?
Noong unang siglo C.E., sinabi ni apostol Pablo sa mga elder sa kongregasyon ng Efeso: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Anong papel ang ginagampanan ng banal na espiritu sa paghirang sa mga elder at ministeryal na lingkod ngayon?
Una, pinatnubayan ng banal na espiritu ang mga manunulat ng Bibliya sa pagsulat ng mga kuwalipikasyon para sa mga elder at ministeryal na lingkod. Ang 16 na kahilingan para sa mga elder ay nakasaad sa 1 Timoteo 3:1-7. Ang iba pang kuwalipikasyon ay makikita sa Tito 1:5-9 at Santiago 3:17, 18. Ang mga kuwalipikasyon naman para sa mga ministeryal na lingkod ay nakatala sa 1 Timoteo 3:8-10, 12, 13. Ikalawa, espesipikong ipinapanalangin ng mga nagrerekomenda at nag-aatas na gabayan sila ng espiritu ni Jehova habang sinusuri nila kung naaabot ng isang brother ang mga kahilingan sa Kasulatan sa makatuwirang antas. Ikatlo, ang indibiduwal na inirerekomenda ay kailangang magpakita ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay. (Gal. 5:22, 23) Kaya ang espiritu ng Diyos ay sangkot sa buong proseso ng paghirang.
Pero sino ang aktuwal na gumagawa ng paghirang? Dati, ang lahat ng rekomendasyon para sa pag-aatas ng mga elder at ministeryal na lingkod ay ipinadadala sa lokal na tanggapang pansangay. May mga brother doon na inatasan ng Lupong Tagapamahala para pag-aralan ang mga rekomendasyon at gumawa ng paghirang. Pagkatapos, ipinagbibigay-alam ito ng tanggapang pansangay sa lupon ng matatanda. Ipinaaalam naman ng matatanda sa mga bagong-hirang na brother ang pagkakahirang sa kanila, at itinatanong kung handa ba nilang tanggapin ang atas at kung talagang kuwalipikado silang tanggapin ito. Saka ito ipinatatalastas sa kongregasyon.
Pero paano ginagawa ang paghirang noong unang siglo? Kung minsan, ang mga apostol ang aktuwal na gumagawa nito, gaya noong mag-atas sila ng pitong lalaki para mag-asikaso sa pang-araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa mga babaeng balo. (Gawa 6:1-6) Pero maaaring elder na ang mga lalaking iyon bago pa sila binigyan ng karagdagang atas na ito.
Hindi dinetalye ng Kasulatan kung paano ginagawa ang bawat pag-aatas noong unang siglo, pero may ilang pahiwatig tungkol dito. Sinasabi sa ulat na nang pauwi na sina Pablo at Bernabe mula sa kanilang unang paglalakbay bilang mga misyonero, “nag-atas sila ng matatandang lalaki para sa kanila sa bawat kongregasyon at, nang makapaghandog ng panalangin na may mga pag-aayuno, ipinagkatiwala nila ang mga ito kay Jehova na kanilang sinampalatayanan.” (Gawa 14:23) Pagkaraan ng ilang taon, sumulat si Pablo kay Tito na kasamahan niya sa paglalakbay: “Iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, gaya ng ibinigay kong mga utos sa iyo.” (Tito 1:5) Lumilitaw na si Timoteo, na maraming beses na nakasama ni apostol Pablo sa paglalakbay, ay binigyan din ng gayong awtoridad. (1 Tim. 5:22) Kaya maliwanag na ang mga pag-aatas na ito ay ginawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, hindi ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem.
Kaayon ng parisang ito sa Bibliya, ini-adjust ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang proseso ng paghirang ng mga elder at ministeryal na lingkod. Simula Setyembre 1, 2014, ganito na ang proseso ng paghirang: Maingat na susuriin ng bawat tagapangasiwa ng sirkito ang mga rekomendasyon sa kaniyang sirkito. Sa pagdalaw niya sa mga kongregasyon, sisikapin niyang makilala ang mga inirekomenda at makasama sila sa ministeryo hangga’t posible. Saka niya ipakikipag-usap sa lupon ng matatanda ang mga rekomendasyon. Pagkatapos, ang tagapangasiwa ng sirkito ang gagawa ng paghirang ng mga elder at ministeryal na lingkod. Ang ganitong kaayusan ay mas malapit sa parisan noong unang siglo.
Sino-sino ang nasasangkot sa proseso ng paghirang? Gaya ng dati, “ang tapat at maingat na alipin” ang pangunahing may pananagutan sa pagpapakain sa mga lingkod ng sambahayan. (Mat. 24:45-47) Kasama rito ang pagsasaliksik sa Kasulatan, sa tulong ng banal na espiritu, para makapagbigay ng mga tagubilin kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya may kaugnayan sa kaayusan ng pambuong-daigdig na kongregasyon. Ang tapat na alipin din ang humihirang ng lahat ng tagapangasiwa ng sirkito at miyembro ng Komite ng Sangay. Ang bawat tanggapang pansangay naman ay tumutulong sa pagpapatupad sa mga tagubilin ng tapat na alipin. Tungkulin ng bawat lupon ng matatanda na suriing mabuti ang espirituwal na kuwalipikasyon ng mga brother na inirerekomendang mahirang sa kongregasyon ng Diyos. Seryosong pananagutan naman ng bawat tagapangasiwa ng sirkito na maingat at may-pananalanging isaalang-alang ang mga rekomendasyon ng mga elder at saka hirangin ang kuwalipikadong mga brother.
Kapag naunawaan natin kung paano ginagawa ang paghirang, malinaw nating makikita ang papel ng banal na espiritu sa prosesong ito. Sa gayon, magkakaroon tayo ng higit na pagtitiwala at paggalang sa mga brother na hinirang sa kongregasyong Kristiyano.—Heb. 13:7, 17.
Sino ang dalawang saksi na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 11?
Sa Apocalipsis 11:3, binanggit na may dalawang saksi na manghuhula sa loob ng 1,260 araw. Pagkatapos, sinabi ng ulat na “dadaigin sila at papatayin” ng mabangis na hayop. Pero pagkaraan ng “tatlo at kalahating araw,” ang dalawang saksing ito ay bubuhaying muli, na ikagugulat ng lahat ng nagmamasid.—Apoc. 11:7, 11.
Sino ang dalawang saksing ito? Makakatulong ang mga detalye ng ulat para makilala natin sila. Una, binabanggit na sila ay “isinasagisag ng dalawang punong olibo at ng dalawang kandelero.” (Apoc. 11:4) Ipinaaalala nito sa atin ang kandelero at dalawang punong olibo sa hula ni Zacarias. Sinasabing ang mga punong olibong iyon ay lumalarawan sa “dalawang pinahiran,” samakatuwid nga, kay Gobernador Zerubabel at sa mataas na saserdoteng si Josue, na “nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.” (Zac. 4:1-3, 14) Ikalawa, binabanggit na ang dalawang saksi ay gumagawa ng mga tanda na katulad ng ginawa nina Moises at Elias.—Ihambing ang Apocalipsis 11:5, 6 sa Bilang 16:1-7, 28-35 at 1 Hari 17:1; 18:41-45.
Ano ang pagkakatulad ng mga talatang ito ng Apocalipsis at ng Zacarias? Parehong tumutukoy ang mga ito sa mga pinahiran ng Diyos na nanguna sa tunay na pagsamba sa panahon ng pagsubok. Kaya sa katuparan ng Apocalipsis kabanata 11, ang mga pinahirang kapatid na nanguna sa pangangaral nang panahong itatag ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914 ay nangaral na ‘nakatelang-sako’ sa loob ng tatlo at kalahating taon.
Sa katapusan ng kanilang pangangaral nang nakatelang-sako, ang mga pinahirang ito ay pinatay sa makasagisag na paraan nang ibilanggo sila nang “tatlo at kalahating araw,” isang makasagisag na yugto ng panahon na mas maikli kaysa sa tatlo at kalahating taon. Sa paningin ng mga kaaway ng bayan ng Diyos, ang gawaing pangangaral ay tuluyan nang napahinto, na labis nilang ikinatuwa.—Apoc. 11:8-10.
Pero gaya ng inihula, sa katapusan ng tatlo at kalahating araw, binuhay-muli ang dalawang saksi. Ang mga pinahirang ito ay pinalaya mula sa bilangguan, at ang mga nanatiling tapat ay tumanggap ng pantanging atas mula sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo. Noong 1919, kabilang sila sa mga inatasang maglingkod bilang “tapat at maingat na alipin” na maglalaan ng espirituwal na pangangailangan ng bayan ng Diyos sa mga huling araw.—Mat. 24:45-47; Apoc. 11:11, 12.
Kapansin-pansin na iniuugnay ng Apocalipsis 11:1, 2 ang mga pangyayaring ito sa isang yugto ng panahon kung kailan susukatin, o susuriin, ang espirituwal na templo. Binabanggit sa Malakias kabanata 3 ang isang katulad na pagsisiyasat sa espirituwal na templo, na sinundan ng panahon ng paglilinis. (Mal. 3:1-4) Gaano katagal ang pagsisiyasat at paglilinis na ito? Ito ay mula noong 1914 hanggang sa mga unang buwan ng 1919. Saklaw ng yugtong ito kapuwa ang 1,260 araw (42 buwan) at ang makasagisag na tatlo at kalahating araw na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 11.
Laking pasasalamat natin na isinaayos ni Jehova ang espirituwal na pagdadalisay na ito upang linisin ang isang espesyal na bayan para sa maiinam na gawa! (Tito 2:14) Pinahahalagahan din natin ang halimbawang ipinakita ng tapat na mga pinahiran na nanguna nang panahong iyon ng pagsubok at nagsilbing ang makasagisag na dalawang saksi.a
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Bantayan, Hulyo 15, 2013, pahina 22, parapo 12.