Magpakita ng Kabaitan sa mga Estranghero
“Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy.”—HEB. 13:2.
1, 2. (a) Anong mga hamon ang napapaharap sa mga estranghero sa ngayon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Anong paalaala ang ibinigay ni apostol Pablo, at anong mga tanong ang tatalakayin natin?
MAHIGIT 30 taon na ang nakararaan, si Osei,[1] na hindi pa Saksi noon, ay dumating sa Europa mula sa Ghana. Naalaala niya: “Na-realize ko na walang pakialam sa akin ang karamihan. Nanibago rin ako sa klima. Nang makalabas ako sa airport at maramdaman ang lamig, napaiyak ako.” Dahil hiráp siya sa wika, mahigit isang taon na walang makitang disenteng trabaho si Osei. At dahil malayo siya sa kaniyang pamilya, nalungkot siya at na-homesick.
2 Kung ikaw ang nasa gayong sitwasyon, ano ang gusto mong maging pagtrato sa iyo ng iba? Hindi mo ba pahahalagahan ang mainit na pagtanggap sa iyo sa Kingdom Hall, anuman ang iyong nasyonalidad o kulay ng balat? Ang totoo, hinihimok ng Bibliya ang mga tunay na Kristiyano: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy.” (Heb. 13:2) Sa orihinal na wika, ang pananalitang “pagkamapagpatuloy” ay nangangahulugang “kabaitan sa mga estranghero.” Kaya talakayin natin ang mga sumusunod: Ano ang pananaw ni Jehova sa mga estranghero? Bakit kaya kailangan nating itama ang pananaw natin sa mga estranghero? At paano natin matutulungan ang mga nanggaling sa ibang bansa na mapalagay ang loob sa ating kongregasyon?
ANG PANANAW NI JEHOVA SA MGA ESTRANGHERO
3, 4. Ayon sa Exodo 23:9, paano dapat pakitunguhan ng sinaunang bayan ng Diyos ang mga banyaga, at bakit?
3 Matapos palayain ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa Ehipto, binigyan niya sila ng mga batas na nagpapakita ng espesyal na konsiderasyon sa maraming di-Israelitang sumama sa kanila. (Ex. 12:38, 49; 22:21) Dahil madalas mapagkaitan ang mga banyaga, gumawa si Jehova ng maibiging mga kaayusan para sa kanila. Isa na rito ang karapatang maghimalay, o pamumulot ng tirang ani.—Lev. 19:9, 10.
4 Sa halip na basta utusan ang mga Israelita na igalang ang mga banyaga, inantig ni Jehova ang kanilang empatiya. (Basahin ang Exodo 23:9.) Alam ng mga Israelita ang pakiramdam ng maging banyaga. Bago pa man sila naging mga alipin, malamang na iniiwasan na sila ng mga Ehipsiyo dahil sa diskriminasyon sa lahi at relihiyon. (Gen. 43:32; 46:34; Ex. 1:11-14) Mahirap ang naging buhay ng mga Israelita bilang naninirahang dayuhan, pero inaasahan ni Jehova na pakikitunguhan nila ang mga banyaga na “katulad ng katutubo” sa gitna nila.—Lev. 19:33, 34.
5. Ano ang tutulong sa atin na matularan ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga banyaga?
5 Ganiyan din ang pagmamalasakit ni Jehova sa ngayon sa mga banyagang dumadalo sa mga pulong ng ating kongregasyon. (Deut. 10:17-19; Mal. 3:5, 6) Kung iisipin natin ang mga hamong napapaharap sa kanila, gaya ng diskriminasyon o problema sa wika, magpapakita tayo ng kabaitan at pakikipagkapuwa-tao sa kanila.—1 Ped. 3:8.
KAILANGAN BA NATING ITAMA ANG PANANAW NATIN SA MGA ESTRANGHERO?
6, 7. Ano ang nagpapakita na nadaig ng mga Kristiyano noong unang siglo ang matinding diskriminasyon?
6 Nadaig ng mga Kristiyano noong unang siglo ang matinding diskriminasyon na karaniwan sa mga Judio. Noong Pentecostes 33 C.E., ang mga nakatira sa Jerusalem ay naging mapagpatuloy sa mga bagong-kumberteng Kristiyano na nagmula sa iba’t ibang lupain. (Gawa 2:5, 44-47) Ang pagmamalasakit ng mga Judiong Kristiyano sa mga kapananampalataya nilang ito ay katibayan na naiintindihan nila na ang salitang “pagkamapagpatuloy” ay nangangahulugang “kabaitan sa mga estranghero.”
7 Pero habang lumalago ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano, bumangon ang isang isyu tungkol sa diskriminasyon. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego na hindi pinakikitunguhan nang patas ang kanilang mga babaeng balo. (Gawa 6:1) Para solusyunan ito, nag-atas ang mga apostol ng pitong lalaki para matiyak na walang napapabayaan. Lahat ng napili ay may mga pangalang Griego, na nagpapahiwatig na gusto ng mga apostol na alisin ang anumang tensiyon tungkol sa lahi.—Gawa 6:2-6.
8, 9. (a) Ano ang maaaring indikasyon na may diskriminasyon tayo o pagmamapuri? (b) Ano ang dapat nating bunutin sa ating puso? (1 Ped. 1:22)
8 Batid man natin o hindi, lahat tayo ay naiimpluwensiyahan ng ating kultura. (Roma 12:2) Malamang na naririnig din natin ang ating mga kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela na hinahamak ang mga may ibang pinagmulan, tribo, o kulay ng balat. Naiimpluwensiyahan ba tayo ng gayong negatibong pananaw? At paano tayo tumutugon kapag ginagawang katatawanan ang ating lahi o kultura?
9 Negatibo ang pananaw noon ni apostol Pedro sa mga di-Judio, pero unti-unti niya itong inalis sa kaniyang puso. (Gawa 10:28, 34, 35; Gal. 2:11-14) Kaya kung may makita rin tayong bahid ng diskriminasyon o pagmamapuri sa ating sarili, pagsikapan nating bunutin ito sa ating puso. (Basahin ang 1 Pedro 1:22.) Tandaan natin na walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kaligtasan; lahat tayo ay di-sakdal, anuman ang ating nasyonalidad. (Roma 3:9, 10, 21-24) Kaya bakit natin ituturing ang ating sarili na nakahihigit sa iba? (1 Cor. 4:7) Tularan natin ang pananaw ni apostol Pablo, na nagsabi sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano na “hindi na [sila] mga taga-ibang bayan at mga naninirahang dayuhan, kundi . . . mga miyembro ng sambahayan ng Diyos.” (Efe. 2:19) Kung sisikapin nating madaig ang negatibong pananaw sa mga may ibang pinagmulan, maibibihis natin ang bagong personalidad.—Col. 3:10, 11.
KUNG PAANO MAGPAPAKITA NG KABAITAN SA MGA ESTRANGHERO
10, 11. Sa pakikitungo niya kay Ruth na Moabita, paano tinularan ni Boaz ang pananaw ni Jehova sa mga estranghero?
10 Sa pakikitungo niya kay Ruth na Moabita, tiyak na tinularan ni Boaz ang pananaw ni Jehova sa mga estranghero. Nang pumunta si Boaz sa kaniyang bukid sa panahon ng pag-aani, napansin niya ang banyagang babaeng ito na masipag na naghihimalay sa likuran ng kaniyang mga mang-aani. Nang malaman niya na humingi muna si Ruth ng pahintulot—kahit may karapatan naman si Ruth na maghimalay—natuwa si Boaz at pinayagan niya ito na maghimalay rin sa mga bungkos ng butil.—Basahin ang Ruth 2:5-7, 15, 16.
11 Ipinakikita ng pag-uusap nila na talagang nagmamalasakit si Boaz kay Ruth at naiintindihan niya ang mahirap na sitwasyon nito bilang banyaga. Kaya inanyayahan ni Boaz si Ruth na manatili sa grupo ng kaniyang mga kabataang babae para hindi ito bastusin ng mga lalaking nagtatrabaho sa bukid. Tiniyak pa nga niya na makakakuha si Ruth ng pagkain at tubig, gaya ng mga upahang manggagawa. Hindi rin hinamak ni Boaz ang dukhang banyagang ito kundi pinatibay niya ito.—Ruth 2:8-10, 13, 14.
12. Anong magandang epekto ang maidudulot ng kabaitan natin sa mga dayuhang bagong dating?
12 Hindi lang humanga si Boaz sa pagmamalasakit ni Ruth sa biyenan nitong si Noemi. Natuwa rin siya na naging mananamba ni Jehova si Ruth. Ang totoo, ang kabaitang ipinakita ni Boaz ay kapahayagan ng matapat na pag-ibig ni Jehova sa isang babae na ‘nanganlong sa ilalim ng mga pakpak ng Diyos ng Israel.’ (Ruth 2:12, 20; Kaw. 19:17) Sa ngayon din naman, ang kabaitan natin ay makatutulong sa “lahat ng uri ng mga tao” na makilala ang katotohanan at makita kung gaano sila kamahal ni Jehova.—1 Tim. 2:3, 4.
13, 14. (a) Bakit dapat nating sikaping batiin ang mga estranghero sa Kingdom Hall? (b) Ano ang puwede mong gawin kung naiilang kang lapitan ang mga may ibang kultura?
13 Makapagpapakita tayo ng kabaitan sa mga dayuhang bagong dating kung masaya natin silang babatiin sa Kingdom Hall. Kung minsan, mahiyain sila at gustong mapag-isa. Dahil sa kanilang kinalakhan o estado sa buhay, baka madama nila na nakabababa sila sa ibang lahi o nasyonalidad. Kaya naman dapat tayong maunang magpakita sa kanila ng taimtim na personal na interes. Kung available sa inyong wika ang JW Language app, matututuhan mo kung paano sila babatiin sa sarili nilang wika.—Basahin ang Filipos 2:3, 4.
14 Baka naiilang kang lapitan ang mga may ibang kultura. Para hindi ka maasiwa, puwede kang bumanggit ng ilang bagay tungkol sa iyo. Di-magtatagal, makikita mo na mas marami pala kayong pagkakatulad kaysa sa pagkakaiba—totoo man o inaakala lang—at na ang bawat kultura ay may kani-kaniyang magaganda at di-magagandang katangian.
IPADAMA SA KANILA NA TINATANGGAP SILA
15. Ano ang tutulong sa atin na maging mas maunawain sa mga nag-a-adjust pa lang sa kanilang bagong bansa?
15 Para matulungan ang iba na mapalagay ang loob sa kongregasyon, tanungin ang sarili, ‘Kung ako ang nasa ibang bansa, anong pagtrato ang gusto ko?’ (Mat. 7:12) Maging matiyaga sa mga nag-a-adjust pa lang sa kanilang bagong bansa. Sa simula, baka hindi natin lubusang naiintindihan ang kanilang pag-iisíp o pagkilos. Pero sa halip na ipilit sa kanila ang ating kultura, bakit hindi natin sila tanggapin kung sino talaga sila?—Basahin ang Roma 15:7.
16, 17. (a) Ano ang mga puwede nating gawin para mas maging malapít sa mga may ibang kultura? (b) Anong praktikal na tulong ang maibibigay natin sa mga nandayuhang lumipat sa ating kongregasyon?
16 Kung magiging pamilyar tayo sa pinagmulang bansa at kultura ng mga nandayuhan, mas magiging madali sa atin na makipag-usap sa kanila. Sa panahon ng ating pampamilyang pagsamba, puwede tayong mag-research tungkol sa kultura ng mga banyaga na nasa kongregasyon o teritoryo natin. Puwede rin nating anyayahan ang mga nandayuhan na kumain sa ating tahanan. Yamang “binuksan na [ni Jehova] sa mga bansa ang pinto tungo sa pananampalataya,” maaari din ba nating buksan ang ating pinto sa mga estranghero na “may kaugnayan sa atin sa pananampalataya”?—Gawa 14:27; Gal. 6:10; Job 31:32.
17 Kung maglalaan tayo ng panahon sa isang pamilyang nandayuhan, mas mapahahalagahan natin ang ginagawa nilang pagsisikap na makapag-adjust sa ating kultura. Pero baka makita rin natin na kailangan nila ng tulong para matutuhan ang ating wika. Puwede rin ba natin silang tulungang makipag-ugnayan sa lokal na mga ahensiya para makakuha ng maayos na tirahan o trabaho? Malaki ang magagawa ng gayong praktikal na tulong sa buhay ng isang kapananampalataya.—Kaw. 3:27.
18. Kaninong halimbawa ng pagiging magalang at mapagpasalamat ang matutularan ng mga nandayuhan?
18 Siyempre pa, gagawin ng mga nandayuhan ang kanilang buong makakaya para makapag-adjust sa kultura ng kanilang bagong bansa. Magandang halimbawa si Ruth sa bagay na iyan. Una, iginalang niya ang mga kaugalian sa kaniyang bagong bansa sa pamamagitan ng paghingi muna ng pahintulot na makapaghimalay. (Ruth 2:7) Pinahalagahan niya ang karapatang ito at hindi inisip na obligado ang iba na tulungan siya. Ikalawa, nagpapasalamat siya sa kabaitang ipinakikita sa kaniya. (Ruth 2:13) Kung tutularan siya ng mga nandayuhan, mas igagalang sila ng lokal na mga mamamayan at mga kapananampalataya nila.
19. Ano ang mga dahilan para tanggapin natin ang mga estranghero sa gitna natin?
19 Natutuwa tayo na dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, napaaabutan ng mabuting balita ang mga tao, anuman ang kanilang pinagmulan. Sa kanilang bansa, baka hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral ng Bibliya o malayang makipagpulong kasama ng bayan ni Jehova. Pero magagawa na nila ito ngayon. Matutulungan ba natin silang mapalagay ang loob para hindi nila maramdamang estranghero sila sa gitna natin? Kahit limitado lang ang materyal o praktikal na tulong na maibibigay natin, tinutularan natin ang pag-ibig ni Jehova kapag nagpapakita tayo ng kabaitan sa kanila. Kaya bilang ‘mga tagatulad sa Diyos,’ gawin natin ang ating buong makakaya para tanggapin ang mga estranghero sa gitna natin.—Efe. 5:1, 2.
^ [1] (parapo 1) Binago ang pangalan.