Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ginawa ba ni Jehova ang pakikipagtipan kay Abraham sa Ur o sa Haran?
Ang pinakamaagang ulat ng pakikipagtipan ni Jehova kay Abraham ay matatagpuan sa Genesis 12:1-3, na nagsasabi: “Sinabi ni Jehova kay Abram: ‘Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo . . . At tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.’ ”a Malamang na ginawa ni Jehova ang pakikipagtipang ito kay Abraham habang ang huling nabanggit ay nasa Ur at pinagtibay niya itong muli nang si Abraham ay nasa Haran.
Noong unang siglo, binanggit ni Esteban ang utos ni Jehova na lumipat si Abraham sa Canaan. Sa kaniyang talumpati sa Sanedrin, sinabi niya: “Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham samantalang siya ay nasa Mesopotamia, bago siya nanahanan sa Haran, at sinabi niya sa kaniya, ‘Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na ipakikita ko sa iyo.’ ” (Gawa 7:2, 3) Si Abraham ay dating taga-Ur, at gaya ng binanggit ni Esteban, doon niya unang narinig ang utos na magtungo siya sa Canaan. (Genesis 15:7; Nehemias 9:7) Hindi binanggit ni Esteban ang tipan ng Diyos kay Abraham, ngunit sa Genesis 12:1-3, ang tipang iyon ay iniuugnay sa utos na magtungo sa Canaan. Kaya makatuwirang maniwala na sa Ur ginawa ni Jehova ang pakikipagtipan kay Abraham.
Gayunman, ang maingat na pagbasa sa ulat ng Genesis ay nagpapahiwatig na muling binigkas ni Jehova sa Haran ang kaniyang tipan kay Abraham, gaya ng pag-ulit niya at pagbibigay ng higit na detalye hinggil sa ilang aspekto nito sa ilan pang pagkakataon sa Canaan. (Genesis 15:5; 17:1-5; 18:18; 22:16-18) Ayon sa Genesis 11:31, 32, ang ama ni Abraham na si Tera ay umalis ng Ur patungo sa Canaan, kasama sina Abraham, Sara, at Lot. Dumating sila sa Haran at nanatili roon hanggang sa mamatay si Tera. Matagal-tagal ding nasa Haran si Abraham anupat nakapagtipon siya ng malaking kayamanan. (Genesis 12:5) At nang mga panahong iyon, lumipat din doon si Nahor na kapatid ni Abraham.
Matapos itala ang pagkamatay ni Tera, iniulat ng Bibliya ang mga salita ni Jehova kay Abraham at nagpatuloy: “Sa gayon ay humayo si Abram gaya ng sinalita ni Jehova sa kaniya.” (Genesis 12:4) Kaya ang Genesis 11:31–12:4 ay nagbibigay ng matinding impresyon na binigkas ni Jehova ang mga salitang nakaulat sa Genesis 12:1-3 pagkamatay ni Tera. Kung iyan ay totoo, umalis si Abraham sa Haran at lumipat sa lupain na tinukoy ni Jehova bilang tugon sa isang utos na karirinig lamang niya, gayundin sa isa na una niyang narinig sa Ur maraming taon na ang nakalilipas.
Ayon sa Genesis 12:1, iniutos ni Jehova kay Abraham: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama.” Dati, ang “lupain” ni Abraham ay ang Ur, at ang “bahay” ng kaniyang ama ay naroon. Gayunman, inilipat ng ama ni Abraham ang sambahayan nito sa Haran, at tinawag ni Abraham ang dakong iyon na kaniyang lupain. Pagkatapos ng maraming taon sa Canaan, nang isugo niya ang kaniyang katiwala sa ‘kaniyang lupain at sa kaniyang mga kamag-anak’ upang ihanap ng mapapangasawa si Isaac, ang katiwala ay nagtungo sa “lunsod ni Nahor” (alinman sa Haran o sa isang lugar na malapit doon). (Genesis 24:4, 10) Doon ay natagpuan ng katiwala si Rebeka sa mga kamag-anak ni Abraham, ang malaking pamilya ni Nahor.—Genesis 22:20-24; 24:15, 24, 29; 27:42, 43.
Sa kaniyang talumpati sa Sanedrin, ganito ang sinabi ni Esteban hinggil kay Abraham: “Pagkamatay ng kaniyang ama, ay pinalipat siya ng Diyos ng tirahan sa lupaing ito na tinatahanan ninyo ngayon.” (Gawa 7:4) Ipinakikita nito na nakipagtalastasan si Jehova kay Abraham sa Haran. Makatuwirang maniwala na sa pagkakataong iyon ay inulit ni Jehova ang kaniyang tipan kay Abraham gaya ng nakaulat sa Genesis 12:1-3, yamang ang tipan ay nagkabisa nang lumipat si Abraham sa Canaan. Kaya, ang pagsasaalang-alang sa lahat ng pangyayari ay umaakay sa konklusyon na malamang na ginawa ni Jehova ang kaniyang pakikipagtipan kay Abraham sa Ur at pinagtibay niya itong muli sa Haran.
[Talababa]
a Pinalitan ni Jehova ng Abraham ang pangalan ni Abram doon sa Canaan nang si Abraham ay 99 na taóng gulang.—Genesis 17:1, 5.