ESTEBAN
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “korona; putong”].
Ang unang Kristiyanong martir. Bagaman Griego ang kaniyang pangalan, siya ay isa sa tapat na mga Judiong nalabi na tumanggap at sumunod sa Mesiyas.—Gaw 7:2.
Ang Pag-aatas sa Kaniya sa Isang Pantanging Ministeryo. Ang pangalan ni Esteban ay unang lumitaw sa ulat ng Bibliya may kaugnayan sa pag-aatas ng mga lalaki sa mga pananagutan ukol sa pantanging paglilingkod sa kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Ang ulat ay kababasahan: “Nang mga araw ngang ito, nang ang mga alagad ay dumarami, nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.” Nakita ng mga apostol ang pangangailangan na bigyan ng pantanging pansin ang bagay na ito, at tinagubilinan nila ang kongregasyon: “Kaya, mga kapatid, humanap kayo sa ganang inyo ng pitong lalaking may patotoo mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa mahalagang gawaing ito.” Kaya ang kuwalipikadong mga lalaking ito ay pinili at inatasan ng mga apostol.—Gaw 6:1-6.
Sa gayon, tumanggap si Esteban ng isang atas sa ministeryo sa isang pantanging paraan. Siya at ang anim na iba pang inatasan sa “mahalagang gawaing ito,” ang pamamahagi ng mga panustos na pagkain, ay maaaring matatandang lalaki, o mga tagapangasiwa na. Ang mga lalaking ito ay mga lalaking “puspos ng espiritu at karunungan,” na kahilingan noong partikular na panahong iyon ng kagipitan, sapagkat hindi lamang ito basta pamamahagi ng mga panustos na pagkain (posibleng mga butil at iba pang mga pangunahing pagkain) kundi kasangkot din dito ang pangangasiwa. Maaaring kinailangang gampanan ng mga lalaking ito ang mga tungkuling pagbili, pag-iingat ng mga rekord, at iba pa. Kaya, bagaman ang gayong gawain, kung sa mas maliit na antas o sa ilalim ng ibang mga kalagayan, ay maaari na sanang gampanan ng isang di·aʹko·nos, isang “ministeryal na lingkod,” hindi ng isang tagapangasiwa, o matandang lalaki, ang situwasyon dito ay maselan, yamang mayroon nang suliranin at mga hidwaan sa kongregasyon. Sa gayon ay nangangailangan ito ng mga lalaking may mahusay na pagpapasiya, maingat, may-unawa, at makaranasan. Ipinahihiwatig ng pagtatanggol ni Esteban sa harap ng Sanedrin ang kaniyang mga kuwalipikasyon.
Habang inaasikaso niya ang iniatas na ministeryal na mga tungkuling ito, buong-siglang ipinagpatuloy ni Esteban ang kaniyang Kristiyanong pangangaral. Iniulat ng mananalaysay na si Lucas na “si Esteban, puspos ng kagandahang-loob at kapangyarihan,” at “gumagawa ng dakilang mga palatandaan at mga tanda sa mga tao,” ay mahigpit na sinalansang ng mga Judio mula sa tinatawag na Sinagoga ng mga Pinalaya at ng mga iba pa mula sa Asia at Aprika. Ngunit gayon na lamang ang karunungan at espiritu na ipinakita ni Esteban sa pagsasalita anupat hindi sila nakapanindigan laban sa kaniya. Gaya ng ginawa sa kaso ni Jesus, ang mga kaaway ay palihim na kumuha ng mga bulaang saksi upang akusahan si Esteban ng pamumusong sa harap ng Sanedrin.—Tingnan ang TAONG PINALAYA, TAONG LAYA.
Ang Pagtatanggol Niya sa Harap ng Sanedrin. Buong-tapang na isinalaysay ni Esteban ang mga pakikitungo ng Diyos sa mga Hebreo mula noong panahon ng kanilang ninunong si Abraham, at nagtapos siya sa matitinding akusasyon laban sa kaniya mismong tagapakinig na mga lider ng relihiyon. Samantalang nasugatan ang kanilang puso dahil totoo ang mga akusasyon at nagsisimulang magngalit ang kanilang ngipin laban sa kaniya, si Esteban ay pinagkalooban ng Diyos ng isang pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Nang ilarawan niya ang pangitain, ang kapulungan ay sumigaw at may-pagkakaisang dumaluhong sa kaniya at itinapon nila siya sa labas ng lunsod. Pagkatapos, nang mailapag nila ang kanilang mga kasuutan sa paanan ni Saul, binato nila si Esteban hanggang sa mamatay ito. Bago ‘natulog sa kamatayan,’ nanalangin si Esteban: “Jehova, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” Dumating ang ilang mapagpitagang lalaki at inilibing nila siya at tinaghuyan ang kaniyang kamatayan. Pagkatapos ay nagsimula ang malaking pag-uusig laban sa mga Kristiyano, anupat nangalat sila (bagaman nanatili sa Jerusalem ang mga apostol) at nagbunga ng paglaganap ng mabuting balita.—Gaw 6:8–8:2; 11:19; 22:20.
Kalakip sa salaysay ni Esteban na ipinahayag sa harap ng Sanedrin ang ilang pangyayari may kinalaman sa kasaysayan ng mga Judio na hindi masusumpungan sa Hebreong Kasulatan: ang edukasyon ni Moises sa Ehipto, ang edad niyang 40 nang tumakas siya mula sa Ehipto, ang 40-taóng lawig ng pananatili niya sa Midian bago siya bumalik sa Ehipto, at ang papel ng mga anghel sa pagbibigay ng Kautusang Mosaiko.—Gaw 7:22, 23, 30, 32, 38.
Si Esteban ang unang nagpatotoo na nakita niya, sa isang pantanging pangitain, si Jesus na bumalik na sa langit at nasa kanan ng Diyos, gaya ng inihula sa Awit 110:1.—Gaw 7:55, 56.