Nakita ni Saul ang Dati Niyang mga Kaibigan at mga Kaaway
MALAMANG na kinabahan si Saul, nakilala nang maglaon bilang apostol Pablo, nang magbalik siya sa Jerusalem sa unang pagkakataon mula nang makumberte siya sa Kristiyanismo.a Tatlong taon bago nito, umalis siya sa lunsod na nagbabantang papatayin niya ang mga alagad ni Jesus. Nabigyan na siya ng awtorisasyon na arestuhin ang sinumang Kristiyanong makita niya sa Damasco.—Gawa 9:1, 2; Galacia 1:18.
Nang maging Kristiyano siya mismo, buong-tapang na ipinahayag niya ang kaniyang pananampalataya sa binuhay-muling Mesiyas. Dahil dito, gusto siyang patayin ng mga Judio sa Damasco. (Gawa 9:19-25) Makaaasa kaya siya na malugod siyang tatanggapin ng dati niyang mga kaibigang Judio sa Jerusalem? Pero mas mahalaga kay Saul na makasama niya ang mga tagasunod ni Kristo sa Jerusalem. Hindi ito naging madali.
“Pagdating sa Jerusalem ay nagsikap siyang makisama sa mga alagad; ngunit silang lahat ay natatakot sa kaniya, sapagkat hindi sila naniwalang siya ay isang alagad.” (Gawa 9:26) May katuwiran naman sila. Ang huling pagkakilala nila sa kaniya ay isa siyang walang-awang mang-uusig. Ang pagsasabi niyang Kristiyano siya ay maaaring isang pakana lamang para mapasok ang kongregasyon. Kaya naman hindi masyadong lumalapit sa kaniya ang mga Kristiyano sa Jerusalem.
Pero isa sa mga ito ang tumulong kay Saul. Sinasabi ng Bibliya na dinala ni Bernabe ang dating mang-uusig “sa mga apostol” na maliwanag na tumutukoy kina Pedro (Cefas) at Santiago na kapatid ng Panginoon, at sinabi sa kanila ang tungkol sa pagkakumberte ni Saul at pangangaral nito sa Damasco. (Gawa 9:27; Galacia 1:18, 19) Hindi ipinaliwanag kung bakit nagtiwala si Bernabe kay Saul. Dati na bang magkakilala ang dalawa, anupat naudyukan si Bernabe na imbestigahan si Saul at pagkatapos ay garantiyahan ang kataimtiman nito? May kilala ba si Bernabe na mga Kristiyano sa Damasco at nabalitaan ang lubusang pagbabago ni Saul? Anuman ang nangyari, nawala ang paghihinala kay Saul dahil kay Bernabe. Kaya naman, nanirahan si Saul kina apostol Pedro nang 15 araw.
Labinlimang Araw Kasama ni Pedro
Nagmula mismo kay Jesus ang atas ni Saul at hindi na kailangan ang anumang awtorisasyon mula sa tao, gaya ng idiniin niya sa mga taga-Galacia. (Galacia 1:11, 12) Pero tiyak na alam ni Saul na mahalaga ring maging lubusang pamilyar sa ministeryo ni Jesus. Ang paninirahan kina Pedro ay nagbigay kay Saul ng sapat na panahon para matutuhan ito. (Lucas 24:12; 1 Corinto 15:3-8) Napakaraming maitatanong ni Saul kina Pedro at Santiago, at may mga tanong din naman sila kay Saul tungkol sa pangitain at atas nito.
Paano Nakaligtas si Saul sa Dati Niyang mga Kaibigan?
Si Esteban ay tinawag na unang Kristiyanong martir. Nakipagtalo noon si Esteban sa “tinatawag na Sinagoga ng mga Pinalaya, at mula sa mga taga-Cirene at mga Alejandrino at yaong mga mula sa Cilicia at Asia.” At ngayon, si Saul ay “nakikipagtalo sa mga Judiong nagsasalita ng Griego,” o mga Helenista, anupat buong-tapang na nagpapatotoo sa kanila. Ang resulta? Gusto nila siyang patayin.—Gawa 6:9; 9:28, 29.
Natural lamang na gustuhin ni Saul na ipaliwanag ang malaking pagbabago sa kaniyang buhay at sikaping maturuan ang dati niyang mga kaibigan tungkol sa Mesiyas. Pero nagalit ang mga Judiong Helenista sa lalaking ito na itinuturing nilang traidor.
Alam ba ni Saul ang panganib na sinusuong niya? Mababasa natin na habang nananalangin siya sa templo, nawala siya sa kaniyang diwa at nakita niya si Jesus, na nagsasabi sa kaniya: “Magmadali ka at umalis ka kaagad sa Jerusalem, sapagkat hindi sila sasang-ayon sa iyong patotoo may kinalaman sa akin.” Sumagot si Saul: “Panginoon, sila mismo ay lubos na nakaaalam na noon ay ibinibilanggo ko at pinapalo sa bawat sinagoga yaong mga naniniwala sa iyo; at nang ibinububo ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo rin sa tabi at sumasang-ayon.”—Gawa 22:17-20.
Para sa ilan, ang sagot ni Saul ay nagpapahiwatig na alam niya ang panganib. Iniisip naman ng iba na sinasabi niyang: ‘Mang-uusig din akong tulad nila, at alam nila iyon. Siguradong pag-iisipan nilang mabuti kung bakit ako nakumberte. Baka matulungan ko sila.’ Pero alam ni Jesus na hindi makikinig ang mga Judiong iyon sa patotoo ng isang “apostata.” Sinabi niya kay Saul: “Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa mga bansa sa malayo.”—Gawa 22:21, 22.
Nang makita ng kapuwa mga Kristiyano ang panganib, agad nilang dinala si Saul sa daungang-dagat ng Cesarea at pinapunta siya sa kaniyang tinubuang lunsod sa Tarso na 500 kilometro ang layo. (Gawa 9:30) Mga ilang taon din bago nakabalik si Saul sa Jerusalem.
Ang dali-daling pag-alis na ito ay posibleng naging proteksiyon sa kongregasyong Kristiyano. Maliwanag na isang malaking panganib kung naroroon ang dating mang-uusig. Pagkaalis ni Saul, “ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay; at habang lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu ay patuloy itong dumarami.”—Gawa 9:31.
Mga Aral sa Pag-iingat
Gaya noong unang siglo, may mga situwasyon ngayon na kailangan ang pag-iingat. Wala tayong dahilan upang maging sobrang mapaghinala sa mga di-kilala. Pero kung minsan, ang masasamang tao ay nagsasamantala sa bayan ni Jehova, para sa sarili nilang pakinabang o para sirain ang kongregasyon. Kaya naman gumagamit tayo ng kaunawaan upang hindi madaya ng mga impostor.—Kawikaan 3:27; 2 Timoteo 3:13.
Ipinakikita ng reaksiyon ni Saul sa pangangaral sa Jerusalem ang isa pang pag-iingat na maaaring gawin ng mga Kristiyano. Ang pagpapatotoo sa ilang pamayanan o ilang indibiduwal, pati na sa dating mga kaibigan, ay maaaring mapanganib—sa pisikal, espirituwal, o maging sa moral. Angkop lamang na maging maingat, gaya ng pagpili ng tamang oras at lugar sa pagpapatotoo.—Kawikaan 22:3; Mateo 10:16.
Makatitiyak tayong maipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bago dumating ang kawakasan ng masamang sistemang ito. Napakaganda ngang halimbawa ang ipinakita ni Saul sa bagay na iyan na “nagsasalita nang may tapang sa pangalan ng Panginoon” maging sa dating mga kaibigan at mga kaaway!—Gawa 9:28.
[Talababa]
a Mas kilala ngayon si Saul bilang apostol Pablo. Pero sa karamihan sa mga talata ng Bibliya na binanggit sa artikulong ito, tinutukoy siya sa kaniyang Judiong pangalan na Saul.—Gawa 13:9.
[Larawan sa pahina 16]
Pagdating sa Jerusalem, buong-tapang na nagpatotoo si Saul sa mga Judiong nagsasalita ng Griego