-
Ang Diyos ay Hindi NagtatangiAng Bantayan—1988 | Mayo 15
-
-
Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—GAWA 10:34, 35.
1. Sa sinaunang Atenas, anong mahalagang pangungusap ang ibinigay ni Pablo tungkol sa lahi?
“ANG Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto, palibhasa’y Panginoon ng kapuwa Langit at lupa, ay hindi tumatahan sa gawang-taong mga templo . . . Buhat sa isang ninuno ay kaniyang nilikha ang bawat lahi ng tao upang manirahan sa ibabaw ng lupa.” (Gawa 17:24-26, Phillips) Sino ang nagsabi nito? Ang Kristiyanong apostol na si Pablo, nang siya’y nagpapahayag ng kaniyang bantog na pahayag sa Burol ng Mars, o ang Areopago, sa Atenas, Gresya.
2. Ano ang tumutulong upang ang buhay ay maging makulay at interesante, at sa ano humanga ang isang panauhing Hapones sa Timog Aprika?
2 Ang pangungusap ni Pablo ay pupukaw sa atin na pag-isipan ang tungkol sa kagila-gilalas na pagkakasarisari na nasa paglalang. Nilalang ni Jehovang Diyos ang mga tao, hayop, ibon, insekto, at mga halaman na napakaraming iba’t ibang uri. Tunay na magiging nakababagot ang buhay kung lahat ay pare-pareho! Dahil sa pagkakasarisari ay nagiging makulay at interesante ang buhay. Halimbawa, isang panauhin na taga-Hapón at dumadalo noon sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ang humanga sa sarisaring lahi at kulay ng mga tao na kaniyang nasaksihan doon. Kaniyang sinabi na ibang-iba naman sa Hapón, na kung saan ang lubhang karamihan ng mga tao ay walang ipinagkakaiba bilang isang lahi.
3. Ano ang pagkakilala ng iba sa mga taong may naiibang kulay ng balat, at nagbabangon ito ng ano?
3 Subalit ang pagkakaiba-iba ng kulay sa mga lahi ay kadalasan nagiging sanhi ng malulubhang suliranin. Marami ang nag-iisip na yaong mga taong may naiibang kulay ng balat ay mababang uri. Ito’y nagbabangon ng pagkapoot, samakatuwid ng matinding pagkamuhi at ng hagupit ng pag-aglahi sa lahi. Ganito ba ang layunin ng ating Maylikha? Sa kaniyang paningin ba’y mas magagaling ang mga ibang lahi? Si Jehova ba’y may itinatangi?
Ang Ating Maylikha—Nagtatangi Ba?
4-6. (a) Ano ang sinabi ni Haring Jehosaphat tungkol sa pagtatangi? (b) Paano pinatotohanan kapuwa ni Moises at ni Pablo ang pangungusap ni Jehosaphat? (c) Anong mga tanong ang marahil ay itatanong ng iba?
4 Magkakaroon tayo ng mga ilang ideya ng pagkakilala ng ating Maylikha sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan. Si Haring Jehosaphat, na naghari sa Juda mula 936 hanggang 911 B.C.E., ay gumawa ng maraming mga kabutihan at kaniyang isinaayos ang wastong pag-andar ng sistema ng hustisya na nakasalig sa batas ng Diyos. Siya’y nagbigay ng ganitong mainam na payo sa mga hukom: “Pag-isipan ninyo ang inyong ginagawa, dahilan sa kayo’y hindi ukol sa tao nagsisihatol kundi ukol kay Jehova . . . Magsipag-ingat kayo at inyong gawin, sapagkat kay Jehova na ating Diyos ay walang kasamaan o pagtatangi.”—2 Cronica 19:6, 7.
5 Daan-daang taon una pa rito, ang propetang si Moises ay nagsabi sa mga tribo ng Israel: “Si Jehova na inyong Diyos ay . . . hindi nagtatangi kaninuman.” (Deuteronomio 10:17) At sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, ipinayo ni Pablo: “Kapighatian at kahapisan ang sasa-bawat tao na gumagawa ng masama, sa Judio muna at gayundin sa Griego . . . Sapagkat ang Diyos ay walang paborito.”—Roma 2:9-11, The New English Bible.
6 Subalit may iba na marahil ay magtatanong: ‘Kumusta naman ang mga Israelita? Hindi baga sila ang piniling bayan ng Diyos? Hindi ba sila itinatangi niya? Hindi ba sinabi ni Moises sa buong Israel: “Ikaw ang pinili ni Jehova mong Diyos upang maging kaniyang bayan, na isang pantanging pag-aari, sa lahat ng mga bayan”?’—Deuteronomio 7:6.
7. (a) Ano ang naging resulta nang tanggihan ng mga Judio ang Mesiyas? (b) Ngayon, sino ang maaaring magtamasa ng kahanga-hangang mga pagpapala buhat sa Diyos, at paano?
7 Hindi, ang Diyos ay hindi nagtatangi sa paggamit sa mga Israelita ukol sa isang natatanging layunin. Sa pagpili ng isang bayan na gagamitin niya upang magkaroon ng Mesiyas, pinili ni Jehova ang mga inapo ng tapat na mga patriarkang Hebreo. Subalit nang tanggihan ng mga Judio ang Mesiyas, na si Jesu-Kristo, at kanilang ipapatay siya, naiwala nila ang pabor ng Diyos. Gayunman, sa ngayon, sinuman sa anumang lahi o bansa na may pananampalataya kay Jesus ay maaaring magtamasa ng kahanga-hangang mga pagpapala at may pag-asang magkamit ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16; 17:3) Tunay, ito’y nagpapatotoo na ang Diyos ay hindi nagtatangi. Isa pa, iniutos ni Jehova sa mga Israelita na “ibigin ang kasamang dayuhan” at “huwag siyang pakitunguhan nang masama,” anuman ang kaniyang lahi o bansa. (Deuteronomio 10:19; Levitico 19:33, 34) Tunay, kung gayon, na ang ating maibiging Ama sa langit ay hindi nagtatangi.
8. (a) Ano ang nagpapatunay na si Jehova ay hindi nagpakita ng paboritismo sa Israel? (b) Paano ginamit ni Jehova ang Israel?
8 Totoo nga na ang mga Israelita ay nagtatamasa ng natatanging mga pribilehiyo. Subalit sila ay mayroon ding mabigat na pananagutan. Sila’y obligado na sumunod sa mga kautusan ni Jehova, at yaong hindi sumusunod sa mga kautusan ni Jehova, at yaong hindi sumusunod ay napapasa-ilalim ng sumpa. (Deuteronomio 27:26) Sa katunayan, ang mga Israelita ay kinailangan na paulit-ulit parusahan dahilan sa pagsuway sa Kautusan ng Diyos. Sa ganoon, sila’y hindi pinagpakitaan ni Jehova ng paboritismo. Bagkus, kaniyang ginamit sila upang gumawa ng makahulang mga larawan at magbigay ng mga babalang halimbawa. Nakatutuwa, sa pamamagitan ng Israel pinapangyari ng Diyos na magkaroon ng Manunubos, na si Jesu-Kristo, para sa pagpapala sa sangkatauhan.—Galacia 3:14; ihambing ang Genesis 22:15-18.
Si Jesus ba ay Nagtatangi?
9. (a) Paanong si Jehova at si Jesus ay magkatulad? (b) Anong mga tanong ang bumabangon tungkol kay Jesus?
9 Yamang hindi nagtatangi si Jehova, si Jesus ba ay maaaring may pagtatangi? Bueno, pag-isipan ito: Minsan ay sinabi ni Jesus: “Hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) Lubos na pagkakaisa ang namamagitan kay Jehova at sa kaniyang sinisintang Anak, at sa lahat ng paraan ay ginagawa ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama. Sa katunayan, sila’y totoong magkatulad sa pangmalas at layunin kung kaya’t nasabi ni Jesus: “Siyang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Sa loob ng mahigit na 33 taon, si Jesus ay nagkaroon ng aktuwal na karanasan sa pamumuhay bilang isang tao sa lupa, at isinisiwalat ng Bibliya kung paano siya nakitungo sa mga kapuwa tao. Ano ba ang kaniyang ginawang pakikitungo sa mga ibang lahi? Siya ba ay may pagtatangi o paboritismo? Si Jesus ba ay naniniwala na ang isang lahi ay mas magaling kaysa iba?
10. (a) Paano tumugon si Jesus sa isang babaing taga-Fenicia nang ito’y humingi ng tulong? (b) Sa pagtukoy sa mga Gentil bilang “mumunting aso,” si Jesus ba ay nang-aaglahi? (c) Paano dinaig ng babae ang pagtutol, at ano ang naging resulta?
10 Ang kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa lupa ay ginugol ni Jesus sa piling ng mga Judio. Subalit isang araw siya ay nilapitan ng isang babaing taga-Fenicia, isang Gentil na nagmakaawa sa kaniya na pagalingin ang kaniyang anak na babae. Bilang tugon sinabi ni Jesus: “Hindi ako sinugo kundi sa nangaligaw na tupa ng sambahayan ng Israel.” Gayunman, ang babae ay namanhik: “Panginoon, tulungan mo ako!” Nang magkagayon ay isinusog ni Jesus: “Hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mumunting aso.” Sa mga Judio, ang mga aso ay mga hayop na karumal-dumal. Kaya sa pagtukoy sa mga Gentil bilang “mumunting aso,” si Jesus ba ay nang-aaglahi? Hindi, sapagkat kababanggit-banggit lamang niya ang kaniyang natatanging pagkasugo buhat sa Diyos na pangalagaan ‘ang nangaligaw na tupa ng Israel.’ Isa pa, sa paghahambing sa mga di-Judio sa “mumunting aso,” hindi sa mga asong-gubat, pinalambot ni Jesus ang paghahambing. Mangyari pa, ang kaniyang sinabi ay naging pagsubok sa babae. May kapakumbabaan, bagaman disididong daigin ang pagtutol na ito, ang babae’y mataktikang tumugon: “Opo, Panginoon; sapagkat talagang ang mga mumunting aso ay nagsisikain ng mga mumo na nalalaglag buhat sa lamesa ng kanilang mga panginoon.” Humanga si Jesus sa pananampalataya ng babae, at kaniyang pinagaling agad-agad ang anak na babae nito.—Mateo 15:22-28.
11. Gaya ng ipinakikita ng isang pangyayari tungkol kay Jesus, paano nakikitungo ang mga Judio at ang mga Samaritano sa isa’t isa?
11 Pag-isipan, din, ang naging pakikitungo ni Jesus sa mga ilang Samaritano. May matinding pagkakapootan na namamagitan sa mga Judio at mga Samaritano. Minsan, si Jesus ay nagsugo ng mga mensahero upang gumawa ng mga paghahanda para sa kaniya sa isang nayong Samaritano. Subalit ang mga Samaritanong iyon ay “hindi siya tinanggap, sapagkat ang kaniyang mukha ay nakaharap sa pagtungo sa Jerusalem.” Ito’y nakapagpagalit kay Santiago at kay Juan hanggang sa punto na ibig nilang humiling na magpaulan ng apoy buhat sa langit at lipulin ang mga Samaritanong iyon. Subalit sinansala ni Jesus ang dalawang alagad, at lahat sila ay naparoon sa ibang nayon.—Lucas 9:51-56.
12. Bakit ang isang Samaritana ay namangha sa hinihiling ni Jesus?
12 Si Jesus ba ay nakisali sa pagkapoot na namamagitan sa mga Judio at sa mga Samaritano? Bueno, pansinin ang nangyari noong isa pang okasyon. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nanggaling sa Judea at patungo sa Galilea at kailangang dumaan sila sa Samaria. Palibhasa’y nahapo sa paglalakbay, si Jesus ay naupo sa tabi ng balon ni Jacob upang magpahinga samantalang ang kaniyang mga alagad ay naparoon sa siyudad ng Sychar upang bumili ng pagkain. Samantala, isang Samaritana ang dumating upang sumalok ng tubig. Ngayon, nang isa pang pagkakataon ang mga Samaritano ay inuri ni Jesus mismo bilang “ibang lahi.” (Lucas 17:16-18, The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures) Subalit sinabi niya sa babae: “Bigyan mo ako ng inumin.” Palibhasa’y hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano, ang namanghang babae ay tumugon: “Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong ako’y isang Samaritana?”—Juan 4:1-9.
13. (a) Paano tumugon si Jesus sa pagtutol ng Samaritana, at ano ang ikinilos ng babae? (b) Ano ang resulta sa wakas?
13 Subalit hindi pinansin ni Jesus ang pagtutol ng babae. Sa halip, kaniyang sinamantala ang pagkakataon na bigyan ito ng patotoo, at inamin pa rin niya na siya ang Mesiyas! (Juan 4:10-26) Ang banga ng tubig ay iniwan sa balon ng namanghang babae, nagtatakbo at bumalik sa lunsod, at nagsimulang ibinalita sa iba ang nangyari. Bagaman siya’y namuhay sa imoralidad, kaniyang inihayag ang kaniyang interes sa espirituwal na mga bagay sa pamamagitan ng pagsasabi: “Hindi kaya ito ang Kristo?” Ano ba ang resulta sa wakas? Marami sa mga taong tagaroon sa pook na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahilan sa mainam na pagpapatotoo ng babae. (Juan 4:27-42) Kapuna-puna, sa kaniyang aklat na A Biblical Perspective on the Race Problem, ang Congregational na teologo na si Thomas O. Figart ay nagkomento: “Kung inakala ng ating Panginoon na mahalagang ang isang tiwaling tradisyon ng lahi ay halinhan ng isang mapagmahal na pakikitungo, tayo ay dapat magsikap na huwag padadala sa agos ng pagtatangi ng lahi sa ngayon.”
14. Anong katunayan ng kawalang-pagtatangi ni Jehova ang nakita noong ginaganap ng ebanghelisador na si Felipe ang ministeryo?
14 Dahil sa hindi nagtatangi ang Diyos na Jehova kung kaya ang mga tao sa iba’t ibang lahi ang naging mga proselitang Judio. Pag-isipan din ang nangyari 19 na siglo na ngayon ang nakalipas sa daan sa iláng sa pagitan ng Jerusalem at Gaza. Isang lalaking itim na naglilingkod sa reyna ng Etiopia ang nakasakay sa kaniyang karo habang nagbabasa ng hula ni Isaias. Ang opisyal na ito ay isang tinuling proselita, sapagkat “siya’y naparoon sa Jerusalem upang sumamba.” Ang anghel ni Jehova ay napakita sa ebanghelisador na Judiong si Felipe at sinabi sa kaniya: “Lumapit ka at sumakay ka sa karong ito.” Sinabi ba ni Felipe: “Ah, hindi! Siya’y isang tao na may ibang lahi”? Malayung-malayo! Aba, si Felipe ay nagalak na tanggapin ang paanyaya ng Etiope na sumakay siya sa karo, umupo sa tabi nito, at ipaliwanag ang hula ni Isaias tungkol kay Jesu-Kristo! Nang sila’y mapalapit sa isang katubigan, ang Etiope ay nagtanong: “Ano ang nakakahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Yamang wala namang nakakahadlang dito, malugod na binautismuhan ni Felipe ang Etiope, at tinanggap ni Jehova ang maligayang lalaking iyon bilang isang pinahirang tagasunod ng Kaniyang walang itinatanging Anak, si Jesu-Kristo. (Gawa 8:26-39) Subalit higit pang katunayan ng kawalang pagtatangi ang nakita pagkatapos nito.
Isang Malaking Pagbabago
15. Anong pagbabago ang naganap pagkamatay ni Jesus, at paano ipinaliliwanag ito ni Pablo?
15 Ang kamatayan ni Kristo ay hindi nag-alis sa makasanlibutang pagtatangi ng lahi. Subalit sa pamamagitan ng pagsasakripisyong kamatayang iyon, binago ng Diyos ang relasyon ng mga alagad na Judio ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na Gentil. Ito’y ipinakita ni apostol Pablo nang kaniyang isulat sa mga Gentil na Kristiyano sa Efeso ang ganito: “Laging alalahanin ninyo na dati kayo ay mga tao ng mga bansa na nasa laman; . . . na kayo nang tanging panahong iyon ay hiwalay sa Kristo, hindi bahagi ng estado ng Israel at mga banyaga sa mga tipan ng pangako, at kayo’y walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon na kaisa na kayo ni Kristo Jesus, kayong dati’y malayo ay napalapit dahil sa dugo ni Kristo. Sapagkat siya ang ating kapayapaan, kaniyang pinagkaisa ang dalawa at iginiba ang pader na namamagitan at naghihiwalay sa kanila.” Ang “pader” na iyon, o simbolo ng pagkahiwalay, ay ang tipang Kautusan na nagsilbing tagapaghati sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Iyon ay pinawi salig sa kamatayan ni Kristo upang sa pamamagitan niya kapuwa ang mga Judio at ang mga Gentil ay “makalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang espiritu.”—Efeso 2:11-18.
16. (a) Bakit ibinigay kay Pedro ang mga susi ng Kaharian? (b) Ilan ang mga susi, at ano ang naging resulta ng paggamit dito?
16 Isa pa, ibinigay kay Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit” upang ang mga tao ng anumang lahi ay makaalam ng mga layunin ng Diyos, “maipanganak-muli” sa pamamagitan ng banal na espiritu, at maging espirituwal na mga tagapagmanang kasama ni Kristo. (Mateo 16:19; Juan 3:1-8) Si Pedro ay gumamit ng tatlong simbolikong susi. Ang una ay para sa mga Judio, ang ikalawa ay para sa mga Samaritano, at ang ikatlo ay para sa mga Gentil. (Gawa 2:14-42; 8:14-17; 10:24-28, 42-48) Sa gayon ang walang itinatanging Diyos, si Jehova, ay nagbukas sa lahat ng mga pinili sa lahat ng lahi ng pribilehiyo na maging mga espirituwal na kapatid ni Jesus at mga kasamang tagapagmana sa Kaharian.—Roma 8:16, 17; 1 Pedro 2:9, 10.
17. (a) Anong pambihirang pangitain ang ibinigay kay Pedro, at bakit? (b) Sa kaninong tahanan dinala si Pedro ng mga lalaking binanggit, at sino ang naghihintay sa kaniya roon? (c) Ano ang ipinaalaala ni Pedro sa mga Gentil na iyon, gayunman ano ang malinaw na itinuro sa kaniya ng Diyos?
17 Upang ihanda si Pedro sa paggamit sa ikatlong susi—para sa mga Gentil—siya ay binigyan ng isang pambihirang pangitain ng karumal-dumal na mga hayop at sa kaniya’y sinabi: “Tumindig ka, Pedro, pumatay ka at kumain!” Ang aral ay: “Huwag nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis ng Diyos.” (Gawa 10:9-16) Gayon na lamang ang kagulumihanan ni Pedro tungkol sa kahulugan ng pangitain. Subalit hindi nagtagal at tatlong lalaki ang dumating at dinala siya sa tahanan ni Cornelio, isang opisyal ng hukbong Romano na nakahimpil sa Cesarea. Yamang ang siyudad na iyon ang pinaka-sentrong pangunahing kuwartel ng mga tropang Romano sa Judea, iyon ang natural na lugar na kalagyan ng tahanan ni Cornelio. Naghihintay kay Pedro sa mismong Gentil na kapaligirang iyon ay si Cornelio, kasama ang kaniyang mga kamag-anak at matalik na mga kaibigan. Ipinaalaala sa kanila ng apostol: “Alam na alam ninyo na hindi matuwid para sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang tao sa ibang lahi; gayunman ay ipinakita sa akin ng Diyos na sinumang tao’y huwag kong tatawaging marumi o karumal-dumal. Kaya naman naparito ako, talagang nang walang tutol, nang ako’y ipasundo.”—Gawa 10:17-29.
18. (a) Anong mahalagang pasabi ang ipinahayag ni Pedro kay Cornelio at sa kaniyang mga panauhin? (b) Samantalang nagpapatotoo si Pedro tungkol kay Jesus, anong dramatikong pangyayari ang naganap? (c) Ano ang ginawa pagkatapos may kaugnayan sa sumasampalatayang mga Gentil?
18 Pagkatapos na ipaliwanag ni Cornelio ang pamamatnubay ng Diyos sa mga bagay-bagay, sinabi ni Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:30-35) Nang magkagayon, samantalang ang apostol ay nagpapatotoo tungkol kay Jesu-Kristo, isang dramatikong pangyayari ang naganap! “Samantalang nagsasalita pa si Pedro tungkol sa mga bagay na ito ang banal na espiritu ay bumaba sa lahat ng nakikinig ng salita.” Ang mga Judiong kasama ni Pedro “ay nangamangha, dahilan sa ang walang bayad na kaloob ng banal na espiritu ay ibinuhos din naman sa mga tao ng mga bansa. Sapagkat kanilang narinig ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.” Si Pedro ay tumugon: “Mangyayari bagang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng banal na espiritu na gaya naman natin?” Sino ang tututol, yamang ang banal na espiritu ng walang itinatanging Diyos ng langit ay naibuhos na sa mga sumasampalatayang Gentil ngayon? Kaya naman, iniutos ni Pedro na sila’y “bautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo.”—Gawa 10:36-48.
“Buhat sa Bawat Bansa”
19. Bakit ang pagkakapootan ng mga lahi ay tumitindi, at hanggang saan nakakarating ito?
19 Tayo ngayon ay nasa “mga huling araw,” at ang “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” ay totoong-totoong nagaganap sa buhay. Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga tao ay maibigin sa kanilang sarili, mapagkunwari, mapagmataas, walang katutubong pagmamahal, di marunong tumupad ng kasunduan, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, matitigas ang ulo, at mga palalo. (2 Timoteo 3:1-5) Sa ganiyang kalagayan sa lipunan, hindi kataka-taka na ang pagkakapootan at alitan ng lahi ay tumitindi sa buong daigdig. Sa maraming bansa, ang mga tao ng iba’t ibang lahi o kulay ay umaaglahi o namumuhi pa nga sa isa’t isa. Ito’y humantong sa aktuwal na pagbabaka-baka at hanggang sa kakila-kilabot na mga kalupitan sa mga ilang bansa. Kahit na sa umano’y mga lipunang may pinag-aralan, maraming tao ang nahihirapan na daigin ang pagtatangi ng lahi. At ang “sakit” na ito ay waring lumalaganap at nakakarating hanggang sa hindi mo sukat akalaing mararating nito, tulad halimbawa sa mga kapuluan sa dagat na noong dati ay halos uliran sa katahimikan.
20. (a) Anong kinasihang pangitain ang nakita ni Juan? (b) Gaano kalawak natutupad ang makahulang pangitaing ito? (c) Anong suliranin ang kailangang lubusang madaig pa rin ng iba, at saan sila dapat humanap ng lunas?
20 Gayunman, sa kabila ng hindi pagkakasundu-sundo ng mga lahi sa iba’t ibang panig ng daigdig, ang walang itinatanging Diyos, si Jehova, ay nagbigay ng hula tungkol sa pagtitipon sa tapat-pusong mga tao ng lahat ng lahi at bansa upang magkaroon ng pambihirang pambuong-daigdig na pagkakaisa. Si apostol Juan ay kinasihan upang kaniyang makita ang “isang pangkat ng napakarami, di-mabilang, na mga tao, buhat sa bawat bansa, lahi, tribo at wika; sila’y nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero,” at pumupuri kay Jehova. (Apocalipsis 7:9, The Jerusalem Bible) Ang hulang ito ay kasalukuyang natutupad na. Sa ngayon, sa 210 mga lupain mahigit na 3,300,000 saksi ni Jehova, sa lahat ng bansa at lahi, ang nagtatamasa ng pagkakaisa at ng pagkakasundu-sundo ng lahi. Subalit sila ay hindi pa rin sakdal. Ang iba sa kanila ay may suliranin pa tungkol sa lubos na pananaig sa pagtatangi ng lahi, bagama’t marahil hindi nila ito namamalayan. Paano madadaig ang suliraning ito? Ating tatalakayin ito sa susunod na artikulo, batay sa tumutulong na payo buhat sa kinasihang Salita ng walang pagtatanging Diyos, si Jehova.
-
-
Maglingkod kay Jehova Nang May PagkakaisaAng Bantayan—1988 | Mayo 15
-
-
Maglingkod kay Jehova Nang May Pagkakaisa
“Kung magkagayo’y sasaulian ko ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang maglingkod sa kaniya nang may pagkakasundo.”—ZEFANIAS 3:9, American Standard Version.
1, 2. (a) Anong hula ang pinangyayari na ngayon ni Jehova na matupad? (b) Ang hulang ito ay nagbabangon ng anong mga tanong?
ANG Diyos na Jehova ay gumagawa ngayon ng isang bagay na hindi magagawa ng mga tao lamang. Mga 3,000 mga wika ang ginagamit sa baha-bahaging sanlibutang ito, ngunit pinapangyayari na ngayon ng Diyos ang katuparan ng hulang ito: “Akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—Zefanias 3:9.
2 Ano ba ang “dalisay na wika” na ito? Sino ang mga nagsasalita nito? At ano ang ibig sabihin ng ‘maglingkod sa Diyos nang balikatan’?
Kanilang Sinasalita ang “Dalisay na Wika”
3. Ano ang “dalisay na wika,” at bakit yaong mga nagsasalita nito ay hindi baha-bahagi?
3 Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang banal na espiritu ng Diyos ay ibinuhos sa mga alagad ni Jesu-Kristo, at binigyang kapangyarihan sila na magsalita sa mga wika na hindi naman nila napag-aralan. Kaya sila’y nakapagbalita sa mga taong may iba’t ibang wika ng “tungkol sa kahanga-hangang mga bagay ng Diyos.” Sa ganoo’y sinimulan ni Jehova na pagkaisa-isahin ang mga tao na galing sa sarisaring mga lahi at mga bansa. (Gawa 2:1-21, 37-42) Nang malaunan na naging mga tagasunod ni Jesus ang sumasampalatayang mga Gentil, ang mga lingkod ng Diyos ay tunay na isang bayan na maraming wika, galing sa maraming lahi. Gayunman, sila kailanman ay hindi baha-bahagi dahilan sa makasanlibutang mga balakid sapagkat silang lahat ay nagsasalita ng “dalisay na wika.” Ito ang wika ng isa’t isa na katotohanan sa Kasulatan na inihula sa Zefanias 3:9. (Efeso 4:25) Yaong mga nagsasalita ng “dalisay na wika” ay hindi baha-bahagi kundi sila’y “nagsasalita nang may pagkakaisa,” palibhasa’y may “lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10.
4. Paanong sa Zefanias 3:9 ay tinutukoy ang pagtutulungan ng mga taong may iba’t ibang wika at iba’t ibang lahi, at saan ito matatagpuan sa ngayon?
4 Ang “dalisay na wika” ay ibinigay upang ang mga tao ng lahat ng bansa at lahi ay maglingkod kay Jehova “nang balikatan,” sa literal, ‘may iisang balikat.’ Sila’y maglilingkod sa Diyos “nang may pagkakasundo” (The New English Bible); “nang may pagkakaisa” (The New American Bible); o “nang may lubos na pagkakasundo at isang nagkakaisang balikatan.” (The Amplified Bible) Isa pang bersiyon ang kababasahan: “Kung magkagayo’y ang labi ng lahat ng mga tao ay aking lilinisin, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova at magtulung-tulong sa paglilingkod sa kaniya.” (Byington) Ang gayong pagtutulungan sa paglilingkod sa Diyos ng mga tao buhat sa maraming wika at maraming lahi ay matatagpuan tanging sa mga Saksi ni Jehova.
5. Sa ano nagagamit ng mga Saksi ni Jehova ang anumang wika ng tao?
5 Yamang lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan sa Kasulatan, kanilang magagamit ang anumang wika ng tao sa pinakamataas na uri ng paggamit—pagpupuri sa Diyos at paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 13:10; Tito 2:7, 8; Hebreo 13:15) Anong buti nga na dahil sa “dalisay na wika” ay napaglilingkuran si Jehova nang may pagkakaisa ng mga tao buhat sa lahat ng bansa’t lahi!
6. Ano ang pangmalas ni Jehova sa mga tao, subalit ano ang makakatulong kung may bahagyang pagtatangi na umiiral pa sa puso ng isang Kristiyano?
6 Nang si Pedro ay nagpapatotoo kay Cornelio at sa iba pang mga Gentil, sinabi niya: “Tunay ngang natatanto ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa sinuman na may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35, By) Sang-ayon sa mga ibang bersiyon, si Jehova “ay hindi isang Tagapagtangi ng tao,” “pantay-pantay kung makitungo sa mga tao,” at “hindi nagpapakita ng paboritismo.” (The Emphatic Diaglott; Phillips; New International Version) Bilang mga lingkod ni Jehova, siya ang dapat nating gayahin sa pakikitungo sa mga tao ng lahat ng bansa’t lahi. Subalit ano kung may bahagyang pagtatangi na umiiral pa sa puso ng isang Kristiyano? Kung magkagayo’y makatutulong na pansinin kung paanong ang ating walang itinatanging Diyos ay nakikitungo sa kaniyang mga lingkod sa bawat bansa, tribo, bayan at wika.—Tingnan din ang Awake! ng Nobyembre 8, 1984, pahina 3-11.
Sila’y Kanais-nais
7. Kung tungkol sa relasyon sa Diyos, paanong ang isang Kristiyano ay walang pagkakaiba sa kaninuman na nasa anumang bansa o lahi?
7 Kung ikaw ay isang bautismadong Saksi ni Jehova, malamang na noong minsan ikaw ay ‘nagbubuntong-hininga at dumaraing dahilan sa kasuklam-suklam na mga bagay’ na nangyayari sa balakyot na sistemang ito. (Ezekiel 9:4) Ikaw ay ‘patay sa iyong mga kasalanan,’ subalit ang Diyos ay maawain at inilapit ka sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Efeso 2:1-5; Juan 6:44) Sa ganitong paraan, ikaw ay walang pagkakaiba sa mga kapananampalataya mo sa ngayon. Sila man ay namimighati noon dahilan sa kabalakyutang umiiral, sila’y ‘patay sa kanilang mga kasalanan,’ at sila’y tumanggap ng habag ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. At anuman ang ating lahi o bansa, tanging sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kung kaya ang sinuman sa atin ngayon ay may matuwid na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova bilang kaniyang mga saksi.—Roma 11:20.
8. Paanong ang Hagai 2:7 ay natutupad ngayon?
8 Ang makahulang mga salita ng Hagai 2:7 ay tumutulong sa atin na makita kung paano natin mamalasin ang ating mga kapananampalataya buhat sa iba’t ibang bansa. Doon ay ipinahayag ni Jehova: “Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian.” Ang inihulang pagtataas na ito sa dalisay na relihiyon ay nagaganap sa tunay na templo ng Diyos, ang dako ng pagsamba sa kaniya. (Juan 4:23, 24) Subalit ano ba “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa”? Sila ang libu-libong mangingibig sa katuwiran na tumutugon nang pabor sa gawaing pangangaral-ng-Kaharian. Buhat sa lahat ng bansa at lahi, sila ay dumadagsa sa ‘bundok ng bahay ni Jehova,’ sila’y nagiging kaniyang bautismadong mga Saksi at bahagi ng internasyonal na “malaking pulutong.” (Isaias 2:2-4; Apocalipsis 7:9) Yaong mga pumupuri kay Jehova bilang bahagi ng kaniyang makalupang organisasyon ay malilinis, may moralidad, at maka-Diyos na mga tao—lubhang kanais-nais nga. Tiyak, kung gayon, na bawat tunay na Kristiyano ay magnanais na magpakita ng pag-ibig kapatid sa lahat ng kanais-nais na mga taong ito na kalugud-lugod sa Ama nating lahat sa langit.
Bago ang Kanilang Pagkatao
9. Kahit na kung noong nakaraan ay hindi mabuti ang pagkakilala natin sa mga banyaga, bakit dapat mag-iba na ang mga bagay-bagay ngayon na tayo ay mga Kristiyano na?
9 Ang ating espirituwal na mga kapatid sa buong lupa ay kanais-nais din naman sapagkat kanilang pinakinggan ang payo na ‘hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis sa kanilang sarili ng bagong pagkatao.’ “Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman [iyon] ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito, na doo’y walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, layâ, kundi si Kristo ang lahat sa lahat.” (Colosas 3:9-11) Kung ang isang indibiduwal dati ay hindi mabuti ang pagkakilala sa isang Judio, isang Griego, o iba pang mga taong banyaga sa kaniya, ang mga bagay-bagay ay dapat mag-iba na ngayon na siya ay isa nang Kristiyano. Anuman ang lahi, bansa, o kultura, yaong may “bagong pagkatao” ay naglilinang at nagpapakita ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Dahil dito sila ay napapamahal sa kanilang mga kapuwa kasamang mananamba kay Jehova.
10. Kung tayo’y natutuksong malawakang magsalita ng di-kanais-nais tungkol sa ating mga kapananampalataya sa anumang lahi o bansa, paano tayo matutulungan ng Tito 1:5-12?
10 Di tulad ng mga lingkod ni Jehova, may mga ibang taong makasanlibutan na nagsasalita ng di-kanais-nais tungkol sa mga taong hindi nila kalahi o kabansa. Siyanga pala, tungkol sa kaniyang sariling mga kababayan, isang propeta na taga-Creta ang minsa’y nagsabi: “Ang mga taga-Creta kailanpaman ay mga sinungaling, nakapipinsalang maiilap na hayop, walang hanapbuhay at matatakaw”! Naaalaala ni apostol Pablo ang mga salitang iyan nang kailanganin na patahimikin ang bulaang mga guro sa gitna ng mga Kristiyano sa isla ng Creta. Subalit tunay na hindi sinasabi ni Pablo: ‘Lahat ng mga Kristiyano sa Creta ay mga sinungaling at nakapipinsala, tamad, at matakaw.’ (Tito 1:5-12) Hindi, sapagkat ang mga Kristiyano ay hindi nagsasalita ng mga bagay na di-kanais-nais tungkol sa iba. Isa pa, ang karamihan ng mga Kristiyanong iyon sa Creta ay nagbihis na ng “bagong pagkatao,” at ang iba ay may espirituwal na kuwalipikasyon na mahirang bilang mga matatanda. Ito’y nararapat nating matamang pag-isipan sakaling tayo’y natutuksong malawakang magsalita ng di-kanais-nais tungkol sa ating espirituwal na mga kapatid buhat sa ibang lahi o bansa.
Ituring na Nakahihigit ang Iba
11. Kung mayroong anumang pagtatangi na umiiral pa sa puso ng isang Kristiyano, ano ang maaari niyang gawin?
11 Sa kabilang banda, kung ang isang Kristiyano’y nagtatangi ng isang lahi o isang bansa, marahil ay mahahayag ito sa pananalita o pagkilos. Kung gayon, ito’y makakasugat ng damdamin, lalo na sa isang kongregasyon na binubuo ng mga taong buhat sa mga ibang lahi o bansa. Tunay naman, walang Kristiyanong maghahangad na sa gayong paraan ay sirain ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos. (Awit 133:1-3) Kaya kung mayroong anumang pagtatangi na umiiral pa sa puso ng isang Kristiyano, siya’y maaaring manalangin: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang bumabagabag sa akin na mga kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay mayroong anumang lakad ng kasamaan, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.”—Awit 139:23, 24.
12. Bakit hindi dapat nating ipagmalaki ang ating sarili o ang iba na kalahi natin?
12 Makabubuti na magkaroon ng makatotohanang pangmalas na lahat tayo ay mga taong di-sakdal na kung hindi dahil sa inihandog na hain ni Jesu-Kristo ay hindi tayo magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. (1 Juan 1:8–2:2) Kung gayon, ano’t tayo’y mapapaiba? Yamang tayo’y walang anumang hindi natin tinanggap, bakit natin ipagmamalaki ang ating sarili o ang iba na kalahi natin?—Ihambing ang 1 Corinto 4:6, 7.
13. Paano tayo makapag-aabuloy ng bahagi natin sa pagkakaisa ng kongregasyon, at ano ang ating matututuhan sa Filipos 2:1-11?
13 Tayo’y makapag-aabuloy ng bahagi sa pagkakaisa ng kongregasyon kung ang mabuting katangian ng iba ay ating kikilalanin at tayo’y magpapakita roon ng pagpapahalaga. Ang Judiong apostol na si Pablo ay nagbigay sa ating lahat ng mapag-iisipan nang kaniyang sabihin sa mga Gentil na taga-Filipos: “Lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo’y nagkakaisang-isip at may iisang pag-ibig, yamang nagkakaisa ng kaluluwa, na may iisang kaisipan, na hindi ginagawa ang anuman na may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi ng may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo.” Ang wastong pakikitungo na dapat nating ipakita sa ating mga kapuwa tao sa anumang lahi o bansa ay nakita kay Jesu-Kristo. Bagaman siya’y isang makapangyarihang espiritung nilikha, siya’y “naparito na nasa anyo ng mga tao” at nagpakababa hanggang sa sukdulan ng kamatayan sa isang pahirapang tulos para sa makasalanang mga tao ng bawat lahi at bansa. (Filipos 2:1-11) Bilang mga tagasunod ni Jesus, kung gayon, hindi baga dapat na tayo’y maging mapagmahal, mapagpakumbaba, at maawain, at kinikilala na ang iba’y nakahihigit sa atin?
Makinig at Magmasid
14. Paano tayo matutulungan na ituring na ang iba’y nakahihigit sa atin?
14 Matutulungan tayo na ang iba’y ituring na nakahihigit sa atin kung talagang nakikinig tayo pagka sila’y nagsasalita at maingat na nagmamasid sa kanilang asal. Halimbawa, maaaring taimtim na aminin natin sa ating sarili na ang isang katulad nating matanda—marahil sa ibang lahi—ay nakahihigit sa atin sa kakayahan na magbigay ng epektibong payo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Marahil ay mahahalata natin na ang kaniyang espirituwalidad, maaaring hindi naman totoong kagalingan ang kaniyang pagbigkas o paraan ng pagsasalita, ang dahilan kung bakit siya’y nagkakaroon ng mabubuting resulta sa pagtulong sa mga kapananampalataya upang maging mahuhusay na mga tagapagbalita ng Kaharian. At maliwanag nga na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap.
15. Ano ang maaari nating mapansin pagka tayo’y nakikinig sa mga pangungusap ng ating mga kapananampalataya?
15 Pagka tayo’y nakikipag-usap sa ating mga kapatid o nakikinig sa kanilang mga komento sa mga pulong, mapapansin natin na ang iba sa kanila ay may lalong mainam na unawa sa mga ilang katotohanan sa Kasulatan kung ihahambing sa atin. Baka mahalata natin na ang kanilang pag-ibig kapatid ay waring mas matindi, waring sila’y may higit na pananampalataya, o sila’y nakikitaan ng lalong malaking pagtitiwala kay Jehova. Kaya naman bagaman sila’y kalahi natin o hindi, sila’y pumupukaw sa atin sa pag-iibigan at mabubuting gawa, tumutulong na palakasin ang ating pananampalataya, at gumaganyak sa atin na lalong higit na magtiwala sa ating makalangit na Ama. (Kawikaan 3:5, 6; Hebreo 10:24, 25, 39) Makikita na si Jehova ay naging malapit nga sa kanila. At ganoon din ang dapat na mangyari sa atin.—Ihambing ang Santiago 4:8.
Pinagpapala at Inaalalayan
16, 17. Magbigay ng halimbawa ng kung paanong si Jehova ay hindi nagtatangi sa pagpapala sa kaniyang mga lingkod sa anumang bansa o lahi.
16 Si Jehova ay hindi nagtatangi sa pagpapala niya sa kaniyang mga lingkod sa anumang bansa o lahi. Halimbawa, isaalang-alang ang bansa ng Brazil. Hindi sa banyagang mga misyonero kundi sa labi ng walong marinero sa Brazil unang narinig ng mga taga-Brazil ang mensahe ng Kaharian humigit-kumulang noong taóng 1920. Ang pagpapala ng Diyos ay nakita, sapagkat sa 1987 taon ng paglilingkod, nagkaroon ng pinakamataas na bilang na 216,216 na mga tagapagbalita ng Kaharian sa bansang iyan na may 141,302,000 na mga mamamayan—may katumbasan na isang mamamahayag sa 654.
17 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa ng pagpapala ng Diyos. Noong Abril 1923 dalawang itim na mga Saksi ni Jehova na galing sa isla ng Trinidad sa Caribbean ang ipinadala upang maghayag ng mensahe ng Kaharian sa Kanlurang Aprika. Kaya sina Brother at Sister W. R. Brown ay naglingkod doon nang maraming taon, at ang lalaki’y nakilala bilang si “Bible Brown.” Sila’y “nagtanim” at “ang Diyos ang patuloy na nagpalago roon” samantalang ang iba’y gumagawa rin sa malawak na lugar na iyon. (1 Corinto 3:5-9) Sa ngayon, ang mga tagapagbalita ng Kaharian ay mayroong mahigit na 32,600 sa Ghana at mahigit na 133,800 sa Nigeria lamang.
18, 19. Magbigay ng mga halimbawa ng kung paano inaalalayan ng ating walang itinatanging Diyos ang kaniyang mga lingkod sa lahat ng lahi at bansa.
18 Si Jehova ay hindi lamang nagpapala sa kaniyang mga lingkod sa lahat ng bansa at lahi kundi inaalalayan din naman niya sila. Halimbawa, nariyan ang kaso ng dalawang Hapones na mga saksi ni Jehova. Noong Hunyo 21, 1939, si Katsuo Miura at ang kaniyang maybahay ay inaresto nang walang dahilan, ikinulong, at napahiwalay sa kanilang singko-anyos na anak na lalaki, na sa ganoo’y kinailangang alagaan ng kaniyang lola. Si Sister Miura ay pinalaya pagkaraan ng walong buwan, subalit si Brother Miura ay ikinulong nang mahigit na dalawang taon bago siya nilitis. Siya’y dumanas ng masamang trato, nasumpungang nagkasala, at sinintensiyahan ng limang taon. Sa piitan sa Hiroshima, siya’y inalalayan ng Diyos sa pamamagitan ng Kasulatan, na nagbigay sa kaniya ng kaaliwan at lakas na walang pagkabisala. Parang isang himala, si Brother Miura ay nakaligtas noong Agosto 6, 1945, nang ang kaniyang piitan ay mawasak dahil sa pagsabog ng bomba atomika. Dalawang buwan ang nakalipas, siya’y muling nakasama ng kaniyang maybahay at anak sa gawing hilaga ng Hapón.
19 Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, matinding pag-uusig ang dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa. Halimbawa, si Robert A. Winkler ay isang kapatid na Aleman na nagdusa sa mga kampong piitan ng mga Nazi sa Alemanya at sa Netherlands. Dahilan sa tumanggi siyang ipagkanulo ang kaniyang mga kapuwa Saksi, siya’y buong lupit na pinaggugulpi na anupa’t hindi mo siya makikilala. Subalit siya’y sumulat: “Ang pagsasaala-ala ng mga pangako ni Jehova na tutulong siya sa isang tao sa lahat ng uri ng kabagabagan ang nagbigay sa akin ng kaaliwan at lakas upang mapagtiisan ang lahat ng ito. . . . Noong Sabado ay ginulpi ako ng Gestapo, at noong sumunod na Lunes ako’y muling pinagtatanong nila. Ano ba ang mangyayari ngayon at ano ang gagawin ko? Ako’y bumaling kay Jehova sa panalangin, nagtitiwala sa kaniyang mga pangako. Naisip ko na ito’y kailangang gamitan ng teokratikong estratihiya sa pakikidigma alang-alang sa gawaing pang-Kaharian at sa ikaliligtas ng aking mga kapatid na Kristiyano. Iyon ay isang malaking pagsubok para sa akin upang pagtiisan at noong ikalabimpitong araw ay lubusang malatang-malata na ako, subalit pinasasalamatan ko si Jehova ng dahil sa kaniyang lakas na ibinigay sa akin ay napagtiisan ko ang pagsubok na ito at nanatili ako sa aking katapatan.”—Awit 18:35; 55:22; 94:18.
Nagpapasalamat Dahil sa Ating Kapatiran
20. Paano tayo magkakaroon ng higit na paggalang sa ating mga kapananampalataya sa bawat lahi at bansa?
20 Walang anumang duda, pinagpapala at inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi sa bawat bansa at lahi. Siya’y walang itinatangi, at bilang kaniyang nag-alay na mga lingkod, wala tayong maidadahilan o dahilan na magpakita ng pagtatangi. Isa pa, tayo’y magkakaroon ng higit na paggalang sa ating mga kapatid sa bawat lahi at bansa kung ating isasaalang-alang ang mga paraan na kung saan sila ay nakahihigit sa atin. Sila man ay nagkakapit din ng makalangit na karunungan, na hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi subalit nagbubunga ng pinakamagagaling na bunga. (Santiago 3:13-18) Oo, ang kanilang kabaitan, kagandahang-loob, pag-ibig, at iba pang maka-Diyos na katangian ay nagsisilbing maiinam na halimbawa sa atin.
21. Ano ang disidido tayong gawin?
21 Anong laki ng ating pasasalamat, kung gayon, dahil sa ating pagkakapatiran na binubuo ng mga taong galing sa iba’t ibang lahi, iba’t ibang bansa! Sa tulong at pagpapala ng ating makalangit na Ama, tayo’y ‘maglingkod sa kaniya nang balikatan’ taglay ang pag-iibigang pangmagkakapatid at paggalang sa isa’t isa. Oo, dapat na maging taimtim na hangarin natin at matatag na layunin na maglingkod kay Jehova nang may pagkakaisa.
-