Determinado na Lubusang Magpatotoo
“Inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.”—GAWA 10:42.
1. Anong atas ang itinampok ni Pedro nang magpatotoo siya kay Cornelio?
TINIPON ng isang Italyanong opisyal ng hukbo ang kaniyang mga kamag-anak at kaibigan. Sa pagtitipong ito naganap ang isang napakahalagang pagbabago may kinalaman sa pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Ang may-takot sa Diyos na lalaking iyon ay si Cornelio. Sinabi ni apostol Pedro sa mga nagkakatipong ito na inutusan ang mga apostol na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo” tungkol kay Jesus. Naging napakabunga ng pagpapatotoo ni Pedro. Ang mga di-tuling Gentil ay tumanggap ng espiritu ng Diyos, nabautismuhan, at napabilang sa magiging mga hari sa langit kasama ni Jesus. Napakaganda nga ng naging resulta ng lubusang pagpapatotoo ni Pedro!—Gawa 10:22, 34-48.
2. Paano natin nalaman na hindi lamang sa 12 apostol ibinigay ang atas na magpatotoo?
2 Naganap iyan noong 36 C.E. Mga dalawang taon bago nito, naranasan naman ng isang masugid na mang-uusig ng mga Kristiyano ang isang pangyayari na nagpabago sa kaniyang buhay. Papunta noon sa Damasco si Saul ng Tarso nang magpakita sa kaniya si Jesus at magsabi: “Pumasok ka sa lunsod, at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Tiniyak ni Jesus sa alagad na si Ananias na magpapatotoo si Saul “sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Basahin ang Gawa 9:3-6, 13-20.) Nang makaharap na ni Ananias si Saul, sinabi niya: “Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno . . . sapagkat ikaw ay magiging saksi [o magpapatotoo] para sa kaniya sa lahat ng mga tao.” (Gawa 22:12-16) Dinibdib kaya ni Saul, na nakilala nang maglaon bilang Pablo, ang kaniyang atas na magpatotoo?
Lubusan Siyang Nagpatotoo
3. (a) Anong partikular na ulat sa Bibliya ang ating tatalakayin? (b) Paano tumugon ang matatanda sa Efeso sa mensahe ni Pablo at anong mabuting halimbawa ang ipinapakita nito para sa atin?
3 Bagaman kawili-wiling pag-aralan nang detalyado ang lahat ng ginawa ni Pablo matapos niyang tanggapin ang kaniyang atas, pagtuunan muna natin ng pansin ang pahayag na ibinigay niya sa pagtatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero noong 56 C.E., na nakaulat sa Gawa kabanata 20. Nang makarating siya sa Mileto, isang daungan sa Dagat Aegean, ipinatawag niya ang matatanda sa kongregasyon sa Efeso. Ang Efeso ay mga 50 kilometro lamang ang layo pero matagal ang paglalakbay dahil mahirap ang daan. Isip-isipin mo kung gaano kasabik na makita ng matatanda sa Efeso si Pablo nang matanggap nila ang mensahe niya. (Ihambing ang Kawikaan 10:28.) Gayunpaman, kailangan muna nilang planuhin ang kanilang paglalakbay papuntang Mileto. Kinailangan kaya ng ilan sa kanila na magbakasyon sa trabaho o isara ang kanilang mga tindahan? Ganiyan din ang ginagawa ng maraming Kristiyano sa ngayon para matiyak na madadaluhan nila ang lahat ng programa sa kanilang taunang pandistritong kombensiyon.
4. Ano ang ginawa ni Pablo sa Efeso sa loob ng ilang taon?
4 Ano sa tingin mo ang ginawa ni Pablo sa Mileto sa loob ng tatlo o apat na araw habang hinihintay niyang dumating ang matatanda mula sa Efeso? Ikaw, ano ang gagawin mo? (Ihambing ang Gawa 17:16, 17.) Matutulungan tayo ng mga salita ni Pablo sa matatanda sa Efeso na malaman ang sagot. Sinabi niya sa kanila na naging buhay na niya ang gawaing pangangaral sa loob ng maraming taon kasama na ang unang mga taon ng pananatili niya sa Efeso. (Basahin ang Gawa 20:18-21.) Batid niya na sasang-ayon ang lahat sa kaniyang sumunod na sinabi: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong mula nang unang araw na tumuntong ako sa distrito ng Asia . . . lubusan akong nagpatotoo.” Oo, determinado siyang gawin ang iniatas sa kaniya ni Jesus. Paano niya ito ginawa sa Efeso? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga Judio. Nagpunta siya sa mga lugar kung saan maraming Judio. Iniulat ni Lucas na nang nasa Efeso si Pablo noong 52-55 C.E., siya ay ‘nagbigay ng mga pahayag at gumamit ng panghihikayat’ sa sinagoga. Nang ang mga Judio ay ‘patuloy na nagmatigas at ayaw maniwala,’ ibinaling ni Pablo ang kaniyang pansin sa iba at lumibot sa lunsod habang patuloy na nangangaral. Kaya naman nakapagpatotoo siya kapuwa sa mga Judio at Griego sa malaking lunsod na iyon.—Gawa 19:1, 8, 9.
5, 6. Bakit tayo makatitiyak na mga di-sumasampalataya ang pinangaralan ni Pablo sa bahay-bahay?
5 Nang maglaon, naging kuwalipikado ang ilang Kristiyanong napangaralan ni Pablo sa Mileto para maglingkod bilang matatanda. Ipinaalaala sa kanila ni Pablo ang kaniyang ginawa: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Sa ngayon, sinasabi ng ilang tao na ang tinutukoy lamang dito ni Pablo ay ang pagpapastol sa kaniyang mga kapananampalataya. Pero hindi gayon, yamang ang “pagtuturo . . . nang hayagan at sa bahay-bahay” ay pangunahin nang kumakapit sa pangangaral sa mga di-sumasampalataya. Malinaw itong mauunawaan sa sumunod na sinabi ni Pablo: “Lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” Maliwanag na nagpatotoo si Pablo sa mga di-sumasampalataya na nangangailangang magsisi at manampalataya kay Jesus.—Gawa 20:20, 21.
6 Sa isang masusing pag-aaral ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ganito ang sinabi ng isang iskolar tungkol sa Gawa 20:20: “Namalagi nang tatlong taon si Pablo sa Efeso. Pinuntahan niya ang bawat bahay, o sa paanuman ay nangaral sa lahat ng tao (talata 26). Ito ang makakasulatang saligan para sa pangangaral sa bahay-bahay gaya rin ng ginagawa sa mga pampublikong lugar.” Literal man siyang nagpunta sa bawat bahay o hindi, gaya ng sinabi ng iskolar na ito, ayaw ni Pablo na malimutan ng matatanda sa Efeso kung paano siya nagpatotoo at kung ano ang naging mga resulta nito. Iniulat ni Lucas: “Narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego.” (Gawa 19:10) Pero paanong nangyari na ang “lahat” sa Asia ay nakarinig ng kaniyang mensahe, at ano ang maaaring ipinahihiwatig nito tungkol sa ating pagpapatotoo?
7. Paano masasabing nagkaroon ng mabuting resulta ang pangangaral ni Pablo maging sa mga hindi niya tuwirang napangaralan?
7 Sa pamamagitan ng pangangaral ni Pablo sa mga pampublikong lugar at sa bahay-bahay, marami ang nakapakinig ng kaniyang mensahe. Lahat kaya ng nakapakinig sa mensahe ni Pablo ay nanatili na lamang sa Efeso at hindi na pumunta sa ibang lugar para magnegosyo, makapiling ang kanilang mga kamag-anak, o makaiwas sa abalang buhay sa lunsod? Malamang na hindi. Marami sa ngayon ang lumilipat ng ibang lugar sa mga dahilang nabanggit; marahil ay lumipat ka rin ng ibang lugar sa gayunding mga dahilan. Noong panahong iyon, pumupunta rin sa Efeso ang mga tao mula sa iba’t ibang lugar para maglibang o mangalakal. Habang nasa Efeso, maaaring nakilala nila si Pablo o narinig mismo ang kaniyang pagpapatotoo. Ano ang malamang na ginawa nila nang bumalik na sila sa kanilang lugar? Ang mga tumanggap ng katotohanan ay nagpatotoo rin sa iba. Maaaring hindi naging mananampalataya ang ilan, pero malamang na naikuwento nila sa iba ang kanilang narinig kay Pablo noong nasa Efeso sila. Dahil dito, narinig ng kanilang mga kamag-anak, kapitbahay, o parokyano sa negosyo ang katotohanan, at maaaring tinanggap ng ilan sa mga ito ang katotohanan. (Ihambing ang Marcos 5:14.) Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa maaaring maging resulta ng ating lubusang pagpapatotoo sa iba?
8. Paano maaaring narinig ng mga tao sa buong distrito ng Asia ang katotohanan?
8 Hinggil sa unang mga taon ng kaniyang ministeryo sa Efeso, isinulat ni Pablo na ‘isang malaking pinto na umakay sa gawain ang nabuksan sa kaniya.’ (1 Cor. 16:8, 9) Anong pinto ang tinutukoy ni Pablo, at paano ito nabuksan sa kaniya? Ang patuluyang ministeryo ni Pablo sa Efeso ang naging dahilan ng paglaganap ng mabuting balita. Isaalang-alang ang tatlong lunsod na malapit sa Efeso: Colosas, Laodicea, at Hierapolis. Hindi kailanman dinalaw ni Pablo ang mga lunsod na ito pero nakaabot ang mabuting balita sa mga tagaroon. Si Epafras ay nagmula sa lugar na iyon. (Col. 2:1; 4:12, 13) Napatotohanan kaya ni Pablo si Epafras sa Efeso at naging isang Kristiyano? Walang binabanggit ang Bibliya. Pero maaaring si Epafras ang kumatawan kay Pablo nang ipangaral niya ang katotohanan sa kaniyang lugar. (Col. 1:7) Maaari ding nakaabot sa mga lunsod ng Filadelfia, Sardis, at Tiatira ang mensahe ng mga Kristiyano noong si Pablo ay nagpapatotoo sa Efeso.
9. (a) Ano ang taimtim na pagnanais ni Pablo? (b) Ano ang taunang teksto sa 2009?
9 Dahil dito, may sapat na dahilan ang matatanda sa Efeso na tanggapin ang sinabi ni Pablo: “Hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga at waring mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” Bahagi ng talatang iyan ang nakapagpapasiglang taunang teksto para sa 2009: “Lubusang magpatotoo sa mabuting balita.”—Gawa 20:24.
Lubusang Pagpapatotoo sa Ngayon
10. Paano natin nalaman na kailangan din nating lubusang magpatotoo?
10 Nang maglaon, ibinigay rin sa iba bukod sa mga apostol ang utos na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” Nang makipagkita ang binuhay-muling si Jesus sa nagkakatipong mga alagad sa Galilea, na malamang na mga 500, inutusan niya sila: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” Kapit din ang utos na iyan sa lahat ng tunay na Kristiyano sa ngayon gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 28:19, 20.
11. Sa anong mahalagang gawain kilala ang mga Saksi ni Jehova?
11 Patuloy na sinusunod ng masisigasig na Kristiyano ang utos na iyan, anupat nagsisikap na “lubusang magpatotoo sa mabuting balita.” Ang isang pangunahing paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng sinabi ni Pablo sa matatanda sa Efeso—pangangaral sa bahay-bahay. Sa kaniyang aklat na inilathala noong 2007 tungkol sa mabisang gawain ng mga misyonero, sinabi ni David G. Stewart, Jr.: “Ang praktikal na pamamaraan ng mga Saksi ni Jehova na pagtuturo sa kanilang mga miyembro kung paano ipangangaral sa iba ang kanilang paniniwala ay mas mabisa kaysa sa basta pag-uutos lamang na mangaral [gaya ng ginagawa ng ibang relihiyon]. Para sa maraming Saksi ni Jehova, isang kasiya-siyang gawain ang ibahagi sa iba ang kanilang paniniwala.” Ano ang resulta? “Noong 1999, 2 hanggang 4 na porsiyento lamang ng aking nasurbey sa dalawang kabiserang lunsod sa Silangang Europa ang nagsabing nakausap sila ng mga misyonero ng Latter-day Saints o ‘Mormon.’ Mahigit sa 70 porsiyento ang nagsabing nakausap sila mismo ng mga Saksi ni Jehova at kadalasan nang maraming beses.”
12. (a) Bakit natin sinisikap na makausap nang “maraming beses” ang mga tao sa ating teritoryo? (b) May alam ka bang karanasan ng isang tao na nagbago ng saloobin hinggil sa ating mensahe?
12 Malamang na ganiyan din ang karanasan ng mga tao sa inyong lugar. At malamang na isa ka sa nangaral sa mga taong iyon. Sa iyong pagbabahay-bahay, ‘nakakausap mo mismo’ ang iba’t ibang mga tao. Maaaring hindi makinig ang ilan bagaman sinubukan mo silang kausapin nang “maraming beses.” Baka makinig nang sandali ang iba habang ibinabahagi mo ang isang teksto sa Bibliya. Maaari namang makapagbigay ka ng mainam na patotoo sa iba at tanggapin nila ang mensahe. Posible ang lahat ng iyan habang ‘lubusan tayong nagpapatotoo sa mabuting balita.’ Gaya ng malamang na alam mo, napakaraming halimbawa ng mga taong hindi masyadong interesado kahit nakausap na nang “maraming beses” pero nagbago rin ng saloobin. Marahil may nangyari sa kanila, o sa isang mahal sa buhay, na nagbukas ng kanilang puso at isip sa katotohanan. Sila ngayon ay mga kapatid na natin sa pananampalataya. Kaya naman, huwag kang susuko kahit na wala ka pang natatagpuang mga interesado sa ngayon. Hindi natin inaasahan na tatanggapin ng lahat ang katotohanan. Pero inaasahan ng Diyos na patuloy tayong magsisikap at magiging masigasig sa lubusang pagpapatotoo.
Mga Resulta na Maaaring Hindi Natin Alam
13. Anong mga resulta ng ating pagpapatotoo ang maaaring hindi natin alam?
13 Ang resulta ng ministeryo ni Pablo ay hindi lamang makikita sa mga tuwirang natulungan niya na maging Kristiyano. Ganiyan din naman sa atin. Tinitiyak natin na regular tayong nakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay at nagpapatotoo sa maraming tao hangga’t maaari. Ipinakikipag-usap natin ang mabuting balita sa ating mga kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, at kamag-anak. Alam ba natin ang lahat ng naging resulta nito? Baka mabilis ang pagtugon ng ilan sa mabuting balita. Sa ibang mga kalagayan naman, hindi agad tumutugon ang iba pero tinanggap din nila ito nang maglaon. Kung hindi man ganiyan ang mangyari, baka ikuwento nila sa iba kung ano ang ating sinabi, paniniwala, at paggawi. Oo, maaaring hindi nila sinasadya na naihasik nila ang binhi ng katotohanan sa mga taong tutugon dito.
14, 15. Ano ang naging resulta ng pagpapatotoo ng isang brother?
14 Isaalang-alang ang halimbawa ni Ryan at ng kaniyang asawa, si Mandi, na nakatira sa Florida, E.U.A. Nagpatotoo nang di-pormal si Ryan sa kaniyang katrabaho na isang Hindu. Humanga ito sa paraan ng pananamit at pagsasalita ni Ryan. Sa kanilang pag-uusap, ipinaliwanag ni Ryan sa kaniya ang mga paksang gaya ng pagkabuhay-muli at kalagayan ng patay. Isang gabi ng Enero, tinanong ng lalaki ang kaniyang asawa, si Jodi, kung ano ang alam nito tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Isang Katoliko si Jodi, at sinabi niya sa kaniyang asawa na ang tanging nalalaman niya sa mga Saksi ay ang kanilang “pangangaral sa bahay-bahay.” Kaya nagsaliksik si Jodi sa Internet tungkol sa mga Saksi ni Jehova at nakita niya ang Web site na www.watchtower.org. Sa loob ng ilang buwan, binuksan ni Jodi ang site na iyon at nagbasa ng Bibliya at ng nagustuhan niyang mga artikulo.
15 Di-nagtagal, nakilala ni Jodi si Mandi yamang pareho silang nars. Tuwang-tuwang sinagot ni Mandi ang mga tanong ni Jodi. Nang maglaon, maraming paksa sa Bibliya ang natalakay nina Mandi at Jodi. Tinanggap ni Jodi ang alok sa kaniya na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nagsimula na rin siyang dumalo sa Kingdom Hall. Naging di-bautisadong mamamahayag si Jodi noong Oktubre at nabautismuhan naman noong Pebrero. Isinulat niya: “Ngayong alam ko na ang katotohanan, napakasaya at naging makabuluhan ang aking buhay.”
16. Ano ang ipinapakita ng karanasan ng isang brother sa Florida tungkol sa ating pagsisikap na lubusang magpatotoo?
16 Walang kaalam-alam si Ryan na ang kaniyang pagpapatotoo sa isang lalaki ay makatutulong sa iba na tanggapin ang katotohanan. Sabihin pa, nalaman niya ang naging resulta ng kaniyang pagiging determinado na “lubusang magpatotoo.” Kumusta naman tayo? Hindi natin alam baka ang ating pagpapatotoo sa bahay-bahay, trabaho, paaralan, o sa di-pormal na paraan ang maging dahilan para marinig ng iba ang mabuting balita. Kung paanong hindi nalaman ni Pablo ang lahat ng naging resulta ng kaniyang pagpapatotoo sa “distrito ng Asia,” maaaring hindi rin natin malaman ang lahat ng mabuting ibubunga ng ating lubusang pagpapatotoo. (Basahin ang Gawa 23:11; 28:23.) Pero napakahalaga ngang patuloy na gawin ito!
17. Ano ang determinado mong gawin ngayong 2009?
17 Ngayong 2009, nawa’y dibdibin natin ang ating atas na magpatotoo sa bahay-bahay o sa iba pang mga paraan. Kung gayon, masasabi rin natin ang sinabi ni Pablo: “Hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga at waring mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.”
Paano Mo Sasagutin?
• Paano lubusang nagpatotoo sina apostol Pedro at Pablo at ang iba pa noong unang siglo?
• Bakit maaaring higit pa sa inaasahan natin ang puwedeng maging resulta ng ating pagpapatotoo?
• Ano ang taunang teksto sa 2009, at bakit ito napapanahon?
[Blurb sa pahina 19]
Ang taunang teksto para sa 2009 ay: “Lubusang magpatotoo sa mabuting balita.”—Gawa 20:24.
[Larawan sa pahina 17]
Alam ng matatanda sa Efeso na lubusang nagpapatotoo si Pablo sa bahay-bahay
[Larawan sa pahina 18]
Gaano kalawak ang maaaring maabot ng iyong lubusang pagpapatotoo?