Ang Unang mga Kristiyano at ang Kautusang Mosaiko
“Ang Kautusan ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo.”—GALACIA 3:24.
1, 2. Ano ang ilan sa mga kapakinabangang natamasa ng mga Israelita na maingat na sumunod sa Kautusang Mosaiko?
NOONG 1513 B.C.E., ibinigay ni Jehova sa mga Israelita ang isang kodigo ng mga kautusan. Sinabi niya sa bayan na kung susundin nila ang kaniyang tinig, pagpapalain niya sila at tatamasahin nila ang maligaya at kasiya-siyang buhay.—Exodo 19:5, 6.
2 Ang kodigong iyon ng Kautusan, na tinatawag na Kautusang Mosaiko, o basta “Kautusan” lamang, ay “banal at matuwid at mabuti.” (Roma 7:12) Itinaguyod nito ang mahuhusay na katangian na gaya ng kabaitan, pagkamatapat, moralidad, at pakikipagkapuwa. (Exodo 23:4, 5; Levitico 19:14; Deuteronomio 15:13-15; 22:10, 22) Inudyukan din ng Kautusan ang mga Judio na ibigin ang isa’t isa. (Levitico 19:18) Bukod dito, hindi sila dapat makisama o makipag-asawa sa mga Gentil na hindi nagpasakop sa Kautusan. (Deuteronomio 7:3, 4) Bilang “pader” na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil, iningatan ng Kautusang Mosaiko ang bayan ng Diyos mula sa pagkahawa sa paganong mga kaisipan at gawain.—Efeso 2:14, 15; Juan 18:28.
3. Yamang walang sinuman ang ganap na makasusunod sa Kautusan, ano ang naging epekto nito?
3 Gayunman, maging ang mga Judio na napakametikuloso sa pagsunod ay hindi ganap na makasunod sa Kautusan ng Diyos. Labis-labis ba ang inaasahan ni Jehova sa kanila? Hindi. Ang isang dahilan kung bakit ibinigay ang Kautusan sa Israel ay “upang mahayag ang mga pagsalansang.” (Galacia 3:19) Ipinabatid ng Kautusan sa taimtim na mga Judio ang kanilang malubhang pangangailangan hinggil sa isang Manunubos. Nang dumating ang Isang iyon, nagsaya ang tapat na mga Judio. Ang kanilang pagkaligtas sa sumpa ng kasalanan at kamatayan ay malapit na!—Juan 1:29.
4. Sa anong diwa isang ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo’ ang Kautusan?
4 Ang Kautusang Mosaiko ay nilayong maging pansamantalang kaayusan. Sa pagliham sa mga kapuwa Kristiyano, inilarawan ito ni apostol Pablo bilang ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.’ (Galacia 3:24) Noong unang panahon, sinasamahan ng isang tagapagturo ang mga bata sa pagpasok at pag-uwi sa paaralan. Karaniwan nang hindi siya ang guro; dinadala lamang niya ang mga bata sa guro. Sa katulad na paraan, dinisenyo ang Kautusang Mosaiko upang akayin ang mga Judiong may takot sa Diyos tungo kay Kristo. Ipinangako ni Jesus na siya ay makakasama ng kaniyang mga tagasunod “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Samakatuwid, kapag naitatag na ang kongregasyong Kristiyano, tapos na ang papel ng “tagapagturo”—ang Kautusan. (Roma 10:4; Galacia 3:25) Subalit hindi kaagad naunawaan ng mga Kristiyanong Judio ang mahalagang katotohanang ito. Bilang resulta, patuloy nilang sinunod ang ilang kahilingan ng Kautusan kahit pagkaraang buhaying muli si Jesus. Ngunit binago naman ng iba ang kanilang pag-iisip. Sa paggawa nito, nagbigay sila ng mainam na halimbawa para sa atin sa ngayon. Tingnan natin kung paano.
Kapana-panabik na mga Bagong Pagkaunawa sa Doktrinang Kristiyano
5. Anong mga tagubilin ang natanggap ni Pedro sa isang pangitain, at bakit siya nagulat?
5 Noong 36 C.E., nagkaroon ng kamangha-manghang pangitain ang Kristiyanong apostol na si Pedro. Nang panahong iyon, isang tinig mula sa langit ang nag-utos sa kaniya na pumatay at kumain ng mga ibon at hayop na itinuturing na marumi sa ilalim ng Kautusan. Nagulat si Pedro! Hindi pa siya “kumain [kailanman] ng anumang bagay na marungis at marumi.” Ngunit sinabi sa kaniya ng tinig: “Huwag mo nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” (Gawa 10:9-15) Sa halip na manghawakang mahigpit sa Kautusan, binago ni Pedro ang kaniyang pangmalas. Inakay siya nito sa kagila-gilalas na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos.
6, 7. Ano ang tumulong kay Pedro upang mahinuha na maaari na siyang mangaral ngayon sa mga Gentil, at ano pa ang malamang na nahinuha niya?
6 Ganito ang nangyari. Tatlong lalaki ang nagtungo sa bahay na tinutuluyan ni Pedro upang hilingin sa kaniya na sumama sa kanila sa tahanan ng isang taimtim na di-tuling Gentil na nagngangalang Cornelio. Inanyayahan ni Pedro ang mga lalaking ito sa loob ng bahay at pinatuloy sila roon. Palibhasa’y nauunawaan na ang kahulugan ng pangitaing ito, kinabukasan ay sumama si Pedro sa kanila sa pagtungo sa tahanan ni Cornelio. Doon lubusang nagpatotoo si Pedro hinggil kay Jesu-Kristo. Nang panahong iyon, sinabi ni Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Hindi lamang si Cornelio ang nanampalataya kay Jesus kundi pati ang kaniyang mga kamag-anak at matatalik na kaibigan, at “ang banal na espiritu ay bumaba sa lahat niyaong mga nakikinig sa salita.” Palibhasa’y nakilala na si Jehova ang nagmaniobra sa pangyayaring ito, “iniutos [ni Pedro na] mabautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Kristo.”—Gawa 10:17-48.
7 Ano ang tumulong kay Pedro na mahinuha na ang mga Gentil na hindi nagpasakop sa Kautusang Mosaiko ay maaari na ngayong maging mga tagasunod ni Jesu-Kristo? Espirituwal na kaunawaan. Yamang ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa di-tuling mga Gentil, anupat ibinuhos ang kaniyang espiritu sa kanila, naunawaan ni Pedro na maaari silang tanggapin para bautismuhan. Kasabay nito, maliwanag na natanto ni Pedro na hindi inaasahan ng Diyos na sundin ng mga Kristiyanong Gentil ang Kautusan ni Moises bilang kahilingan para mabautismuhan. Kung ikaw ay nabuhay noong panahong iyon, magiging katulad ka kaya ni Pedro na handang magbago ng iyong pangmalas?
Patuloy na Sinunod ng Ilan ang “Tagapagturo”
8. Anong pangmalas hinggil sa pagtutuli na naiiba sa pangmalas ni Pedro ang itinaguyod ng ilang Kristiyano na naninirahan sa Jerusalem, at bakit?
8 Pagkaalis niya sa tahanan ni Cornelio, nagtungo si Pedro sa Jerusalem. Nakarating ang balita sa kongregasyon doon na ‘tinanggap ng di-tuling mga Gentil ang salita ng Diyos,’ at may ilang alagad na Judio ang hindi natuwa sa balita. (Gawa 11:1-3) Bagaman inaamin nila na maaaring maging mga tagasunod ni Jesus ang mga Gentil, iginiit ng “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli” na ang mga taong ito ng mga bansang di-Judio ay dapat sumunod sa Kautusan upang maligtas. Sa kabilang panig naman, sa mga lugar na doo’y nakararami ang mga Gentil, at kakaunti lamang ang mga Kristiyanong Judio, hindi naman isang usapin ang pagtutuli. Nanatili ang dalawang pangmalas sa loob ng 13 taon. (1 Corinto 1:10) Tunay nga itong isang pagsubok sa unang mga Kristiyanong iyon—lalo na sa mga Gentil na naninirahan sa lugar ng mga Judio!
9. Bakit mahalaga na malutas ang usapin hinggil sa pagtutuli?
9 Sa wakas ay umabot sa sukdulan ang usapin noong 49 C.E., nang ang mga Kristiyano mula sa Jerusalem ay magtungo sa Antioquia ng Sirya, kung saan nangangaral si Pablo. Nagsimula silang magturo na ang nakumberteng mga Gentil ay dapat magpatuli alinsunod sa Kautusan. At nagkaroon ng malubhang di-pagkakasundo at pagtatalo sa gitna nila at nina Pablo at Bernabe! Kapag hindi nalutas ang usapin, tiyak na matitisod ang ilang Kristiyano, Judio man sila o Gentil. Kaya naman, gumawa ng mga kaayusan upang si Pablo at ang iba pa ay magtungo sa Jerusalem at hilingin sa Kristiyanong lupong tagapamahala na lutasin na nang lubusan ang usapin.—Gawa 15:1, 2, 24.
Isang Tunay na Magkaibang Opinyon—Pagkatapos, Pagkakaisa!
10. Ano ang ilang punto na isinaalang-alang ng lupong tagapamahala bago ginawa ang pasiya hinggil sa katayuan ng mga Gentil?
10 Sa pulong na idinaos, lumilitaw na ipinangatuwiran ng ilan ang pagtutuli, samantalang iniharap naman ng iba ang kasalungat na pangmalas. Ngunit hindi nangibabaw ang emosyon nang panahong iyon. Pagkaraan ng maraming pagtatalo, inilarawan nina apostol Pedro at Pablo ang mga tanda na ginawa ni Jehova sa mga di-tuli. Ipinaliwanag nila na ibinuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa di-tuling mga Gentil. Sa diwa ay itinanong nila, ‘Makatuwiran bang tanggihan ng kongregasyong Kristiyano ang mga tinanggap na ng Diyos?’ Pagkatapos ay binasa ng alagad na si Santiago ang isang talata sa Kasulatan na tumulong sa lahat ng naroroon na maunawaan ang kalooban ni Jehova hinggil sa usapin.—Gawa 15:4-17.
11. Anong salik ang hindi nasangkot sa paggawa ng pasiya hinggil sa pagtutuli, at ano ang nagpapakita na may pagpapala ni Jehova ang pasiya?
11 Ang lahat ng pansin ay nakatuon na noon sa lupong tagapamahala. May-pagkiling kaya silang magpapasiya nang pabor sa pagtutuli dahil sa kanilang Judiong pinagmulan? Hindi. Ang tapat na mga lalaking ito ay determinadong sumunod sa Kasulatan at sa mga pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos. Matapos marinig ang lahat ng kaugnay na patotoo, may-pagkakaisang sumang-ayon ang lupong tagapamahala na hindi na kailangang magpatuli at magpasailalim sa Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyanong Gentil. Nang mabalitaan ng mga kapatid ang pasiya, nagsaya sila, at ang mga kongregasyon ay nagsimulang “dumami ang bilang sa araw-araw.” Ang mga Kristiyanong iyon na nagpasakop sa malinaw na teokratikong patnubay ay pinagpala ng matibay at maka-Kasulatang sagot. (Gawa 15:19-23, 28, 29; 16:1-5) Gayunman, kailangan pa ring masagot ang isang mahalagang tanong.
Paano Naman ang mga Kristiyanong Judio?
12. Anong tanong ang hindi pa nasasagot?
12 Malinaw na ipinabatid ng lupong tagapamahala na hindi na kailangang tuliin ang mga Kristiyanong Gentil. Subalit paano naman ang mga Kristiyanong Judio? Hindi espesipikong sinagot ng pasiya ng lupong tagapamahala ang aspektong iyon ng tanong.
13. Bakit maling igiit na kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko para maligtas?
13 May ilang Kristiyanong Judio na “masigasig sa Kautusan” na patuloy na tumuli sa kanilang mga anak at sumunod sa ilang pitak ng Kautusan. (Gawa 21:20) Lumabis pa roon ang iba, anupat iginiit pa nga na kailangang sundin ng mga Kristiyanong Judio ang Kautusan upang sila ay maligtas. Hinggil dito, sila ay lubhang nagkamali. Halimbawa, paano makapaghahandog ang sinumang Kristiyano ng isang haing hayop para sa kapatawaran ng mga kasalanan? Ginawa nang lipas ng hain ni Kristo ang gayong mga paghahandog. Paano naman ang kahilingan ng Kautusan na umiwas ang mga Judio sa matalik na pakikipagsamahan sa mga Gentil? Magiging napakahirap para sa masisigasig na Kristiyanong ebanghelisador na sundin ang gayong mga paghihigpit at kasabay nito ay tuparin ang atas na ituro sa mga Gentil ang lahat ng bagay na itinuro ni Jesus. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8; 10:28)a Walang katibayan na nilinaw ang bagay na ito sa alinmang pagpupulong ng lupong tagapamahala. Gayunman, hindi hinayaang walang matanggap na tulong ang kongregasyon.
14. Anong patnubay hinggil sa Kautusan ang inilaan ng kinasihang mga liham ni Pablo?
14 Natanggap ang patnubay, hindi sa anyo ng isang liham mula sa lupong tagapamahala, kundi sa pamamagitan ng karagdagang kinasihang mga liham na isinulat ng mga apostol. Halimbawa, nagpadala si apostol Pablo ng nakakakumbinsing mensahe sa mga Judio at mga Gentil na nakatira sa Roma. Sa kaniyang liham sa kanila, ipinaliwanag niya na ang tunay na Judio ay “gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” (Roma 2:28, 29) Sa liham ding iyon, ginamit ni Pablo ang isang ilustrasyon upang patunayan na wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano. Ikinatuwiran niya na ang isang babae ay hindi maaaring magpakasal nang sabay sa dalawang lalaki. Ngunit kapag namatay ang kaniyang asawa, malaya na siyang makapag-asawang muli. Pagkatapos ay ikinapit ni Pablo ang ilustrasyon, na ipinakikita na hindi maaaring maging sakop ng Kautusang Mosaiko ang mga pinahirang Kristiyano at kasabay nito’y maging kabilang kay Kristo. Sila ay naging “patay sa Kautusan” upang sila ay maging kaisa ni Kristo.—Roma 7:1-5.
Mabagal sa Pag-unawa sa Punto
15, 16. Bakit hindi nakuha ng ilang Kristiyanong Judio ang punto hinggil sa Kautusan, at ano ang ipinakikita nito tungkol sa pangangailangang manatiling gising sa espirituwal?
15 Hindi matututulan ang pangangatuwiran ni Pablo hinggil sa Kautusan. Kung gayon, bakit hindi pa rin nakuha ng ilang Kristiyanong Judio ang punto? Ang isang dahilan ay ang kakulangan nila ng espirituwal na kaunawaan. Halimbawa, hindi sila kumain ng matigas na espirituwal na pagkain. (Hebreo 5:11-14) Hindi rin sila regular sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Hebreo 10:23-25) Ang isa pang dahilan kung bakit hindi nakuha ng ilan ang punto ay maaaring may kaugnayan sa likas na katangian ng Kautusan mismo. Nakasentro ang Kautusan sa mga bagay na nakikita at nadarama at nahahawakan, tulad ng templo at ng pagkasaserdote. Mas madali para sa isa na kulang sa espirituwalidad na tanggapin ang Kautusan sa halip na panghawakan ang mas malalalim na simulain ng Kristiyanismo, na nakasentro sa di-nakikitang mga bagay.—2 Corinto 4:18.
16 Inilahad ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia ang isa pang dahilan kung bakit sabik ang ilang nag-aangking Kristiyano na sundin ang Kautusan. Ipinaliwanag niya na nais ng mga lalaking ito na sila’y ituring na kagalang-galang, bilang mga miyembro ng isang pangunahing relihiyon. Sa halip na mapaiba sa komunidad, handa silang gumawa ng halos anumang pakikipagkompromiso upang makibagay sa komunidad. Mas interesado sila na matamo ang pagsang-ayon ng mga tao kaysa sa matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.—Galacia 6:12.
17. Kailan naging lubusang malinaw ang tamang pangmalas hinggil sa pagsunod sa Kautusan?
17 Ang mga nakauunawang Kristiyano na maingat na nagsuri sa kinasihan-ng-Diyos na mga liham ni Pablo at niyaong sa iba ay nakabuo ng tumpak na konklusyon hinggil sa Kautusan. Gayunman, noon lamang taóng 70 C.E. naging lubusang malinaw sa lahat ng mga Kristiyanong Judio ang tamang pangmalas sa Kautusang Mosaiko. Naganap iyon nang pahintulutan ng Diyos na mawasak ang Jerusalem, ang templo nito, at ang mga talaan na may kaugnayan sa pagkasaserdote nito. Dahil dito ay naging imposible para sa sinuman na sundin ang lahat ng pitak ng Kautusan.
Ikinakapit ang Aral sa Ngayon
18, 19. (a) Anong mga saloobin ang dapat nating taglayin at anong mga saloobin ang kailangan nating iwasan upang manatiling malusog sa espirituwal? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Pablo hinggil sa pagsunod sa patnubay na natatanggap mula sa mga kapatid na may pananagutan? (Tingnan ang kahon sa pahina 24.)
18 Matapos isaalang-alang ang mga pangyayari noong nakalipas, marahil ay iniisip mo: ‘Kung nabuhay ako noong panahong iyon, paano kaya ako tutugon habang pasulong na isinisiwalat ang kalooban ng Diyos? Mahigpit kaya akong manghahawakan sa tradisyonal na mga pangmalas? O magiging matiisin kaya ako hanggang sa maging malinaw ang tamang pagkaunawa? At kapag naging malinaw ito, susuportahan ko kaya ito nang buong puso?’
19 Siyempre pa, hindi natin matitiyak kung paano tayo tutugon kung nabuhay tayo noon. Ngunit maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Paano ako tumutugon sa mga paglilinaw sa pagkaunawa sa Bibliya kapag inihaharap ang mga ito sa ngayon? (Mateo 24:45) Kapag may ibinigay na maka-Kasulatang patnubay, sinisikap ko bang ikapit ito, anupat sinusunod hindi lamang ang maliliit na detalye ng nakasulat na kautusan kundi maging ang simulaing nasa likuran nito? (1 Corinto 14:20) Matiisin ba akong naghihintay kay Jehova kapag waring hindi kaagad natatanggap ang mga sagot sa matatagal nang mga tanong?’ Mahalaga na samantalahin natin ang espirituwal na pagkain na inilalaan sa ngayon, upang “hindi tayo kailanman maanod papalayo.” (Hebreo 2:1) Kapag naglalaan si Jehova ng patnubay sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang makalupang organisasyon, makinig tayong mabuti. Kung gagawin natin ito, pagpapalain tayo ni Jehova ng walang-hanggang buhay na kapuwa maligaya at kasiya-siya.
[Talababa]
a Nang dalawin ni Pedro ang Antioquia ng Sirya, tinamasa niya ang magiliw na pakikipagsamahan sa mga mananampalatayang Gentil. Gayunman, nang dumating ang mga Kristiyanong Judio mula sa Jerusalem, “lumayo [si Pedro] at inihiwalay ang kaniyang sarili, dahil sa takot doon sa mga uring tuli.” Maguguniguni natin kung gaano kasakit ang nadama ng nakumberteng mga Gentil na iyon nang ang iginagalang na apostol ay tumangging kumain na kasama nila.—Galacia 2:11-13.
Paano Mo Tutugunin?
• Sa anong diwa katulad ng isang ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo’ ang Kautusang Mosaiko?
• Paano mo ipaliliwanag ang pagkakaiba ng mga paraan ng pagtugon ni Pedro at ng “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli” sa mga pagbabago sa pagkaunawa sa katotohanan?
• Ano ang natutuhan mo sa paraan ng pagsisiwalat ni Jehova ng katotohanan sa ngayon?
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Mapagpakumbabang Tumugon si Pablo sa Isang Pagsubok
Pagkatapos ng isang matagumpay na paglalakbay bilang misyonero, dumating si Pablo sa Jerusalem noong 56 C.E. Doon ay naghihintay sa kaniya ang isang pagsubok. Nakarating sa kongregasyon ang balita na itinuturo niyang hindi na ipinasusunod ang Kautusan. Ang matatandang lalaki ay natakot na ang bagong nakumberteng mga Kristiyanong Judio ay matisod sa pagkatahasan ni Pablo sa paksa hinggil sa Kautusan at baka maghinuha ang mga baguhan na hindi iginagalang ng mga Kristiyano ang mga kaayusan ni Jehova. Sa kongregasyon ay may apat na Kristiyanong Judio na gumawa ng panata, marahil ay panata ng isang Nazareo. Kailangan silang magtungo sa templo upang ganap na maisagawa ang mga kahilingan ng panatang iyon.
Hiniling ng matatandang lalaki kay Pablo na samahan ang apat sa pagtungo sa templo at asikasuhin ang kanilang mga gastusin. Naisulat na noon ni Pablo ang di-kukulangin sa dalawang kinasihang liham na nangangatuwirang hindi kailangan sa kaligtasan ang pagsunod sa Kautusan. Gayunman, makonsiderasyon siya sa budhi ng iba. Ganito ang nauna na niyang isinulat: “Doon sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan . . . upang matamo ko yaong mga nasa ilalim ng kautusan.” (1 Corinto 9:20-23) Bagaman hindi nakikipagkompromiso kailanman kapag may nasasangkot na mahahalagang simulain sa Kasulatan, nadama ni Pablo na maaari niyang tanggapin ang mungkahi ng matatandang lalaki. (Gawa 21:15-26) Hindi naman mali na gawin niya iyon. Makakasulatan naman ang kaayusan hinggil sa mga panata, at ang templo ay ginamit noon sa dalisay na pagsamba, hindi sa idolatriya. Kaya upang hindi maging sanhi ng katitisuran, ginawa ni Pablo ang hiniling sa kaniya. (1 Corinto 8:13) Walang alinlangan na kinailangang magpakumbaba nang husto si Pablo para magawa ito, isang bagay na nagpapasidhi ng ating paggalang sa kaniya.
[Larawan sa pahina 22, 23]
Sa loob ng ilang taon, nanatiling magkakaiba ang pangmalas ng mga Kristiyano hinggil sa Kautusang Mosaiko