Lumakad na May-Takot kay Jehova
“Samantalang [ang kongregasyon] ay lumalakad na may-takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal ng espiritu ito ay patuloy na dumami.”—GAWA 9:31.
1, 2. (a) Ano ang nangyari nang ang kongregasyong Kristiyano ay pumasok sa isang panahon ng kapayapaan? (b) Bagaman pinahihintulutan ni Jehova ang pag-uusig, ano pa ang kaniyang ginagawa?
ANG isang alagad ay nakaharap sa isang sukdulang pagsubok. Siya ba ay mananatiling tapat sa Diyos? Oo, tunay nga! Siya’y lumakad na may-takot sa Diyos, may pagpipitagan sa kaniyang Manlilikha, at mamamatay na isang tapat na saksi ni Jehova.
2 Ang may-takot sa Diyos na tapat na alagad na iyon ay si Esteban, “isang taong puspos ng pananampalataya at ng banal na espiritu.” (Gawa 6:5) Ang pagkapaslang sa kaniya ay nagsilbing daan para sa sunud-sunod na pag-uusig, ngunit pagkatapos naman sa buong Judea, Galilea, at Samaria ang kongregasyon ay pumasok sa isang panahon ng kapayapaan at napatibay sa espirituwal. Isa pa, “samantalang ito ay lumalakad na may-takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal na espiritu ito ay patuloy na dumami.” (Gawa 9:31) Bilang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, matitiyak natin na tayo’y pagpapalain ng Diyos dumaranas man tayo ng kapayapaan o pag-uusig, gaya ng ipinakikita sa Gawa kabanata 6 tuluy-tuloy hanggang 12. Kaya tayo ay lumakad nang may pagpapakundangan at takot sa Diyos pagka pinag-uusig o gumamit ng anumang pagkakataon sa pansamantalang paghinto ng pag-uusig upang tumibay sa espirituwal at maragdagan pa ang puspusang paglilingkod sa kaniya.—Deuteronomio 32:11, 12; 33:27.
Tapat Hanggang sa Wakas
3. Anong suliranin ang nalutas sa Jerusalem, at papaano?
3 Bagaman may mga suliraning bumabangon kung panahon ng kapayapaan, ang mabuting organisasyon ay makatutulong upang malutas ang mga ito. (6:1-7) Ang mga Judio sa Jerusalem na ang wika’y Griego ay nagreklamo na ang kanilang mga biyuda’y nakakaligtaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng pagkain at ang mga mananampalatayang Judio lamang na ang wika’y Hebreo ang inaasikaso. Nalutas ang suliraning ito nang ang mga apostol ay maglagay ng pitong lalaki na mag-aasikaso ng “kinakailangang gawaing ito.” Ang isa sa kanila ay si Esteban.
4. Ano ang iginanti ni Esteban sa mga maling paratang?
4 Gayunman, ang may-takot sa Diyos na si Esteban ay madaling napaharap sa isang pagsubok. (6:8-15) May mga lalaking bumangon na nakipagtalo kay Esteban. Ang ilan sa kanila ay kaanib sa “Sinagoga ng Malalaya,” marahil mga Judiong nabihag ng mga Romano at nang dakong huli ay pinalaya o mga Judiong proselita na dating mga alipin. Palibhasa’y hindi nila kayang daigin ang karunungan at espiritu na taglay ni Esteban sa pagsasalita, siya ay dinala sa Sanedrin ng kaniyang mga kaaway. Doon ang mga bulaang saksi ay nagsipagsabi: ‘Aming narinig ang taong ito na nagsabing wawasakin ni Jesus ang templo at babaguhin ang mga kaugaliang ibinigay ni Moises.’ Gayunman, nakita ng kahit na mga mananalansang sa kaniya na si Esteban ay hindi isang manggagawa ng kasamaan kundi may mukhang katulad ng mukha ng isang anghel, isang mensahero ng Diyos na nakatitiyak ng kaniyang pag-alalay. Ibang-iba nga sa kanilang mga mukha, na mababakas ang kasamaan sapagkat sila’y mga napadadala kay Satanas!
5. Anong mga punto ang iniharap ni Esteban samantalang nagpapatotoo?
5 Nang tanungin ng Mataas na Saserdoteng si Caifas, si Esteban ay nagbigay ng isang walang-takot na patotoo. (7:1-53) Ang kaniyang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng mga Israelita ay nagpakita na nilayon ng Diyos na alisin ang Kautusan at ang paglilingkod sa templo pagdating ng Mesiyas. Binanggit ni Esteban na si Moises, ang manunubos na inaangkin ng bawat Judio na pinararangalan, ay tinanggihan ng mga Israelita, katulad din ngayon na hindi nila tinanggap ang Isa na maydala ng lalong malaking katubusan. Sa pagsasabi na ang Diyos ay hindi tumatahan sa gawang-kamay na mga bahay, ipinakita ni Esteban na ang templo at ang sistemang ito ng pagsamba ay mapaparam. Ngunit yamang ang mga hukom ay hindi nangatatakot sa Diyos o ibig man nilang makilala ang Kaniyang kalooban, sinabi ni Esteban: ‘Kayong matitigas ang ulo, kayo’y laging nagsisisalansang sa banal na espiritu. Alin sa mga propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga magulang? Kanilang pinatay ang mga patiunang nagpahayag ng pagparito ng Isang Matuwid, na inyong ipinagkanulo at ipinapatay.’
6. (a) Bago siya namatay, ano ang nagpapatibay-pananampalatayang karanasan ni Esteban? (b) Bakit may katuwirang magsabi si Esteban: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu”?
6 Ang walang-takot na pangungusap ni Esteban ay humantong sa pamamaslang sa kaniya. (7:54-60) Ang mga hukom ay nagsiklab sa galit sa kaniyang pagbibilad ng kanilang kasalanan sa pagpatay kay Jesus. Ngunit tunay na napatibay ang pananampalataya ni Esteban nang siya’y ‘tumingala sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatindig sa Kaniyang kanan’! Ngayon si Esteban ay makahaharap na sa kaniyang mga kaaway na taglay ang pagtitiwala na kaniyang nagawa na ang kalooban ng Diyos. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay walang mga pangitain, tayo ay maaaring magkaroon din ng katulad na bigay-Diyos na katahimikan pagka tayo’y pinag-uusig. Pagkatapos ihagis si Esteban sa labas ng Jerusalem, siya’y sinimulang pagbabatuhin ng kaniyang mga kaaway at siya’y namanhik: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Ito’y tumpak naman sapagkat si Jesus ay binigyang-kapamahalaan ng Diyos na buhaying-muli ang iba. (Juan 5:26; 6:40; 11:25, 26) Samantalang nakaluhod, si Esteban ay bumulalas: “Jehova, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” Pagkatapos ay natulog na siya sa kamatayan bilang isang martir, tulad din ng nangyari sa marami pang mga tagasunod ni Jesus magmula noon, maging sa modernong panahon man.
Ang Pag-uusig ang Nagpalaganap sa Mabuting Balita
7. Ano ang resulta ng pag-uusig?
7 Ang aktuwal na resulta ng pagkamatay ni Esteban ay ang paglaganap ng mabuting balita. (8:1-4) Dahilan sa pag-uusig ay nagsipangalat ang lahat ng mga alagad maliban sa mga apostol sa buong Judea at Samaria. Si Saulo, na sumang-ayon sa pamamaslang kay Esteban, ay dumaluhong sa kongregasyon na tulad ng isang mabangis na hayop, pinapasok ang sunud-sunod na bahay upang mula roo’y kaladkarin ang mga tagasunod ni Jesus tungo sa bilangguan. Habang ang nangalat na mga alagad ay patuloy na nangangaral, nabigo ang plano ni Satanas na pahintuin ang may-takot sa Diyos na mga tagapagbalita ng Kaharian sa pamamagitan ng pag-uusig sa kanila. Sa ngayon, din naman, ang pag-uusig ay kadalasan siyang dahilan ng paglaganap ng mabuting balita o ng pagtawag-pansin sa gawaing pangangaral ng Kaharian.
8. (a) Ano ang nangyari bilang resulta ng pangangaral na ginawa sa Samaria? (b) Papaano ginamit ni Pedro ang ikalawang susi na ipinagkatiwala sa kaniya ni Jesus?
8 Ang ebanghelisador na si Felipe ay naparoon sa Samaria “upang ipangaral ang Kristo.” (8:5-25) Malaking kagalakan ang umiral sa siyudad na iyon samantalang ipinangangaral doon ang mabuting balita, ang masasamang espiritu ay pinalabas, at ang mga tao’y napagaling. Ang mga apostol sa Jerusalem ang nagsugo kay Pedro at kay Juan sa Samaria, at nang sila’y manalangin at ipatong ang kanilang mga kamay sa mga nabautismuhan, ang mga bagong alagad ay tumanggap ng banal na espiritu. Ang bagong kababautismong dating mahikong si Simon ay sumubok na bilhin ang kapamahalaang ito, ngunit sinabi ni Pedro: ‘Ang iyong salapi ay mapapahamak na kasama mo. Ang puso mo’y hindi matuwid sa harap ng Diyos.’ Nang pagsabihan na magsisi at manalangin kay Jehova na siya’y patawarin, kaniyang hiniling sa mga apostol na manalangin alang-alang sa kaniya. Ito ay dapat magpakilos sa lahat ng mga natatakot kay Jehova sa ngayon na manalangin para tumanggap ng banal na tulong sa pag-iingat ng kanilang puso. (Kawikaan 4:23) (Buhat sa pangyayaring ito nanggaling ang salitang “simony,” “ang pagbili o pagbibili ng isang tungkulin sa simbahan o relihiyosong pag-asenso.” Si Pedro at si Juan ay naghayag ng mabuting balita sa maraming mga bayan-bayan ng mga Samaritano. Sa gayon, ginamit ni Pedro ang ikalawang susi na ibinigay sa kaniya ni Jesus upang buksan ang pinto ng kaalaman at pagkakataon para makapasok sa makalangit na Kaharian.—Mateo 16:19.
9. Sino ba ang Etiope na sa kaniya nagpatotoo si Felipe, at bakit maaaring bautismuhan ang taong iyon?
9 Pagkatapos ay binigyan ng anghel ng Diyos si Felipe ng isang bagong atas. (8:26-40) Sa isang karo na naglalakbay galing sa Jerusalem patungong Gaza ay nakasakay ang isang “bating,” isang opisyal na nangangasiwa ng kayamanan ni Reyna Candace ng Etiopia. Siya ay hindi isang pisikal na bating, na bawal pumasok sa kongregasyong Judio, kundi siya’y naparoon sa Jerusalem upang sumamba bilang isang tinuling proselita. (Deuteronomio 23:1) Nasumpungan ni Felipe na ang bating ay bumabasa buhat sa aklat ng Isaias. Pagkatapos na anyayahan na sumakay sa karo, tinalakay ni Felipe ang hula ng Isaias at “ipinahayag sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” (Isaias 53:7, 8) Hindi nagluwat at bumulalas ang Etiope: “Narito! Maraming tubig; ano ang nakahahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?” Wala ngang nakahahadlang, yamang siya’y may kaalaman tungkol sa Diyos at ngayon ay nagkaroon ng pananampalataya sa Kristo. Kaya’t binautismuhan ni Felipe ang Etiope, na pagkatapos ay nagpatuloy sa kaniyang lakad na nagagalak. Mayroon bang nakahahadlang sa iyo sa pagpapabautismo?
Isang Mang-uusig ang Nakumberte
10, 11. Ano ang nangyari kay Saulo ng Tarso nang nasa daan patungo sa Damasco at karakaraka pagkatapos?
10 Samantala, pinagsikapan ni Saulo na hilahin ang mga tagasunod ni Jesus na magtakuwil ng kanilang pananampalataya sa ilalim ng banta ng pagkabilanggo o kamatayan. (9:1-18a) Ang mataas na saserdote (malamang na si Caifas) ay nagbigay sa kaniya ng mga liham sa mga sinagoga sa Damasco na nagbibigay-pahintulot sa kaniya na kaniyang madalang gapós sa Jerusalem ang mga lalaki at mga babae na kaugnay sa “Ang Daan,” o kaayusan ng pamumuhay na nakasalig sa halimbawa ni Kristo. Nang may katanghaliang-tapat na siya’y malapit na sa Damasco, pagdaka’y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit at isang tinig ang nagtanong: “Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?” Narinig ng mga kasama ni Saulo “ang isang tinig” ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi. (Ihambing ang Gawa 22:6, 9.) Ang kaunting pagpapahayag na iyon ng niluwalhating si Jesus ay sapat na upang makabulag kay Saulo. Ginamit ng Diyos ang alagad na si Ananias upang panumbalikin ang kaniyang paningin.
11 Pagkatapos na siya’y mabautismuhan, ang dating mang-uusig ay siya namang pinag-usig. (9:18b-25) Ang hangad ng mga Judio sa Damasco ay patayin si Saulo. Datapuwat, sa gabi siya’y ibinaba ng mga alagad sa pamamagitan ng isang butas sa pader, malamang na nasa isang malaking basket na nilala at yari sa lubid o nilala na mga maliliit na sanga. (2 Corinto 11:32, 33) Ang butas ay maaaring isang bintana ng tahanan ng isang alagad na doon itinayo sa pader. Hindi isang gawang karuwagan ang umiwas sa mga kaaway at magpatuloy sa pangangaral.
12. (a) Ano ang nangyari kay Saulo sa Jerusalem? (b) Papaano napabuti ang kongregasyon?
12 Sa Jerusalem, si Bernabe ay tumulong sa mga alagad upang tanggapin si Saulo bilang isang kapananampalataya. (9:26-31) Doon si Saulo ay walang-takot na nakipagkatuwiranan sa mga Judiong Griego ang wika, na nagsikap din na patayin siya. Palibhasa’y kanilang namatyagan ito, siya’y dinala ng mga kapatid sa Cesarea at sinugo siya sa Tarso, na kaniyang sariling bayan sa Cilicia. Nang magkagayon, ang kongregasyon sa buong Judea, Galilea, at Samaria ay “nagkaroon ng kapayapaan, palibhasa’y pinatibay” sa espirituwal. Habang ito ay ‘lumalakad nang may-takot kay Jehova at may kaaliwan ng banal na espiritu, ito ay patuloy na dumami.’ Anong inam na halimbawa ito para sa lahat ng kongregasyon ngayon, kung ibig nilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova!
Sumampalataya ang mga Gentil!
13. Anong mga himala ang pinapangyari ng Diyos na gawin ni Pedro sa Lydda at Joppe?
13 Si Pedro man ay laging magawain. (9:32-43) Sa Lydda (ngayo’y Lod) sa Kapatagan ng Sharon, kaniyang pinagaling ang lumpong si Aeneas. Dahil sa pagpapagaling na ito marami ang nagbalik-loob sa Panginoon. Sa Joppe, ang minamahal na alagad na si Tabitha (Dorcas) ay nagkasakit at namatay. Nang dumating si Pedro, ipinakita sa kaniya ng nagsisitangis na mga biyuda ang mga kasuotan na ginawa ni Dorcas at marahil ay kanilang suot noon. Kaniyang binuhay-muli si Dorcas, at nang kumalat ang balita tungkol dito, marami ang sumampalataya. Si Pedro ay nanatili sa Joppe kasama ni Simon na maglulutô ng balat, na ang bahay ay nasa tabing-dagat. Ang mga balat ng hayop ay binabasâ muna sa dagat ng mga maglulutô at saka ibinababad sa apog bago alisin ang balahibo. Ang balat ay ginagawang kuwero sa pamamagitan ng pagkukulti niyaon sa likido na galing sa mga halaman.
14. (a) Sino ba si Cornelio? (b) Sinagot ba ang mga panalangin ni Cornelio?
14 Nang panahong iyon (36 C.E.), may isang mahalagang pangyayari sa ibang lugar. (10:1-8) Sa Cesarea naninirahan ang relihiyosong Gentil na si Cornelio, isang Romanong senturion na may kapamahalaan sa humigit-kumulang isandaang lalaki. Siya’y nangungulo sa “pulutong Italyano,” marahil binubuo ng mga nakalap buhat sa mga mamamayang Romano at sa mga malalaya sa Italya. Bagaman si Cornelio ay may takot sa Diyos, siya ay hindi isang Judiong proselita. Sa isang pangitain, isang anghel ang nagsabi sa kaniya na ang kaniyang mga panalangin ay “napailanlang na isang alaala sa harapan ng Diyos.” Bagaman si Cornelio ay hindi pa nag-aalay noon kay Jehova, ang kaniyang panalangin ay sinagot. Ngunit gaya ng sinabi ng anghel, kaniyang ipinasundo si Pedro.
15. Ano ang nangyari samantalang si Pedro ay nananalangin sa bubong ng bahay ni Simon?
15 Samantala, si Pedro ay nagkaroon ng pangitain samantalang nananalangin sa bubong ng bahay ni Simon. (10:9-23) Samantalang wala sa sariling diwa, kaniyang nakitang bumababa buhat sa langit ang isang sisidlang gaya ng kumot na punô ng karumal-dumal na apat-paang mga hayop, mga bagay na nagsisigapang, at mga ibon. Nang siya’y sabihan na magpatay ka at kumain, sinabi ni Pedro na siya’y hindi pa nakakakain ng anumang bagay na karumal-dumal. “Huwag mong tawaging karumal-dumal ang mga bagay na nalinis na ng Diyos,” ang sabi sa kaniya. Ang pangitain ay nakalito sa kaisipan ni Pedro, ngunit sinunod niya ang tagubilin ng espiritu. Sa gayon, siya at ang anim pang mga kapatid na Judio ay sumama sa mga taong sinugo ni Cornelio.—Gawa 11:12.
16, 17. (a) Ano ang sinabi ni Pedro kay Cornelio at sa mga nagkakatipon sa kaniyang bahay? (b) Ano ang nangyari samantalang nagsasalita pa si Pedro?
16 Ngayon ang unang mga Gentil ay makaririnig na ng mabuting balita. (10:24-43) Nang si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay dumating sa Cesarea, si Cornelio, ang kaniyang mga kamag-anak, at ang kaniyang matalik na mga kaibigan ay naghihintay na. Si Cornelio ay nagpatirapa sa paanan ni Pedro, ngunit ang apostol ay mapakumbabang tumanggi sa gayong pagpapatirapa. Kaniyang binanggit kung papaano pinahiran ni Jehova si Jesus ng banal na espiritu at ng kapangyarihan bilang ang Mesiyas at ipinaliwanag na lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay pinatatawad sa mga kasalanan.
17 Kumilos na ngayon si Jehova. (10:44-48) Samantalang nagsasalita pa si Pedro, ang banal na espiritu ay ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumasampalatayang Gentil na iyon. Sa mga sandaling iyon, sila’y naging mga anak ng Diyos sa espiritu at kinasihan na magsalita ng mga wikang banyaga at magpuri sa kaniya. Sa gayon, sila’y angkop na nangabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo. Ganoon nga ginamit ni Pedro ang ikatlong susi upang buksán sa may-takot sa Diyos na mga Gentil ang pinto ng kaalaman at ng pagkakataon upang makapasok sa makalangit na Kaharian.—Mateo 16:19.
18. Papaano tumugon ang mga kapatid na Judio nang ipaliwanag ni Pedro na ang mga Gentil ay “nabautismuhan sa banal na espiritu”?
18 Nang malaunan, sa Jerusalem, ang mga nagtataguyod ng pagtutuli ay nakipagtalo kay Pedro. (11:1-18) Nang kaniyang ipaliwanag kung papaanong ang mga Gentil ay “nabautismuhan sa banal na espiritu,” ang kaniyang mga kapatid na Judio ay sumang-ayon at nangagpuri sa Diyos, na nagsasabi: “Kung gayo’y binigyan din naman ng Diyos ng pagsisisi ang mga tao ng mga bansa sa layuning pagkalooban ng buhay.” Pagka nagliwanag sa atin ang banal na kalooban dapat din nating tanggapin iyon.
Natatag ang Kongregasyong Gentil
19. Papaano nangyaring ang mga alagad ay tinawag na mga Kristiyano?
19 Ngayon ay natatag na ang unang kongregasyong Gentil. (11:19-26) Nang ang mga alagad ay magsipangalat dahilan sa kaligaligan na bunga ng nangyari kay Esteban, ang iba ay nagsiparoon sa Antioquia, Syria, na bantog sa karumal-dumal na pagsamba at imoralidad. Samantalang kanilang isinasaysay ang mabuting balita sa mga tao roon na ang wika’y Griego, “ang kamay ni Jehova ay sumasakanila,” at marami ang sumampalataya. Sina Bernabe at Saulo ay nagturo roon nang may isang taon, at “sa Antioquia muna niloob ng Diyos na ang mga alagad ay pasimulang tawagin na mga Kristiyano.” Walang pagsalang iniutos ni Jehova na sila’y tawagin nang gayon, yamang ang salitang Griego na khre·ma·tiʹzo ay nangangahulugang “tawagin ayon sa kaayusan ng Diyos” at laging ginagamit sa Kasulatan may kaugnayan sa anumang nanggagaling sa Diyos.
20. Ano ang inihula ni Agabo, at papaanong tumugon ang kongregasyon sa Antioquia?
20 Mga propetang may-takot sa Diyos ang dumating din sa Antioquia galing sa Jerusalem. (11:27-30) Ang isa roon ay si Agabo, na humula “sa pamamagitan ng espiritu na isang malaking taggutom ang halos sasapit na sa buong tinatahanang lupa.” Ang hulang iyan ay natupad sa panahon ng paghahari ng Romanong emperador na si Claudio. (41-54 C.E.), at ang “malaking taggutom” na ito ay binabanggit ng mananalaysay na si Josephus. (Jewish Antiquities, XX, 51 [ii, 5]; XX, 101 [v, 2]) Udyok ng pag-ibig, ang kongregasyon sa Antioquia ay nagpadala ng abuloy sa nangangailangang mga kapatid sa Judea.—Juan 13:35.
Hindi Nakahadlang ang Pag-uusig
21. Ano ang ginawa ni Herodes Agrippa I laban kay Pedro, ngunit ano ang resulta?
21 Ang panahon ng kapayapaan ay natapos nang pasimulan ni Herodes Agrippa I ang pag-uusig sa mga nangatatakot kay Jehova sa Jerusalem. (12:1-11) Si Santiago ay pinatay ni Herodes sa tabak, marahil pinugutan siya ng ulo bilang ang unang apostol na naging martir. Nang makita na ito’y nakalugod sa mga Judio, si Pedro ay ibinilanggo ni Herodes. Marahil ang apostol ay itinanikala sa isang kawal sa magkabilang panig, samantalang dalawa pa ang nagbabantay sa kaniyang selda. Ang plano ni Herodes ay patayin siya pagkatapos ng Paskuwa at ng mga araw ng tinapay na walang lebadura (Nisan 14-21), ngunit ang mga panalangin ng kongregasyon ukol sa kaniya ay sinagot sa tamang-tamang panahon, kagaya rin ng malimit nangyayari sa ating mga panalangin. Ito’y naganap nang ang apostol ay makahimalang palayain ng anghel ng Diyos.
22. Ano ang naganap nang si Pedro’y pumaroon sa bahay ng ina ni Marcos, si Maria?
22 Hindi nagtagal at si Pedro ay naroon na sa bahay ni Maria (ang ina ni Juan Marcos), marahil ay isang dakong pinagpupulungan ng mga Kristiyano. (12:12-19) Sa kadiliman, ang tinig ni Pedro ay nakilala ng utusang babaing si Roda ngunit iniwan niya ito sa harap ng nakakandadong pintuang-daan. Sa pasimula ay inakala marahil ng mga alagad na nagsugo ang Diyos ng isang mensaherong anghel na kumakatawan kay Pedro at nagsasalita sa tinig na katulad ng sa kaniya. Subalit, nang kanilang papasukin si Pedro, kaniyang sinabihan sila na ang kaniyang pagkalaya ay ibalita kay Santiago at sa mga kapatid (marahil mga matatanda). Pagkatapos ay umalis siya at nagpatuloy nang patago nang hindi isinisiwalat kung saan siya pupunta upang sila o siya ay huwag malagay sa panganib kung sakaling gagawa ng mga pagtatanong. Nawalang-saysay ang paghahanap ni Herodes kay Pedro, at ang mga bantay ay pinarusahan, marahil pinatay pa.
23. Papaanong natapos ang paghahari ni Herodes Agrippa I, at ano ang maaari nating matutuhan dito?
23 Noong 44 C.E. ang paghahari ni Herodes Agrippa I ay biglang natapos sa Cesarea nang siya’y 54 na taóng gulang. (12:20-25) Siya’y galit na galit sa mga taga-Fenicia ng Tiro at Sidon, na sumuhol sa kaniyang katiwalang si Blasto upang magsaayos ng isang pagdinig na kung saan sila’y makapaghahain ng kahilingan para sa kapayapaan. Sa “takdang araw” (na isa ring kapistahan na nagpaparangal kay Claudio Cesar), si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, naupo sa luklukan ng paghatol, at nagsimulang magbigay ng talumpati sa madla. Ang mga nakikinig naman ay nagsigawan: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” Kapagdaka, siya’y sinaktan ng anghel ni Jehova “sapagkat hindi niya sa Diyos ibinigay ang kaluwalhatian.” Si Herodes ay “kinain ng mga uod at nalagot ang hininga.” Ang babalang halimbawang ito ay magpakilos sana sa atin na patuloy na lumakad nang may-takot kay Jehova, na umiiwas sa pagmamataas at sa kaniya ibinibigay ang kaluwalhatian ukol sa ginagawa natin bilang kaniyang mga lingkod.
24. Ano ang ipakikita ng isang artikulo sa hinaharap tungkol sa paglawak ng gawain?
24 Sa kabila ng pag-uusig na ginawa ni Herodes, “ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at lumaganap.” Sa katunayan, gaya ng ipakikita ng isang artikulo sa hinaharap, ang mga alagad ay patuloy na umasa sa higit pang paglawak ng gawain. Bakit? Sapagkat sila ay “lumakad na may-takot kay Jehova.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano ipinakita ni Esteban na siya’y natatakot kay Jehova, gaya ng marami sa mga lingkod ng Diyos magmula noon?
◻ Ano ang naging epekto ng kamatayan ni Esteban sa gawaing pangangaral ng Kaharian, at ito ba’y may makabagong-panahong kahalintulad?
◻ Papaanong naging isang may-takot kay Jehova ang mang-uusig na si Saulo ng Tarso?
◻ Sino ba ang unang sumampalatayang mga Gentil?
◻ Papaanong ipinakita ng Gawa kabanata 12 na ang pag-uusig ay hindi nakapipigil sa mga natatakot kay Jehova?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Pagdaka’y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit at isang tinig ang nagtanong: “Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?”