Isang Nagpapasiglang Halimbawa sa Gawaing Misyonero ng mga Kristiyano
“Maging tagatulad kayo sa akin, gaya ko rin naman kay Kristo.”—1 CORINTO 11:1.
1. Sa anong ilang mga paraan nagpakita si Jesus ng litaw na halimbawa para tularan ng kaniyang mga tagasunod? (Filipos 2:5-9)
ISANG litaw na halimbawa nga ang ipinakita ni Jesus para sa kaniyang mga alagad! May kagalakang nilisan niya ang kaniyang makalangit na kaluwalhatian upang pumarito sa lupa at mamuhay sa gitna ng makasalanang mga tao. Siya’y handang dumanas ng malaking kahirapan para sa ikaliligtas ng tao at, lalong mahalaga, para sa pagbanal sa pangalan ng kaniyang makalangit na Ama. (Juan 3:16; 17:4) Nang nililitis dahil sa kaniyang buhay, may katapangang sinabi ni Jesus: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
2. Bakit naiutos sa kaniyang mga alagad ng binuhay na si Jesus na magpatuloy sa gawain na kaniyang sinimulan?
2 Bago siya namatay, binigyan ni Jesus ng mainam na pagsasanay ang kaniyang mga alagad upang kanilang maipagpatuloy ang gawaing pagpapatotoo sa katotohanan ng Kaharian. (Mateo 10:5-23; Lucas 10:1-16) Kaya, pagkabuhay-muli niya ay naiutos ni Jesus: “Humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
3. Papaano lumawak ang paggawa ng mga alagad, ngunit sa anong mga lugar lalo nang ginanap iyon?
3 Nang sumunod na tatlo at kalahating taon, ang mga alagad ni Jesus ay sumunod sa utos na ito ngunit ang kanilang paggawa ng mga alagad ay doon lamang ginanap sa mga Judio, mga proselitang Judio, at tinuling mga Samaritano. Pagkatapos, noong 36 C.E., iniutos ng Diyos na ang mabuting balita ay ipangaral sa isang di-tuling lalaki, si Cornelio, at sa kaniyang sambahayan. Nang sumunod na sampung taon, may iba pang mga Gentil na napaanib sa kongregasyon. Gayunman, ang malaking bahagi ng gawain ay waring doon lamang ginanap sa mga lugar sa silangang Mediteraneo.—Gawa 10:24, 44-48; 11:19-21.
4. Anong mahalagang pangyayari ang naganap humigit-kumulang noong 47-48 C.E.?
4 May kinakailangan upang mapasigla o mapangyari ang mga Kristiyano na gumawa ng mga alagad na mga Judio at mga Gentil sa lalong malalayong lugar. Kaya, mga 47-48 C.E., ang matatanda sa kongregasyon ng Antioquia sa Syria ay tumanggap ng ganitong kinasihang mensahe: “Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.” (Gawa 13:2) Pansinin na si Pablo ay nakikilala noon sa pamamagitan ng kaniyang orihinal na pangalan na Saulo. Pansinin din naman na si Bernabe ang nauna kay Pablo na tinukoy ng Diyos, marahil dahil sa noon ay si Bernabe ang itinuturing na mas una sa dalawa.
5. Bakit ang ulat ng paglalakbay misyonero ni Pablo at Bernabe ay lubhang mahalaga sa mga Kristiyano ngayon?
5 Ang detalyadong ulat ng paglalakbay-misyonero ni Pablo at ni Bernabe ay malaking pampatibay-loob sa mga Saksi ni Jehova, lalo na sa mga misyonero at mga payunir na umalis sa kanilang sariling bayan upang maglingkod sa Diyos sa isang banyagang komunidad. Isa pa, ang pagrerepaso sa Mga Gawa kabanata 13 at 14 ay tiyak na magpapasigla sa higit pang marami upang tumulad kay Pablo at kay Bernabe at palawakin ang kanilang bahagi sa napakahalagang tungkuling paggawa ng mga alagad.
Ang Isla ng Cyprus
6. Anong halimbawa ang ipinakita ng mga misyonero sa Cyprus?
6 Hindi nagpaliban ang mga misyonero ng paglalayag buhat sa daungan ng Seleucia sa Syria patungo sa isla ng Cyprus. Pagkatapos lumunsad sa Salamis, sila’y hindi nailihis ng ano pa man kundi “nagsimulang ipangaral ang Salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio.” Sa pagsunod sa halimbawa ni Kristo, sila’y hindi kontento na manatili sa siyudad na iyan at hintayin na ang mga tagaisla ang pumaroon sa kanila. Sa halip, kanilang nilibot “ang buong isla.” Tiyak na sila’y gumawa ng maraming paglalakad at maraming pagpapalipat-lipat sa mga tinutuluyan, yamang ang Cyprus ay isang malaking isla, at nilakbay nila ang kahabaan ng pinakamalaking bahagi niyaon.—Gawa 13:5, 6.
7. (a) Anong mahalagang pangyayari ang naganap sa Pafos? (b) Ang ulat na ito ay nagpapatibay-loob sa atin na magkaroon ng anong saloobin?
7 Sa katapusan ng kanilang paglagi roon, ang dalawang lalaki ay ginantimpalaan ng kahanga-hangang karanasan sa siyudad ng Pafos. Ang pinunò ng isla, si Sergio Paulo, ay nakinig sa kanilang mensahe at “nanampalataya.” (Gawa 13:7, 12) Nang malaunan ay sumulat si Pablo: “Masdan ninyo ang pagkatawag niya sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming maykapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao.” (1 Corinto 1:26) Gayunman, kabilang sa mga maykapangyarihan na tumugon ay si Sergio Paulo. Ang karanasang ito ay dapat magpatibay-loob sa lahat, lalo na sa mga misyonero, na magkaroon ng positibong saloobin tungkol sa pagpapatotoo sa mga opisyales sa gobyerno, gaya ng paghimok sa atin na gawin ang 1 Timoteo 2:1-4. Ang mga taong nasa tungkulin ay kung minsan nakatulong nang malaki sa mga lingkod ng Diyos.—Nehemias 2:4-8.
8. (a) Anong nagbagong ugnayan sa pagitan ni Bernabe at ni Pablo ang makikita mula nang panahong ito patuloy? (b) Papaano isang mainam na halimbawa si Bernabe?
8 Sa ilalim ng kapangyarihan ng espiritu ni Jehova, si Pablo ang gumanap ng pangunahing bahagi sa kombersiyon ni Sergio Paulo. (Gawa 13:8-12) At, mula nang panahong ito at patuloy, lumilitaw na si Pablo ang nanguna. (Ihambing ang Gawa 13:7 sa Gawa 13:15, 16, 43.) Ito’y kasuwato ng banal na atas na tinanggap ni Pablo nang siya’y makumberte. (Gawa 9:15) Marahil ang ganiyang pangyayari ay nagsilbing pagsubok sa pagpapakumbaba ni Bernabe. Gayunman, sa halip na malasin ang pagbabagong ito bilang isang personal na insulto, malamang na natupad kay Bernabe ang kahulugan ng kaniyang pangalan, “Anak ng Kaaliwan,” at lubusan niyang tinangkilik si Pablo sa buong paglalakbay-misyonero at pagkatapos nang mapaharap sa hamon ng ilang mga Judiong Kristiyano tungkol sa kanilang ministeryo sa di-tuling mga Gentil. (Gawa 15:1, 2) Anong inam na halimbawa ito sa lahat sa atin, kasali na ang mga nasa mga tahanang misyonero at Bethel! Tayo’y maging laging handang tumanggap ng teokratikong mga pagbabago at lubusang tangkilikin yaong mga hinirang na manguna sa atin.—Hebreo 13:17.
Ang Talampas ng Asia Minor
9. Ano ang ating matututuhan sa pagpayag nina Pablo at Bernabe na maglakbay hanggang sa Antioquia ng Pisidia?
9 Buhat sa Cyprus, si Pablo at si Bernabe ay naglayag pahilaga patungo sa kontinente ng Asia. Sa di-sinabing dahilan, ang mga misyonero ay hindi nanatili ng paglalayag sa baybayin kundi gumawa ng mahaba at mapanganib na paglalakbay ng mga 180 kilometro sa Antioquia ng Pisidia, na naroroon sa nagigitnang talampas ng Asia Minor. Dito’y kinailangang umakyat sa isang landas sa bundok at bumaba sa isang kapatagan na mga 1,100 metro ang taas sa dagat. Sinasabi ng iskolar ng Bibliya na si J. S. Howson: “Ang katampalasanan at kaugaliang magnakaw ng mga naninirahan sa mga kabundukang iyon na naghihiwalay sa talampas . . . buhat sa mga kapatagan sa baybaying timog, ay tanyag sa lahat ng bahagi ng sinaunang kasaysayan.” Isa pa, ang mga misyonero ay napaharap sa panganib buhat sa kalikasan. “Walang pook sa Asia Minor,” isinusog ni Howson, “ang pinangyayarihan ng pambihirang ‘pagbaha ng tubig’ kaysa bulubunduking lugar ng Pisidia, na kung saan ang mga ilog ay umaapaw sa bandang ibaba ng matatarik na dalisdis, o walang-patumanggang umaagos sa makikitid na bangin.” Ang mga paglalarawang ito ay tumutulong sa atin na gunigunihin ang uri ng mga paglalakbay ng mga misyonero na handa nilang gawin alang-alang sa pagpapalaganap ng mabuting balita. (2 Corinto 11:26) Gayundin sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang sumasalungat sa lahat ng hadlang upang marating ang mga tao at maibahagi sa kanila ang mabuting balita.
10, 11. (a) Papaano pinamalagi ni Pablo na siya’y kaisang-damdamin ng mga tagapakinig niya? (b) Bakit maraming mga Judio ang malamang na namangha nang marinig ang mga paghihirap ng Mesiyas? (c) Anong uri ng kaligtasan ang iniharap ni Pablo sa kaniyang mga tagapakinig?
10 Yamang may isang sinagogang Judio sa Antioquia ng Pisidia, doon muna naparoon ang mga misyonero upang bigyan yaong mga pinakapamilyar sa Salita ng Diyos ng pagkakataon na tanggapin ang mabuting balita. Nang anyayahang magsalita, si Pablo ay tumayo at nagbigay ng isang dalubhasang diskursong pangmadla. Sa buong pahayag, siya’y nakiisang-damdamin sa tagapakinig na mga Judio at mga proselita. (Gawa 13:13-16, 26) Pagkatapos ng kaniyang pambungad, nirepaso ni Pablo ang bantog na kasaysayan ng mga Judio, ipinaalaala sa kanila na pinili ni Jehova ang kanilang mga ninuno at pagkatapos ay pinalaya sila buhat sa Ehipto, pati na rin kung papaano tinulungan niya sila na sakupin ang mga naninirahan sa Lupang Pangako. Pagkatapos ay itinampok ni Pablo ang mga pakikitungo ni Jehova kay David. Ang gayong impormasyon ay malapit sa puso ng mga Judio noong unang siglo sapagkat kanilang inaasahan na magbabangon ang Diyos ng isang inapo ni David bilang isang tagapagligtas at walang-hanggang hari. Sa puntong ito, lakas-loob na sinabi ni Pablo: “Buhat sa mga supling ng taong ito [si David] ayon sa kaniyang pangako ang Diyos ay nagdala sa Israel ng isang tagapagligtas, si Jesus.”—Gawa 13:17-23.
11 Gayunman, ang uri ng tagapagligtas na hinihintay ng maraming Judio ay isang bayani sa hukbo na magliligtas sa kanila buhat sa kapangyarihang Romano at itataas ang bansang Judio higit sa lahat. Sa gayon, walang-alinlangan na sila’y namangha nang marinig kay Pablo na ang Mesiyas ay ipinapatay ng mismong mga lider ng kanilang relihiyon. “Ngunit binuhay siya ng Diyos buhat sa mga patay,” ang lakas-loob na sabi ni Pablo. Sa may dulo ng kaniyang pahayag, kaniyang ipinakita sa mga tagapakinig na sila’y makapagkakamit ng isang kahanga-hangang uri ng kaligtasan. “Maging hayag nawa sa inyo . . . ,” aniya, “na sa pamamagitan ng Isang ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; at sa pamamagitan Niya ang bawat nananampalataya ay inaaring matuwid sa lahat ng mga bagay na sa mga ito’y hindi kayo inaaring matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises.” Tinapos ni Pablo ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng pananawagan sa kaniyang mga tagapakinig na huwag sana silang makisali sa marami na inihula ng Diyos na hindi magpapahalaga sa kagila-gilalas na paglalaang ito ng kaligtasan.—Gawa 13:30-41.
12. Ano ang naging resulta ng pagdidiskurso ni Pablo, at papaano dapat magpatibay-loob ito sa atin?
12 Anong inam ang pagkapahayag na diskurso salig sa Kasulatan! Papaano tumugon ang tagapakinig? “Marami sa mga Judio at sa mga proselita na sumasamba sa Diyos ang nagsisunod kina Pablo at Bernabe.” (Gawa 13:43) Anong laking pampatibay-loob para sa atin ngayon! Harinawang gawin din natin ang ating pinakamagaling na magagawa upang mabisang iharap ang katotohanan, maging sa ating pangmadlang ministeryo o sa mga pagkokomento at pagpapahayag sa ating mga pulong ng kongregasyon.—1 Timoteo 4:13-16.
13. Bakit kinailangan na umalis ang mga misyonero sa Antioquia ng Pisidia, at anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa mga bagong alagad?
13 Ang mga baguhang interesado sa Antioquia ng Pisidia ay hindi makatatangging ipangaral ang mabuting balitang ito. Kaya naman, “nang sumunod na sabbath halos ang buong siyudad ay nagkatipon upang makinig sa salita ni Jehova.” At di-nagtagal ang balita ay lumaganap hanggang sa labas ng siyudad. Sa katunayan, “ang salita ni Jehova ay patuloy na inihayag sa buong bayan.” (Gawa 13:44, 49) Sa halip na tanggapin ito, ang mga misyonero ay naipatapon sa labas ng siyudad ng naiinggit na mga Judio. (Gawa 13:45, 50) Papaano ito nakaapekto sa mga bagong alagad? Nanghina ba ang loob nila at sumuko?
14. Bakit hindi mapahinto ng mga mananalansang ang gawain na pinasimulan ng mga misyonero, at ano ang ating matututuhan buhat dito?
14 Hindi, sapagkat ito’y gawain ng Diyos. At, ang mga misyonero ay nakapagtatag ng isang matibay na pundasyon ng pananampalataya sa binuhay na Panginoong Jesu-Kristo. Malinaw, kung gayon, na itinuring ng mga bagong alagad na si Kristo, at hindi ang mga misyonero ang kanilang Lider. Kaya, ating mababasa na sila’y “nagpatuloy na puspos ng kagalakan at ng banal na espiritu.” (Gawa 13:52) Anong laking pampatibay-loob ito sa mga misyonero at iba pang mga manggagawa ng alagad ngayon! Kung ating mapakumbaba at masigasig na gagawin ang ating bahagi, ang ating ministeryo ay pagpapalain ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.—1 Corinto 3:9.
Iconium, Lystra, at Derbe
15. Anong pamamaraan ang sinunod ng mga misyonero sa Iconium, at ano ang resulta?
15 Si Pablo at si Bernabe ngayon ay naglakbay mga 140 kilometro patimog-silangan patungo sa susunod na siyudad, ang Iconium. Ang pangambang pag-usigin ay hindi nakahadlang sa kanila sa pagsunod sa gayunding pamamaraan na tulad sa Antioquia. Kaya naman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Isang lubhang karamihan ng kapuwa mga Judio at mga Griego ang nanampalataya.” (Gawa 14:1) Muli, ang mga Judio na hindi nagsitanggap sa mabuting balita ay nagsulsol sa pananalansang. Subalit ang mga misyonero ay nagtiis at gumugol ng malaking panahon sa Iconium sa pagtulong sa bagong mga alagad. At, pagkatapos mabalitaan na halos babatuhin na lamang sila ng mga Judiong sumasalansang sa kanila, sina Pablo at Bernabe ay may katalinuhang tumakas tungo sa susunod na teritoryo, “ang Lystra at ang Derbe at ang lupaing nasa palibot.”—Gawa 14:2-6.
16, 17. (a) Ano ang nangyari kay Pablo sa Lystra? (b) Papaanong ang mga pakikitungo ng Diyos sa apostol ay nakaapekto sa isang binatang taga-Lystra?
16 “Sila’y naglakas-loob ng paghahayag ng mabuting balita” sa bagong teritoryong ito na noon lamang ginawa. (Gawa 14:7) Nang ang mga Judio sa Antioquia ng Pisidia at Iconium ay makabalita nito, sila’y nagpagod na pumaroon sa Lystra at hinimok ang lubhang karamihan na batuhin si Pablo. Palibhasa’y wala nang panahong tumakas, si Pablo’y pinagbabato, anupat may paniwala ang mga sumasalansang sa kaniya na siya’y patay na. Kanilang kinaladkad siya sa labas ng siyudad.—Gawa 14:19.
17 Maguguniguni mo ba ang kahirapan na idinulot nito sa mga bagong alagad? Subalit totoong nakapagtataka, nang kanilang palibutan si Pablo, siya’y tumindig! Hindi sinasabi ng Bibliya kung ang isang binatang nagngangalang Timoteo ay isa sa mga bagong alagad na ito. Tiyak na ang mga pakikitungo ng Diyos kay Pablo nang ilang panahon ay nabalitaan niya at lumikha ng isang matinding impresyon sa kaniyang murang kaisipan. Si Pablo’y sumulat sa kaniyang pangalawang liham kay Timoteo: “Sinunod mong maingat ang aking turo, ang aking hakbangin sa buhay, . . . anumang mga nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconium, sa Lystra, anumang mga pag-uusig ang tiniis ko; at sa lahat ay iniligtas ako ng Panginoon.” (2 Timoteo 3:10, 11) Mga isa o dalawang taon pagkatapos batuhin si Pablo, siya’y nagbalik sa Lystra at natagpuan ang binatang si Timoteo na isang ulirang Kristiyano, “may mabuting patotoo ang mga kapatid sa Lystra at Iconium.” (Gawa 16:1, 2) Kaya siya’y pinili ni Pablo na maging kasama sa paglalakbay. Ito’y tumulong kay Timoteo na sumulong sa espirituwalidad, at dumating ang panahon na siya’y naging kuwalipikado na suguin ni Pablo upang dumalaw sa iba’t ibang kongregasyon. (Filipos 2:19, 20; 1 Timoteo 1:3) Gayundin, sa ngayon, masisigasig na mga lingkod ng Diyos ang may kahanga-hangang impluwensiya sa mga kabataan, na marami sa kanila ang nagsilaki na mahalagang mga lingkod ng Diyos, tulad ni Timoteo.
18. (a) Ano ang nangyari sa mga misyonero sa Derbe? (b) Anong pagkakataon ang nabuksan ngayon sa kanila, ngunit ano ang kanilang pinili?
18 Nang umaga pagkatapos ng kaniyang pagkaligtas sa kamatayan sa Lystra, si Pablo ay nagtungo sa Derbe kasama si Bernabe. Ngayon, walang mananalansang na sumunod sa kaniya, at sinasabi ng Bibliya na ‘sila’y nakagawa ng ilang mga alagad.’ (Gawa 14:20, 21) Pagkatapos magtatag ng isang kongregasyon sa Derbe, si Pablo at si Bernabe ay kinailangan na magpasiya. Isang daang itinayo ng mga Romano na marami ang dumaraan ang tuluy-tuloy mula Derbe hanggang Tarsus. Mula roon ay sandali lamang ang biyahe sa pagbalik sa Antioquia ng Syria. Maaaring iyon ang pinakakombinyenteng paraan ng pagbabalik, at marahil inakala ng mga misyonerong iyon na kailangan nila ngayon ang pamamahinga. Subalit bilang pagtulad sa kanilang Panginoon, may nakita si Pablo at si Bernabe na isang lalong malaking pangangailangan.—Marcos 6:31-34.
Lubusang Pagganap sa Gawain ng Diyos
19, 20. (a) Papaano pinagpala ni Jehova ang mga misyonero dahil sa pagbabalik sa Lystra, Iconium, at Antioquia? (b) Anong aral ang ibinibigay nito sa bayan ni Jehova ngayon?
19 Sa halip na doon dumaan sa maikling ruta pauwi, ang mga misyonero ay lakas-loob na bumalik at muling dinalaw ang mismong mga siyudad na kung saan nanganib ang kanilang buhay. Sila ba’y pinagpala ni Jehova sa walang-imbot na pagkabahalang ito sa kapakanan ng bagong mga tupa? Oo, talaga nga, sapagkat sinasabi ng ulat na sila’y nagtagumpay sa “pagpapalakas sa mga kaluluwa ng mga alagad, na pinalalakas-loob sila na manatili sa pananampalataya.” Angkop naman, kanilang sinabi sa mga bagong alagad na iyon: “Tayo’y kailangang magsipasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:21, 22) Ipinagunita rin sa kanila nina Pablo at Bernabe ang pagkatawag sa kanila bilang mga kasamang tagapagmana sa darating na Kaharian ng Diyos. Sa ngayon, tayo’y dapat magbigay ng nakakatulad na pampatibay-loob sa mga baguhang alagad. Mapatitibay natin sila na magtiis ng mga pagsubok sa pamamagitan ng paghaharap sa kanila ng pag-asang buhay na walang-hanggan sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos ding iyan na ipinangaral nina Pablo at Bernabe.
20 Bago lisanin ang bawat siyudad, tinulungan nina Pablo at Bernabe ang lokal na kongregasyon na pahusayin pa ang kanilang pagkaorganisa. Maliwanag, kanilang sinanay ang kuwalipikadong mga lalaki at inatasan sila na manguna. (Gawa 14:23) Walang alinlangan na ito’y nagdala ng higit pang paglawak. Katulad din naman sa ngayon, ang mga misyonero at ang iba pa, pagkatapos tulungan ang mga walang karanasan na sumulong hanggang sa kanilang maisabalikat ang pananagutan, ay kung minsan umaalis na at nagpapatuloy sa kanilang mabuting gawa sa ibang mga lugar na kung saan lalong malaki ang pangangailangan.
21, 22. (a) Ano ang nangyari nang matapos na ni Pablo at ni Bernabe ang kanilang paglalakbay misyonero? (b) Anong mga katanungan ang ibinabangon nito?
21 Nang ang mga misyonero sa wakas ay bumalik sa Antioquia ng Syria, sila’y lubhang nasisiyahan. Oo, sinasabi ng rekord ng Bibliya na kanilang “lubusang naganap” ang gawain na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. (Gawa 14:26) Madaling unawain, na ang paglalahad ng kanilang mga karanasan ay nagdulot ng “malaking kagalakan sa lahat ng kapatid.” (Gawa 15:3) Subalit kumusta ang hinaharap? Sila ba ngayon ay uupo na at masisiyahan na lamang sa kanilang tagumpay nang hindi na ipagpapatuloy ang kanilang pagsisikap, gaya nga ng kasabihan? Hindi naman. Pagkatapos dalawin ang lupong tagapamahala sa Jerusalem upang alamin ang desisyon tungkol sa isyu ng pagtutuli, ang dalawa ay nagpatuloy na naman sa kanilang paglalakbay misyonero. Ngayon ay nagdalawa sila ng direksiyong pupuntahan. Ang isinama ni Bernabe ay si Juan Marcos at naparoon sa Cyprus, samantalang si Pablo naman ay may bagong kasama, si Silas, at sa paglalakbay ay doon dumaan sa Syria at Cilicia. (Gawa 15:39-41) Sa biyaheng ito pinili niyang makasama ang binatang si Timoteo.
22 Hindi sinasabi ng Bibliya ang mga resulta ng ikalawang paglalakbay ni Bernabe. Kung tungkol kay Pablo, siya’y nagpatuloy patungo sa bagong teritoryo at nagtatag ng mga kongregasyon sa di-kukulangin sa limang siyudad—Filipos, Beroea, Tesalonica, Corinto, at Efeso. Ano ba ang susi sa mahalagang tagumpay ni Pablo? Ang kapareho bang mga simulain ay kumakapit kung para sa mga Kristiyanong gumagawa ng mga alagad ngayon?
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit si Jesus ang litaw na halimbawa na dapat tularan?
◻ Sa papaano isang halimbawa si Bernabe?
◻ Ano ang natututuhan natin buhat sa diskurso ni Pablo sa Antioquia ng Pisidia?
◻ Papaano lubusang ginanap ni Pablo at ni Bernabe ang atas sa kanila?
[Larawan sa pahina 15]
Ang pagtitiis ni apostol Pablo ng pag-uusig ay lumikha ng walang-hanggang impresyon sa binatang si Timoteo