SINGAW, MANIPIS NA ULAP
[sa Ingles, mist].
Mga partikula ng tubig na lumulutang sa hangin; ang mga ito ay kahawig ng napakahinang ambon. Kapag ang mainit at maumidong hangin ay pumailanlang mula sa lupa at lumamig hanggang sa tinatawag na dew point, ang halumigmig ay namumuo sapagkat mas madaling mamigat sa tubig ang malamig na hangin kaysa sa mainit na hangin. Kapag nangyari ito malapit sa lupa, tinatawag itong fog; kapag nangyari ito sa itaas sa kalangitan, bumubuo ito ng tinatawag na ulap. (Aw 135:7; Kaw 25:14; Jer 10:13; 51:16) Ang halumigmig na namumuo sa malalamig na bagay, halimbawa ay sa lupa o sa pananim (kadalasang sa gabi), ay inilalarawan bilang hamog. (Exo 16:13, 14; Huk 6:36-40; tingnan ang HAMOG.) Sa kabilang dako, ang singaw ay binubuo ng mga partikula ng halumigmig na lumulutang sa hangin at mas malalaki nang kaunti kaysa sa mga partikula ng fog, ngunit mas maliliit kaysa sa mga patak ng ulan.
Ang matulaing paglalarawan ng Bibliya sa mga heopisikal na prosesong ito ay katugma ng mga tuklas sa siyensiya. Sinabi ni Elihu kung paano pinangyayari ni Jehova, ang Bukal ng lahat ng init at enerhiya, na pumailanlang muna ang halumigmig mula sa lupa at pagkatapos ay hinahayaan niya itong pumatak nang unti-unti at tumulo sa anyong ulan at manipis na ulap (sa Heb., ʼedh; sa Ingles, mist), na para bang sinasala ito.—Job 36:27, 28.
Sa ulat ng Genesis tungkol sa mga kalagayan dito sa lupa sa isang panahon noong “mga araw” ng paglalang ay matatagpuan ang tanging iba pang paglitaw ng salitang Hebreo na ʼedh (manipis na ulap). “Ang Diyos na Jehova ay hindi pa nagpapaulan sa ibabaw ng lupa . . . Ngunit isang manipis na ulap ang pumapailanlang mula sa lupa [kasama na yaong mula sa mga batis, mga lawa, at mga dagat] at dinidiligan nito ang buong ibabaw ng lupa.” (Gen 2:5, 6) Gayunman, ipinapalagay ng mga tagapagsalin ng sinaunang mga bersiyon (LXX, Vg, Sy) na ang tinutukoy ay hindi manipis na ulap kundi isang bukal, anupat iminumungkahi nila na ang pagdidilig ay pinangyari sa pamamagitan ng daloy ng sariwang tubig mula sa ilalim ng lupa.
Makasagisag na Paggamit. Sa lunsod ng Pafos na nasa pulo ng Ciprus, isang manggagaway at bulaang propeta, si Bar-Jesus (Elimas), ang sumalansang kay Pablo noong nakikipag-usap ang apostol sa proconsul na si Sergio Paulo. Sinabihan siya ni Pablo na nasa kaniya (kay Bar-Jesus) ang kamay ni Jehova at na mabubulag siya (si Bar-Jesus) sa isang yugto ng panahon. “Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang makapal na ulap [sa Ingles, thick mist] at kadiliman.” Lumilitaw na waring naging maulap, o malabo, ang kaniyang paningin, na sinundan kaagad ng matinding kadiliman. Nang inilalarawan ang insidenteng ito, ginamit ng manggagamot na si Lucas ang medikal na terminong Griego na a·khlysʹ (makapal na ulap).—Gaw 13:4-11.
Sa kaniyang babala laban sa mga bulaang guro at mga nagnanais magpasamâ sa kongregasyong Kristiyano na tahimik na pupuslit sa loob nito, sinabi ng apostol na si Pedro: “Ang mga ito ay mga bukal na walang tubig, at mga singaw na ipinapadpad ng malakas na bagyo, at para sa kanila ay nakataan ang kaitiman ng kadiliman.” Pamilyar ang mga naglalakbay sa Gitnang Silangan sa kabiguang dulot ng paglapit sa isang bukal o balon na inaasahang mapagkukunan ng nakarerepreskong tubig ngunit tuyo naman pala. Paminsan-minsan, sa Palestina, kapag buwan ng Agosto, ay may mga ulap na cirrostratus mula sa K na walang dalang ulan. Ang isang magsasaka na umaasang madidilig ng manipis at tulad-singaw na mga ulap na ito ang kaniyang mga pananim ay mabibigo lamang. Gayundin naman may kinalaman sa mga bulaang gurong ito, sa imoral na mga taong ito, gaya nga ng isinusog pa ni Pedro: “Sapagkat nagsasalita sila ng mapagmalaking mga kapahayagan na di-mapapakinabangan, at sa pamamagitan ng mga pagnanasa ng laman at ng mahahalay na ugali ay inaakit nila yaong mga tumatakas pa lamang mula sa mga tao na gumagawing may kamalian. Habang nangangako sila sa kanila ng kalayaan, sila mismo ay namumuhay bilang mga alipin ng kasiraan.”—2Pe 2:1, 17-19.
Ang mga Kristiyano ay pinaaalalahanan na isaalang-alang si Jehova sa lahat ng kanilang plano, anupat hindi ipinagyayabang kung ano ang kanilang gagawin, kundi inaalaala ang kaiklian at kawalang-katiyakan ng buhay sa sistemang ito ng mga bagay, na sila ay tulad ng isang singaw na mabilis na naglalaho.—San 4:14; tingnan ang ULAP.