May-Pananabik na Ipahayag ang Mabuting Balita
“Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.”—ROMA 12:11.
1, 2. Anong saloobin ang pinagsisikapang panatilihin ng mga Kristiyano bilang mga mángangarál ng mabuting balita?
TUWANG-TUWA ang isang binata dahil sa isang bagong trabaho. Sa unang araw niya ng pagtatrabaho, halos hindi siya makapaghintay sa mga itatagubilin ng kaniyang amo. Inaasam-asam niya ang una niyang atas at talagang seryoso siya rito. Nasasabik siyang gawin ang lahat niyang makakaya.
2 Sa katulad na paraan, tayo bilang mga Kristiyano ay maaaring magturing sa ating mga sarili bilang mga baguhang trabahador. Yamang ang ating pag-asa ay ang mabuhay magpakailanman, masasabi na tayo’y nagsisimula pa lamang sa pagtatrabaho para kay Jehova. Tiyak na napakaraming gawain ang nasa isip ng ating Maylalang para sa atin na magpapaging abala sa atin magpakailanman. Subalit ang kauna-unahang atas na tinanggap natin ay ang paghahayag ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (1 Tesalonica 2:4) Ano ang nadarama natin hinggil sa atas na ito mula sa Diyos? Gaya ng binata, nais nating isagawa ito sa abot ng ating makakaya, taglay ang sigasig, taglay ang kagalakan—oo, taglay ang pananabik!
3. Ano ang kailangan upang magtagumpay bilang isang ministro ng mabuting balita?
3 Totoo, ang pagkakaroon ng gayong positibong saloobin ay maaaring maging hamon. Bukod sa ating ministeryo, marami pa tayong ibang pananagutan, anupat ang ilan dito ay maaaring makapagod sa atin sa pisikal at emosyonal na paraan. Sa pangkalahatan, nagagawa nating asikasuhin ang mga bagay na ito habang sapat na nabibigyang-pansin ang ministeryo. Gayunman, maaari itong maging isang patuluyang pakikipagpunyagi. (Marcos 8:34) Idiniin ni Jesus na ang ating tagumpay bilang mga Kristiyano ay mangangailangan ng buong-lakas na pagsisikap.—Lucas 13:24.
4. Paano maaaring maapektuhan ng pang-araw-araw na kabalisahan ang ating espirituwal na pangmalas?
4 Dahil sa napakaraming dapat gawin, madali nating madama na tayo’y nadaraig o nabibigatan kung minsan. Ang “mga kabalisahan sa buhay” ay posibleng makasakal sa ating sigasig at pagpapahalaga sa mga gawaing teokratiko. (Lucas 21:34, 35; Marcos 4:18, 19) Dahil sa ating likas na di-kasakdalan bilang tao, baka iwan natin ‘ang pag-ibig na taglay natin noong una.’ (Apocalipsis 2:1-4) Ang ilang pitak ng ating paglilingkod kay Jehova ay posibleng maging parang rutin na lamang. Paano naglalaan ang Bibliya ng kinakailangang pampatibay-loob upang mapanatili nating buháy ang ating sigasig sa ministeryo?
Gaya ng “Nagniningas na Apoy” sa Ating Puso
5, 6. Paano itinuring ni apostol Pablo ang kaniyang pribilehiyo ng pangangaral?
5 Ang ministeryong ipinagkatiwala sa atin ni Jehova ay pagkahala-halaga upang hayaang maging pangkaraniwan lamang. Ang pangangaral ng mabuting balita ay itinuring ni apostol Pablo na isang napakadakilang pribilehiyo, at sa kaniyang palagay ay hindi siya karapat-dapat pagkatiwalaan nito. Sabi niya: “Sa akin, isang tao na mas mababa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal, ay ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo at maipakita sa mga tao kung paanong pinangangasiwaan ang sagradong lihim na mula nang walang-takdang nakalipas ay sa Diyos nakatago, na lumalang ng lahat ng mga bagay.”—Efeso 3:8, 9.
6 Ang positibong saloobin ni Pablo tungkol sa kaniyang ministeryo ay isang napakahusay na halimbawa para sa atin. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi niya: “May pananabik sa aking bahagi na ipahayag din ang mabuting balita.” Hindi niya ikinahiya ang mabuting balita. (Roma 1:15, 16) Taglay niya ang tamang saloobin at nasasabik siya na isagawa ang kaniyang ministeryo.
7. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, laban sa ano nagbabala si Pablo?
7 Kinilala ni apostol Pablo ang pangangailangan na mapanatili ang isang may-kasigasigang pananaw, kaya naman pinayuhan niya ang mga Kristiyano sa Roma: “Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.” (Roma 12:11) Ang salitang Griego na isinaling “magpatigil-tigil” ay nagpapahayag ng ideya ng pagiging “makupad, tamad.” Bagaman hindi naman tayo aktuwal na nagpapatigil-tigil sa ating ministeryo, tayong lahat ay kailangang maging listo sa anumang maagang sintomas ng pagmamakupad sa espirituwal at gumawa ng angkop na mga pagbabago sa ating saloobin kung nararamdaman natin ang gayong mga sintomas sa ating sarili.—Kawikaan 22:3.
8. (a) Ano ang naging gaya ng “nagniningas na apoy” sa puso ni Jeremias, at bakit? (b) Anong aral ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Jeremias?
8 Makatutulong din sa atin ang espiritu ng Diyos kapag tayo’y nasisiraan ng loob. Halimbawa, minsan ay nasumpungan ng propetang si Jeremias ang kaniyang sarili na nasisiraan ng loob, at inisip niyang itigil na ang kaniyang gawain bilang isang propeta. Sinabi pa nga niya patungkol kay Jehova: “Hindi ko siya babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.” Ito ba’y patotoo ng isang malubhang pagkukulang ni Jeremias sa espirituwal? Hindi. Sa katunayan, ang malakas na espirituwalidad ni Jeremias, ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, at ang kaniyang sigasig para sa katotohanan ay nagbigay-kapangyarihan sa kaniya upang magpatuloy sa panghuhula. Ipinaliwanag niya: “Sa aking puso [ang salita ni Jehova] ay naging gaya ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at napagod ako sa pagpipigil, at hindi ko iyon natiis.” (Jeremias 20:9) Likas lamang na masiraan ng loob paminsan-minsan ang tapat na mga lingkod ng Diyos. Subalit kapag sila’y nanalangin kay Jehova para humingi ng tulong, babasahin niya ang kanilang puso at malayang ipagkakaloob sa kanila ang kaniyang banal na espiritu kung, gaya ni Jeremias, nasa puso nila ang kaniyang salita.—Lucas 11:9-13; Gawa 15:8.
“Huwag Ninyong Apulain ang Apoy ng Espiritu”
9. Ano ang makahahadlang sa pagkilos ng banal na espiritu alang-alang sa atin?
9 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga taga-Tesalonica: “Huwag ninyong apulain ang apoy ng espiritu.” (1 Tesalonica 5:19) Oo, ang mga kilos at saloobing taliwas sa makadiyos na mga simulain ay makahahadlang sa pagkilos ng banal na espiritu alang-alang sa atin. (Efeso 4:30) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay may atas na ipangaral ang mabuting balita. Malaki ang paggalang natin sa pribilehiyong ito. Hindi tayo nagtataka kung hamakin man ng mga hindi nakakakilala sa Diyos ang ating gawaing pangangaral. Subalit kung sadyang pinababayaan ng isang Kristiyano ang kaniyang ministeryo, maaaring maging dahilan ito upang mamatay ang apoy ng nagpapakilos na espiritu ng Diyos.
10. (a) Paano tayo naaapektuhan ng pananaw ng ating kapuwa? (b) Anong matayog na pananaw hinggil sa ating ministeryo ang binabanggit sa 2 Corinto 2:17?
10 Maaaring ituring ng ilang nasa labas ng kongregasyong Kristiyano na ang ating ministeryo ay basta pamamahagi lamang ng literatura. Ang iba naman ay may-pagkakamaling naghihinala na tayo’y nagbabahay-bahay para lamang tumanggap ng mga donasyon. Kung hahayaan nating maimpluwensiyahan ng gayong negatibong mga pananaw ang ating saloobin, baka makabawas ito sa ating pagiging mabisa sa ministeryo. Sa halip na hayaang maapektuhan tayo ng gayong pag-iisip, panatilihin natin ang pangmalas na taglay ni Jehova at ni Jesus sa ating ministeryo. Ipinahayag ni apostol Pablo ang matayog na pananaw na iyan nang kaniyang sabihin: “Hindi tayo mga tagapaglako ng salita ng Diyos na gaya ng maraming tao, kundi dahil sa kataimtiman, oo, gaya ng isinugo mula sa Diyos, sa ilalim ng pananaw ng Diyos, kasama ni Kristo, tayo ay nagsasalita.”—2 Corinto 2:17.
11. Ano ang nagpangyari sa unang mga Kristiyano na manatiling masigasig kahit sa ilalim ng pag-uusig, at paano tayo dapat maapektuhan ng kanilang halimbawa?
11 Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus, ang kaniyang mga alagad sa Jerusalem ay napaharap sa isang panahon ng pag-uusig. Sila’y pinagbantaan at inutusang tigilan na ang pangangaral. Subalit, sinasabi ng Bibliya na sila’y “napuspos ng banal na espiritu at sinalita ang salita ng Diyos nang may katapangan.” (Gawa 4:17, 21, 31) Ang mga salita ni Pablo kay Timoteo pagkaraan ng ilang taon ay nagpapakita ng positibong disposisyon na dapat panatilihin ng mga Kristiyano. Sabi ni Pablo: “Ang Diyos ay hindi nagbigay sa atin ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip. Samakatuwid huwag mong ikahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon, ni ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya, kundi makibahagi ka sa pagtitiis ng kasamaan para sa mabuting balita ayon sa kapangyarihan ng Diyos.”—2 Timoteo 1:7, 8.
Ano ang Obligasyon Natin sa Ating Kapuwa?
12. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral ng mabuting balita?
12 Upang magkaroon ng tamang saloobin sa ating ministeryo, dapat nating taglayin ang tamang motibo. Bakit ba tayo nangangaral? Ang pangunahing dahilan ay makikita sa mga salita ng salmista: “Pagpapalain ka [Jehova] ng iyong mga matapat. Tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari ay mag-uusap sila, at tungkol sa iyong kalakasan ay magsasalita sila, upang ipaalam sa mga anak ng tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang paghahari.” (Awit 145:10-12) Oo, tayo’y nangangaral upang purihin si Jehova nang hayagan at upang pakabanalin ang kaniyang pangalan sa buong sangkatauhan. Kahit kaunti lamang ang nakikinig sa atin, ang tapat na paghahayag natin ng mensahe ng kaligtasan ay nagdudulot ng kapurihan kay Jehova.
13. Ano ang nagtutulak sa atin na sabihin sa iba ang tungkol sa pag-asa ng kaligtasan?
13 Nangangaral din tayo dahil sa pag-ibig natin sa mga tao at upang maiwasan ang pagkakasala sa dugo. (Ezekiel 33:8; Marcos 6:34) Kaugnay nito ang mga salita ni Pablo nang tinutukoy ang mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano: “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga mangmang ako ay may-utang.” (Roma 1:14) Nadama ni Pablo na utang niya sa mga tao na ipahayag sa kanila ang mabuting balita, yamang kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:4) Sa ngayon, gayundin ang nadarama nating pag-ibig at obligasyon sa ating kapuwa. Ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ang nag-udyok sa kaniya na isugo ang kaniyang Anak sa lupa upang mamatay para sa kanila. (Juan 3:16) Iyan ay isang napakalaking sakripisyo. Tinutularan natin ang pag-ibig ni Jehova kapag gumugugol tayo ng panahon at pagsisikap sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa mabuting balita ng kaligtasan batay sa sakripisyo ni Jesus.
14. Paano inilalarawan ng Bibliya ang sanlibutan sa labas ng kongregasyong Kristiyano?
14 Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga kapuwa-tao bilang posibleng maging mga miyembro ng kapatirang Kristiyano. Dapat tayong mangaral nang may katapangan, ngunit ang ating katapangan ay hindi naman sa paraang palabán. Ang totoo, ang Bibliya ay talagang gumagamit ng matitinding termino kapag tinutukoy ang sanlibutan sa pangkalahatan. Ang salitang “sanlibutan” mismo ay ginagamit ni Pablo sa negatibong diwa nang banggitin niya ang tungkol sa “karunungan ng sanlibutang ito” at “makasanlibutang mga nasa.” (1 Corinto 3:19; Tito 2:12) Ipinaalaala rin ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Efeso na kapag sila’y lumakad “ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito,” sila’y mga “patay” sa espirituwal. (Efeso 2:1-3) Ang mga pangungusap na ito at iba pang katulad nito ay kasuwato ng mga salita ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—1 Juan 5:19.
15. Hinggil sa mga indibiduwal sa labas ng kongregasyong Kristiyano, ano ang hindi natin gagawin, at bakit hindi?
15 Gayunman, tandaan na ang gayong mga pangungusap ay tumutukoy sa sanlibutan sa pangkalahatan na hiwalay sa Diyos, hindi sa mga indibiduwal. Hindi nangangahas ang mga Kristiyano na patiunang hatulan kung paano tutugon sa gawaing pangangaral ang sinumang indibiduwal. Wala silang batayan para tagurian ang sinumang indibiduwal bilang mga kambing. Hindi tayo ang magsasabi ng kalalabasan kapag dumating na si Jesus para ihiwalay “ang tupa” sa “mga kambing.” (Mateo 25:31-46) Si Jesus ang hinirang na hukom; hindi tayo. Bukod diyan, ipinakita ng karanasan ang ilang tao na nalulong na sa napakasamang paggawi ay tumanggap ng mensahe sa Bibliya, nagbago, at naging mga Kristiyanong may malinis na pamumuhay. Kaya nga, bagaman hindi natin nanaising makisama sa ilang tao, hindi naman tayo mag-aatubiling ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa pag-asa sa Kaharian kapag may pagkakataon. Binabanggit ng Kasulatan ang ilang indibiduwal na, bagaman hindi pa mga mananampalataya, ay “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.” Naging mga mananampalataya sila sa dakong huli. (Gawa 13:48) Kaya nga hindi natin kailanman malalaman kung sino ang wastong nakaayon hangga’t hindi pa tayo nakapagpapatotoo—marahil nang maraming ulit. Taglay ito sa isipan, pinakikitunguhan natin yaong mga hindi pa tumatanggap ng mensahe ng kaligtasan nang may “kahinahunan” at “matinding paggalang,” anupat umaasang tutugon pa ang ilan sa kanila sa mensahe ng buhay.—2 Timoteo 2:25; 1 Pedro 3:15.
16. Ano ang isang dahilan kung bakit nais nating mapaunlad ang “sining ng pagtuturo”?
16 Ang pagpapaunlad sa kakayahan bilang mga guro ay lalong magpapatindi sa ating pananabik na ipahayag ang mabuting balita. Bilang paglalarawan: Ang kapana-panabik na laro o isport ay baka hindi kawili-wili sa isang tao na hindi marunong maglaro nito. Subalit sa isa na magaling dito, ito ay kawili-wili. Sa gayunding paraan, lalong tumitindi ang kagalakan sa ministeryo niyaong mga Kristiyanong nakapagpaunlad ng “sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2; Tito 1:9) Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Gawin mo ang iyong sukdulang makakaya na iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Paano natin mapahuhusay ang ating kakayahan sa pagtuturo?
17. Paano tayo maaaring ‘magkaroon ng pananabik’ sa kaalaman sa Bibliya, at paano pakikinabangan sa ating ministeryo ang kaalamang iyan?
17 Ang isang paraan ay ang pagkuha ng karagdagang tumpak na kaalaman. Hinihimok tayo ni apostol Pedro: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2) Likas lamang sa isang malusog na sanggol na manabik sa gatas. Gayunman, maaaring kailanganin pa ng isang Kristiyano na ‘magkaroon ng pananabik’ sa kaalaman sa Bibliya. Magagawa ito sa pamamagitan ng paglinang ng mahusay na kaugalian sa pag-aaral at pagbabasa. (Kawikaan 2:1-6) Kailangan ang pagsisikap at disiplina sa sarili upang tayo ay maging dalubhasang mga guro ng Salita ng Diyos, subalit ginagantimpalaan ang gayong mga pagsisikap. Ang kaluguran na bunga ng pagsusuri sa Salita ng Diyos ay magpapangyari sa atin na maging maningas sa espiritu ng Diyos, anupat nasasabik na ibahagi sa iba ang mga bagay na ating natututuhan.
18. Paano tayo sinasangkapan ng mga pulong Kristiyano upang magamit nang wasto ang salita ng katotohanan?
18 Ang mga pulong Kristiyano ay gumaganap din ng mahalagang papel sa ating dalubhasang paggamit ng Salita ng Diyos. Kapag binabasa ang mga teksto sa Bibliya sa mga pahayag pangmadla at sa iba pang pagtalakay sa Kasulatan, makabubuti para sa atin na subaybayan ang pagbasa sa ating sariling mga Bibliya. Isang katalinuhan para sa atin na magbigay ng matamang pansin sa mga bahagi ng pulong, lakip na yaong espesipikong tumatalakay sa ating gawaing pangangaral. Huwag nating mamaliitin kailanman ang kahalagahan ng mga demonstrasyon, anupat marahil ay hinahayaan natin ang ating mga sarili na magambala. Muli, kailangan ang disiplina sa sarili at pagtutuon ng isip. (1 Timoteo 4:16) Ang mga pulong Kristiyano ay nagpapatibay ng ating pananampalataya, tumutulong sa atin na magkaroon ng pananabik sa Salita ng Diyos, at nagsasanay sa atin na maging sabik na mga tagapaghayag ng mabuting balita.
Makaaasa Tayo sa Suporta ni Jehova
19. Bakit mahalaga ang palagiang pakikibahagi sa gawaing pangangaral?
19 Ang mga Kristiyanong ‘maningas sa espiritu’ at nananabik na ipahayag ang mabuting balita ay nagsisikap na palagiang makibahagi sa ministeryo. (Efeso 5:15, 16) Totoo, iba’t iba ang mga kalagayan, at hindi lahat ay makagugugol ng magkakaparehong dami ng panahon sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. (Galacia 6:4, 5) Subalit, marahil ang higit na mahalaga kaysa sa kabuuang dami ng panahon na ginugugol natin sa gawaing pangangaral ay ang dalas ng pagkakataong ipinakikipag-usap natin sa iba ang tungkol sa ating pag-asa. (2 Timoteo 4:1, 2) Habang dumadalas ang ating pangangaral, lalo nating nauunawaan ang kahalagahan ng gawaing ito. (Roma 10:14, 15) Lalo tayong magiging madamayin at mapagkapuwa-tao kung palagi nating makakausap ang taimtim na mga taong nagbubuntunghininga at dumaraing at walang pag-asa.—Ezekiel 9:4; Roma 8:22.
20, 21. (a) Ano pang gawain ang naghihintay sa atin? (b) Paano sinusuportahan ni Jehova ang ating mga pagsisikap?
20 Ipinagkatiwala sa atin ni Jehova ang mabuting balita. Ito ang unang atas na tinanggap natin mula sa kaniya bilang kaniyang “mga kamanggagawa.” (1 Corinto 3:6-9) Nasasabik tayong ganapin ang bigay-Diyos na pananagutang ito nang buong kaluluwa, sa abot ng ating makakaya. (Marcos 12:30; Roma 12:1) Marami pa ring wastong nakaayon na mga tao sa daigdig na gutom sa katotohanan. Marami pang dapat gawin, subalit makaaasa tayo sa suporta ni Jehova habang lubusan nating ginaganap ang ating ministeryo.—2 Timoteo 4:5.
21 Ipinagkakaloob sa atin ni Jehova ang kaniyang espiritu at sinasangkapan tayo ng “tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos. Sa tulong niya, maibubuka natin ang ating mga bibig “na may kalayaan sa pagsasalita upang ipaalam ang sagradong lihim ng mabuting balita.” (Efeso 6:17-20) Hayaang masabi rin sa atin ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi nasumpungan sa gitna ninyo sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan din at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig.” (1 Tesalonica 1:5) Oo, may-pananabik na ipahayag natin ang mabuting balita!
Isang Maikling Repaso
• Dahil sa mga kabalisahan sa buhay, ano ang maaaring mangyari sa ating sigasig sa ministeryo?
• Sa anong paraan dapat na maging gaya ng “nagniningas na apoy” sa ating puso ang ating pagnanais na ipahayag ang mabuting balita?
• Anong negatibong saloobin hinggil sa ministeryo ang dapat nating iwasan?
• Sa pangkalahatan, paano natin mamalasin yaong mga hindi natin kapananampalataya?
• Paano tayo tinutulungan ni Jehova upang mapanatili ang ating sigasig sa gawaing pangangaral?
[Mga larawan sa pahina 9]
Tinutularan ng mga Kristiyano ang sigasig nina Pablo at Jeremias
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang ating pananabik sa ministeryo ay nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa