KABANATA 12
“Lakas-Loob na Nagsalita Dahil sa Awtoridad na Ibinigay ni Jehova”
Nagpakita sina Pablo at Bernabe ng kapakumbabaan, pagtitiyaga, at lakas ng loob
Batay sa Gawa 14:1-28
1, 2. Ano ang mga nangyari habang nasa Listra sina Pablo at Bernabe?
NAGKAKAGULO sa Listra. Isang lalaking lumpo mula nang ipanganak ang naglululukso sa tuwa matapos siyang pagalingin ng dalawang estranghero. Manghang-mangha ang mga tao, at isang saserdote ang nagdala ng mga putong para sa dalawang lalaking ito na inaakala nilang mga diyos. Sumisingasing at umuungal ang mga toro habang naghahanda ang saserdote ni Zeus para katayin ang mga ito. Inilakas nina Pablo at Bernabe ang kanilang tinig para ibulalas ang kanilang pagtanggi. Pinunit nila ang damit nila, tumakbo papunta sa mga tao, at nakiusap na huwag silang sambahin, pero hindi naging madali na pigilan ang mga ito.
2 Pagkatapos, may dumating na mga Judiong mananalansang mula sa Antioquia ng Pisidia at Iconio. Sa pamamagitan ng kamandag ng paninirang-puri, nilason nila ang isip ng mga taga-Listra. Pinalibutan ngayon si Pablo ng mga taong dating gustong sumamba sa kaniya, at pinagbabato nila siya hanggang sa mawalan siya ng malay. Nang mailabas na nila ang kanilang galit, kinaladkad nila ang bugbog na katawan ni Pablo palabas ng pintuang-daan ng lunsod, sa pag-aakalang patay na siya.
3. Ano-anong tanong ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
3 Anong mga pangyayari ang naging dahilan ng maigting na insidenteng ito? Ano ang matututuhan ng makabagong-panahong mga tagapaghayag ng mabuting balita mula sa mga pangyayaring nagsasangkot kay Bernabe, kay Pablo, at sa salawahang mga taga-Listra? At paano matutularan ng mga Kristiyanong elder ang halimbawa ng tapat na sina Bernabe at Pablo, na nagmatiyaga sa ministeryo habang “lakas-loob na [nagsasalita] dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova”?—Gawa 14:3.
“Maraming . . . Naging Mananampalataya” (Gawa 14:1-7)
4, 5. Bakit nagpunta sa Iconio sina Pablo at Bernabe, at ano ang nangyari doon?
4 Mga ilang araw pa lang ang nakalilipas nang itapon sina Pablo at Bernabe palabas ng Romanong lunsod ng Antioquia ng Pisidia, matapos silang guluhin ng mga Judiong mananalansang. Pero sa halip na panghinaan ng loob, “ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila.” (Gawa 13:50-52; Mat. 10:14) Payapang umalis sina Pablo at Bernabe, at ipinaubaya na lamang nila sa Diyos ang mga mananalansang na iyon. (Gawa 18:5, 6; 20:26) Buong kagalakan pa ring nagpatuloy ang dalawang misyonerong ito sa kanilang paglalakbay para mangaral. Matapos maglakbay nang mga 150 kilometro patimog-silangan, nakarating sila sa talampas na matatagpuan sa pagitan ng mga kabundukan ng Taurus at Sultan.
5 Unang pinuntahan nina Pablo at Bernabe ang Iconio, kung saan nananaig pa rin ang kulturang Griego at isang napakahalagang lunsod ng Romanong lalawigan ng Galacia.a May maiimpluwensiyang Judio na naninirahan sa lunsod na iyon, at marami ring di-Judiong proselita roon. Gaya ng nakaugalian na nina Pablo at Bernabe, pumasok sila sa sinagoga at nagsimulang mangaral. (Gawa 13:5, 14) “Dahil sa husay nilang magsalita, maraming Judio at Griego ang naging mananampalataya.”—Gawa 14:1.
6. Bakit mabisang mga guro sina Pablo at Bernabe, at paano natin sila matutularan?
6 Bakit napakabisa ng paraan ng pagsasalita nina Pablo at Bernabe? Si Pablo ay punô ng karunungan sa Kasulatan. Napakahusay niya sa pagtukoy sa kasaysayan, mga hula, at sa Kautusang Mosaiko para patunayang si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas. (Gawa 13:15-31; 26:22, 23) Kitang-kita naman kay Bernabe ang pagmamalasakit sa mga tao. (Gawa 4:36, 37; 9:27; 11:23, 24) Ang mga lalaking ito ay hindi umasa sa kanilang sariling unawa, kundi nagsalita sila “dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova.” Paano mo matutularan ang mga misyonerong ito sa pangangaral mo? Sa paggawa ng mga sumusunod: Maging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos. Pumili ng mga teksto na iniisip mong makaaakit sa iyong mga tagapakinig. Humanap ng praktikal na mga paraan upang aliwin ang mga nakakausap mo sa ministeryo. At laging isalig sa Salita ni Jehova ang iyong itinuturo, hindi sa iyong sariling karunungan.
7. (a) Ano ang nagiging epekto ng mabuting balita? (b) Kung nababahagi ang iyong pamilya dahil tumutugon ka sa mabuting balita, ano ang dapat mong tandaan?
7 Gayunman, hindi lahat ng nasa Iconio ay natuwa sa sinabi nina Pablo at Bernabe. Sinabi ni Lucas: “Ang mga tao ng ibang mga bansa ay sinulsulan ng mga Judiong hindi naniwala, at siniraan ng mga ito ang mga kapatid.” Nakita nina Pablo at Bernabe na kailangan nilang manatili upang ipagtanggol ang mabuting balita “kaya mahaba-habang panahon silang nanatili roon at lakas-loob na nagsalita.” Bilang resulta, “hati ang opinyon ng mga tao sa lunsod; ang ilan ay panig sa mga Judio at ang iba ay sa mga apostol.” (Gawa 14:2-4) Sa ngayon, ganiyan din ang nagiging epekto ng mabuting balita sa mga tao. Maaari itong magdulot ng pagkakaisa o ng pagkakabaha-bahagi. (Mat. 10:34-36) Kung nababahagi ang iyong pamilya dahil tumutugon ka sa mabuting balita, tandaan na ang pagsalansang ay karaniwan nang bunga ng sabi-sabi o tahasang paninirang-puri. Ang iyong mabuting paggawi ay maaaring maging pangontra sa gayong lason at maaari nitong palambutin ang puso ng mga sumasalansang sa iyo.—1 Ped. 2:12; 3:1, 2.
8. Bakit umalis sina Pablo at Bernabe sa Iconio, at anong aral ang matututuhan natin sa kanilang halimbawa?
8 Di-nagtagal, binalak ng mga mananalansang sa Iconio na pagbabatuhin sina Pablo at Bernabe. Nang malaman ito ng dalawang misyonero, ipinasiya nilang lumipat na lang sa ibang teritoryong puwede nilang pangaralan. (Gawa 14:5-7) Mataktika rin ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon. Kapag may naninirang-puri sa atin, lakas-loob tayong nagsasalita. (Fil. 1:7; 1 Ped. 3:13-15) Pero kapag may nagbabantang karahasan, hindi tayo nagpapadalos-dalos anupat naisasapanganib ang buhay natin o ng ating mga kapananampalataya.—Kaw. 22:3.
“Bumaling sa Diyos na Buháy” (Gawa 14:8-19)
9, 10. Saan matatagpuan ang Listra, at ano ang alam natin tungkol sa mga naninirahan dito?
9 Pumunta sina Pablo at Bernabe sa Listra, isang kolonya ng Roma na mga 30 kilometro sa timog-kanluran ng Iconio. May malapít na ugnayan ang Listra at ang Antioquia ng Pisidia, pero kaunti lang ang mga Judio sa Listra kumpara sa Antioquia. Bagaman malamang na nagsasalita ng Griego ang mga tagarito, wikang Licaonia ang katutubong wika nila. Posibleng walang sinagoga sa lunsod na ito, kaya sa isang pampublikong lugar nangaral sina Pablo at Bernabe. Noong nasa Jerusalem si Pedro, nagpagaling siya ng isang lalaking ipinanganak na may kapansanan. Sa Listra naman, nagpagaling din si Pablo ng isang lalaking lumpo mula nang ipanganak. (Gawa 14:8-10) Dahil sa himalang ginawa ni Pedro, marami ang naging mananampalataya. (Gawa 3:1-10) Pero ibang-iba ang ibinunga ng himalang ginawa ni Pablo.
10 Gaya ng binanggit sa pasimula ng kabanatang ito, nang lumukso at magsimulang maglakad ang lalaking lumpo, agad na nagkaroon ng maling akala ang mga pagano sa Listra. Tinawag nila si Bernabe na Zeus, ang pinuno ng mga diyos, at si Pablo na Hermes, ang anak ni Zeus at tagapagsalita ng mga diyos. (Tingnan ang kahong “Ang Listra at ang Pagsamba Kina Zeus at Hermes.”) Pero determinado sina Bernabe at Pablo na ipaunawa sa mga tao na sila’y nagsasalita at kumikilos hindi sa pamamagitan ng awtoridad ng paganong mga diyos, kundi sa pamamagitan ni Jehova, ang iisang tunay na Diyos.—Gawa 14:11-14.
11-13. (a) Ano ang sinabi nina Pablo at Bernabe sa mga taga-Listra? (b) Ano ang isang aral na matututuhan natin sa mga sinabi nina Pablo at Bernabe?
11 Sa kabila nito, sinikap pa rin nina Pablo at Bernabe na abutin ang puso ng mga tagapakinig nila sa pinakamahusay na paraan. Ang pangyayaring ito na iniulat ni Lucas ay isang mabisang paraan ng pangangaral ng mabuting balita sa mga pagano. Pansinin kung paano nakipag-usap sina Pablo at Bernabe sa mga tagapakinig nila: “Bakit ninyo ginagawa ito? Mga tao lang din kami na may mga kahinaang gaya ninyo. At inihahayag namin sa inyo ang mabuting balita para iwan ninyo ang walang-kabuluhang mga bagay na ito at bumaling sa Diyos na buháy, na gumawa ng langit at lupa at dagat at lahat ng naroon. Sa nakalipas na mga henerasyon, pinahintulutan niya ang lahat ng bansa na gawin ang gusto nila, pero nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.”—Gawa 14:15-17.
12 Ano ang matututuhan natin sa nakakapukaw-kaisipang mga salitang ito? Una, hindi inisip nina Pablo at Bernabe na nakahihigit sila sa kanilang mga tagapakinig. Hindi nila inangkin ang isang katayuang hindi para sa kanila. Sa halip, mapagpakumbaba nilang sinabi na may mga kahinaan din sila tulad ng sa kanilang mga paganong tagapakinig. Totoo, tumanggap na sina Pablo at Bernabe ng banal na espiritu at napalaya na sila mula sa huwad na mga turo. Pinagkalooban na rin sila ng pag-asang maging kasamang tagapamahala ni Kristo. Subalit alam nilang puwede ring tumanggap ng mismong mga kaloob na ito ang mga taga-Listra kung susundin nila si Kristo.
13 Ano ang saloobin natin sa mga nakakausap natin sa ministeryo? Itinuturing ba nating nakatataas tayo sa kanila? Habang tinutulungan natin ang iba na matuto ng mga katotohanan sa Salita ng Diyos, tinutularan ba natin sina Pablo at Bernabe anupat hindi tayo naghahangad ng labis na papuri? Si Charles Taze Russell, isang napakahusay na guro na nanguna sa gawaing pangangaral noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, ay nagpakita ng magandang halimbawa sa bagay na ito. Isinulat niya: “Ayaw namin ng anumang papuri, o parangal, para sa aming sarili o sa mga isinusulat namin; ni hangad man naming patawag na Reberendo o Rabbi.” Gaya nina Pablo at Bernabe, mapagpakumbaba si Brother Russell. Sa katulad na paraan, nangangaral tayo, hindi para magbigay-kaluwalhatian sa ating sarili, kundi upang tulungan ang mga tao na bumaling sa “Diyos na buháy.”
14-16. Ano ang ikalawa at ikatlong aral na matututuhan natin sa sinabi nina Pablo at Bernabe sa mga taga-Listra?
14 Pansinin ang ikalawang aral. Marunong makibagay sina Pablo at Bernabe. Di-tulad ng mga Judio at proselita sa Iconio, ang mga taga-Listra ay walang alam, o kung mayroon man ay kakaunti lang, hinggil sa Kasulatan o sa pakikitungo ng Diyos sa bansang Israel. Pero ang mga tagapakinig nina Pablo at Bernabe ay kabilang sa pamayanan na nabubuhay sa pagsasaka at pag-aalaga ng hayop. Pinagpala ang Listra ng magandang klima at matatabang lupain. Nakikita nila ang mga katangian ng Maylalang sa mga bagay na gaya ng mabubungang panahon, at ginamit ito ng mga misyonero para makapangaral sa kanila.—Roma 1:19, 20.
15 Marunong din ba tayong makibagay? Kahit isang uri lang ng binhi ang itinatanim ng isang magsasaka, kailangan pa rin niyang gumamit ng iba’t ibang paraan sa paghahanda ng lupa. May mga lupang malambot at madaling tamnan. Mayroon namang kailangan pang bungkalin nang husto. Sa katulad na paraan, isang uri lang ng binhi ang ating itinatanim—ang mensahe tungkol sa Kaharian na nasa Salita ng Diyos. Pero kung tinutularan natin sina Pablo at Bernabe, sisikapin nating unawain ang kalagayan at paniniwala ng mga nakakausap natin sa ministeryo. Pagkatapos, ginagawa natin itong basehan kung paano mabisang maihaharap ang mensahe tungkol sa Kaharian.—Luc. 8:11, 15.
16 May ikatlong aral pa tayong matututuhan. Kahit nagsisikap tayo, ang binhing itinatanim natin ay puwedeng maagaw ni Satanas o maihasik sa batuhan. (Mat. 13:18-21) Kung mangyari iyan, huwag masiraan ng loob. Ipinaalaala ni Pablo sa mga alagad sa Roma na “ang bawat isa sa atin [pati na ang bawat taong nakakausap natin hinggil sa Bibliya] ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.
‘Ipinagkatiwala Nila ang mga Ito kay Jehova’ (Gawa 14:20-28)
17. Mula sa Derbe, saan nagpunta sina Pablo at Bernabe, at bakit?
17 Matapos kaladkarin si Pablo ng mga taga-Listra palabas ng lunsod sa pag-aakalang patay na siya, pinalibutan siya ng mga alagad, tumayo siya, at nagpalipas ng magdamag sa lunsod. Kinabukasan, sinimulan nina Pablo at Bernabe ang 100-kilometrong paglalakbay patungo sa Derbe. Tiyak na hirap na hirap si Pablo sa mahabang paglalakbay na iyon, yamang mga ilang oras pa lamang ang nakalilipas nang pagbabatuhin siya sa Listra. Sa kabila nito, nagmatiyaga sila ni Bernabe, at nang makarating sila sa Derbe, natulungan nila “ang marami na maging alagad.” Pagkatapos, sa halip na dumaan sa mas maikling ruta pauwi sa Antioquia ng Sirya, “bumalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia [ng Pisidia].” Bakit? Para palakasin “ang mga alagad doon at [pasiglahin] na panatilihing matibay ang kanilang pananampalataya.” (Gawa 14:20-22) Isa ngang napakainam na halimbawa ang ipinakita ng dalawang lalaking ito! Inuna nila ang mga kapakanan ng kongregasyon kaysa sa kanilang sariling kaalwanan. Ang kanilang halimbawa ay tinutularan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga misyonero sa makabagong panahon.
18. Ano ang batayan sa pag-aatas sa mga elder?
18 Bukod sa pagpapatibay sa mga alagad sa pamamagitan ng kanilang mga salita at halimbawa, nag-atas din sina Pablo at Bernabe ng “matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.” Bagaman “isinugo ng banal na espiritu” sina Pablo at Bernabe sa paglalakbay na ito, nanalangin pa rin sila at nag-ayuno nang ‘ipagkatiwala nila ang matatandang lalaki kay Jehova.’ (Gawa 13:1-4; 14:23) Ito rin ang simulaing sinusunod sa ngayon. Bago magrekomenda ng mga aatasan bilang elder, nananalangin muna ang lupon ng matatanda at nirerepaso ang makakasulatang mga kuwalipikasyon ng isang brother. (1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9; Sant. 3:17, 18; 1 Ped. 5:2, 3) Hindi pangunahing batayan kung gaano na katagal ang isa sa katotohanan. Ang tinitingnan ay kung paano siya inuugitan ng banal na espiritu sa kaniyang pananalita, paggawi, at reputasyon. Ang pag-abot sa mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa, gaya ng nakasaad sa Kasulatan, ang batayan kung kuwalipikado siyang maglingkod bilang pastol ng kawan. (Gal. 5:22, 23) Ang tagapangasiwa ng sirkito ang gumagawa ng gayong pag-aatas.—Ihambing ang 1 Timoteo 5:22.
19. Ano ang alam ng mga elder may kinalaman sa kanilang pangangasiwa sa kongregasyon, at paano nila tinutularan sina Pablo at Bernabe?
19 Alam ng hinirang na mga elder na mananagot sila sa Diyos kapag hindi nila pinangasiwaan nang tama ang kongregasyon. (Heb. 13:17) Tulad nina Pablo at Bernabe, nangunguna ang mga elder sa gawaing pangangaral. Pinapatibay nila ang mga kapuwa alagad sa pamamagitan ng kanilang mga salita. At handa nilang unahin ang kapakanan ng kongregasyon kaysa sa sarili nila.—Fil. 2:3, 4.
20. Paano tayo nakikinabang sa pagbabasa ng mga ulat tungkol sa tapat na gawa ng ating mga kapatid?
20 Nang makabalik na sina Pablo at Bernabe sa kanilang tuluyan sa Antioquia ng Sirya, ikinuwento nila “ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila at na binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya.” (Gawa 14:27) Habang binabasa natin ang mga ulat tungkol sa tapat na gawa ng ating mga kapatid na Kristiyano at tinitingnan kung paano pinagpapala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap, napapatibay tayo na magpatuloy sa “lakas-loob na [pagsasalita] dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova.”
a Tingnan ang kahong “Iconio—Lunsod ng mga Frigiano.”