“Maging Mapagpatuloy sa Isa’t Isa”
SI Febe, na isang Kristiyano noong unang siglo, ay may problema. Naglalakbay siya mula sa Cencrea, sa Gresya, patungong Roma, ngunit wala siyang kilalang mga kapananampalataya sa lunsod na iyon. (Roma 16:1, 2) “Ang daigdig ng mga Romano [noong mga panahong iyon] ay isang masama at malupit na daigdig,” ang sabi ng tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar Goodspeed, “at ang mga bahay-tuluyan ay kilalang-kilala bilang hindi angkop na mga lugar para sa isang disenteng babae, lalo na sa isang babaing Kristiyano.” Kaya saan manunuluyan si Febe?
Malalayo ang nilalakbay ng mga tao noong panahon ng Bibliya. Naglakbay si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga alagad upang mangaral ng mabuting balita sa buong Judea at Galilea. Di-nagtagal pagkatapos nito, dinala ng mga misyonerong Kristiyano gaya ni Pablo ang mensahe sa iba’t ibang lugar sa palibot ng dagat ng Mediteraneo, kabilang na ang Roma, ang kabisera ng Imperyo ng Roma. Kapag naglalakbay ang mga Kristiyano noong unang siglo, sa loob man o labas ng teritoryong Judio, saan sila nanunuluyan? Anu-anong problema ang napapaharap sa kanila sa paghahanap ng matutuluyan? Ano ang matututuhan natin sa kanila may kinalaman sa pagpapakita ng pagkamapagpatuloy?
“Ngayon ay Kailangan Kong Tumuloy sa Iyong Bahay”
Ang pagkamapagpatuloy ay binigyang-katuturan bilang “ang bukas-palad at magandang-loob na pagtanggap sa mga panauhin,” at matagal na itong katangian ng tunay na mga mananamba ni Jehova. Halimbawa, ipinakita ito nina Abraham, Lot, at Rebeka. (Genesis 18:1-8; 19:1-3; 24:17-20) Sa pagsasalaysay sa kaniyang saloobin sa mga estranghero, ganito ang sinabi ng patriyarkang si Job: “Sa labas ay walang naninirahang dayuhan ang nagpapalipas ng gabi; ang aking mga pinto ay pinanatili kong bukás sa landas.”—Job 31:32.
Para matamasa ng mga manlalakbay ang pagkamapagpatuloy ng kanilang kapuwa mga Israelita, kadalasan ay sapat na ang maupo sa liwasan ng isang lunsod at hintaying anyayahan sila. (Hukom 19:15-21) Karaniwan nang hinuhugasan ng mga punong-abala ang mga paa ng mga panauhin at binibigyan ang mga bisita ng pagkain at inumin, at saka pinaglalaanan din ang kanilang mga hayop ng kumpay. (Genesis 18:4, 5; 19:2; 24:32, 33) Ang mga manlalakbay na ayaw maging pabigat sa kanilang mga punong-abala ay nagbabaon ng kanilang pangangailangan—tinapay at alak para sa kanilang sarili at dayami at kumpay naman para sa kanilang mga asno. Kailangan lamang nila ng masisilungan sa gabi.
Bagaman bihira lamang banggitin ng Bibliya kung paano nakasusumpong ng matutuluyan si Jesus noong panahon ng kaniyang paglalakbay para mangaral, kinailangan niya at ng kaniyang mga alagad ng dakong matutulugan. (Lucas 9:58) Nang dumalaw siya sa Jerico, sinabi lamang ni Jesus kay Zaqueo: “Ngayon ay kailangan kong tumuloy sa iyong bahay.” Tinanggap ni Zaqueo ang kaniyang panauhin nang “may pagsasaya.” (Lucas 19:5, 6) Si Jesus ay madalas na bisita ng kaniyang mga kaibigang sina Marta, Maria, at Lazaro sa Betania. (Lucas 10:38; Juan 11:1, 5, 18) At waring sa Capernaum, nakituloy naman si Jesus kina Simon Pedro.—Marcos 1:21, 29-35.
Ang mga tagubilin ni Jesus para sa ministeryo na ibinigay niya sa kaniyang 12 apostol ay maraming isinisiwalat hinggil sa uri ng pagtanggap na maaasahan nila sa Israel. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Huwag kayong kumuha ng ginto o pilak o tanso para sa inyong mga pamigkis na supot, o supot ng pagkain para sa paglalakbay, o dalawang pang-ilalim na kasuutan, o mga sandalyas o baston; sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain. Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat, at manatili kayo roon hanggang sa kayo ay umalis.” (Mateo 10:9-11) Alam niyang patutuluyin ng matuwid-pusong mga indibiduwal ang kaniyang mga alagad, anupat paglalaanan sila ng pagkain, masisilungan, at iba pang mga pangangailangan.
Gayunman, dumating ang panahon na ang naglalakbay na mga ebanghelisador ay kinailangan nang maglaan at gumastos para sa kanilang sarili. Dahil sa magiging pagkapoot sa kaniyang mga tagasunod at sa paglawak ng gawaing pangangaral sa mga teritoryo sa labas ng Israel, sinabi ni Jesus: “Ang may supot ng salapi ay kunin ito, gayundin ang isang supot ng pagkain.” (Lucas 22:36) Ang paglalakbay at panunuluyan ay magiging napakahalaga sa pagpapalaganap ng mabuting balita.
“Sundan Ninyo ang Landasin ng Pagkamapagpatuloy”
Ang halos payapang kalagayan at maraming daan na nalalatagan ng bato sa buong Imperyo ng Roma noong unang siglo ay lumikha ng isang lipunan ng mga tao na madalas maglakbay.a Dahil sa napakaraming manlalakbay, lumaki ang pangangailangan para sa matutuluyan. Ang pangangailangang iyan ay natugunan ng mga bahay-tuluyan na may pagitang isang araw na biyahe at matatagpuan sa kahabaan ng pangunahing mga haywey. Gayunman, ganito ang sabi ng The Book of Acts in Its Graeco-Roman Setting: “Hindi maganda ang larawang ipinakikita sa literatura hinggil sa gayong mga pasilidad. Sa pangkalahatan, pinatotohanan ng mga mapagkukunan ng impormasyon sa panitikan at arkeolohiya ang hinggil sa sira-sira at maruruming pasilidad na halos walang kasangkapan, may mga surot, mababang uri ng pagkain at inumin, di-mapagkakatiwalaang mga may-ari at kawani, kahina-hinalang mga kliyente, at karaniwan nang mababang moralidad.” Mauunawaan naman, iiwasan ng isang manlalakbay na matuwid sa moral na tumira sa gayong mga bahay-tuluyan hangga’t maaari.
Kung gayon, hindi nga kataka-takang paulit-ulit na pinapayuhan ng Kasulatan ang mga Kristiyano na magpakita ng pagkamapagpatuloy sa iba. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: “Mamahagi kayo sa mga banal ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.” (Roma 12:13) Pinaalalahanan niya ang mga Judiong Kristiyano: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy, sapagkat sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila namamalayan, ay nag-asikaso sa mga anghel.” (Hebreo 13:2) Tinagubilinan ni Pedro ang kaniyang kapuwa mga mananamba na “maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang bulung-bulungan.”—1 Pedro 4:9.
Gayunman, may mga kalagayan na di-angkop magpakita ng pagkamapagpatuloy. May kinalaman sa “bawat isa na nagpapauna at hindi nananatili sa turo ng Kristo,” ganito ang sabi ni apostol Juan: “Huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong mga tahanan o magsabi sa kaniya ng isang pagbati. Sapagkat siya na nagsasabi sa kaniya ng isang pagbati ay kabahagi sa kaniyang balakyot na mga gawa.” (2 Juan 9-11) May kaugnayan sa di-nagsisising mga makasalanan, sumulat si Pablo: “Tigilan [na ninyo] ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.”—1 Corinto 5:11.
Malamang na sinikap ng mga impostor at iba pa na samantalahin ang kabaitan ng tunay na mga Kristiyano. Isang dokumento noong ikalawang siglo C.E. na may kaugnayan sa pananampalatayang Kristiyano ngunit hindi kasama sa Bibliya at nakilala bilang The Didache, o Turo ng Labindalawang Apostol, ang nagrekomenda na ang isang naglalakbay na mangangaral ay patuluyin nang “isang araw, o pati na sa ikalawang araw kung kinakailangan.” Pagkatapos niyan, kapag umalis na siya, “wala siyang dapat tanggapin kundi tinapay . . . Kung humingi siya ng salapi, isa siyang huwad na propeta.” Nagpatuloy ang dokumentong iyon: “Kung nais niyang manatiling kasama ninyo at may kasanayan siya, hayaan siyang magtrabaho para sa kaniyang tinapay. Ngunit kung wala siyang kasanayan, paglaanan siya ayon sa inyong kaunawaan, upang walang taong maninirahan kasama ninyo nang walang ginagawa dahil isa siyang Kristiyano. Ngunit kung hindi niya gagawin ito, ginagamit lamang niya si Kristo; mag-ingat sa gayong mga tao.”
Naging maingat si apostol Pablo na hindi magpataw ng magastos na pasanin sa kaniyang mga punong-abala sa matagal niyang pamamalagi sa ilang lunsod. Nagtrabaho siya bilang manggagawa ng tolda para suportahan ang kaniyang sarili. (Gawa 18:1-3; 2 Tesalonica 3:7-12) Upang tulungan ang karapat-dapat na mga manlalakbay sa gitna nila, maliwanag na gumamit ang unang mga Kristiyano ng mga liham ng rekomendasyon, gaya ng pagpapakilala ni Pablo kay Febe. “Inirerekomenda ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae,” ang isinulat ni Pablo, “upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon . . . at upang tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya kayo.”—Roma 16:1, 2.
Mga Pagpapala sa Pagiging Mapagpatuloy
Nagtiwala ang unang siglong mga misyonerong Kristiyano na paglalaanan sila ni Jehova ng kanilang mga pangangailangan. Ngunit makaaasa kaya sila ng pagkamapagpatuloy ng kanilang mga kapananampalataya? Binuksan ni Lydia ang kaniyang tahanan kay Pablo at sa iba pa. Nanuluyan ang apostol kina Aquila at Priscila sa Corinto. Naghain ng pagkain sa mesa ang isang tagapagbilanggo sa Filipos para kina Pablo at Silas. Si Pablo ay malugod na tinanggap ni Jason sa Tesalonica, ni Felipe sa Cesarea, at ni Minason sa daan mula sa Cesarea patungong Jerusalem. Nang patungo sa Roma, inasikaso si Pablo ng mga kapatid sa Puteoli. Tunay ngang kapaki-pakinabang sa espirituwal ang mga pagkakataong ito para sa mga punong-abala na tumanggap sa kanila!—Gawa 16:33, 34; 17:7; 18:1-3; 21:8, 16; 28:13, 14.
Ganito ang sabi ng iskolar na si Frederick F. Bruce: “Ang mga kaibigan, kamanggagawa at mga punong-abalang ito, ay walang ibang motibo sa pagiging napakamatulungin maliban sa kanilang pag-ibig kay Pablo at pag-ibig sa Panginoon na pinaglilingkuran niya. Alam nila na sa paglilingkod sa isang ito [si Pablo] ay pinaglilingkuran nila ang isa pa [si Kristo].” Isa itong napakahusay na motibo sa pagiging mapagpatuloy.
Naririyan pa rin ang pangangailangang magpakita ng pagkamapagpatuloy. Libu-libong naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang nagtatamasa ng pagkamapagpatuloy mula sa mga kapananampalataya. Ang ilang tagapaghayag ng Kaharian ay naglalakbay sa sarili nilang gastos upang mangaral sa mga lugar na bihirang mapaabutan ng mabuting balita. Malaki ang kapakinabangan sa pagbubukas ng ating tahanan, gaanuman ito kasimple, sa gayong mga indibiduwal. Ang mapagmahal na pagkamapagpatuloy, na maaaring naglalakip lamang ng simpleng pagkain, ay nagbibigay ng mahuhusay na pagkakataon para sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob” at sa pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid at sa ating Diyos. (Roma 1:11, 12) Ang gayong mga pagkakataon ay lalo nang kapaki-pakinabang sa mga punong-abala, sapagkat “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
[Talababa]
a Tinatayang pagsapit ng taóng 100 C.E., mayroon nang mga 80,000 kilometrong daan sa Roma na nalalatagan ng bato.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga Kristiyano ay ‘sumusunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy’