Si Tercio—Tapat na Kalihim ni Pablo
NAPAHARAP si Tercio sa isang hamon. Gusto siyang gamitin ni apostol Pablo bilang kaniyang kalihim nang sumusulat ng isang mahabang liham sa mga kapuwa Kristiyano sa Roma. Ito ay mahirap na trabaho.
Bakit napakahirap na maging kalihim noong unang siglo C.E.? Paano ginagampanan ang gayong gawain? Anong materyales sa pagsulat ang ginagamit noon?
Mga Kalihim Noong Unang Panahon
Sa sinaunang Griego-Romanong lipunan, may iba’t ibang uri ng kalihim. Naglingkod ang ilang lalaki bilang mga kalihim ng estado—mga opisyal ng bayan na nagtatrabaho sa gusaling kinaroroonan ng mga tsanselor. Mayroon ding mga kalihim ng bayan na nag-aalok ng kanilang mga paglilingkod sa mga mamamayan sa palengke. Ang mga pansariling kalihim (kadalasa’y alipin) ay kinukupkop ng mga mayayaman. Gayundin naman, may mapagbigay na mga kaibigan na nalulugod na sumulat ng mga liham para sa iba. Ayon sa iskolar na si E. Randolph Richards, ang kasanayan ng mga di-opisyal na kalihim na ito ay “masusukat mula sa pinakamahinang kakayahan sa wika at/o sa pamamaraan ng pagsulat hanggang sa pinakamataas na antas ng kahusayan sa mabilis na paggawa ng tumpak, wasto, at magandang liham.”
Sino ang gagamit ng mga kalihim? Una sa lahat, yaong hindi marunong bumasa at sumulat. Maraming sinaunang kontrata at mga liham pangkalakal ang ginawa na may mga nota na doo’y pinatutunayan ng kalihim na isinulat niya ang dokumento dahil sa kawalang-kakayahan ng tao na nagkatiwala sa kaniya ng trabaho. Ang ikalawang dahilan sa pag-upa ng isang kalihim ay inilarawan ng isang sinaunang liham buhat sa Thebes, Ehipto. Isinulat para sa isang taong ang pangalan ay Asklepiades, ganito ang sinabi sa konklusyon: “Si Eumelus, anak ni Herma, ang sumulat para sa kaniya . . . sapagkat may kabagalan siyang sumulat.”
Gayunpaman, ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay waring hindi siyang salik na tumitiyak sa paggamit ng isang kalihim. Ayon sa komentarista sa Bibliya na si John L. McKenzie, ang nagtutulak sa tao para umupa ng kalihim ay “baka pa nga hindi ang pagkabahala ukol sa kadaliang basahin, kundi sa halip ay ang pagkabahala sa ganda, o kahit man lamang sa kalinisan.” Kahit sa mga edukado, nakababagot ang pagsulat, lalo na kung ang kasangkot ay mahahaba at masalimuot na mga teksto. Sinabi ng iskolar na si J. A. Eschlimann na sinumang makagagamit ng kalihim ay “natutuwang umiwas sa gawaing ito, anupat ipinagkakatiwala ito sa mga kamay ng mga alipin, mga propesyonal na eskriba.” Isa pa, madaling maunawaan kung bakit ang mga tao ay hindi mahilig sumulat ng kanilang sariling mga liham kapag isinaalang-alang ang ginagamit na materyales at ang mga kalagayan sa paggawa.
Ang materyales sa pagsulat na karaniwang ginagamit noong unang siglo C.E. ay ang papiro. Maninipis na mahahabang piraso ang kinukuha mula sa halamang ito sa pamamagitan ng pahabang pagputol sa malambot na sapin ng mga sanga nito. Ang isang suson ng mahahabang piraso ay inilalatag. Isa pang suson ang inilalagay nang pakrus sa ibabaw ng unang suson. Ang dalawa ay pinagdidikit sa pamamagitan ng pagdiin, anupat nagiging isang pilyego ng “papel.”
Hindi madaling sumulat sa ganitong pilyego. Ito ay magaspang at mahibla. Ayon sa iskolar na si Angelo Penna, “ang tulad-esponghang mga hibla ng papiro ay nagiging sanhi ng pagkalat ng tinta, lalo na sa mumunting kanal na nananatili sa pagitan ng maninipis na mahahabang piraso.” Ang kalihim ay maaaring gumawa nang nakakrus ang mga paa habang nakatalungko sa lupa at hawak sa isang kamay ang pilyego na nasa tabla. Kung siya ay walang karanasan o hindi gaanong maganda ang kalidad ng materyales, ang kaniyang kalamo, o tambong panulat, ay maaaring makanisnis sa papiro, anupat maaaring mapunit ang pilyego, o magiging mahirap basahin ang sulat.
Ang tinta ay gawa sa pinaghalong pinong abo at malagkit na dagta. Palibhasa’y ipinagbibili na nasa anyong bareta, kailangan itong tunawin sa tubig sa isang sisidlan ng tinta bago ito magamit sa pagsulat. Kabilang sa ibang kasangkapan na malamang ay taglay ng isang kalihim na tulad ni Tercio ay isang kutsilyo na pantasá sa tambong panulat at isang mamasa-masang espongha na pambura sa kaniyang mga pagkakamali. Bawat titik ay kailangang isulat nang maingat. Kaya naman mabagal at may kahirapan ang pagsulat.
‘Ako, si Tercio, ay Bumabati sa Inyo’
Kabilang sa mga pagbati na inilakip sa katapusan ng liham sa mga taga-Roma ay yaong sa kalihim ni Pablo, na sumulat: “Ako, si Tercio, na gumawa ng pagsulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.” (Roma 16:22) Ito lamang ang pagkakataon na tiyakang binanggit sa mga liham ni Pablo ang isa sa kaniyang mga kalihim.
Kakaunti ang alam natin tungkol kay Tercio. Buhat sa kaniyang pagbating “sa Panginoon,” mahihinuha nating isa siyang tapat na Kristiyano. Siya marahil ay isang miyembro ng kongregasyon sa Corinto at baka maraming kakilalang Kristiyano sa Roma. Sinasabi ng iskolar sa Bibliya na si Giuseppe Barbaglio na si Tercio ay isang alipin o isang pinalayang tao. Bakit? Una, dahil sa “karamihan sa mga eskriba ay galing sa ganitong grupo; at saka, dahil sa ang kaniyang pangalan sa Latin . . . ay lubhang karaniwan sa mga alipin at pinalayang tao.” “Samakatuwid,” ani Barbaglio, “siya ay isang ‘aktibong’ propesyonal na manunulat, siya ay isang kamanggagawa na tumulong kay Pablo sa ganitong paraan upang matipon ang kaniyang pinakamahaba at pinakamaliwanag na akda: isang napakahalagang paglilingkod, na nakatulong kay Pablo upang makatipid ng panahon at pagod.”
Ang gawang ito ni Tercio ay tiyak na napakahalaga. Gayundin ang ginawa ni Baruc para kay Jeremias, gaya rin ng ginawa ni Silvano para kay Pedro. (Jeremias 36:4; 1 Pedro 5:12) Kaygandang pribilehiyo ang tinaglay ng gayong mga kamanggagawa!
Pagliham sa mga Taga-Roma
Ang liham sa mga taga-Roma ay isinulat samantalang si Pablo ay bisita ni Gayo, marahil sa Corinto. Iyon ay mga 56 C.E., noong ikatlong paglalakbay ng apostol bilang misyonero. (Roma 16:23) Bagaman tiyak na alam nating ginamit ni Pablo si Tercio bilang kaniyang kalihim upang isulat ang liham na ito, hindi tayo nakatitiyak kung paano niya siya ginamit. Anumang pamamaraan ang ginamit, ang trabaho ay tiyak na hindi madali. Subalit hinggil dito ay makatitiyak tayo: Tulad ng iba pang bahagi ng Bibliya, ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay “kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Nang matapos ang liham na ito, libu-libong salita ang naisulat nina Tercio at Pablo, anupat gumamit ng maraming pilyego ng papiro. Matapos pagdikitin ang gilid ng bawat isa, ang mga pilyegong ito ay naging isang balumbon, marahil mga 3 hanggang 4 na metro ang haba. Ang liham ay maingat na nirolyo at tinatakan. Pagkatapos ay waring ipinagkatiwala ito ni Pablo kay Febe, isang kapatid na babae sa Cencrea, na maglalakbay noon patungong Roma.—Roma 16:1, 2.
Mula noong unang siglo, ang mga pamamaraan na ginagamit sa paggawa ng nasusulat na materyal ay lubhang nagbago. Subalit sa nagdaang mga siglo, ang liham sa mga Romanong Kristiyano ay iningatan ng Diyos. Tayo ay lubos na nagpapasalamat ukol sa bahaging ito ng Salita ni Jehova, na isinulat sa tulong ng tapat at masipag na kalihim ni Pablo na si Tercio!