Aquila at Priscila—Isang Ulirang Mag-asawa
“IPAABOT ninyo ang aking mga pagbati kina Prisca at Aquila na aking mga kamanggagawa kay Kristo Jesus, na nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg para sa aking kaluluwa, na sa kanila ay hindi lamang ako ang nag-uukol ng pasasalamat kundi pati rin ang lahat ng kongregasyon ng mga bansa.”—Roma 16:3, 4.
Ang mga salitang ito ni apostol Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Roma ay nagpapahiwatig ng kaniyang mataas na pagpapahalaga at magiliw na pagmamalasakit sa mag-asawang ito. Tiniyak niyang hindi sila nakaligtaan nang siya’y sumulat sa kanilang kongregasyon. Ngunit sino nga ba ang dalawang “kamanggagawa” na ito ni Pablo, at bakit sila’y mahal na mahal niya at ng mga kongregasyon?—2 Timoteo 4:19.
Si Aquila ay isang Judio ng diaspora (mga nagsipangalat na Judio) at isang katutubo ng Ponto, isang rehiyon sa hilagang Asia Minor. Siya at ang kaniyang asawang si Priscila (Prisca) ay nanirahan sa Roma. Nagkaroon ng isang malaking pamayanan ng mga Judio sa lunsod na iyan kahit paano mula noong mabihag ng Pompey ang Jerusalem noong 63 B.C.E., nang maraming bihag ang dinala sa Roma bilang mga alipin. Sa katunayan, isinisiwalat ng mga Romanong inskripsiyon ang pag-iral ng isang dosena o higit pang sinagoga sa sinaunang lunsod. Maraming Judio ang naroroon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., nang marinig nila ang mabuting balita. Marahil ay sa pamamagitan nila kung kaya unang nakarating ang mensaheng Kristiyano sa kabisera ng Imperyong Romano.—Gawa 2:10.
Gayunpaman, ang mga Judio ay pinalayas sa Roma noong taóng 49 o bandang pasimula ng 50 C.E. sa utos ni Emperador Claudio. Kaya naman, doon sa Griegong lunsod ng Corinto nakilala ni Pablo sina Aquila at Priscila. Nang dumating si Pablo sa Corinto, may kabaitang nag-alok sina Aquila at Priscila sa kaniya ng matutuluyan at trabaho, yamang pareho ang kanilang hanapbuhay—ang paggawa ng tolda.—Gawa 18:2, 3.
Mga Manggagawa ng Tolda
Ito’y hindi isang madaling trabaho. Kasali sa paggawa ng tolda ang pagtabas at pagtahi ng mga piraso ng matigas, magaspang na materyal o katad. Ayon sa istoryador na si Fernando Bea, iyon ay “isang trabahong nangangailangan ng pagkabihasa at pag-iingat” ng mga manggagawa ng tolda na ang materyales ay “magaspang, makunat na kayo, na ginagamit kapag nagkakampo habang naglalakbay, anupat naglalaan ng masisilungan mula sa araw at sa ulan, o sa pag-impake ng mga kalakal sa bodega ng mga barko.”
Nagbabangon ito ng isang tanong. Hindi ba sinabi ni Pablo na siya ay ‘binigyan ng edukasyon sa paanan ni Gamaliel,’ sa gayo’y naihanda siya sa pagtataguyod ng isang prestihiyosong karera sa mga taóng darating? (Gawa 22:3) Samantalang totoo ito, itinuturing ng mga Judio noong unang siglo na isang karangalan na turuan ng hanapbuhay ang isang binatilyo kahit na siya ay kukuha ng mas mataas na edukasyon. Kaya malamang na natutuhan kapuwa nina Aquila at Pablo ang kanilang kasanayan sa paggawa ng tolda nang sila’y bata pa. Ang karanasang iyan ay napatunayang isang malaking tulong nang dakong huli. Ngunit bilang mga Kristiyano, hindi nila itinuring na ang gayong sekular na trabaho ang kanilang pangunahing layunin. Ipinaliwanag ni Pablo na ang trabaho niya sa Corinto kasama nina Aquila at Priscila ay isa lamang paraan upang matustusan ang kaniyang pangunahing gawain, yaong paghahayag ng mabuting balita nang hindi ‘nagpapataw ng magastos na pasanin sa kaninuman.’—2 Tesalonica 3:8; 1 Corinto 9:18; 2 Corinto 11:7.
Maliwanag, nalugod sina Aquila at Priscila na gawin ang kanilang buong makakaya upang mapagaan ang paglilingkuran ni Pablo bilang isang misyonero. Malamang na maraming beses na huminto ang tatlong magkakaibigan sa panahon ng kanilang trabaho upang magbigay ng di-pormal na patotoo sa kanilang mga parokyano o mga dumaraan! At bagaman ang kanilang paggawa ng tolda ay isang hamak at nakapapagod na trabaho, masaya sila sa paggawa nito, anupat nagpapagal maging sa “gabi at araw” upang maitaguyod ang kapakanan ng Diyos—kung paanong tinutustusan ng modernong-panahong mga Kristiyano ang kanilang sarili sa pamamagitan ng part-time o pana-panahong trabaho upang mailaan ang malaking bahagi ng nalalabing panahon sa pagtulong sa mga tao na marinig ang mabuting balita.—1 Tesalonica 2:9; Mateo 24:14; 1 Timoteo 6:6.
Mga Halimbawa sa Pagiging Mapagpatuloy
Malamang na ginamit ni Pablo ang bahay ni Aquila bilang himpilan para sa kaniyang mga gawain bilang misyonero sa loob ng 18 buwan na nanatili siya sa Corinto. (Gawa 18:3, 11) Malamang, kung gayon, na nalugod din sina Aquila at Priscila na maging panauhin sina Silas (Silvano) at Timoteo nang dumating sila mula sa Macedonia. (Gawa 18:5) Ang dalawang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, na naging bahagi ng kanon ng Bibliya nang bandang huli, ay maaaring isinulat samantalang ang apostol ay nanunuluyan kina Aquila at Priscila.
Madaling isipin na sa panahong iyon ang tahanan nina Priscila at Aquila ay totoong isang sentro ng teokratikong gawain. Malamang na madalas dumalaw doon ang maraming mahal na mga kaibigan—sina Estefanas at ang kaniyang pamilya, ang mga unang Kristiyano sa probinsiya ng Acaya, na binautismuhan ni Pablo mismo; si Titio Justo, na pumayag na gamitin ni Pablo ang kaniyang bahay sa pagpapahayag ng mga diskurso; at si Crispo, ang punong opisyal ng sinagoga, na tumanggap ng katotohanan kasama ang kaniyang buong sambahayan. (Gawa 18:7, 8; 1 Corinto 1:16) Pagkatapos ay nariyan sina Fortunato at Acaico; si Gayo, na ang tahanan ay maaaring pinagdausan ng mga pulong ng kongregasyon; si Erasto, ang katiwala sa lunsod; si Tercio, ang kalihim ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma; at si Febe, isang tapat na kapatid na babae sa karatig na kongregasyon ng Cencrea, na malamang ay siyang nagdala ng liham mula sa Corinto hanggang sa Roma.—Roma 16:1, 22, 23; 1 Corinto 16:17.
Ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova na nagkaroon ng pagkakataong magpatuloy sa isang naglalakbay na tagapangasiwa ay nakababatid na iyon ay totoong nakapagpapasigla at di-malilimutang karanasan. Ang nakapagpapatibay na mga karanasan na inilalahad sa gayong mga okasyon ay tunay na pinagmumulan ng espirituwal na kaginhawahan para sa lahat. (Roma 1:11, 12) At, gaya ng ginawa nina Aquila at Priscila, yaong mga nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga pulong, marahil sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ay nagagalak at nasisiyahan na makatulong sa ganitong paraan sa pagsulong ng tunay na pagsamba.
Gayon na lamang kalapit ang pagiging magkaibigan nila ni Pablo kung kaya sumama sina Aquila at Priscila sa kaniya nang lisanin niya ang Corinto noong tagsibol ng 52 C.E., anupat sinamahan siya hanggang sa Efeso. (Gawa 18:18-21) Namalagi sila sa lunsod na iyon at naglatag ng pundasyon para sa susunod na pagdalaw ng apostol. Doon “isinama” ng matatalinong gurong ito ng mabuting balita ang mahusay magsalitang si Apolo at nagalak na tulungan siyang maunawaan “ang daan ng Diyos nang higit na wasto.” (Gawa 18:24-26) Nang muling dalawin ni Pablo ang Efeso sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, humigit-kumulang noong taglamig ng 52/53 C.E., puting-puti na para sa pag-aani ang bukid na nilinang ng masiglang mag-asawang ito. Sa loob ng mga tatlong taon, nangaral at nagturo roon si Pablo tungkol sa “Daan,” samantalang ang kongregasyon sa Efeso ay nagdaraos ng mga pulong sa tahanan ni Aquila.—Gawa 19:1-20, 26; 20:31; 1 Corinto 16:8, 19.
Sa dakong huli, nang bumalik sila sa Roma, ang dalawang kaibigang ito ni Pablo ay patuloy na ‘sumunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy,’ anupat ipinagamit ang kanilang tahanan para sa mga pulong Kristiyano.—Roma 12:13; 16:3-5.
Kanilang ‘Isinapanganib ang Kanilang mga Leeg’ Alang-alang kay Pablo
Marahil ay nakipanuluyan din si Pablo kina Aquila at Priscila noong siya’y nasa Efeso. Naninirahan kaya siya sa kanila nang magkagulo ang mga panday-pilak? Ayon sa ulat sa Gawa 19:23-31, nang ang mga bihasang-manggagawa na gumagawa ng mga dambana ay maghimagsik laban sa pangangaral ng mabuting balita, kinailangang pigilin ng mga kapatid si Pablo sa pagsasapanganib ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagharap sa pulutong. Ipinagpapalagay ng ilang komentarista sa Bibliya na maaaring sa gayong mapanganib na kalagayan nadama ni Pablo na ‘walang katiyakan maging sa kaniyang sariling buhay’ at na sina Aquila at Priscila ay namagitan sa paano man, anupat ‘nagsapanganib ng kanilang sariling leeg’ alang-alang sa kaniya.—2 Corinto 1:8; Roma 16:3, 4.
Nang “humupa ang malaking kaguluhan,” may katalinuhang nilisan ni Pablo ang lunsod. (Gawa 20:1) Walang alinlangang napaharap din sina Aquila at Priscila sa pagsalansang at pag-alipusta. Nasiraan ba sila ng loob? Sa kabaligtaran, lakas-loob na ipinagpatuloy nina Aquila at Priscila ang kanilang gawaing Kristiyano.
Isang Mag-asawang Malapít sa Isa’t Isa
Nang magwakas ang pamamahala ni Claudio, sina Aquila at Priscila ay bumalik sa Roma. (Roma 16:3-15) Gayunman, nang sila’y huling mabanggit sa Bibliya, masusumpungan natin sila sa Efeso. (2 Timoteo 4:19) Muli, gaya sa ibang pagbanggit sa Kasulatan, ang mag-asawang ito ay tinukoy na magkasama. Tunay ngang isang malapít at nagtutulungang mag-asawa! Sa tuwing sasagi sa isip ni Pablo ang mahal na kapatid na iyan, si Aquila, naiisip din niya ang tapat na pakikipagtulungan ng kaniyang kabiyak. At ano ngang inam na halimbawa para sa mga Kristiyanong mag-asawa sa ngayon, sapagkat ang matapat na pag-alalay ng isang mapagmahal na kabiyak ay nagpapangyari sa isang tao na makagawa ng malaki “sa gawain ng Panginoon” at, kung minsan, higit pa sa posibleng magagawa ng isang taong walang asawa.—1 Corinto 15:58.
Naglingkod sina Aquila at Priscila sa iba’t ibang kongregasyon. Katulad nila, maraming masisigasig na Kristiyano sa modernong panahon ang nagkusang lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Naranasan din nila ang kagalakan at kasiyahan sa pagkamalas na sumusulong ang kapakanan ng Kaharian at sa pagkakaroon ng magiliw at napakahalagang mga kaibigang Kristiyano.
Sa kanilang napakahusay na halimbawa ng pag-ibig Kristiyano, nawagi nina Aquila at Priscila ang pagpapahalaga ni Pablo at ng iba pa. Ngunit higit sa lahat, nagkaroon sila ng isang mahusay na reputasyon sa harap ni Jehova mismo. Tinitiyak sa atin ng Kasulatan: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.
Maaaring wala tayong pagkakataon na gamitin ang ating sarili sa mga paraang katulad ng ginawa nina Aquila at Priscila, subalit maaari nating tularan ang kanilang mahusay na halimbawa. Tatamasahin natin ang matinding kasiyahan habang iniuukol natin ang ating lakas at buhay sa sagradong paglilingkod, anupat hindi kinalilimutan “ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay nalulugod na mainam ang Diyos.”—Hebreo 13:15, 16.