Pagpapahalaga sa Ating mga Kapatid
“Sa pag-ibig na hindi pakunwari sa mga kapatid . . . , ay mangag-ibigan kayo sa isa’t isa nang buong ningas mula sa inyong puso.”—1 PEDRO 1:22.
1. Ano ang nakakumbinse sa maraming tao na ang mga Saksi ni Jehova ang sumusunod sa tunay na pagka-Kristiyano?
ANG pag-ibig ang tatak ng tunay na pagka-Kristiyano. Noong huling hapunan na kasalo ni Jesus ang kaniyang mga apostol, kaniyang idiniin ito, na ang sabi: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Maraming mga tao ang sa simula’y nakumbinse na ang mga Saksi ni Jehova ang sumusunod sa tunay na pagka-Kristiyano pagka sila’y dumadalo sa isang pulong sa Kingdom Hall o sa isang lalong malaking asamblea. Kanilang nasasaksihan ang pag-ibig na ikinakapit, at sa pamamagitan nito kanilang nababatid na sila’y kabilang sa mga tunay na alagad ni Kristo.
2. Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa pag-ibig, ang mapagkakakilanlang tanda ng pagka-Kristiyano?
2 Lahat tayo’y nagagalak na ang mapagkakakilanlang tandang ito ng tunay na pagka-Kristiyano ay makikita sa gitna ng bayan ni Jehova sa ngayon. Gayunman, tulad ng mga unang Kristiyano, natatalos natin na tayo’y dapat na patuluyang humanap ng higit pang mga paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa ating mga kapatid. Si apostol Pablo ay sumulat sa kongregasyon sa Tesalonica: “Harinawang kayo’y palaguin ng Panginoon, oo, pasaganain kayo, sa pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Tesalonica 3:12) Paano nga tayo lalago sa ating pag-ibig sa isa’t isa?
Pag-iibigan at Pagmamahalang Pangmagkakapatid
3. Bukod sa pagkakaroon ng malinis na pamumuhay, ano ang sinabi ni apostol Pedro na kailangan para sa mga Kristiyano?
3 Sa isang pangkalahatang liham na pahatid sa mga kongregasyong Kristiyano sa Asia Minor, si apostol Pedro ay sumulat: “Ngayon na nilinis ninyo ang inyong mga kaluluwa [o, mga buhay] sa pamamagitan ng inyong pagtalima sa katotohanan sa walang paimbabaw na pagmamahalan [phi·la·del·phiʹa] na pangmagkakapatid na siyang bunga, kayo’y mag-ibigan [anyo ng a·ga·paʹo] sa isa’t isa nang buong ningas mula sa inyong puso.” (1 Pedro 1:22) Ipinakikita ni Pedro na hindi sapat na linisin ang ating mga buhay. Ang ating pagtalima sa katotohanan, kasali na ang bagong utos, ay dapat magbunga ng walang paimbabaw na pagmamahalang pangmagkakapatid at buong ningas na pag-ibig sa isa’t isa.
4. Anong mga tanong ang dapat na itanong natin, at ano ang sinabi ni Jesus tungkol dito?
4 Ang atin bang pag-ibig at pagpapahalaga sa ating mga kapatid ay nakahilig na ipahayag doon lamang sa mga ibig natin? Tayo ba’y nakahilig na maging bukas-palad sa mga ito, na ipinipikit ang ating mga mata sa kanilang mga kahinaan, samantalang mabilis na pansinin ang mga kahinaan at mga pagkukulang ng iba na sa kanila’y wala tayong nadaramang natural na kaugnayan? Sinabi ni Jesus: “Kung inyong iniibig [anyo ng a·ga·paʹo] yaong nagsisiibig sa inyo, anong ganti mayroon kayo? Hindi ba ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?”—Mateo 5:46.
5. Ano ang pagkakaiba ayon sa isang iskolar ng Bibliya ng salitang Griyegong ang kahulugan ay “pag-ibig” at iyung ang kahulugan ay “pagmamahal”?
5 Sa kaniyang aklat na New Testament Words, ganito ang komento ni Propesor William Barclay tungkol sa salitang Griego na isinaling “pagmamahal” at “pag-ibig”: “Mayroong isang magandang kasiglahan tungkol sa mga salitang ito [na phi·liʹa, na ang ibig sabihin ay “pagmamahal,” at ang kaugnay na pandiwa na phi·leʹo]. Ito’y nangangahulugan na tumingin sa isa na taglay ang mapagmahal na pagtingin. . . . Hanggang sa ngayon ang pinakakaraniwang B[agong] T[ipan] na mga salita para sa pag-ibig ay ang pangngalang agapē at ang pandiwa na agapan. . . . Ang philia ay isang magandang salita, subalit tiyakan na ito’y isang salitang kaugnay ng kasiglahan at pagkamalapit at pagmamahal. . . . Ang agapē ay may kinalaman sa isip: ito’y hindi lamang isang emosyon na tumitindi nang hindi ginigising sa ating mga puso; ito ay isang prinsipyo na sa pamamagitan nito’y sadyang namumuhay tayo. Ang agapē ay may pinakamalaking kinalaman sa kalooban. Ito’y isang pagwawagi, isang tagumpay, at dakilang nagawa. Walang sinuman na natural na umiibig sa kaniyang mga kaaway. Ang pag-ibig ng isa sa kaniyang mga kaaway ay isang pagwawagi sa lahat ng ating natural na mga hilig at emosyon. Itong agapē . . . ay sa katunayan ang kapangyarihan na ibigin ang mga bagay na di kaibig-ibig, ibigin ang mga tao na hindi natin gusto.”
6. (a) Anong sumasaliksik na mga tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili? (b) Sang-ayon kay Pedro, bakit hindi natin maaaring lagyan ng hangganan ang ating pagmamahal pangmagkakapatid doon lamang kumapit sa natural na nakaaakit sa atin?
6 Sa pagdadahilan na ang Kasulatan ay nagpapahintulot na magkaroon tayo ng pagtingin sa mga ibang kapatid kaysa iba, tayo ba’y nakahilig na ipangatuwiran ang ating mga damdamin? (Juan 19:26; 20:2) Atin bang iniisip na maaari tayong magpahayag ng isang malamig, ipinangangatuwirang “pag-ibig” sa mga iba dahilan sa kailangan nating gawin ito, samantalang ating inirireserba naman ang mainit na pagmamahal pangmagkakapatid para sa mga taong sa kanila’y naaakit tayo? Kung gayon, nakaligtaan natin ang punto ng payo ni Pedro. Hindi natin sapat na nalinis ang ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng ating pagtalima sa katotohanan, sapagkat sinasabi ni Pedro: “Ngayon na sa pamamagitan ng pagtalima sa katotohanan inyong nilinis ang inyong mga kaluluwa hanggang sa inyong nadama ang taimtim na pagmamahal sa inyong mga kapatid na Kristiyano, kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa nang buong puso taglay ang lahat ng inyong lakas.”—1 Pedro 1:22, The New English Bible.
“Walang Paimbabaw na Pagmamahalang Pangmagkakapatid”
7, 8. Ano ang pinagmulan ng salitang isinaling “walang paimbabaw,” kaya’t bakit ginamit ni Pedro ang terminong ito?
7 Si apostol Pedro ay mas malawak ang nararating. Kaniyang sinasabi na ang ating pagmamahalang pangmagkakapatid ay kailangang walang paimbabaw. Ang salitang isinaling “walang paimbabaw” ay galing sa negatibong anyo ng isang salitang Griego na ginagamit noon para sa mga artista sa dulaan na nangagsasalita na ang kanilang mga mukha’y natatakpan ng maskara. Kaya naman nagagaya nila ang maraming iba’t ibang mga karakter sa panahon ng pagtatanghal ng isang dula. Pagkatapos ay nagkaroon ng salita ng makasagisag na diwa ng pagpapaimbabaw, pagpapakunwari, o pagpapanggap.
8 Ano ba ang ating nadarama sa kaibuturan ng ating puso sa pakikitungo sa ating mga kapatid sa kongregasyon? Sa mga pulong ba’y atin silang binabati na taglay ang pilit na ngiti, dagling tumatanaw tayo sa malayo o agad nilalampasan natin sila? Ang lalong masama, atin bang iniiwasan na sila’y batiin? Kung gayon, ano ang masasabi tungkol sa ating “pagtalima sa katotohanan” na dapat sanang luminis sa ating mga kaluluwa hanggang sa punto ng ating pagkadama ng taimtim na pagmamahal sa ating mga kapuwa Kristiyano? Sa pamamagitan ng paggamit ng salitang “walang paimbabaw,” sinasabi ni Pedro na ang ating pagmamahal sa ating mga kapatid ay hindi dapat na pakitang-tao. Ito’y kailangan na tunay, taos-puso.
“Buong Ningas Mula sa Puso”
9, 10. Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang kaniyang sabihin na tayo’y dapat mag-ibigan sa isa’t isa nang “buong ningas,” o “banat na banat”?
9 Isinusog pa ni Pedro: “Mangag-ibigan kayo sa isa’t isa nang buong ningas [sa literal, “banát na banát”] mula sa puso.” Hindi kailangan na banatin ang puso upang magpakita ng pag-ibig sa mga taong natural na gusto natin at gumaganti naman. Subalit sinasabi sa atin ni Pedro na tayo’y mag-ibigan sa isa’t isa nang “banát na banát.” Pagka ipinahayag sa gitna ng mga Kristiyano, ang pag-ibig a·gaʹpe ay hindi lamang isang pangkaisipan, may katuwirang pag-ibig, tulad ng dapat na mayroon tayo para sa ating mga kaaway. (Mateo 5:44) Ito ay isang maningas na pag-ibig at nangangailangan ng pagsisikap. Ito’y nangangailangan na banatin natin ang ating mga puso, palawakin ang saklaw nito upang makasali ang mga tao na sa normal na paraan ay hindi tayo naaakit.
10 Sa kaniyang Linguistic Key to the Greek New Testament, si Fritz Rienecker ay nagkomento sa salitang isinaling “buong ningas,” o “banát na banát,” sa 1 Pedro 1:22. Siya’y sumulat: “Ang mahalagang ideya ay na tungkol sa kataimtiman, kasigasigan (paggawa ng isang bagay na hindi biru-biro . . . kundi wika nga t[aglay] ang pagpuwersa) (Hort).” Ang gayong pagpuwersa ay nangangahulugan, bukod sa iba pang bagay, “na pagbanat hanggang sa sukdulang pagkabanat.” Ang pag-ibig sa isa’t isa nang buong ningas mula sa puso ay nangangahulugan samakatuwid ng pagpuwersa sa ating sarili sa kasukdulan ng ating pagsisikap na magkaroon ng pangkapatirang pagmamahal sa lahat ng ating mga kasamang Kristiyano. Ang iba ba sa ating mga kapatid ay kapos sa ating malumanay na pagmamahal? Kung gayon, dapat nating palakihin ito.
“Magsilaki”
11, 12. (a) Anong payo ang ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto? (b) Paano nagpakita si Pablo ng ulirang halimbawa sa bagay na ito?
11 Maliwanag na si apostol Pablo ay nakadama ng pangangailangan nito sa kongregasyon sa Corinto. Siya’y sumulat sa mga Kristiyano roon: “Ang aming bibig ay bukás sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay lumalaki. Hindi kayo nakasisikip sa amin, kundi nasisikipan kayo sa inyong sariling malumanay na pagmamahal. Kaya nga, bilang ganti—ako’y parang nakikipag-usap sa mga bata—kayo, man, ay magsilaki rin.”—2 Corinto 6:11-13.
12 Paano natin mapalalaki pa ang ating mga puso upang maisali ang lahat ng ating mga kapatid? Si Pablo ay nagpakita ng magandang halimbawa sa bagay na ito. Maliwanag na ang hinanap niya’y ang pinakamagaling na katangian sa kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang natandaan sa kanila ay hindi ang kanilang mga kahinaan kundi ang kanilang mabubuting katangian. Ang pangwakas na kabanata ng kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma ang nagpapakita nito. Suriin natin ang Roma kabanata 16 at tingnan kung paano nababanaag dito ang positibong saloobin ni Pablo sa kaniyang mga kapatid.
Taimtim na Pagpapahalaga
13. Paano ipinahayag ni Pablo ang kaniyang pagpapahalaga kay Febe, at bakit?
13 Isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Roma buhat sa Corinto noong dakong taóng 56 C.E., noong kaniyang ikatlong paglalakbay misyonero. Maliwanag na kaniyang ipinagkatiwala ang manuskrito sa isang babaing Kristiyano na nagngangalang Febe, isang miyembro ng karatig na kongregasyon sa Cencrea, na naglalakbay sa Roma. (Basahin ang mga Roma 16 talatang 1, 2.) Pansinin kung gaanong kasigla inirekomenda niya sa mga kapatid sa Roma ang babaing ito. Sa anumang paraan, kaniyang ipinagtanggol ang maraming mga Kristiyano, kasali na si Pablo, marahil sa panahon ng kanilang paglalakbay nang sila’y dumadaan sa magawaing puerto ng Cencrea. Palibhasa’y isa siyang di-sakdal na makasalanan, katulad ng lahat ng mga ibang tao, walang alinlangan na si Febe ay mayroong mga kahinaan. Subalit imbis na magbigay-babala sa kongregasyong nasa Roma laban sa mga kahinaan ni Febe, sila’y tinagubilinan ni Pablo na “tanggapin siya sa Panginoon sa paraan na karapat-dapat sa mga banal.” Anong inam, positibong saloobin!
14. Anong may kabaitang mga bagay ang sinabi ni Pablo tungkol kay Prisca at Aquila?
14 Mula sa Roma 16 talatang 3 hanggang talatang 15, si Pablo ay nagpapadala ng mga pagbati sa mahigit na 20 Kristiyano na binanggit sa pangalan at sa maraming iba pang binanggit bilang mga indibiduwal o nang sama-sama. (Basahin ang Roma 16 talatang 3, 4.) Iyo bang nadarama ang pagmamahal-kapatid na nadama ni Pablo para kay Prisca (o, Priscila; ihambing ang Gawa 18:2) at Aquila? Ang mag-asawang ito ay naghantad ng kanilang sarili sa mga panganib dahilan kay Pablo. Ngayon kaniyang binati ang mga kamanggagawang ito kasabay ng pagkilala ng utang na loob at sila’y pinadalhan ng kapahayagan ng pasasalamat alang-alang sa mga kongregasyong Gentil. Kaipala si Aquila at si Priscila ay napalakas-loob ng taos-pusong mga pagbating ito!
15. Paano ipinakita ni Pablo ang kaniyang pagkabukaspalad at pagpapakumbaba nang batiin niya si Adronico at si Junias?
15 Si Pablo ay naging isang masugid na Kristiyano marahil hindi natapos ang isang taon o dalawa pagkamatay ni Kristo. Nang panahong isulat niya ang kaniyang liham sa mga taga-Roma, siya’y ginamit na ni Kristo bilang isang prominenteng apostol sa mga bansa sa loob ng maraming taon. (Gawa 9:15; Roma 1:1; 11:13) Gayunman, pansinin ang kaniyang pagkabukas-palad at kapakumbabaan. (Basahin ang Roma 16 talatang 7.) Kaniyang binati si Andronico at Junias bilang “mga taong kapuri-puri sa gitna ng mga apostol [mga sinugo]” at inamin nila na sila’y naglilingkod na kay Kristo ng mas mahabang panahon kaysa kaniyang naipaglingkod. Walang mababakas na anumang mga panaghilian doon!
16. (a) Sa anong maibiging mga termino tinukoy ni Pablo ang mga ibang Kristiyano na naninirahan sa Roma? (b) Bakit masisiguro natin na ang mga pagbating ito ay mga halimbawa ng “walang paimbabaw na pagmamahalang pangmagkakapatid”?
16 Wala tayong gaanong nalalaman o tuluyang wala tayong nalalaman tungkol sa gayong mga unang Kristiyano na gaya ni Epeneto, Ampliato, at Estaquis. (Basahin ang mga Roma 16 talatang 5, 8, 9.) Subalit kahit na lamang sa paraang pagbati ni Pablo sa kanilang tatlo, matitiyak natin na sila’y mga lalaking tapat. Sila’y lubhang napamahal kay Pablo na anupa’t kaniyang tinagurian ang bawat isa sa kanila na “aking minamahal.” Si Pablo ay mayroon ding mga pananalita ng kabaitan para kay Apellas at Rufo, anupa’t sila’y tinutukoy bilang “ang sinang-ayunan kay Kristo,” at “ang pinili sa Panginoon.” (Basahin ang mga Roma 16 talatang 10, 13.) Anong inam na mga papuri sa dalawang Kristiyanong ito! At sa pagkaalam ng pagkatahasang magsalita ni Pablo, matitiyak natin na ang mga iyan ay hindi hamak na pormalidad lamang. (Ihambing ang 2 Corinto 10:18.) Siyanga pala, hindi kinalimutan ni Pablo na batiin ang ina ni Rufo.
17. Paano nagpahayag si Pablo ng matinding pagpapahalaga sa kaniyang mga kapatid na babae?
17 Dinadala tayo niyan sa pagpapahalaga ni Pablo sa kaniyang mga kapatid na babae. Bukod sa ina ni Rufo, binanggit ni Pablo ang hindi kukulangin sa anim na iba pang mga babaing Kristiyano. Nakita na natin kung paanong may kabaitang tinukoy niya si Febe at Prisca. Subalit pansinin ang mainit na pagmamahal pangkapatid na taglay niya nang batiin niya si Maria, Trifena, Trifosa, at Persida. (Basahin ang mga Roma 16 talatang 6, 12.) Mapapansin na ang kaniyang puso ay nag-uumapaw na tumanggap sa masisipag na mga kapatid na babaing ito na “gumawa ng maraming pagpapagal” para sa kanilang mga kapatid. Totoong nakapagpapatibay nga na makita ang taos-pusong pagpapahalaga ni Pablo sa kaniyang kapatid na mga lalaki at mga babae, sa kabila ng kanilang di kasakdalan!
Hindi Mapaghinala sa mga Motibo ng Ating mga Kapatid
18. Paano natin matutularan si Pablo, subalit ano ang marahil ay kailangan?
18 Bakit hindi tularan si Pablo at sikaping makasumpong ng mga bagay na mabubuti na masasabi tungkol sa bawat kapatid na lalaki at babae sa kongregasyon? Para sa ilan, kayo’y hindi magkakaroon ng problema. Para sa iba naman, baka kailanganin ang kaunting pagsasaliksik. Bakit hindi gumugol ng kaunting panahon kasama nila upang lalong higit na makilala sila? Tiyak na kayo’y makatutuklas ng kaibig-ibig na mga katangian sa kanila, at, anong malay ninyo, baka sila’y lalong higit na magpahalaga sa inyo kaysa noong nakaraan.
19. Bakit tayo hindi dapat maghinala sa mga motibo ng ating mga kapatid, at paano nagpapakita sa atin si Jehova ng ulirang halimbawa ng pag-ibig?
19 Tayo’y hindi dapat maghinala sa mga motibo ng ating mga kapatid. Silang lahat ay umiibig kay Jehova; sapagkat kung hindi ay hindi sila mag-aalay ng kanilang buhay sa kaniya. At ano ba ang tagapag-ingat sa kanila upang sila’y huwag magbalik sa sanlibutan, na sumusunod sa mga paraan nito at sa pagiging sige-sige na lamang? Ang kanilang pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang katuwiran, at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo. (Mateo 6:33) Subalit silang lahat, sa sari-saring paraan, ay kailangang puspusang makipagbaka upang makapanatiling tapat. Sila’y iniibig ni Jehova dahil dito. (Kawikaan 27:11) Kaniyang tinatanggap sila bilang kaniyang mga lingkod sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at mga kahinaan. Palibhasa’y gayon nga, sino ba tayo na tatangging magpakita sa kanila ng ating magiliw na pagmamahal?—Roma 12:9, 10; 14:4.
20. (a) Ayon sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, kanino lamang tayo dapat na maging mapaghinala, at kaninong pangunguna ang ligtas na masusundan natin sa bagay na ito? (b) Kung gayon, paano natin dapat ituring ang lahat ng ating mga kapatid?
20 Ang tanging mga taong tungkol sa kanila’y pinagsasabihan tayo ni Pablo na maging mapaghinala ay “yaong lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi at mga dahilan na ikatitisod,” at yaong mga kumikilos na “laban sa turo na inyong natutuhan.” Sinasabi sa atin ni Pablo na mataan ang gayong mga tao at iwasan sila. (Roma 16:17) Ang mga hinirang na matatanda sa kongregasyon ay magsisikap na tulungan ang mga ito. (Judas 22, 23) Kaya maaasahan natin na sasabihin sa atin ng matatanda kung mayroon doon na mga taong kailangang iwasan. Maliban dito, lahat ng ating mga kapatid ay dapat na ituring natin bilang karapatdapat sa walang paimbabaw na pagmamahal pangkapatid, at matuto tayong ibigin sila nang buong ningas mula sa puso.
21, 22. (a) Ano ang nasa harap na natin? (b) Anong mga kalagayan ang maaaring bumangon, kaya’t ano ang lubhang napapanahon na gawin? (c) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang kaniyang buong makasanlibutang sistema ng mga bagay ay laban sa atin. Ang Har-magedon ay nasa harap na natin. Ang magpapasiklab nito ay ang pag-atake ni Gog ng Magog. (Ezekiel, kabanata 38, 39) Sa panahong iyan, kakailanganin natin ang ating mga kapatid higit kailanman. Marahil ay mangangailangan tayo ng tulong buhat sa mismong mga tao na hindi natin partikular na pinahahalagahan. O ang mismong mga taong ito ay baka lubhang nangangailangan ng ating tulong. Ngayon na ang panahon upang palawakin at dagdagan pa ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ating mga kapatid.
22 Sa pagpapahalaga sa ating mga kapatid ay kasali, mangyari pa, ang tumpak na paggalang sa hinirang na matatanda sa kongregasyon. Sa bagay na ito, ang gayong matatanda ay dapat na maging maiinam na uliran sa pamamagitan ng pagpapakita ng wastong pagpapahalaga hindi lamang sa lahat ng mga kapatid kundi gayundin sa kanilang kapuwa matatanda. Ang gayong bahagi ng paksang ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Mga Punto sa Repaso
□ Ano ang mapagkakakilanlang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano?
□ Bakit kapuwa ang pag-ibig at pagmamahalang pangmagkakapatid ay kinakailangan?
□ Paano natin maiibig ang isa’t isa ng “buong ningas,” o “banat na banat”?
□ Sa Roma kabanata 16, paano nagpakita si Pablo ng pagpapahalaga sa kaniyang mga kapatid na mga lalaki at mga babae?
□ Bakit tayo hindi dapat maging mapaghinala sa mga motibo ng ating mga kapatid?
[Larawan sa pahina 12]
Sikapin na tumuklas ng kaibig-ibig na mga katangian sa mga taong hindi tayo natural na naaakit