Pinatatag ng Pag-asa, Ginanyak ng Pag-ibig
“Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.”—1 CORINTO 13:13.
1. Anong babala ang ibinibigay sa atin ni apostol Pablo?
NAGBABALA sa atin si apostol Pablo na, tulad sa isang barko, ang ating pananampalataya ay maaaring mawasak. Bumanggit siya ng tungkol sa ‘panghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi, na tinabig ng ilan at dumanas ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.’ (1 Timoteo 1:19) Noong unang siglo C.E., ang mga sasakyang pandagat ay yari sa kahoy. Ang pagiging ligtas ng mga ito sa dagat ay depende sa kalidad ng kahoy at sa dalubhasang pagkagawa sa barko.
2. Bakit dapat na matibay ang pagkakayari ng pinakabarko ng ating pananampalataya, at ano ang hinihiling nito sa atin?
2 Ang matatawag na pinakabarko ng ating pananampalataya ay dapat na manatiling nakalutang sa maunos na karagatan ng sangkatauhan. (Isaias 57:20; Apocalipsis 17:15) Kaya dapat na matibay ang pagkakayari nito, at depende ito sa atin. Nang ang “karagatan” ng mga lipunang Judio at Romano ay naging lalo nang maunos para sa mga unang Kristiyano, si Judas ay sumulat: “Mga iniibig, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong mga sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu, ay panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang kayo ay naghihintay sa awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo ukol sa buhay na walang-hanggan.” (Judas 20, 21) Yamang bumanggit din si Judas tungkol sa pakikipaglaban ‘ukol sa pananampalataya na ibinigay sa mga banal,’ ang pananalitang “kabanal-banalang pananampalataya” ay maaaring tumukoy sa buong nasasaklaw ng mga turong Kristiyano, kasali na ang mabuting balita ng kaligtasan. (Judas 3) Si Kristo ang pundasyon ng pananampalatayang iyan. Kailangan ang matibay na pananampalataya upang makapanghawakan tayo sa tunay na pananampalatayang Kristiyano.
Binabata ang Unos ng “Pagkatakot sa Sekta”
3. Paano ginagamit ng ilan ang “pagkatakot sa sekta”?
3 Sa nakaraang mga taon, nagkaroon ng ilang kakila-kilabot na mga kaso ng lansakang pagpapatiwakal, pagpaslang, at mga pagsalakay ng mga terorista na kinasasangkutan ng misteryosong mga sekta. Mauunawaan naman, maraming indibiduwal, kasali na ang taimtim na mga lider sa pulitika, ang nagpakita ng pagkabahala na maipagsanggalang mula sa gayong mapanganib na mga sekta ang mga taong inosente, lalo na ang mga menor de edad. Kaya ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na walang alinlangang nasa likod ng kakila-kilabot na mga krimeng ito, ay lumikha ng tinatawag ng ilan na isang pagkatakot sa sekta, at ginagamit niya ito laban sa bayan ni Jehova. (2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:12) Sinamantala ng ilan ang ganitong situwasyon upang magsulsol ng pagsalansang sa ating gawain. Sa ilang bansa, naglunsad sila ng isang kampanya na ang maliwanag na layunin ay ipagsanggalang ang mga tao mula sa “mapanganib na mga sekta” ngunit buong-pagkakamaling tinutukoy ang mga Saksi ni Jehova at sa gayo’y pinagbibintangan tayo sa pamamagitan ng mga pahiwatig. Dahil dito ay naging mahirap ang pagpapatotoo sa bahay-bahay sa ilang bansa sa Europa at huminto ang ilang tao sa pakikipag-aral ng Bibliya sa atin. Ito naman ay nagkaroon ng negatibong epekto sa ilan sa ating mga kapatid.
4. Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob dahil lamang sa pagsalansang?
4 Gayunman, sa halip na sirain ang ating loob, ang pagsalansang ay dapat magpalakas sa ating pananalig na tayo ay nagsasagawa ng tunay na Kristiyanismo. (Mateo 5:11, 12) Ang mga unang Kristiyano ay pinagbintangan ng pagiging isang mapaghimagsik na sekta, at sila’y ‘pinagsasalitaan nang laban’ sa lahat ng dako. (Gawa 24:5; 28:22) Subalit binigyan ni apostol Pedro ng katiyakan ang kaniyang mga kapuwa mananampalataya, anupat sumulat siya: “Mga iniibig, huwag kayong magtaka sa panununog sa gitna ninyo, na nangyayari sa inyo bilang isang pagsubok, na para bang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa inyo. Sa kabaligtaran, patuloy kayong magsaya yamang kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo, upang kayo ay makapagsaya at mag-umapaw din sa kagalakan sa panahon ng pagkakasiwalat ng kaniyang kaluwalhatian.” (1 Pedro 4:12, 13) Sa katulad na paraan, sumulat ang isang miyembro ng lupong tagapamahala noong unang siglo: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata. Subalit hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:2-4) Kung paanong sinusubok ng napakalakas na hangin ang pagiging ligtas ng isang sasakyang pandagat, isisiwalat ng mga unos ng pagsalansang ang anumang kahinaan sa pinakabarko ng ating pananampalataya.
Ang Kapighatian ay Nagbubunga ng Pagbabata
5. Paano tayo makatitiyak na ang ating pananampalataya ay matatag sa ilalim ng kapighatian?
5 Makatitiyak lamang ang mga Kristiyano sa kanilang pagbabata at sa katatagan ng kanilang pananampalataya pagkatapos na malampasan ang mga unos ng kapighatian. ‘Magaganap [lamang ng ating pagbabata] ang gawa nito’ sa maunos na karagatan kung tayo ay “ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman,” kasali na ang matibay na pananampalataya. Sumulat si Pablo: “Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming mga sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa pagbabata ng marami, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan.”—2 Corinto 6:4.
6. Bakit dapat tayong ‘magbunyi samantalang nasa mga kapighatian,’ at paano nito pinatitibay ang ating pag-asa?
6 Ang napakalakas na hangin ng kapighatian na maaari nating maranasan kung minsan ay dapat na ituring na mga pagkakataon upang patunayan na ang pinakabarko ng ating pananampalataya ay matibay at matatag. Sa mga Kristiyano sa Roma, sumulat si Pablo: “Magbunyi tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata; ang pagbabata naman, ng sinang-ayunang kalagayan; ang sinang-ayunang kalagayan naman, ng pag-asa, at ang pag-asa ay hindi umaakay sa pagkabigo.” (Roma 5:3-5) Ang katatagan sa harap ng mga pagsubok ay nagdudulot sa atin ng pagsang-ayon ni Jehova. Ito naman ay nagpapatibay sa ating pag-asa.
Kung Bakit ang Ilan ay Dumaranas ng Pagkawasak
7. (a) Gaya ng ipinapakita ng mga salita ni Pablo, paano naranasan ng ilan ang espirituwal na pagkawasak? (b) Paanong ang ilan sa ngayon ay lumihis mula sa katotohanan?
7 Nang magbabala si Pablo tungkol sa “pagkawasak,” nasa isip niya ang ilan na ‘tumabig’ sa kanilang mabuting budhi at nawalan ng kanilang pananampalataya. (1 Timoteo 1:19) Kabilang sa kanila sina Himeneo at Alejandro na naging mga apostata, anupat lumihis sa katotohanan at nagsalita nang may pang-aabuso. (1 Timoteo 1:20, talababa sa Ingles; 2 Timoteo 2:17, 18) Sa ngayon, ang mga apostata, na lumilihis sa katotohanan, ay bibigang nambubugbog sa “tapat at maingat na alipin,” anupat sa diwa ay kinakagat ang kamay na nagpapakain sa kanila sa espirituwal na paraan. Ang ilan ay nakakahawig ng “masamang alipin,” na sa pahiwatig ay nagsasabing, “Ang aking panginoon ay nagluluwat.” (Mateo 24:44-49; 2 Timoteo 4:14, 15) Ikinakaila nila na malapit na ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay at binabatikos nila ang gising-sa-espirituwal na uring alipin dahil sa pinananatili nito ang pagkadama ng pagkaapurahan sa gitna ng bayan ni Jehova. (Isaias 1:3) Nagtagumpay ang gayong mga apostata sa ‘paggupo ng pananampalataya ng ilan,’ anupat umakay sa espirituwal na pagkawasak.—2 Timoteo 2:18.
8. Ano ang nag-udyok sa ilan upang wasakin o palubugin ang pinakabarko ng kanilang pananampalataya?
8 Winasak ng ilang nakaalay na Kristiyano ang pinakabarko ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa kanilang budhi at pagpapakasasa sa walang-habas na paghahangad sa kaluguran ng sanlibutang ito at sa seksuwal na imoralidad nito. (2 Pedro 2:20-22) Pinalulubog naman ng iba ang pinakabarko ng kanilang pananampalataya dahil sa pangmalas nila ay waring hindi pa natatanaw ang pinakadaungan ng bagong sistema ng mga bagay. Palibhasa’y hindi makagawa ng mga pagkalkula sa panahon hinggil sa katuparan ng ilang hula, at kinalilimutan nila ang “araw ni Jehova,” iniwan na nila ang tunay na pagsamba. (2 Pedro 3:10-13; 1 Pedro 1:9) Hindi nagtagal at nasadlak sila sa malabo at maligalig na katubigan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Isaias 17:12, 13; 57:20) Ang ilan na huminto ng pakikisama sa kongregasyong Kristiyano ay naniniwala pa rin na ito ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Gayunman, maliwanag na hindi nila taglay ang pagtitiis at pagbabata na kailangan sa paghihintay sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos na Jehova. Para sa kanila ay matagal ang pagdating ng buhay sa Paraiso.
9. Ano ang ginagawa ng ilang nakaalay na mga Kristiyano, at ang mga bagay na ito ay dapat umakay sa atin upang isaalang-alang ang ano?
9 Waring tiniklop ng ilan sa nakaalay na mga Kristiyano sa ilang bahagi ng daigdig ang mga layag ng pinakabarko ng kanilang pananampalataya. Nakalutang pa rin ang barko, ngunit sa halip na buong-sigasig na magpatuloy taglay ang lubos na pananampalataya, sila’y nagmabagal at naging kampante. Palibhasa’y naakit sa pag-asang “malapit na ang Paraiso,” ang ilan ay walang-inaksayang pagkakataon upang matamo iyon—naging masigasig sa gawaing pangangaral at regular sa pagdalo sa lahat ng pulong, asamblea, at mga kombensiyon. Ngayong iniisip nila na matagal pa kaysa sa inaasahan nila ang katuparan ng kanilang mga pag-asa, hindi na sila gaanong masigasig na gaya ng dati. Nakikita ito sa nabawasang pakikibahagi sa gawaing pangangaral, pagiging iregular sa mga pulong, at kusang pagliban sa mga bahagi ng programa sa mga asamblea o kombensiyon. Ang iba naman ay gumugugol ng mas malaking panahon sa paglilibang at pagkakamit ng materyal na mga kaalwanan. Ang mga bagay na ito ay umaakay sa atin upang isaalang-alang kung ano ang dapat na maging nag-uudyok na puwersa sa ating buhay kasuwato ng ating pag-aalay kay Jehova. Ang atin bang sigasig sa paglilingkod sa kaniya ay dapat nakasalalay sa pag-asang “malapit na ang Paraiso”?
Itinulad ang Pag-asa sa Isang Angkla
10, 11. Sa ano inihalintulad ni Pablo ang ating pag-asa, at bakit angkop ang paghahambing na ito?
10 Sinabi ni Pablo na nangako si Jehova ng mga pagpapalang darating sa pamamagitan ni Abraham. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng apostol: “Ang Diyos . . . ay pumasok taglay ang isang sumpa, upang, sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago [ang kaniyang salita at ang kaniyang sumpa] na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, tayo na tumakas patungo sa kanlungan ay magkaroon ng masidhing pampatibay-loob na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harapan natin. Taglay natin ang pag-asang ito bilang angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:17-19; Genesis 22:16-18) Ang pag-asang nasa harapan ng pinahirang mga Kristiyano ay yaong imortal na buhay sa langit. Sa ngayon, ang karamihan sa mga lingkod ni Jehova ay may kahanga-hangang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. (Lucas 23:43) Kung walang gayong pag-asa, ang isa ay hindi magkakaroon ng pananampalataya.
11 Ang angkla ay isang mahusay na kasangkapang pangkaligtasan, anupat kailangang-kailangan upang pigilin ang barko at hindi ito maanod. Walang magdaragat ang papalaot mula sa daungan nang walang dalang angkla. Yamang ilang beses nang naranasan ni Pablo ang pagkawasak ng barko, tuwiran niyang nalalaman na ang buhay ng mga magdaragat ay kadalasang nakadepende sa mga angkla ng kanilang barko. (Gawa 27:29, 39, 40; 2 Corinto 11:25) Noong unang siglo, ang isang barko ay walang makina na magpapangyaring maniobrahin ito ng kapitan ayon sa kaniyang kagustuhan. Maliban na sa mga barkong pandigma na itinutulak ng panggaod, ang mga sasakyan ay pangunahin nang umaasa sa hangin para makaandar ito. Kung ang kaniyang barko ay nanganganib na sumalpok sa mga batuhan, ang tanging magagawa ng kapitan ay ang maghulog ng angkla at palampasin ang bagyo, anupat nagtitiwalang hindi matatanggal ang angkla sa pagkakakapit nito sa sahig ng dagat. Kaya inihalintulad ni Pablo ang pag-asa ng isang Kristiyano sa isang “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) Kapag tayo ay hinahampas ng mga unos ng pagsalansang o dumaranas ng iba pang pagsubok, ang ating kahanga-hangang pag-asa ay gaya ng isang angkla na nagpapatatag sa atin bilang mga buháy na kaluluwa, upang ang pinakabarko ng ating pananampalataya ay hindi maanod sa mapanganib na mga buhanginan ng pag-aalinlangan o sa kapaha-pahamak na mga bato ng apostasya.—Hebreo 2:1; Judas 8-13.
12. Paano natin maiiwasan ang paglayo kay Jehova?
12 Nagbabala si Pablo sa mga Hebreong Kristiyano: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.” (Hebreo 3:12) Sa Griegong teksto, ang “paglayo” ay literal na nangangahulugang “tumigil,” samakatuwid nga, mag-apostata. Ngunit maiiwasan natin ang gayong pagkawasak. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pag-asa, magagawa nating manatili kay Jehova kahit na sa pinakamatitinding bagyo ng pagsubok. (Deuteronomio 4:4; 30:19, 20) Ang ating pananampalataya ay hindi magiging gaya ng barko na sinisiklut-siklot ng mistulang hangin ng mga turong apostata. (Efeso 4:13, 14) At taglay ang pag-asa bilang ating angkla, mababata natin ang mga unos sa buhay bilang mga lingkod ni Jehova.
Ginanyak ng Pag-ibig at Banal na Espiritu
13, 14. (a) Bakit hindi sapat sa ganang sarili ang angkla ng ating pag-asa? (b) Ano ang dapat na puwersang nagpapakilos sa pag-uukol natin ng sagradong paglilingkod kay Jehova, at bakit?
13 Hindi susulong ang isang Kristiyano tungo sa bagong sistema kung ang motibo lamang niya sa paglilingkod kay Jehova ay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Samantalang ang kaniyang buhay ay pinatatatag ng angkla ng kaniyang pag-asa, kailangan niyang idagdag dito at sa kaniyang pananampalataya ang gumaganyak na puwersa ng pag-ibig. Idiniin ni Pablo ang bagay na ito nang sumulat siya: “Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.”—1 Corinto 13:13.
14 Ang puwersang nagpapakilos sa atin upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod ay dapat na ang taos-pusong pag-ibig kay Jehova, bilang tugon sa kaniyang di-masayod na pag-ibig sa atin. Sumulat si apostol Juan: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Sa ganito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa ating kalagayan, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:8, 9, 19) Udyok ng pagtanaw ng utang na loob kay Jehova, ang dapat na pangunahing ikabahala natin ay, hindi ang pagtatamo ng personal na kaligtasan, kundi ang masaksihan ang pagpapabanal sa kaniyang sagradong pangalan at ang pagbabangong-puri sa kaniyang matuwid na soberanya.
15. Paano nauugnay ang ating pag-ibig kay Jehova sa usapin tungkol sa kaniyang soberanya?
15 Nais ni Jehova na paglingkuran natin siya dahil iniibig natin siya, hindi lamang ang Paraiso. Ganito ang sabi ng ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scripturesa: “Lubhang ikinagagalak ni Jehova na ang kaniyang soberanya at ang pagsuporta rito ng kaniyang mga nilalang ay pangunahin nang nakasalig sa pag-ibig. Nais lamang niya yaong umiibig sa kaniyang soberanya dahil sa kaniyang maiinam na katangian at dahil sa ito ay matuwid, na pumipili sa kaniyang soberanya kaysa sa kaninuman. (1Co 2:9) Pinili nilang maglingkod sa ilalim ng kaniyang soberanya sa halip na sikaping magsarili—ito’y dahil sa kanilang kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang pag-ibig, katarungan, at karunungan, na batid nilang lubhang nakahihigit sa taglay nila. (Aw 84:10, 11)”—Tomo 2, pahina 275.
16. Paanong isang gumaganyak na puwersa sa ating buhay ang pag-ibig kay Jesus?
16 Bilang mga Kristiyano, ipinapakita rin natin ang pag-ibig kay Jesus bilang tugon sa kaniyang pag-ibig sa atin. Nangatuwiran si Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin, sapagkat ito ang aming inihatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; kung gayon nga, ang lahat ay namatay; at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Si Kristo ang pinakapundasyon na kinatatayuan ng ating espirituwal na buhay, ng ating pananampalataya, at ng ating pag-asa. Ang ating pag-ibig kay Kristo Jesus ay nagpapatibay sa ating pag-asa at nagpapatatag sa ating pananampalataya, lalo na sa mga panahon ng maunos na pagsubok.—1 Corinto 3:11; Colosas 1:23; 2:6, 7.
17. Anong dinamikong puwersa ang inilalaan sa atin ni Jehova, at paano ipinakita ang kahalagahan nito sa Gawa 1:8 at Efeso 3:16?
17 Samantalang ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Anak ang pangunahing puwersang gumaganyak sa ating buhay bilang mga Kristiyano, naglalaan si Jehova ng isa pang bagay na gumaganyak sa atin, nagpapasigla sa atin, at nagbibigay sa atin ng lakas upang sumulong sa paglilingkuran sa kaniya. Iyon ang kaniyang aktibong puwersa, o banal na espiritu. Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “espiritu” ay pangunahing tumutukoy sa dinamikong paggalaw ng himpapawid, gaya ng hangin. Ang mga naglalayag na barko na kagaya ng sinakyan ni Pablo ay umaasa sa di-nakikitang puwersa ng hangin upang makarating sa patutunguhan ng mga ito. Sa katulad na paraan, kailangan natin ng pag-ibig at ng pagkilos ng di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos upang pasulong tayong dalhin ng pinakabarko ng ating pananampalataya sa paglilingkuran kay Jehova.—Gawa 1:8; Efeso 3:16.
Pasulong Tungo sa Ating Destinasyon!
18. Ano ang magpapangyari sa atin na mabata ang anumang pagsubok sa ating pananampalataya?
18 Ang ating pananampalataya at pag-ibig ay maaaring masubok nang matindi bago tayo makarating sa bagong sistema ng mga bagay. Ngunit pinaglaanan tayo ni Jehova ng isang angkla na “kapuwa tiyak at matatag”—ang ating napakagandang pag-asa. (Hebreo 6:19; Roma 15:4, 13) Kapag hinahampas tayo ng pagsalansang o iba pang mga pagsubok, tayo’y makapagbabata kung matatag tayong nakaangkla sa pamamagitan ng ating pag-asa. Matapos humupa ang isang bagyo ngunit nagbabanta ang isa pa, ipasiya nating patibayin ang ating pag-asa at palakasin ang ating pananampalataya.
19. Paano natin mapananatili ang pinakabarko ng ating pananampalataya sa landas nito at marating ang daungan ng bagong sanlibutan ng Diyos?
19 Bago banggitin ang “angkla para sa kaluluwa,” sinabi ni Pablo: “Hinahangad namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan [maging “mabilis,” talababa sa Ingles] upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas, upang hindi kayo maging mga makupad, kundi maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Hebreo 6:11, 12) Palibhasa’y ginanyak ng pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak at binigyang-lakas sa pamamagitan ng banal na espiritu, sikapin nating manatili sa landas ang pinakabarko ng ating pananampalataya hanggang sa marating natin ang daungan ng bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Bilang Repaso
◻ Kung tungkol sa ating pananampalataya, anong babala ang ibinigay sa atin ni Pablo?
◻ Paano naranasan ng ilan ang espirituwal na pagkawasak, at paano nagmamabagal ang iba?
◻ Anong makadiyos na katangian ang kailangang ilakip sa ating pananampalataya?
◻ Ano ang magpapangyari sa atin na marating ang daungan ng bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Dapat na matibay ang pagkakayari ng pinakabarko ng ating pananampalataya upang mabata natin ang mga unos sa buhay
[Larawan sa pahina 17]
Maaaring dumanas ng pagkawasak ang ating pananampalataya
[Larawan sa pahina 18]
Ang pag-asa ay nagsisilbing angkla sa ating buhay bilang mga Kristiyano