ARALING ARTIKULO 51
“Hindi Mabibigo ang Pag-asa Natin”
“Hindi mabibigo ang pag-asa natin.”—ROMA 5:5.
AWIT BLG. 142 Manalig sa Ating Pag-asa
NILALAMANa
1. Bakit patuloy na umasa si Abraham na magkakaanak siya?
IPINANGAKO ni Jehova sa kaibigan niyang si Abraham na pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa sa pamamagitan ng supling niya. (Gen. 15:5; 22:18) Dahil matibay ang pananampalataya ni Abraham, kumbinsido siya na matutupad ang pangako ng Diyos. Pero kahit 100 na si Abraham at 90 naman ang asawa niya, wala pa rin silang anak. (Gen. 21:1-7) Sa kabila nito, sinasabi sa Bibliya: “Umasa pa rin [si Abraham] at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa, gaya ng sinabi.” (Roma 4:18) Alam nating nagkatotoo ang inasahan ni Abraham. Matapos ang matagal na paghihintay, naging anak niya si Isaac. Bakit malaki ang tiwala ni Abraham kay Jehova?
2. Bakit kumbinsido si Abraham na tutuparin ni Jehova ang pangako niya?
2 Dahil malapít si Abraham kay Jehova, “lubusan siyang kumbinsido na kaya Niyang gawin ang ipinangako Niya.” (Roma 4:21) Sinang-ayunan ni Jehova si Abraham at itinuring siyang matuwid dahil sa pananampalataya niya. (Sant. 2:23) Gaya ng ipinapakita ng Roma 4:18, magkaugnay ang pananampalataya at pag-asa ni Abraham. Talakayin natin ang sinabi ni apostol Pablo sa Roma kabanata 5 tungkol sa pag-asa.
3. Ano ang ipinaliwanag ni Pablo tungkol sa pag-asa?
3 Ipinaliwanag ni Pablo kung bakit “hindi mabibigo ang pag-asa natin.” (Roma 5:5) Tinulungan niya rin tayong maintindihan na puwedeng maging mas totoo sa atin ang pag-asa natin. Habang pinag-aaralan natin ang prosesong binanggit ni Pablo sa Roma 5:1-5, isipin ang sarili mong karanasan. Malamang na napansin mo na sa paglipas ng panahon, naging mas totoo sa iyo ang pag-asa mo. Pero aalamin natin kung paano pa natin mapapatibay ang pagtitiwala natin na magkakatotoo ang mga inaasahan natin. Talakayin muna natin ang maluwalhating pag-asa na sinabi ni Pablo na hindi mabibigo.
ANG MALUWALHATING PAG-ASA NATIN
4. Ano ang tinalakay ni Pablo sa Roma 5:1, 2?
4 Basahin ang Roma 5:1, 2. Isinulat iyan ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Roma. Nakilala nila si Jehova at si Jesus, at nanampalataya sila. Kaya ‘ipinahayag sila ng Diyos na matuwid dahil sa pananampalataya,’ at pinahiran niya sila ng banal na espiritu. Nakatanggap sila ng magandang pag-asa na siguradong magkakatotoo.
5. Ano ang pag-asa ng mga pinahiran?
5 Isinulat din ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano sa Efeso ang tungkol sa pag-asang ibinigay sa kanila. Kasama sa pag-asa nila ang pagtanggap ng “mana ng mga banal.” (Efe. 1:18) Sinabi naman ni Pablo sa mga taga-Colosas kung saan nila tatanggapin ang pag-asa nila. Tinawag niya ito na “pag-asang nakalaan sa [kanila] sa langit.” (Col. 1:4, 5) Kaya ang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano ay ang buhaying muli sa langit para maging hari kasama ni Kristo, at mabubuhay sila doon magpakailanman.—1 Tes. 4:13-17; Apoc. 20:6.
6. Ano ang sinabi ng isang pinahirang brother tungkol sa pag-asa niya?
6 Mahalaga sa mga pinahirang Kristiyano ang pag-asa nila. Isang halimbawa diyan si Brother Frederick Franz. Naglingkod siya nang tapat sa Diyos sa loob ng maraming taon. Sinabi niya noong 1991: “Ang ating pag-asa ay isang katiyakan, at iyon ay lubusang matutupad hanggang sa kahuli-hulihang miyembro ng 144,000 na bumubuo ng munting kawan sa antas na hindi man lamang natin maguguniguni.” Sinabi rin niya: “[Tayo] ay hindi nawawalan ng ating pagpapahalaga sa pag-asang iyan. . . . Lalo pa nating pinahahalagahan iyan habang tumatagal ang ating paghihintay. Iyan ay isang bagay na karapat-dapat hintayin, kahit na kailanganin ang isang milyong taon. Aking pinahahalagahan ang ating pag-asa nang higit kailanman.”
7-8. Ano ang pag-asa ng karamihan sa atin? (Roma 8:20, 21)
7 Pero iba ang pag-asa ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova ngayon. Kapareho nila ng pag-asa si Abraham—ang mabuhay magpakailanman dito sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Heb. 11:8-10, 13) Isinulat ni Pablo ang tungkol sa maluwalhating kinabukasan na naghihintay sa mga may ganiyang pag-asa. (Basahin ang Roma 8:20, 21.) Nang matutuhan mo ang tungkol sa pangako ng Bibliya sa hinaharap, ano ang pinakanagustuhan mo? Pinapanabikan mo ba ang panahon na magiging perpekto ka na at hindi ka na magiging makasalanan? Gustong-gusto mo na bang makasama ang mga namatay mong mahal sa buhay kapag binuhay na silang muli sa Paraisong lupa? Marami talaga tayong aabangan sa hinaharap dahil ‘nagbigay ng pag-asa’ ang Diyos sa atin.
8 Ang pag-asa man natin ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa lupa, may dahilan tayo para maging masaya. At puwede pang maging mas totoo sa atin ang pag-asa natin. Iyan ang sumunod na ipinaliwanag ni Pablo. Talakayin natin ang isinulat niya tungkol sa pag-asa natin. Tutulong iyan para mas magtiwala tayo na talagang magkakatotoo ang inaasahan natin.
KUNG PAANO MAGIGING MAS TOTOO SA ATIN ANG PAG-ASA NATIN
9-10. Gaya ng naranasan ni Pablo, ano ang dapat asahan ng mga Kristiyano? (Roma 5:3) (Tingnan din ang mga larawan.)
9 Basahin ang Roma 5:3. Sinabi ni Pablo na kapag nagdurusa tayo, nagiging mas totoo sa atin ang pag-asa natin. Nagulat ka ba dito? Ang totoo, dapat asahan ng lahat ng tagasunod ni Kristo na makakaranas sila ng pagdurusa. Nakaranas din ng ganiyan si Pablo. Sinabi niya sa mga taga-Tesalonica: “Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at . . . iyan nga ang nangyari.” (1 Tes. 3:4) At isinulat niya sa mga taga-Corinto: “Gusto naming malaman ninyo, mga kapatid, ang kapighatiang naranasan namin . . . Inisip naming mamamatay na kami.”—2 Cor. 1:8; 11:23-27.
10 Inaasahan ng mga Kristiyano ngayon na makakaranas din sila ng pagdurusa. (2 Tim. 3:12) Mula nang manampalataya ka at sumunod kay Jesus, nakaranas ka na ba ng mga pagsubok? Pinagtawanan ka na ba o tinrato nang hindi maganda ng mga kaibigan at kamag-anak mo? Nagkaproblema ka na ba sa trabaho dahil nagsisikap kang maging tapat sa lahat ng bagay? (Heb. 13:18) Pinag-usig ka na ba ng mga nasa awtoridad dahil sa pangangaral mo? Tandaan, anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, sinabi ni Pablo na dapat tayong magsaya. Bakit?
11. Bakit dapat nating pagtiisan ang anumang pagsubok?
11 Dapat tayong magsaya kapag nagdurusa tayo kasi may maganda itong nagagawa sa atin. Sinasabi ng Roma 5:3: “Ang pagdurusa ay nagbubunga ng kakayahang magtiis.” Lahat ng Kristiyano ay makakaranas ng pagdurusa, kaya kailangan nating lahat na magkaroon ng kakayahang magtiis. Mararanasan lang natin ang katuparan ng pag-asa natin kung makakapagtiis tayo anumang pagsubok ang mapaharap sa atin. Ayaw nating maging gaya ng mga taong tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya ang tungkol sa mga binhi na napunta sa batuhan. Noong una, tinanggap nila nang masaya ang mensahe. Pero “pagdating ng mga problema o pag-uusig,” nawalan sila ng pananampalataya. (Mat. 13:5, 6, 20, 21) Totoo, nahihirapan tayo kapag nakakaranas tayo ng mga problema o pag-uusig. Pero kapag tinitiis natin ang mga iyon, nakikinabang tayo. Paano?
12. Paano tayo nakikinabang kapag tinitiis natin ang mga pagsubok?
12 Binanggit ng alagad na si Santiago ang mga pakinabang kapag tinitiis natin ang mga pagsubok. Isinulat niya: “Hayaang gawin ng pagtitiis ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto at hindi nagkukulang ng anuman.” (Sant. 1:2-4) Sinabi ni Santiago na may layunin ang pagtitiis. Ano iyon? Matutulungan tayo nito na mapasulong ang mga katangian na gaya ng pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos, at pagiging matiyaga. Pero may isa pa tayong mahalagang pakinabang na makukuha kapag nagtiis tayo.
13-14. Ano ang ibinubunga ng kakayahang magtiis, at paano ito nauugnay sa pag-asa natin? (Roma 5:4)
13 Basahin ang Roma 5:4. Sinabi ni Pablo na ang kakayahang magtiis ay nagbubunga ng “pagsang-ayon ng Diyos.” Hindi ibig sabihin nito na natutuwa si Jehova sa mga pagsubok o problemang nararanasan mo. Sa iyo siya natutuwa. Nakuha mo ang pagsang-ayon niya dahil sa pagtitiis mo. Talagang nakakapagpatibay iyan, hindi ba?—Awit 5:12.
14 Tandaan na tiniis ni Abraham ang mga pagsubok at nakuha niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Naging kaibigan siya ni Jehova at itinuring siyang matuwid. (Gen. 15:6; Roma 4:13, 22) Puwede rin nating makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ito nakabase sa dami ng pribilehiyo o paglilingkod natin sa kaniya. Sinasang-ayunan niya tayo kasi nananatili tayong tapat sa kabila ng mga pagsubok. Anuman ang edad natin, kalagayan, o kakayahan, puwede tayong magkaroon ng kakayahang magtiis. May pinagdadaanan ka ba ngayon? Kung magtitiis ka at mananatiling tapat, makukuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung tatandaan mo iyan, magiging mas totoo sa iyo ang pag-asa mo.
NAGIGING MAS TOTOO SA ATIN ANG PAG-ASA NATIN
15. Ano ang sinabi ni Pablo sa Roma 5:4, 5, at bakit posibleng mapaisip dito ang ilan?
15 Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo, nakukuha natin ang pagsang-ayon ni Jehova kapag tinitiis natin ang mga pagsubok. Pagkatapos, sinabi ni Pablo: “Ang pagsang-ayon ng Diyos [ay nagbubunga] ng pag-asa, at hindi mabibigo ang pag-asa natin.” (Roma 5:4, 5) Pero posibleng mapaisip dito ang ilan. Sa Roma 5:2, sinabi na ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na may pag-asa na sila, ang “pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos.” Baka may magtanong, ‘Bakit niya binanggit ulit ang tungkol sa pagkakaroon ng pag-asa?’
16. Paano nagiging mas kumbinsido ang isang tao sa pag-asang nasa Bibliya? (Tingnan din ang mga larawan.)
16 Maiintindihan natin ang ibig sabihin ng sinabi ni Pablo kung tatandaan natin na ang pag-asa natin ay nagiging mas totoo sa atin sa paglipas ng panahon. Naaalala mo pa ba nang una mong marinig ang tungkol sa pag-asa na nasa Bibliya na puwede kang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa? Baka noon, inisip mo na mahirap paniwalaan iyan. Pero habang mas natututo ka kay Jehova at sa mga pangako sa Bibliya, nagiging mas kumbinsido ka na magkakatotoo ang pag-asang iyon.
17. Kahit nakapag-alay ka na at nabautismuhan, paano pa nagiging mas totoo sa iyo ang pag-asa mo?
17 Kahit nakapag-alay ka na at nabautismuhan, lalong nagiging totoo sa iyo ang pag-asa mo habang lumalalim ang kaalaman mo at sumusulong ka sa espirituwal. (Heb. 5:13–6:1) Malamang na naranasan mo na ang prosesong binanggit sa Roma 5:2-4. Nagdusa ka dahil sa iba’t ibang pagsubok, pero tiniis mo ang mga iyon at nakuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dahil diyan, naging mas totoo sa iyo ang mga pangako ng Diyos. Naging mas kumbinsido ka na matutupad ang mga iyon. Mas malapít na sa puso mo ang pag-asa mo at mas pinapanabikan mo na ito, kaya may epekto ito sa bawat bahagi ng buhay mo. Binago nito ang paraan ng pagtrato mo sa pamilya, ang paggawa mo ng mga desisyon, at kahit ang paggamit mo ng panahon.
18. Anong garantiya ang ibinigay ni Jehova?
18 May mahalaga pang sinabi si Pablo tungkol sa pag-asang ibinigay sa iyo ng Diyos dahil sinasang-ayunan ka Niya. Sinisigurado ng apostol na magkakatotoo ang pag-asa mo. Isinulat niya ang garantiyang ito mula sa Diyos para sa mga Kristiyano: “Hindi mabibigo ang pag-asa natin; dahil ang ating puso ay pinuno ng Diyos ng kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng banal na espiritu na ibinigay niya sa atin.” (Roma 5:5) Kaya makakatiyak ka na mangyayari ang inaasahan mo.
19. Sa ano ka makakasigurado tungkol sa pag-asa mo?
19 Isiping mabuti ang pangako ni Jehova kay Abraham at kung paano Niya siya sinang-ayunan at itinuring na kaibigan. Hindi umasa si Abraham sa wala. Sinasabi ng Bibliya: “Pagkatapos magpakita ni Abraham ng pagtitiis, ipinangako ito sa kaniya.” (Heb. 6:15; 11:9, 18; Roma 4:20-22) Hindi siya nadismaya. Makakasigurado ka rin na kung mananatili kang tapat, tatanggapin mo ang gantimpalang inaasahan mo. Totoo ang pag-asa mo! Nagbibigay ito sa iyo ng kagalakan, at hindi ito mabibigo. (Roma 12:12) Isinulat ni Pablo: “Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13.
AWIT BLG. 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang pag-asa natin sa hinaharap at kung bakit tayo makakasigurado na magkakatotoo ito. Tutulungan tayo ng Roma kabanata 5 na makita na puwedeng maging mas totoo sa atin ang pag-asa natin sa paglipas ng panahon.