Paano Tayo Maililigtas ng Pantubos?
“Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.”—JUAN 3:36.
1, 2. Ano ang isang dahilan kung bakit sinimulang ilathala ang Zion’s Watch Tower?
“WALANG mahusay na estudyante ng Bibliya ang hindi makadarama ng matinding pagpapahalaga sa kamatayan ni Kristo,” ang sabi ng ikaapat na isyu ng magasing ito noong Oktubre 1879. Ganito ang konklusyon ng artikulo: “Mag-ingat sa anumang bagay na babale-wala, o magsasaisantabi sa kamatayan ni Kristo, bilang handog at pampalubag-loob ukol sa kasalanan.”—Basahin ang 1 Juan 2:1, 2.
2 Ang isang dahilan kung bakit sinimulang ilathala ang Zion’s Watch Tower noong Hulyo 1879 ay para ipagtanggol ang turo ng Bibliya hinggil sa pantubos. Naglaan ito ng “pagkain sa tamang panahon” noong mga huling taon ng ika-19 na siglo. Kinukuwestiyon kasi noon ng dumaraming nag-aangking Kristiyano kung paano magiging pantubos sa kasalanan ang kamatayan ni Jesus. (Mat. 24:45) Marami noon ang nabibiktima ng teoriya ng ebolusyon, isang ideya na salungat sa katotohanang naiwala ng tao ang kasakdalan. Itinuturo ng mga ebolusyonista na ang kalagayan ng tao ay talaga namang pasulong at hindi na kailangang tubusin. Kaya tamang-tama ang payo ni Pablo kay Timoteo: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Dahil sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ay lumihis ang ilan mula sa pananampalataya.”—1 Tim. 6:20, 21.
3. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
3 Tiyak na ayaw mong ‘lumihis mula sa pananampalataya.’ Kung gayon, dapat isaalang-alang ang mga tanong na ito: Bakit ko kailangan ang pantubos? Gaano kalaki ang isinakripisyo para mailaan ito? Paano ako makikinabang sa napakagandang probisyong ito na magliligtas sa akin mula sa poot ng Diyos?
Inililigtas Mula sa Poot ng Diyos
4, 5. Ano ang nagpapatunay na ang poot ng Diyos ay nananatili sa masamang sistemang ito?
4 Pinatutunayan ng Bibliya at ng mga pangyayari sa kasaysayan na ang poot ng Diyos ay ‘nanatili’ sa mga tao mula nang magkasala si Adan. (Juan 3:36) Sa katunayan, walang sinuman ang makakatakas sa kamatayan. Wala man lang magawa ang pamamahala ni Satanas para ingatan ang tao mula sa masasamang pangyayari, at walang gobyerno ng tao ang nakapaglalaan ng pangunahing pangangailangan ng mga sakop nito. (1 Juan 5:19) Kaya ang tao ay patuloy na sinasalot ng digmaan, krimen, at kahirapan.
5 Maliwanag na wala sa masamang sistemang ito ang pagpapala ni Jehova. Sinabi ni Pablo: “Ang poot ng Diyos ay isinisiwalat mula sa langit laban sa lahat ng pagka-di-makadiyos.” (Roma 1:18-20) Oo, pagbabayaran ng mga patuloy na sumusuway sa Diyos ang kanilang masasamang gawa. Sa ngayon, ang poot ng Diyos ay inihahayag sa pamamagitan ng mga mensahe ng paghatol na parang salot na ibinubuhos sa sanlibutan ni Satanas, at tinatalakay ito sa ating mga publikasyon.—Apoc. 16:1.
6, 7. Sa anong gawain nangunguna ang mga pinahirang Kristiyano? Anong pagkakataon ang bukás sa mga nasa sanlibutan ni Satanas?
6 Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asang makawala ang tao sa kapangyarihan ni Satanas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Aba hindi. Bukás pa rin ang pagkakataon para makipagkasundo kay Jehova. Ang mga pinahirang Kristiyano, “mga embahador na humahalili para kay Kristo,” ang nangunguna sa pangangaral para himukin ang mga tao na ‘makipagkasundo sa Diyos.’—2 Cor. 5:20, 21.
7 Sinabi ni Pablo na ‘inililigtas tayo ni Jesus mula sa poot na dumarating.’ (1 Tes. 1:10) Ang huling kapahayagang ito ng galit ni Jehova ay hahantong sa walang-hanggang pagkapuksa ng mga di-nagsisising makasalanan. (2 Tes. 1:6-9) Sino ang makakatakas? Sinasabi ng Bibliya: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.” (Juan 3:36) Oo, sa pagwawakas ng sistemang ito, lahat ng nananampalataya kay Jesus at sa pantubos ay makakaligtas sa huling araw ng poot ng Diyos.
Ang Bisa ng Pantubos
8. (a) Anong magandang kinabukasan ang naghihintay sana kina Adan at Eva? (b) Bakit masasabing sakdal ang katarungan ni Jehova?
8 Sina Adan at Eva ay nilalang na sakdal. Kung naging masunurin sila sa Diyos, punô sana ngayon ang lupa ng kanilang mga anak na maligayang namumuhay kasama nila sa Paraiso. Pero sayang at sinuway ng ating unang mga magulang ang utos ng Diyos. Kaya hinatulan sila ng walang-hanggang kamatayan at pinalayas sa Paraiso. Namana ng kanilang mga anak ang kasalanan, at silang mag-asawa ay tumanda at namatay. Ipinakikita nito na talagang tinutupad ni Jehova ang kaniyang sinasabi. Bukod diyan, sakdal ang kaniyang katarungan. Binabalaan ni Jehova si Adan na kung kakain siya ng ipinagbabawal na bunga, mamamatay siya—at namatay nga siya.
9, 10. (a) Bakit namamatay ang mga inapo ni Adan? (b) Paano tayo makakatakas sa walang-hanggang kamatayan?
9 Bilang mga inapo ni Adan, nagmana tayo ng di-sakdal na katawan na nagkakasala at namamatay. Nang magkasala si Adan, tayo ay nasa kaniyang mga balakang, wika nga. Kaya kasama tayo sa nahatulan. Kung basta na lang aalisin ni Jehova ang kamatayan nang walang pantubos, lalabas na hindi siya tapat sa kaniyang salita. Kaya kapit din sa atin ang sinabi ni Pablo: “Alam natin na ang Kautusan ay espirituwal; ngunit ako ay makalaman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?”—Roma 7:14, 24.
10 Tanging si Jehova lang ang makapaglalaan ng legal na saligan para mapatawad niya tayo sa mga kasalanan at mapalaya mula sa walang-hanggang kamatayan. Ginawa niya ito nang isugo niya sa lupa ang kaniyang pinakamamahal na Anak bilang isang sakdal na tao, na makapagbibigay ng kaniyang buhay bilang pantubos. Di-gaya ni Adan, nanatiling sakdal si Jesus. “Hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Ped. 2:22) Kaya puwedeng maging ama si Jesus ng isang sakdal na sangkatauhan. Pero hinayaan niyang patayin siya ng mga kaaway ng Diyos upang maampon niya ang makasalanang mga inapo ni Adan at maging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga nananampalataya sa kaniya. Sinasabi ng Kasulatan: “May isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.”—1 Tim. 2:5, 6.
11. (a) Ilarawan kung paano tayo nakikinabang sa pantubos. (b) Gaano kalawak ang saklaw ng pantubos?
11 Ang bisa ng pantubos ay mailalarawan sa kalagayan ng mga taong nadaya ng isang mapagsamantalang bangko anupat nabaon sa utang. Bagaman nakulong ang mga may-ari nito, paano naman kaya ang mga biktima? Naghirap sila at wala nang pag-asang makaahon, maliban na lang kung sasagipin ng isang mabait at mayamang tao ang bangko at isasauli ang pera ng mga biktima para makabayad sila sa utang. Sa katulad na paraan, binili ni Jehova at ng kaniyang Anak ang mga supling ni Adan at pinatawad ang kanilang kasalanan salig sa itinigis na dugo ni Jesus. Kaya naman masasabi ni Juan na Tagapagbautismo tungkol kay Jesus: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Ang sanlibutang ito na pinatatawad sa kasalanan ay binubuo hindi lang ng mga buháy, kundi pati ng mga patay.
Napakalaki ng Isinakripisyo
12, 13. Ano ang matututuhan natin sa pagsunod ni Abraham sa utos na ihandog si Isaac?
12 Hindi natin lubos na mauunawaan kung gaano kalaki ang isinakripisyo ng ating makalangit na Ama at ng kaniyang pinakamamahal na Anak para mailaan ang pantubos. Pero makakatulong sa atin ang ilang pangyayari sa Bibliya. Halimbawa, isip-isipin na lang ang nadama ni Abraham habang tatlong araw na naglalakbay papuntang Moria bilang pagsunod sa utos ng Diyos: “Kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at maglakbay ka patungo sa lupain ng Moria at doon ay ihandog mo siya bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng isa sa mga bundok na tutukuyin ko sa iyo.”—Gen. 22:2-4.
13 Sa wakas, narating ni Abraham ang sinabing lugar. Halos madurog ang puso niya habang itinatali ang mga kamay at paa ni Isaac at pahigain sa altar na ginawa niya mismo. Tiyak na napakahirap para kay Abraham na iamba ang kutsilyo sa kaniyang anak! Ano naman kaya ang pakiramdam ni Isaac habang nakahiga sa altar at hinihintay ang napakasakit na saksak na papatay sa kaniya? Nang aktong papatayin na si Isaac, pinigil ng anghel ni Jehova si Abraham. Mauunawaan natin sa halimbawang ito kung gaano kalaki ang tiniis ni Jehova nang pahintulutan niya ang mga kampon ni Satanas na patayin ang Kaniyang Anak. Ang pagpayag ni Isaac na patayin siya ay lumalarawan sa pagpayag ni Jesus na magdusa at mamatay para sa atin.—Heb. 11:17-19.
14. Anong pangyayari sa buhay ni Jacob ang tutulong sa atin na mapahalagahan ang pantubos?
14 Isaalang-alang din ang isang pangyayari sa buhay ni Jacob. Sa lahat ng kaniyang anak, si Jose ang paborito niya. Kaya naman si Jose ay kinainggitan at kinainisan ng kaniyang mga kapatid. Pero sumunod pa rin si Jose sa utos ng kaniyang ama na puntahan at tingnan ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid. Pinapastulan nila noon ang kawan ni Jacob mga 100 kilometro pahilaga mula sa lugar nila sa Hebron. Isipin na lang ang nadama ni Jacob nang dalhin sa kaniya ng mga anak niya ang duguang kasuutan ni Jose! “Ito nga ang mahabang kasuutan ng aking anak!” ang sigaw niya. “Isang mabalasik at mabangis na hayop ang malamang na lumamon sa kaniya! Si Jose ay tiyak na nagkaluray-luray!” Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Jacob; maraming araw siyang nagdalamhati. (Gen. 37:33, 34) Hindi naman eksaktong ganito ang reaksiyon ni Jehova. Pero sa paanuman, tutulong ito sa atin na maunawaan ang nadama ng Diyos nang pagmalupitan at patayin ang kaniyang pinakamamahal na Anak.
Makinabang sa Pantubos
15, 16. (a) Paano ipinakita ni Jehova na tinanggap niya ang pantubos? (b) Paano ka nakikinabang sa pantubos?
15 Binigyan ni Jehova ang kaniyang tapat na Anak ng maluwalhating katawang espiritu nang buhayin Niya itong muli. (1 Ped. 3:18) Sa loob ng 40 araw, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad. Pinatibay niya sila at inihanda sa malaking gawaing pangangaral. Saka siya umakyat sa langit at doon ay inihandog sa Diyos ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo. Ito’y sa kapakinabangan ng kaniyang mga tunay na tagasunod na nananampalataya sa halaga ng haing pantubos. Ipinakita ni Jehova na tinanggap niya ang pantubos ni Kristo nang atasan niya itong buhusan ng banal na espiritu ang mga alagad na nagkakatipon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.—Gawa 2:33.
16 Agad na hinimok ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo ang iba na magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo para mapatawad sa kasalanan at sa gayo’y makaligtas sa poot ng Diyos. (Basahin ang Gawa 2:38-40.) Mula noon, milyun-milyon mula sa lahat ng bansa ang nailapít sa Diyos salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. (Juan 6:44) Isaalang-alang naman natin ang dalawa pang tanong: Mayroon ba sa atin na binigyan ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa ating mabubuting gawa? Posible bang maiwala natin ang napakagandang pag-asang ito?
17. Ano ang dapat mong madama sa pribilehiyong maging kaibigan ng Diyos?
17 Hindi talaga tayo karapat-dapat sa pantubos. Pero dahil sa pananampalataya rito, milyun-milyon ang nagiging kaibigan ng Diyos, anupat umaasang mabuhay magpakailanman sa paraiso. Pero hindi komo kaibigan na tayo ni Jehova ay mananatili na tayong ganoon. Para makatakas sa poot ng Diyos, dapat tayong patuloy na lubusang magpahalaga sa “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.”—Roma 3:24; basahin ang Filipos 2:12.
Patuloy na Manampalataya sa Pantubos
18. Ano ang kasama sa pananampalataya sa pantubos?
18 Ayon sa Juan 3:36, ang temang teksto ng artikulong ito, kasama sa pananampalataya kay Jesus ang pagiging masunurin sa kaniya. Kung pinahahalagahan natin ang pantubos, dapat tayong mamuhay ayon sa mga turo ni Jesus, kabilang na ang tungkol sa moralidad. (Mar. 7:21-23) ‘Dumarating ang poot ng Diyos’ sa lahat ng nagsasagawa ng pakikiapid, malaswang pagbibiro, at “bawat uri ng karumihan,” kasama na rito ang palaging panonood ng pornograpya.—Efe. 5:3-6.
19. Sa anu-anong paraan natin maipapakita ang pananampalataya sa pantubos?
19 Ang pagpapahalaga sa pantubos ay dapat ding mag-udyok sa atin na maging abala sa “mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Ped. 3:11) Maglaan tayo ng panahon para sa regular at taimtim na pananalangin, personal na pag-aaral, pagdalo sa pulong, pampamilyang pagsamba, at masigasig na pangangaral. At sana’y “huwag [nating] kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”—Heb. 13:15, 16.
20. Anong pagpapala ang naghihintay sa mga patuloy na nananampalataya sa pantubos?
20 Kapag sumiklab na ang galit ni Jehova sa masamang sistemang ito, laking pasasalamat natin dahil nanampalataya tayo sa pantubos at patuloy na nagpahalaga rito! At sa bagong sanlibutan ng Diyos, habang-panahon nating tatanawing utang na loob ang napakagandang probisyong ito na nagligtas sa atin mula sa poot ng Diyos.—Basahin ang Juan 3:16; Apocalipsis 7:9, 10, 13, 14.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit kailangan natin ang pantubos?
• Gaano kalaki ang isinakripisyo para mailaan ang pantubos?
• Ano ang mga pakinabang mula sa pantubos?
• Paano maipapakitang nananampalataya tayo sa haing pantubos ni Jesus?
[Larawan sa pahina 13]
Bukás ang pagkakataon para makipagkasundo kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mga pangyayaring ito sa buhay nina Abraham, Isaac, at Jacob ay tutulong sa atin na mapahalagahan ang pantubos