ARALIN 10
Ano ang Maitutulong sa Iyo ng mga Pulong ng mga Saksi ni Jehova?
Nakadalo ka na ba sa isang pulong, o pagtitipon, ng mga Saksi ni Jehova? Kung hindi pa, baka mag-alangan ka kasi unang beses ka pa lang dadalo. Baka maisip mo: ‘Ano ba ang ginagawa sa mga pulong? Bakit ito mahalaga? At bakit kailangan kong dumalo?’ Sa araling ito, alamin kung paano makakatulong ang mga pulong para mapalapít ka sa Diyos, at kung paano ka makikinabang dito.
1. Bakit nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova?
Sinabi ng isang manunulat ng Bibliya ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat magpulong: “Sa malaking kongregasyon, [o, “pagtitipon,” talababa] pupurihin ko si Jehova.” (Awit 26:12) Masaya ring nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova ngayon. Sa buong mundo, linggo-linggo silang nagtitipon para purihin ang Diyos, umawit, at manalangin sa kaniya. Sa loob ng isang taon, may malalaking pagtitipon din sila.
2. Ano ang matututuhan mo sa mga pulong?
Itinuturo sa mga pulong ang Salita ng Diyos, at ‘ipinapaliwanag ang kahulugan nito sa simple at malinaw na paraan.’ (Basahin ang Nehemias 8:8.) Kapag dumalo ka, matututo ka tungkol kay Jehova at sa magagandang katangian niya. Habang nalalaman mo kung gaano ka niya kamahal, mas mapapalapít ka sa kaniya. Makikita mo rin kung paano ka niya matutulungan na maging masaya sa buhay.—Isaias 48:17, 18.
3. Ano ang maitutulong ng pakikipagsamahan mo sa iba sa mga pulong?
Inutusan tayo ni Jehova na “isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin.” (Hebreo 10:24, 25) Sa mga pulong, makikilala mo ang mga taong talagang mahal ang isa’t isa. At gaya mo, interesado rin silang matuto pa tungkol sa Diyos. Nakakapagpatibay at magagandang usapan mula sa Bibliya ang maririnig mo roon. (Basahin ang Roma 1:11, 12.) Makakakilala ka ng mga tao na masaya pa rin kahit may mga problema. Ito ang ilang dahilan kung bakit gusto ni Jehova na regular tayong magtipon!
PAG-ARALAN
Alamin ang nangyayari sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at kung bakit mahalagang magsikap na dumalo.
4. Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova
Noong unang siglo, regular na nagtitipon ang mga Kristiyano para sambahin si Jehova. (Roma 16:3-5) Basahin ang Colosas 3:16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano sumasamba kay Jehova ang unang mga Kristiyano?
Ngayon, regular ding nagtitipon ang mga Saksi sa kanilang lugar ng pagsamba. Para magkaideya ka sa kanilang mga pulong, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, tingnan ang larawan ng isang kongregasyon na nagtitipon, at talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang pagkakapareho ng mga ginagawa sa Kingdom Hall at ng nabasa mong teksto sa Colosas 3:16?
May iba ka pa bang nakita sa video o sa larawan na nagustuhan mo?
Basahin ang 2 Corinto 9:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit hindi nanghihingi o nangongolekta ng pera ang mga Saksi ni Jehova sa mga pulong nila?
Tingnan ninyo ng nagtuturo sa iyo ang mga tatalakayin sa susunod na pulong.
Anong bahagi ng pulong ang interesado ka o sa tingin mo ay makikinabang ka?
Alam mo ba?
Sa jw.org, makikita mo kung kailan at saan may mga pulong sa buong mundo.
Sa mga pulong namin, may mga pahayag, mga video, at pagsasanay kung paano mangangaral. Sinisimulan at tinatapos ang mga pulong sa awit at panalangin
Sa ilang bahagi ng pulong, puwedeng magkomento ang mga tagapakinig
Welcome ang lahat—mga pamilya, walang asawa, matatanda, at mga bata
Wala kang babayaran sa mga pulong. Hindi nanghihingi o nangongolekta ng mga abuloy ang mga Saksi ni Jehova
5. Kailangan ng pagsisikap para makadalo sa mga pulong
Tingnan ang halimbawa ng pamilya ni Jesus. Taon-taon, pumupunta sila sa templo. Naglalakad sila nang mga 100 kilometro sa mabundok na ruta mula Nazaret papuntang Jerusalem. Basahin ang Lucas 2:39-42. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, madali lang bang maglakbay papuntang Jerusalem?
Bakit kailangan mo ring magsikap para makadalo sa mga pulong?
Sa tingin mo, sulit kaya ito? Bakit?
Sinasabi ng Bibliya na napakahalagang magtipon para sumamba kay Jehova. Basahin ang Hebreo 10:24, 25. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit kailangan tayong regular na dumalo sa mga pulong?
MAY NAGSASABI: “Hindi mo kailangang dumalo sa mga pulong. Puwede mo namang pag-aralan ang Bibliya sa bahay mo.”
Anong teksto o halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na gusto ni Jehova na magpulong tayo?
SUMARYO
Tutulong sa iyo ang pagdalo sa mga pulong na matuto pa tungkol kay Jehova, mapalalim ang pakikipagkaibigan mo sa kaniya, at masamba mo siya kasama ng iba.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit gusto ni Jehova na magpulong o magtipon tayo?
Ano ang matututuhan mo kapag dumalo ka sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
Sa tingin mo, may iba pa bang maitutulong sa iyo ang pagdalo sa mga pulong?
TINGNAN DIN
Kung nagdadalawang-isip kang dumalo sa pulong, makakatulong sa iyo ang karanasang ito ng isang lalaki.
Tingnan kung paano na-enjoy ng isang kabataan ang pulong, at kung ano ang ginawa niya para lagi siyang makadalo.
Alamin kung ano ang nadarama ng iba tungkol sa mga pulong.
“Bakit Magandang Dumalo sa mga Pulong sa Kingdom Hall?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan kung paano nagbago ang buhay ng isang dating miyembro ng gang nang dumalo siya sa pulong ng mga Saksi ni Jehova.
“Hindi Ako Umaalis Nang Walang Baril” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 2014)