Para sa Buhay at Kapayapaan, Lumakad Kaayon ng Espiritu
‘Lumakad, hindi kaayon ng laman, kundi kaayon ng espiritu.’—ROMA 8:4.
1, 2. (a) Ano ang panganib ng pagmamaneho nang hindi nakapokus? (b) Anong panganib ang maaaring idulot kapag ang isa ay nagagambala sa espirituwal?
“TAUN-TAON, parami nang paraming drayber ang hindi nagpopokus habang nagmamaneho.” Iyan ang nasabi ng kalihim ng transportasyon ng Estados Unidos. Ang cellphone ay isa sa mga gadyet na nakagagambala sa dapat gawin ng mga motorista—ang pagmamaneho. Sa isang surbey, mahigit 30 porsiyento ng mga ininterbyu ang nagsabi na nabangga sila o muntik nang mabangga ng drayber na gumagamit ng cellphone. Baka tila praktikal na gumawa ng ibang bagay habang nagmamaneho pero napakapanganib nito.
2 Totoo rin iyan pagdating sa ating espirituwalidad. Kung paanong di-napapansin ng nagagambalang drayber ang mga panganib, madali ring mapahamak ang isa na nagagambala sa espirituwal. Kung hahayaan nating mailihis tayo sa ating Kristiyanong landasin at mga gawaing teokratiko, maaaring mawasak ang ating pananampalataya. (1 Tim. 1:18, 19) Nagbabala si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Roma: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” (Roma 8:6) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Paano natin maiiwasan ang “pagsasaisip ng laman” at maitataguyod ang “pagsasaisip ng espiritu”?
Sila ay “Walang Kahatulan”
3, 4. (a) Anong pakikipagpunyagi ang binanggit ni Pablo sa liham niya? (b) Bakit tayo dapat maging interesado sa naging kalagayan ni Pablo?
3 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, isinulat niya ang naranasan niyang pakikipagpunyagi—ang labanan sa pagitan ng kaniyang laman at ng kaniyang pag-iisip. (Basahin ang Roma 7:21-23.) Hindi naman nagmamatuwid si Pablo o nagpapaawa, na para bang batbat siya ng kasalanan at wala nang magawa. Sa katunayan, siya’y isang may-gulang na pinahirang Kristiyano at inatasang maging “apostol sa mga bansa.” (Roma 1:1; 11:13) Kung gayon, bakit isinulat ni Pablo ang tungkol sa kaniyang pakikipagpunyagi?
4 Inamin ni Pablo na sa ganang sarili, hindi niya kayang gawin ang kalooban ng Diyos sa antas na gusto niya. Bakit? “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi niya. (Roma 3:23) Bilang inapo ni Adan, naranasan ni Pablo ang mga epekto ng kasalanan sa di-sakdal na laman. Mauunawaan natin siya dahil hindi rin tayo sakdal at napapaharap sa katulad na pakikipagpunyagi araw-araw. Marami ring panggambala na maaaring umagaw ng ating pansin at maglihis sa atin mula sa ‘masikip na daan patungo sa buhay.’ (Mat. 7:14) Pero hindi naman ibig sabihin na wala nang pag-asa si Pablo, at gayon din tayo.
5. Saan nakakuha ng tulong at ginhawa si Pablo?
5 Sumulat si Pablo: “Sino ang sasagip sa akin . . . ? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:24, 25) Pagkatapos, tinukoy niya “yaong mga kaisa ni Kristo Jesus”—ang mga pinahirang Kristiyano. (Basahin ang Roma 8:1, 2.) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, inampon sila ni Jehova bilang mga anak, at tinawag para maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:14-17) Sa tulong ng espiritu ng Diyos at ng kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, nagtatagumpay sila sa pakikipagpunyaging inilarawan ni Pablo at sa gayo’y ‘wala silang kahatulan.’ Pinalalaya sila “mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.”
6. Bakit dapat bigyang-pansin ng lahat ng lingkod ng Diyos ang mga sinabi ni Pablo?
6 Kahit patungkol sa mga pinahirang Kristiyano ang isinulat ni Pablo, ang sinabi niya tungkol sa espiritu ng Diyos at sa haing pantubos ni Kristo ay kapaki-pakinabang sa lahat ng lingkod ni Jehova anuman ang kanilang pag-asa. Bagaman kinasihan si Pablo na magpayo sa mga pinahirang Kristiyano, napakahalagang maunawaan ng lahat ng lingkod ng Diyos ang mga isinulat niya at sikaping makinabang doon.
Kung Paano ‘Hinatulan ng Diyos ang Kasalanan sa Laman’
7, 8. (a) Sa anong diwa ‘mahina dahil sa laman’ ang Kautusan? (b) Ano ang naisagawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at ng pantubos?
7 Sa Roma kabanata 7, binanggit ni Pablo ang kapangyarihan ng kasalanan sa di-sakdal na laman. Sa kabanata 8, nagkomento siya tungkol sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Ipinaliwanag niya kung paano matutulungan ng espiritu ng Diyos ang mga Kristiyano sa kanilang pakikipagpunyagi laban sa kapangyarihan ng kasalanan para makapamuhay sila kaayon ng kalooban ni Jehova at sang-ayunan Niya. Idiniin ni Pablo na sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos at ng haing pantubos ng Kaniyang Anak, may naisagawa ang Diyos na hindi kayang gawin ng Kautusang Mosaiko.
8 Hinatulan ng Kautusan, na binubuo ng maraming utos, ang mga makasalanan. Bukod diyan, ang mga mataas na saserdote ng Israel na naglilingkod sa ilalim ng Kautusan ay di-sakdal at hindi makapaghahandog ng hain na sapat para lubusang maalis ang kasalanan. Kaya ang Kautusan ay ‘mahina dahil sa laman.’ Pero “sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang sariling Anak sa wangis ng makasalanang laman” at paghahandog sa kaniya bilang pantubos, ‘hinatulan ng Diyos ang kasalanan sa laman,’ at sa gayo’y dinaig ang ‘kawalang-kakayahan ng Kautusan.’ Bilang resulta, ang mga pinahirang Kristiyano ay ibinibilang na matuwid salig sa pananampalataya nila sa haing pantubos ni Jesus. Hinihimok silang ‘lumakad, hindi kaayon ng laman, kundi kaayon ng espiritu.’ (Basahin ang Roma 8:3, 4.) Oo, kailangan nila itong gawin nang buong katapatan hanggang sa matapos nila ang kanilang buhay sa lupa para makamit ang “korona ng buhay.”—Apoc. 2:10.
9. Ano ang kahulugan ng salitang “kautusan” sa Roma 8:2?
9 Bukod sa “Kautusan,” binanggit din ni Pablo ang ‘kautusan ng espiritu’ at ang “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:2) Ano ang mga kautusang ito? Dito, ang salitang “kautusan” ay hindi tumutukoy sa espesipikong mga batas, gaya ng nasa Kautusang Mosaiko. Sinasabi ng isang reperensiya na sa talatang ito, ang salitang Griego para sa “kautusan” ay tumutukoy sa mabubuti o masasamang bagay na ginagawa ng mga tao at kumokontrol sa kanila gaya ng isang batas. Maaari din itong tumukoy sa pamantayang umuugit sa buhay ng isang tao.
10. Sa anong diwa tayo nasa ilalim ng kautusan ng kasalanan at ng kamatayan?
10 Isinulat ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Lahat tayong mga inapo ni Adan ay nasa ilalim ng kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. Ang ating makasalanang laman ay laging nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay na di-kalugud-lugod sa Diyos, na humahantong sa kamatayan. Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, tinawag ni Pablo na “mga gawa ng laman” ang mga paggawi at ugaling ito. Idinagdag pa niya: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Gal. 5:19-21) Ang mga taong ito ay lumalakad kaayon ng laman. (Roma 8:4) Sunud-sunuran sila sa kanilang makalamang pagnanasa. Pero ang mga gumagawa lang ba ng pakikiapid, idolatriya, espiritismo, o iba pang malulubhang kasalanan ang lumalakad kaayon ng laman? Hindi, dahil kasama rin sa mga gawa ng laman ang paninibugho, silakbo ng galit, pagtatalo, at inggitan, na para sa ilan ay mga kapintasan lamang. Kaya sinong makapagsasabi na talagang hindi na siya lumalakad kaayon ng laman?
11, 12. Ano ang inilaan ni Jehova para tulungan tayong madaig ang kautusan ng kasalanan at ng kamatayan? Ano ang dapat nating gawin para makamit ang pabor ng Diyos?
11 Mabuti na lang at gumawa si Jehova ng paraan para madaig natin ang kautusan ng kasalanan at ng kamatayan! Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kung tatanggapin natin ang pag-ibig ng Diyos at mananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, mapalalaya tayo sa kahatulang resulta ng minanang kasalanan. (Juan 3:16-18) Kaya naman, gaya ni Pablo, masasabi rin natin: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”
12 Para tayong ginagamot mula sa isang malubhang sakit. Kung gusto nating tuluyang gumaling, kailangan nating sundin ang sinasabi ng doktor. Ang pananampalataya sa pantubos ay makapagpapalaya sa atin mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan, pero makasalanan pa rin tayo at di-sakdal. Marami pa tayong dapat gawin para maging malusog sa espirituwal at makamit ang pabor at pagpapala ng Diyos. Kung gusto nating mapagtagumpayan ang di-kasakdalan, sinabi ni Pablo na kailangan tayong lumakad kaayon ng espiritu.
Lumakad Kaayon ng Espiritu—Paano?
13. Ano ang ibig sabihin ng paglakad kaayon ng espiritu?
13 Kapag lumalakad tayo, tuluy-tuloy tayong umaabante patungo sa isang destinasyon o tunguhin. Kaya para makalakad kaayon ng espiritu, hindi naman kasakdalan sa espirituwal ang kailangan kundi ang tuluy-tuloy na pagsulong sa espirituwal. (1 Tim. 4:15) Araw-araw, sa abot ng ating makakaya, dapat tayong lumakad, o mamuhay, kaayon ng patnubay ng espiritu. Kung ‘lalakad tayo ayon sa espiritu,’ makakamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos.—Gal. 5:16.
14. Ano ang mas gusto ng mga lumalakad “kaayon ng laman”?
14 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, tinalakay rin niya ang dalawang uri ng tao na may magkaibang takbo ng kaisipan. (Basahin ang Roma 8:5.) Dito, ang laman ay hindi naman nangangahulugang pisikal na katawan. Kung minsan, ang salitang “laman” ay ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa makasalanan at di-sakdal na kalagayan ng tao. Dahil sa kalagayang ito, may labanan sa pagitan ng laman at ng pag-iisip, gaya ng nabanggit na ni Pablo. Pero di-tulad niya, ang mga “kaayon ng laman” ay hindi man lamang nakikipagpunyagi. Hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang hinihiling sa kanila ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang kaniyang tulong. Mas gusto nilang ‘ituon ang kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman.’ Mas nagpopokus sila sa kaalwanan at pagbibigay-kasiyahan sa mga pagnanasa nila. Sa kabaligtaran, mas gusto ng mga “kaayon ng espiritu” na ituon ang kanilang mga kaisipan sa “mga bagay ng espiritu”—mga espirituwal na paglalaan at gawain.
15, 16. (a) Paano makaaapekto sa pangkaisipang saloobin ng isang tao ang pagtutuon niya ng kaisipan sa isang bagay? (b) Ano ang masasabi natin kung tungkol sa takbo ng kaisipan ng karamihan sa ngayon?
15 Basahin ang Roma 8:6. Para magawa ng isa ang anumang bagay—mabuti man o masama—kailangan niyang ituon dito ang kaniyang kaisipan. Kapag ang mga tao ay laging nagtutuon ng kaisipan sa mga bagay ng laman, di-magtatagal ay magkakaroon sila ng pangkaisipang saloobin o hilig na lubusang nakapokus sa mga ito. Kadalasan nang dito mapapasentro ang kanilang saloobin, interes, at damdamin.
16 Saan nakasentro ang isip ng mga tao sa ngayon? Sumulat si apostol Juan: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:16) Nauugnay sa mga pagnanasang ito ang imoralidad, katanyagan, at materyal na mga bagay. Ang mga libro, magasin, diyaryo, pelikula, palabas sa TV, at Internet ay punung-puno ng ganitong bagay, pangunahin nang dahil ito ang pinagtutuunan ng kaisipan ng mga tao at ito talaga ang gusto nila. Pero “ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan”—pagkawala ng ating espirituwalidad sa ngayon at ng ating buhay sa hinaharap. Bakit? “Sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos, sapagkat hindi ito napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni maaari mang magkagayon. Kaya yaong mga kasuwato ng laman ay hindi makapagpapalugod sa Diyos.”—Roma 8:7, 8.
17, 18. Paano natin maitataguyod ang pagsasaisip ng espiritu? Ano ang magiging resulta nito?
17 Sa kabaligtaran, “ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan”—buhay na walang hanggan sa hinaharap, at kapayapaan sa sarili at sa Diyos sa ngayon. Paano natin maitataguyod “ang pagsasaisip ng espiritu”? Sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating kaisipan sa mga bagay ng espiritu at paglilinang ng hilig sa espirituwal na mga bagay at makadiyos na saloobin. Sa gayon, ang takbo ng ating kaisipan ay ‘mapasasakop sa kautusan ng Diyos’ at magiging kasuwato ng kaniyang mga kaisipan. Kapag napapaharap sa tukso, hindi tayo mag-aalangan kung ano ang dapat nating gawin. Gagawa tayo ng tamang pagpapasiya—isa na kaayon ng espiritu.
18 Kaya nga napakahalagang ituon natin ang ating kaisipan sa mga bagay ng espiritu. Magagawa natin ito kung ‘bibigkisan natin ang ating mga pag-iisip ukol sa gawain,’ o magkakaroon ng espirituwal na rutin. Kasali rito ang regular na pananalangin, pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa pulong, at ministeryong Kristiyano. (1 Ped. 1:13) Sa halip na mailihis ng mga bagay ng laman, ituon natin ang ating mga kaisipan sa mga bagay ng espiritu. Sa gayo’y patuloy tayong makalalakad kaayon ng espiritu. Magdudulot naman ito ng mga pagpapala sa atin, dahil ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.—Gal. 6:7, 8.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang ‘kawalang-kakayahan ng Kautusan,’ at paano ito dinaig ng Diyos?
• Ano ang “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan,” at paano tayo mapalalaya mula rito?
• Ano ang dapat nating gawin para malinang ang “pagsasaisip ng espiritu”?
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Lumalakad ka ba kaayon ng laman o kaayon ng espiritu?