Nagdadala si Jehova ng Maraming Anak sa Kaluwalhatian
“Naaangkop para sa [Diyos], sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian, na gawing sakdal ang Punong Ahente ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.”—HEBREO 2:10.
1. Bakit natin matitiyak na matutupad ang layunin ni Jehova para sa sangkatauhan?
NILALANG ni Jehova ang lupa upang maging walang-hanggang tahanan ng isang sakdal na pamilya ng tao na nagtatamasa ng buhay magpakailanman. (Eclesiastes 1:4; Isaias 45:12, 18) Totoo, ang ating ninunong si Adan ay nagkasala at sa gayo’y nagpamana sa kaniyang supling ng kasalanan at kamatayan. Ngunit matutupad ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang Ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo. (Genesis 3:15; 22:18; Roma 5:12-21; Galacia 3:16) Ang pag-ibig sa sanlibutan ng sangkatauhan ang siyang nagpakilos kay Jehova upang ibigay “ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) At pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Binibiling-muli ng “katumbas na pantubos” na ito ang karapatan at pag-asa na iwinala ni Adan at ginagawang posible ang buhay na walang hanggan.—1 Timoteo 2:5, 6; Juan 17:3.
2. Paano inilarawan sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala sa Israel ang pagkakapit ng haing pantubos ni Jesus?
2 Ang pagkakapit ng haing pantubos ni Jesus ay inilarawan sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala. Sa araw na iyon, inihahain muna ng mataas na saserdote ng Israel ang isang toro bilang handog ukol sa kasalanan at inihaharap ang dugo nito sa sagradong Kaban sa Kabanal-banalang dako ng tabernakulo, at pagkaraan ay sa templo. Ginagawa ito alang-alang sa kaniyang sarili, sa kaniyang sambahayan, at sa tribo ni Levi. Sa katulad na paraan, iniharap ni Jesu-Kristo sa Diyos ang halaga ng kaniyang dugo upang takpan muna ang mga pagkakasala ng kaniyang espirituwal na “mga kapatid.” (Hebreo 2:12; 10:19-22; Levitico 16:6, 11-14) Sa Araw ng Pagbabayad-sala, inihahain din ng mataas na saserdote ang isang kambing bilang handog ukol sa kasalanan at inihaharap ang dugo nito sa Kabanal-banalang dako, sa gayo’y tinutubos ang mga kasalanan ng 12 di-makasaserdoteng tribo ng Israel. Gayundin naman, ikakapit ng Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo ang kaniyang dugo alang-alang sa mga kabilang sa sangkatauhan na sumasampalataya, anupat pinapawi ang kanilang mga kasalanan.—Levitico 16:15.
Dinala sa Kaluwalhatian
3. Ayon sa Hebreo 2:9, 10, ano ang ginagawa ng Diyos sa loob ng 1,900 taon?
3 Sa loob ng 1,900 taon, isang pambihirang bagay ang ginagawa ng Diyos may kinalaman sa “mga kapatid” ni Jesus. Hinggil dito, sumulat si apostol Pablo: “Nakikita natin si Jesus, na ginawang mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel, na nakokoronahan ng kaluwalhatian at karangalan dahil sa pagdurusa ng kamatayan, upang sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao. Sapagkat naaangkop para sa isa [ang Diyos na Jehova] na alang-alang sa kaniya ang lahat ng mga bagay at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian, na gawing sakdal ang Punong Ahente ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.” (Hebreo 2:9, 10) Ang Punong Ahente ng kaligtasan ay si Jesu-Kristo, na natuto ng ganap na pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na dinanas niya habang nabubuhay bilang isang tao sa lupa. (Hebreo 5:7-10) Si Jesus ang unang inianak bilang isang espirituwal na anak ng Diyos.
4. Kailan at paano inianak si Jesus bilang espirituwal na Anak ng Diyos?
4 Ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, upang maisilang si Jesus bilang kaniyang espirituwal na Anak, at madala siya sa makalangit na kaluwalhatian. Samantalang silang dalawa lamang ni Juan na Tagapagbautismo, si Jesus ay lubusang nagpalubog sa tubig upang sagisagan ang paghaharap ng kaniyang sarili sa Diyos. Ganito ang salaysay sa Ebanghelyo ni Lucas: “Nang ang lahat ng mga tao ay mabautismuhan, si Jesus din ay nabautismuhan at, habang siya ay nananalangin, ang langit ay nabuksan at ang banal na espiritu sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati ay bumaba sa kaniya, at isang tinig ang nanggaling sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; ikaw ay aking sinang-ayunan.’ ” (Lucas 3:21, 22) Nakita ni Juan ang banal na espiritu na bumaba kay Jesus at narinig na nagsalita si Jehova ng hayagang pagsang-ayon sa kaniya bilang Kaniyang sinisintang Anak. Nang panahong iyon at sa pamamagitan ng banal na espiritu, inianak ni Jehova si Jesus bilang una sa ‘maraming anak na dadalhin sa kaluwalhatian.’
5. Sino ang mga unang nakinabang sa hain ni Jesus, at ilan sila?
5 Ang “mga kapatid” ni Jesus ang unang nakinabang sa kaniyang hain. (Hebreo 2:12-18) Sa pangitain, nakita ni apostol Juan na sila’y nasa kaluwalhatian na sa makalangit na Bundok ng Sion kasama ng Kordero, ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo. Isiniwalat din ni Juan ang kanilang bilang, sa pagsasabi: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo. . . . Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero, at walang kabulaanan na nasumpungan sa kanilang mga bibig; sila ay mga walang dungis.” (Apocalipsis 14:1-5) Kaya ang ‘maraming anak na dinala sa kaluwalhatian’ sa langit ay may kabuuang bilang lamang na 144,001—si Jesus at ang kaniyang espirituwal na mga kapatid.
“Ipinanganak Mula sa Diyos”
6, 7. Sino ang mga “ipinanganak mula sa Diyos,” at ano ang kahulugan nito para sa kanila?
6 Yaong mga inianak ni Jehova ay “ipinanganak mula sa Diyos.” Sa pagtukoy sa gayong mga indibiduwal, sumulat si apostol Juan: “Ang bawat isa na ipinanganak mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat ang Kaniyang binhi [ni Jehova] sa pag-aanak ay nananatili sa isang iyon, at hindi siya makapamimihasa sa kasalanan, sapagkat siya ay ipinanganak mula sa Diyos.” (1 Juan 3:9) Ang “binhi sa pag-aanak” na ito ay ang banal na espiritu ng Diyos. Sa paggawang kaugnay ng kaniyang salita, binigyan nito ang bawat isa sa 144,000 ng “isang bagong pagsilang” sa makalangit na pag-asa.—1 Pedro 1:3-5, 23.
7 Si Jesus ay Anak ng Diyos mula sa kaniyang pagsilang bilang tao, kung paanong ang sakdal na taong si Adan ay “anak ng Diyos.” (Lucas 1:35; 3:38) Subalit pagkatapos ng bautismo ni Jesus, makahulugan na ipinahayag ni Jehova: “Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Marcos 1:11) Sa pamamagitan ng pahayag na ito kasabay ng pagdaloy ng banal na espiritu, maliwanag na noo’y iniluwal ng Diyos si Jesus bilang Kaniyang espirituwal na Anak. Sa makasagisag na paraan, si Jesus ay binigyan noon ng “isang bagong pagsilang” na may karapatang tumanggap muli ng buhay bilang espiritung Anak ng Diyos sa langit. Tulad niya, ang kaniyang 144,000 espirituwal na kapatid ay ‘ipinanganak-muli.’ (Juan 3:1-8; tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1992, pahina 3-6.) Tulad din ni Jesus, sila’y pinahiran ng Diyos at inatasan na ipahayag ang mabuting balita.—Isaias 61:1, 2; Lucas 4:16-21; 1 Juan 2:20.
Patotoo ng Pagkasilang
8. Ano ang patotoo ng pagiging inianak-sa-espiritu (a) ni Jesus (b) ng kaniyang mga naunang alagad?
8 May patotoo na si Jesus ay inianak-sa-espiritu. Nakita ni Juan Bautista ang espiritu na bumaba kay Jesus at narinig ang kapahayagan ng Diyos tungkol sa pagiging espirituwal na anak ng Mesiyas na katatapos lamang pahiran. Ngunit paano malalaman ng mga alagad ni Jesus na sila’y inianak-sa-espiritu? Buweno, nang araw na umakyat siya sa langit, sinabi ni Jesus: “Si Juan ay tunay ngang nagbautismo sa tubig, ngunit kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi maraming araw pagkatapos nito.” (Gawa 1:5) Ang mga alagad ni Jesus ay ‘binautismuhan sa banal na espiritu’ noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Ang pagbubuhos na iyon ng espiritu ay may kasabay na ‘ingay mula sa langit katulad ng isang malakas na hanging humahagibis’ at “mga dila na parang apoy” na dumapo sa bawat isa sa mga alagad. Higit na kapansin-pansin ang kakayahan ng mga alagad na “magsalita ng iba’t ibang wika, gaya ng ipinagkaloob ng espiritu sa kanila na salitain.” Kaya nagkaroon ng nakikita at naririnig na katunayan na ang daan tungo sa makalangit na kaluwalhatian bilang mga anak ng Diyos ay nabuksan para sa mga tagasunod ni Kristo.—Gawa 2:1-4, 14-21; Joel 2:28, 29.
9. Ano ang patotoo na ang mga Samaritano, si Cornelio, at ang iba pa noong unang siglo ay inianak-sa-espiritu?
9 Pagkaraan, nangaral sa Samaria ang ebanghelisador na si Felipe. Bagaman ang mga Samaritano ay tumanggap sa kaniyang mensahe at nabautismuhan, kulang sila ng patotoo na inianak sila ng Diyos bilang kaniyang mga anak. Nang sina apostol Pedro at Juan ay manalangin at magpatong ng kanilang mga kamay sa mga mananampalatayang iyon, “nagpasimula silang tumanggap ng banal na espiritu” sa isang paraan na kitang-kita ng mga nagmamasid. (Gawa 8:4-25) Ito ay patotoo na ang mga nananampalatayang Samaritano ay inianak-sa-espiritu bilang mga anak ng Diyos. Sa katulad na paraan, noong 36 C.E., tinanggap ni Cornelio at ng iba pang Gentil ang katotohanan ng Diyos. Si Pedro at ang mga Judiong mananampalataya na sumama sa kaniya “ay namangha, sapagkat ang walang bayad na kaloob ng banal na espiritu ay ibinubuhos din sa mga tao ng mga bansa. Sapagkat kanilang narinig na sila ay nagsasalita ng mga wika at dinadakila ang Diyos.” (Gawa 10:44-48) Maraming unang-siglong Kristiyano ang tumanggap ng “mga kaloob ng espiritu,” gaya ng pagsasalita ng mga wika. (1 Corinto 14:12, 32) Kaya may malinaw na patotoo ang mga taong ito na sila’y inianak-sa-espiritu. Ngunit paano malalaman ng mga naging Kristiyano nitong dakong huli kung sila’y inianak-sa-espiritu o hindi?
Ang Patotoo ng Espiritu
10, 11. Salig sa Roma 8:15-17, paano mo ipaliliwanag na ang espiritu ay nagpapatotoo kasama niyaong mga kasamang tagapagmana ni Kristo?
10 Ang lahat ng 144,000 pinahirang Kristiyano ay may tiyak na patotoo na taglay nila ang espiritu ng Diyos. Hinggil dito, sumulat si Pablo: “Kayo ay tumanggap ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung ito ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang tayo ay maluwalhati ring magkakasama.” (Roma 8:15-17) Nadarama ng mga pinahirang Kristiyano na sila’y mga anak ng kanilang makalangit na Ama, isang matinding damdamin ng pagiging anak. (Galacia 4:6, 7) Sila’y lubhang nakatitiyak na sila’y espirituwal na inianak ng Diyos bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Dito gumaganap ng isang tiyak na papel ang banal na espiritu ni Jehova.
11 Sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, ang espiritu, o nangingibabaw na saloobin, ng mga pinahiran ay nag-uudyok sa kanila na tumugon sa isang positibong paraan sa sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa makalangit na pag-asa. Halimbawa, kapag binabasa nila ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa espirituwal na mga anak ni Jehova, agad nilang kinikilala na ang mga salitang iyon ay kumakapit sa kanila. (1 Juan 3:2) Batid nila na sila’y “binautismuhan kay Kristo Jesus” at sa kaniyang kamatayan. (Roma 6:3) Matatag ang kanilang pananalig sa sila’y espirituwal na mga anak ng Diyos, na mamamatay at bubuhaying-muli sa makalangit na kaluwalhatian, gaya ni Jesus.
12. Ano ang pinukaw ng espiritu ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano?
12 Ang pagiging inianak-sa-espiritu ay hindi isang nilinang na hangarin. Hindi ibig ng mga inianak-sa-espiritu na umakyat sa langit dahil sa napipighati sila sa kasalukuyang mga suliranin sa lupa. (Job 14:1) Sa halip, pinukaw ng espiritu ni Jehova sa mga tunay na pinahiran ang isang pag-asa at hangarin na hindi pangkaraniwan sa mga tao sa pangkalahatan. Alam ng mga inianak na ito na kamangha-mangha ang buhay na walang hanggan bilang mga taong sakdal sa isang paraisong lupa na napalilibutan ng isang maligayang pamilya at mga kaibigan. Gayunman, hindi nila pangunahing hangad ang gayong uri ng buhay. Gayon na lamang katibay ang makalangit na pag-asa ng mga pinahiran anupat handa nilang isakripisyo ang lahat ng makalupang pag-asa at kaugnayan.—2 Pedro 1:13, 14.
13. Ayon sa 2 Corinto 5:1-5, ano ang ‘marubdob na ninanasa’ ni Pablo, at ano ang ipinakikita nito hinggil sa mga inianak-sa-espiritu?
13 Ang bigay-Diyos na pag-asa na mabuhay sa langit ay gayon na lamang katindi sa mga ito anupat ang kanilang damdamin ay gaya niyaong kay Pablo, na sumulat: “Alam namin na kung ang aming makalupang bahay, ang toldang ito, ay masisira, kami ay magkakaroon ng isang gusaling mula sa Diyos, isang bahay na hindi ginawa ng mga kamay, walang-hanggan sa mga langit. Sapagkat sa tinatahanang bahay na ito ay tunay ngang dumaraing kami, na marubdob na ninanasang ibihis ang isa na para sa amin mula sa langit, upang sa gayon, pagkabihis nga nito, ay huwag kaming masumpungang hubad. Sa katunayan, kami na nasa toldang ito ay dumaraing, na nabibigatan; sapagkat nais namin, hindi ang hubarin ito, kundi ibihis yaong isa, upang yaong mortal ay malulon ng buhay. Ngayon siya na gumawa sa amin ukol sa mismong bagay na ito ay ang Diyos, na nagbigay sa amin ng palatandaan ng kung ano ang darating, alalaong baga, ang espiritu.” (2 Corinto 5:1-5) Ang ‘marubdob na ninanasa’ ni Pablo ay ang buhaying-muli tungo sa langit bilang isang imortal na espiritung nilalang. Nang tinutukoy ang katawan ng tao, gumamit siya ng metapora ng isang nababaklas na tolda, isang mabuway at pansamantalang tirahan kung ihahambing sa isang bahay. Bagaman nabubuhay sa lupa sa isang mortal at katawang laman, ang mga Kristiyanong nagtataglay ng espiritu bilang tanda ng makalangit na buhay sa hinaharap ay umaasa ng “isang gusaling mula sa Diyos,” isang imortal at di-nasisirang espiritung katawan. (1 Corinto 15:50-53) Tulad ni Pablo, marubdob nilang masasabi: “Kami ay may lakas ng loob at nalulugod na mainam na sa halip ay maging wala sa katawan[g tao] at manahanang kasama ng Panginoon [sa langit].”—2 Corinto 5:8.
Inilakip sa Pantanging mga Tipan
14. Nang pasinayaan ang pagdiriwang ng Memoryal, anong tipan ang unang binanggit ni Jesus, at anong papel ang ginagampanan nito may kinalaman sa espirituwal na mga Israelita?
14 Natitiyak ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na sila’y inilakip sa dalawang pantanging tipan. Binanggit ni Jesus ang isa sa mga ito nang gumamit siya ng tinapay na walang lebadura at alak upang pasinayaan ang Memoryal ng kaniyang nalalapit na kamatayan at sabihin ang ganito tungkol sa kopa ng alak: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20; 1 Corinto 11:25) Sino ang magkabilang panig sa bagong tipan? Ang Diyos na Jehova at ang mga miyembro ng espirituwal na Israel—yaong mga nilayon ni Jehova na dalhin sa makalangit na kaluwalhatian. (Jeremias 31:31-34; Galacia 6:15, 16; Hebreo 12:22-24) Palibhasa’y nagkabisa dahil sa itinigis na dugo ni Jesus, inilalabas ng bagong tipan mula sa mga bansa ang isang bayan para sa pangalan ni Jehova at ginagawang bahagi ng “binhi” ni Abraham ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyanong ito. (Galacia 3:26-29; Gawa 15:14) Pinapangyayari ng bagong tipan na ang lahat ng espirituwal na Israelita ay madala sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa imortal na buhay sa langit. Yamang “isang walang-hanggang tipan,” ang mga pakinabang nito ay mananatili magpakailanman. Hindi pa alam sa ngayon kung ang tipang ito ay gaganap din ng isang papel sa ibang paraan sa panahon ng Milenyo at pagkatapos nito.—Hebreo 13:20.
15. Kasuwato ng Lucas 22:28-30, ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay sinimulang ilakip sa anong iba pang tipan, at kailan?
15 Ang “maraming anak” na nilayon ni Jehova na ‘dalhin sa kaluwalhatian’ ay isa-isa ring inilakip sa tipan para sa isang makalangit na Kaharian. Hinggil sa tipang ito sa pagitan niya at ng kaniyang mga tagasunod-yapak, sinabi ni Jesus: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang hatulan ang labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:28-30) Ang tipan sa Kaharian ay pinasinayaan nang pahiran ng banal na espiritu ang mga alagad ni Jesus noong Pentecostes 33 C.E. Mananatiling may bisa magpakailanman ang tipang iyan sa pagitan ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang hari. (Apocalipsis 22:5) Kaya ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano, kung gayon, ay positibo na sila’y kabilang sa bagong tipan at sa tipan para sa Kaharian. Kaya naman, sa mga pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, tanging ang iilang pinahirang nalabi sa lupa ang nakikibahagi sa tinapay, na kumakatawan sa walang-kasalanang katawan ni Jesus, at sa alak, na lumalarawan sa kaniyang sakdal na dugong ibinuhos sa kamatayan at nagpangyaring magkabisa ang bagong tipan.—1 Corinto 11:23-26; tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 1989, pahina 17-20.
Tinawag, Pinili, at Tapat
16, 17. (a) Upang madala sa kaluwalhatian, ano ang dapat patunayan ng lahat ng 144,000? (b) Sino ang “sampung hari,” at paano sila nakikitungo sa “mga kapatid” ni Kristo na nalalabi sa lupa?
16 Ang unang pagkakapit ng haing pantubos ni Jesus ay nagpapangyaring maging posible para sa 144,000 na matawag sa makalangit na buhay at mapili sa pamamagitan ng pagiging inianak-sa-espiritu ng Diyos. Sabihin pa, upang madala sa kaluwalhatian, kailangan nilang ‘gawin ang kanilang sukdulang makakaya upang gawing tiyak ang pagtawag at pagpili sa kanila,’ at sila’y dapat mapatunayang tapat hanggang kamatayan. (2 Pedro 1:10; Efeso 1:3-7; Apocalipsis 2:10) Ang iilang nalabi ng mga pinahiran na naririto pa sa lupa ay nag-iingat ng kanilang integridad bagaman sinasalansang ng “sampung hari” na lumalarawan sa lahat ng pulitikal na kapangyarihan. “Ang mga ito ay makikipagbaka sa Kordero,” sabi ng isang anghel, “subalit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero. Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.”—Apocalipsis 17:12-14.
17 Walang magagawa ang mga tagapamahalang tao laban kay Jesus, ang “Hari ng mga hari,” sapagkat nasa langit siya. Ngunit ibinubunton nila ang galit sa nalabi ng kaniyang “mga kapatid” na naririto pa sa lupa. (Apocalipsis 12:17) Iyan ay magwawakas sa digmaan ng Diyos sa Armagedon, na doo’y tiyak na ang tagumpay ng “Hari ng mga hari” at ng kaniyang “mga kapatid”—“yaong mga tinawag at pinili at tapat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Samantala, abalang-abala ang mga Kristiyanong inianak-sa-espiritu. Ano ba ang ginagawa nila ngayon, bago sila dalhin ni Jehova sa kaluwalhatian?
Ano ang Iyong Sagot?
◻ Sino ang ‘dinadala ng Diyos sa makalangit na kaluwalhatian’?
◻ Ano ang kahulugan ng pagiging “ipinanganak mula sa Diyos”?
◻ Paanong ang ‘espiritu ay nagpapatotoo’ kasama ng ilang Kristiyano?
◻ Sa anong mga tipan inilalakip ang mga inianak-sa-espiritu?
[Larawan sa pahina 15]
Noong Pentecostes 33 C.E., napatunayang bukás na ang daan tungo sa makalangit na kaluwalhatian