Sino Talaga ang Tinawag sa Makalangit na Tunguhin?
INIIBIG ni Jehova ang lahi ng tao. Oo, ang pag-ibig na ito ay totoong dakila na anupa’t ibinigay niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang isang pantubos upang tubusin ang iniwala ng ating ninunong si Adan! At ano iyon? Walang hanggan, sakdal na buhay-tao at lahat ng karapatan at pag-asang taglay niyaon. (Juan 3:16) Ang pantubos ay isa ring kapahayagan ng pag-ibig ni Jesus sa sangkatauhan.—Mateo 20:28.
Ang pag-ibig ng Diyos ay ipinakita sa pagkakaloob ng dalawang bigay-Diyos na mga pag-asang nakasalig sa bisa ng haing pantubos ni Jesus. (1 Juan 2:1, 2) Bago namatay si Jesus bilang isang tao, ang tanging pag-asang ipinagkakaloob sa mga may pagsang-ayon ng Diyos ay yaong buhay sa isang makalupang paraiso. (Lucas 23:43) Subalit, pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., si Jehova ay nagbigay ng isang makalangit na pag-asa sa isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Subalit ano ba ang nangyari noong kalilipas lamang na mga panahon? Magbuhat noong 1931 ang mensahe ng Kaharian ay nagtutok ng higit na pansin sa “mga ibang tupa,” at mula noong 1935 pasulong “isang malaking pulutong” ng gayong tulad-tupang mga tao ang tinitipon ng Diyos sa ganang kaniya sa pamamagitan ni Kristo. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Sa kanilang puso, inilagay ng Diyos ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso. Ang ibig nila’y kumain ng sakdal na pagkain, magkaroon ng mapagmahal na kapamahalaan sa mga hayop, at tamasahin ang pakikisama sa matuwid na mga kapuwa-tao magpakailanman.
Mahabaging mga Saserdote at mga Hari
Yamang ang pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus na ibigay ang kaniyang buhay bilang isang pantubos, tiyak na siya’y magiging isang mahabaging makalangit na Hari. Subalit, hindi mag-iisa si Jesus sa pagbabangon sa sangkatauhan tungo sa kasakdalan sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Si Jehova ay gumawa ng paglalaan para sa iba pang mahabaging mga hari sa langit. Oo, “sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng sanlibong taon.”—Apocalipsis 20:1-6.
Ilan ang makakasama ni Kristo sa paghahari, at papaano sila pinipili para sa gayong pagkalaki-laking pribilehiyo? Bueno, nakita ni apostol Juan ang 144,000 sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo. Yamang sila’y “binili buhat sa sangkatauhan,” kanilang malalaman kung ano ba ang ibig sabihin ng pagdaranas ng mga pagsubok, pagtitiis sa mga kahirapan ng di-kasakdalan, ng pagdurusa, at ng pagkamatay bilang mga tao. (Apocalipsis 14:1-5; Job 14:1) Kung gayon, sila’y magiging mahabaging mga haring-saserdote nga!
Ang Patotoo ng Espiritu
Ang 144,000 ay “may pagkapahid buhat sa isang banal,” si Jehova. (1 Juan 2:20) Ito’y isang pagkapahid ukol sa isang makalangit na pag-asa. Ang Diyos ang ‘nagtatak sa kanila at nagbigay sa kanila ng patotoo ng darating, alalaong baga, ang espiritu, sa kanilang mga puso.’—2 Corinto 1:21, 22.
Oo, yaong mga tinawag sa makalangit na tunguhin ay may patotoo ng espiritu ng Diyos tungkol diyan. Hinggil dito, si Pablo ay sumulat sa Roma 8:15-17: “Hindi ninyo tinanggap ang espiritu ng pagkaaliping lumilikha na naman ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa espiritung ito sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu na rin ang nagpapatotoong kasama ng ating espiritu na mga anak tayo ng Diyos. At kung mga anak, samakatuwid nga, mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magtitiis tayo nang sama-sama upang luwalhatiin din tayo nang sama-sama.” Sa pamamagitan ng espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos, kung kaya ang mga pinahiran ay sumisigaw, “Abba, Ama!”
Ang pangunahing katunayan na ang isang tao’y pinahiran para sa makalangit na tunguhin ay isang espiritu, o dominanteng diwa, ng pagiging anak. (Galacia 4:6, 7) Ang gayong tao ay lubusang nakatitiyak na siya’y inianak ng Diyos sa pagiging espirituwal na anak bilang isa sa 144,000 kasamang mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian. Siya’y makapagpapatotoo na ang kaniyang makalangit na pag-asa ay hindi kaniyang sariling pinaunlad na pagnanasa o kaniyang guniguni; bagkus, iyon ay galing kay Jehova bilang resulta ng pagpapakilos sa kaniya ng espiritu ng Diyos.—1 Pedro 1:3, 4.
Sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, ang espiritu, o dominanteng saloobin, ng mga pinahiran ay kumikilos na isang nag-uudyok na puwersa. Ito ang nagpapakilos sa kanila upang tumugon sa positibong paraan sa sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa makalangit na pag-asa. Sila ay tumutugon din sa isang positibong paraan sa mga pakikitungo ni Jehova sa kanila sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sa gayon, kanilang natitiyak na sila ay espirituwal na mga anak at mga tagapagmana ng Diyos.
Pagka nabasa ng mga pinahiran ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak at sa makalangit na pag-asa, ang kanilang kusang kinahihiligan ay ang sabihin sa kalooban nila, ‘Ito nga ako!’ Oo, sila’y tumutugon nang may kagalakan pagka ang Salita ng kanilang Ama ay nangako ng isang makalangit na gantimpala. Kanilang sinasabi, ‘Ako nga iyan!’ Pagka kanilang nabasa: “Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos.” (1 Juan 3:2) At pagka nabasa ng mga pinahiran na ang Diyos ay nagluwal ng mga tao “upang maging mga unang bunga ng kaniyang mga nilalang,” ang tugon ng kanilang kaisipan ay, ‘Oo, iniluwal niya ako ukol sa layuning iyan.’ (Santiago 1:18) Batid nila na sila’y “nabautismuhan kay Kristo Jesus” at sa kaniyang kamatayan. (Roma 6:3) Kaya sila’y may matibay na pananalig na sila ay bahagi ng espirituwal na katawan ni Kristo at may pag-asang dumanas ng kamatayan na kagaya ng sa kaniya at buhaying-muli sa buhay sa langit.
Upang manahin ang makalangit na Kaharian, ang mga pinahiran ay kailangang ‘gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang tiyakin ang pagkatawag at pagkapili sa kanila.’ (2 Pedro 1:5-11) Sila’y lumalakad ayon sa pananampalataya at patuloy na lumalaki sa espirituwal, kagaya rin ng mga may makalupang pag-asa. Kung gayon, ano pa ang mayroon sa patotoo ng espiritu?
Kung Bakit Sila’y Nakikibahagi
Ang pinahirang mga Kristiyano ay hindi nagnanais na pumunta sa langit dahilan sa sila’y hindi nasisiyahan sa kasalukuyang buhay sa lupa. (Ihambing ang Judas 3, 4, 16.) Bagkus, ang banal na espiritu ay nagpapatotoo kasama ng kanilang espiritu na sila’y mga anak ng Diyos. Sila’y nakatitiyak din na sila ay kasali sa bagong tipan. Ang mga panig sa tipang ito ay ang Diyos na Jehova at ang espirituwal na Israel. (Jeremias 31:31-34; Galacia 6:15, 16; Hebreo 12:22-24) Ang tipan na ito, na nagkabisa sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Jesus, ay kumukuha ng isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova at ang pinahirang mga Kristiyanong ito ay ginagawang bahagi ng “binhi” ni Abraham. (Galacia 3:26-29; Gawa 15:14) Ang bagong tipan ay nananatiling may bisa hanggang sa buhaying-muli ang lahat ng espirituwal na mga Israelita sa walang hanggang-buhay sa langit.
Isa pa, yaong talagang tinawag sa makalangit na tunguhin ay hindi nag-aalinlangan na sila’y kasali rin sa tipan ukol sa makalangit na Kaharian. Ang tipan na ito sa pagitan niya at ng kaniyang mga tagasunod ay tinukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Kayo yaong mga nagsipanatili sa akin sa mga pagsubok sa akin; at ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking mesa sa aking kaharian at maupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:28-30) Ang tipan na ito ay pinasinayaan may kaugnayan sa mga alagad ni Jesus nang sila’y pahiran ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Ito’y namamalaging may bisa sa pagitan ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga hari magpakailanman.—Apocalipsis 22:5.
Yaong mga tinawag sa makalangit na tunguhin ay positibo na sila’y kasali sa bagong tipan at sa tipan ukol sa isang Kaharian. Samakatuwid, sila’y tumpak na nakikibahagi sa mga emblemang tinapay at alak sa taunang pag-aalaala sa Hapunan ng Panginoon, o Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Ang tinapay na walang lebadura ay sumasagisag sa sakdal na katawang tao ni Jesus, at ang alak naman ay sa kaniyang sakdal na dugo na ibinuhos sa kamatayan at nagbigay-bisa sa bagong tipan.—1 Corinto 11:23-26.
Kung sakaling nilinang sa iyo ni Jehova ang di-maikakailang pag-asang mabuhay sa langit, iyon ay inaasahan mo. Ikaw ay naghahandog ng mga panalangin bilang pagpapahayag ng pag-asang iyan. Okupado kang lagi niyan, at hindi mo maiwalay iyan sa iyong buong pagkatao. Sa iyo ay lubusang nananaig ang espirituwal na mga hangarin. Subalit kung ikaw ay nababahagi at walang kasiguruhan, tiyak na hindi ka dapat makibahagi sa mga emblema ng Hapunan ng Panginoon.
Bakit May mga Maling Pala-palagay?
Ang iba’y baka maling nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal dahil sa hindi nila talagang kinikilala na ang pagpapahid ay “depende, hindi sa isang naghahangad ni sa isang tumatakbo, kundi sa Diyos.” (Roma 9:16) Hindi ang indibiduwal ang magpapasiya sa kung ibig baga niya na makasali siya sa bagong tipan at maging isang kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Si Jehova ang pumipili. Sa sinaunang Israel, pinili ng Diyos yaong mga maglilingkod bilang kaniyang mga saserdote, at kaniyang pinatay si Kore dahil sa may-pagkapangahas na naghangad ng pagkasaserdote na itinakda ng Diyos sa pamilya ni Aaron. (Exodo 28:1; Bilang 16:4-11, 31-35; 2 Cronica 26:18; Hebreo 5:4, 5) Sa katulad na paraan, hindi makalulugod kay Jehova kung ang isang tao’y mag-aangkin na isang tinawag upang makabilang na isa sa makalangit na mga hari at mga saserdote gayong hindi naman siya tinawag para sa gayong tunguhin.—Ihambing ang 1 Timoteo 5:24, 25.
Ang isang tao ay baka nagkakamali ng palagay na siya’y tinawag para sa isang makalangit na tunguhin dahil sa matinding emosyon na bunga ng malulubhang suliranin. Ang pagkamatay ng isang kabiyak o iba pang kapahamakan ay maaaring umakay sa isang tao na mawalan ng interes sa buhay sa lupa. O ang isang laging kasama ay maaaring mag-angkin na isang pinahiran, at ang taong iyon ay baka maghangad ng ganoon ding katutunguhan. Ang ganiyang mga salik ay baka magpadama sa kaniya na ang buhay sa langit ang bagay sa kaniya. Subalit hindi ganito ang paraan ng Diyos ng pagbibigay sa kaninuman ng espiritu ng pagiging anak. Magpapakita ng kawalan ng utang na loob sa layunin ng Diyos tungkol sa lupa kung ang isang tao’y nagnanais na pumunta sa langit dahil sa di-kanaisnais na mga kalagayan o mga pasakit na kaugnay ng buhay sa lupa.
Ang dating mga paniniwalang relihiyoso ay maaaring maging dahilan din upang ang isang tao ay maling mag-akala na siya’y tinawag para sa makalangit na tunguhin. Maaaring dati ay nakaugnay siya sa isang huwad na relihiyon na nagbibigay ng pag-asang makalangit na buhay bilang ang tanging maaasahan ng mga tapat. Kung gayon, ang isang Kristiyano ay kailangang mag-ingat laban sa pananaig sa kaniya ng emosyon at ng nakalipas na mga maling paniniwala.
Kailangan ang Maingat na Pagsusuri
Isang napakahalagang punto ang iniharap ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Sinuman na di-nararapat kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon ay nagkakasala tungkol sa katawan at dugo ng Panginooon. Hayaan munang sang-ayunan ng isang tao ang kaniyang sarili pagkatapos na masuri niya, at saka kumain ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagkat ang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol laban sa kaniyang sarili kung hindi niya nakikilala ang katawan.” (1 Corinto 11:27-29) Samakatuwid, ang isang bautismadong Kristiyano na noong nakalipas na mga taon ay nag-iisip na siya’y tumanggap ng tawag para sa makalangit na tunguhin ay dapat na pag-isipan nang buong ingat at may kalakip na panalangin ang bagay na iyon.
Ang gayong tao ay maaari ring magtanong sa kaniyang sarili: ‘Ako ba ay naimpluwensiyahan ng iba upang ang ideya ng buhay sa langit ang maging hangarin ko?’ Ito’y di-nararapat, sapagkat hindi naman inatasan ng Diyos na ang sinuman ay mangalap ng mga iba para sa gayong pribilehiyo. Ang isang tendensiya ng pagkahilig sa pantasiya o guniguni ay hindi palatandaan na ang isa ay pinahiran ng Diyos, at hindi niya pinapahiran ang mga tagapagmana ng Kaharian sa pamamagitan ng pagkarinig ng mga tinig na may mga mensahe tungkol sa mga bagay na iyan.
Ang iba’y makapagtatanong sa kanilang sarili: ‘Bago naging isang Kristiyano, ako ba’y napasangkot sa pag-abuso sa droga? Ako ba’y gumagamit ng mga gamot na may epekto sa emosyon? Ako ba’y ginamot sa mga sakit na may kaugnayan sa isip o sa emosyon?’ Ang sabi naman ng iba ay sa primero raw kanilang nilabanan ang noon ay inaakala nilang makalangit na pag-asa. Sabi naman ng iba may panahon daw na binawi ng Diyos ang kanilang makalupang pag-asa at sa wakas ay binigyan sila ng isang makalangit na pag-asa. Subalit hindi ganiyan ang paraan ng pakikitungo ng Diyos. Isa pa, ang pananampalataya ay hindi isang bagay na walang katiyakan; ito ay tiyak.—Hebreo 11:6.
Ang isang tao ay makapagtatanong din sa kaniyang sarili: ‘Hangarin ko ba na maging prominente? Ako ba’y naghahangad ng isang puwesto ng panunungkulan ngayon o bilang isa sa mga hari at mga saserdoteng makakasama ni Kristo?’ Noong unang siglo C.E., nang isang pangkalahatang paanyaya ang ibinigay sa pagpasok sa makalangit na Kaharian, hindi lahat ng pinahirang mga Kristiyano ay nasa mga puwesto ng pananagutan bilang mga miyembro ng lupong tagapamahala o bilang mga matatanda o ministeryal na mga lingkod. Marami sa kanila ang mga babae, at sila’y walang natatanging autoridad; ni ang pagkapahid man ng espiritu ay nagdadala ng pambihirang pagkaunawa sa Salita ng Diyos, sapagkat kinailangan noon na turuan at payuhan ni Pablo ang ilang mga pinahiran. (1 Corinto 3:1-3; Hebreo 5:11-14) Yaong mga tinawag sa makalangit na tunguhin ay hindi nagtuturing sa kanilang sarili na sila’y prominenteng mga tao, at sila’y hindi tumatawag-pansin sa kanilang pagiging mga pinahiran. Bagkus, sila’y nagpapakita ng kababaang-loob na tama namang asahan na makikita sa mga may “kaisipan ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Kanila ring natatalos na ang matuwid na mga kahilingan ng Diyos ay kailangang matugunan ng lahat ng Kristiyano, ang kanilang pag-asa ay makalangit man o makalupa.
Hindi dahil sa pag-aangkin ng isang tao na siya’y tinawag sa makalangit na tunguhin ay magkakaroon na siya ng natatanging tatanggaping mga pagsisiwalat. Ang Diyos ay may alulod ng pakikipagtalastasan na ito ang ginagamit upang kaniyang mapaglaanan ng espirituwal na pagkain ang kaniyang makalupang organisasyon. (Mateo 24:45-47) Kaya hindi dapat isipin ng sinuman na ang pagiging isang pinahirang Kristiyano ay magbibigay sa kaniya ng nakahihigit na karunungan kaysa sinuman na kabilang sa “malaking pulutong” na may makalupang pag-asa. (Apocalipsis 7:9) Ang pagkapahid ng espiritu ay hindi makikita sa kagalingan na magpatotoo, sa pagsagot sa mga katanungan mula sa Kasulatan, o pagbibigay ng mga pahayag sa Bibliya, sapagkat ang mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ay hindi na rin pahúhulí kung tungkol sa mga bagay na ito. Katulad ng mga pinahiran, sila man ay may ulirang mga buhay bilang mga Kristiyano. May kaugnayan diyan, si Samson at ang mga iba pa noong bago ng panahong Kristiyano ay may espiritu ng Diyos at sila’y puspos ng sigasig at kaunawaan. Gayunman, wala isa man sa ‘makapal na ulap ng mga saksi’ na iyan ang may makalangit na pag-asa.—Hebreo 11:32-38; 12:1; Exodo 35:30, 31; Hukom 14:6, 19; 15:14; 1 Samuel 16:13; Ezekiel 2:2.
Tandaan Kung Sino ang Pumipili
Kung ang isang kapananampalataya ay magtanong tungkol sa makalangit na pagkatawag, ang isang hinirang na matanda o iba pang maygulang na Kristiyano ay maaaring makipagtalakayan sa kaniya ng bagay na iyan. Subalit ang isang tao ay hindi makapagpapasiya para sa iba, at si Jehova ang nagbibigay ng makalangit na pag-asa. Ang isang indibiduwal na talagang tinawag para sa makalangit na tunguhin ay hindi kailanman nangangailangang magtanong sa kapuwa mga Kristiyano kung siya’y may gayong pag-asa. Ang mga pinahiran ay “binigyan ng isang bagong kapanganakan, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraang binhi, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at namamalagi.” (1 Pedro 1:23) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at Salita, itinatanim ng Diyos ang “binhi” na gumagawa upang ang indibiduwal ay maging “isang bagong nilalang,” na may makalangit na pag-asa. (2 Corinto 5:17) Oo, si Jehova ang pumipili.
Kung gayon, pagka nakikipag-aral ng Bibliya sa mga baguhan, hindi mabuti na imungkahing sila’y magpasiya kung sila baga’y tinawag para sa makalangit na tunguhin. Subalit kumusta naman kung ang isang pinahirang Kristiyano ay naging di-tapat at kinakailangang halinhan? Kung magkagayon ay makatuwirang isipin na ang pagkatawag sa makalangit na tunguhin ay ibibigay ng Diyos sa isang taong uliran sa tapat na paglilingkod sa ating makalangit na Ama sa loob ng napakaraming taon.
Sa ngayon, ang pangunahing tunguhin ng mensahe ng Diyos ay hindi para sa mga tao na maging mga miyembro ng makalangit na nobya ni Kristo. Bagkus, “ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ ” Ito ay isang paanyaya tungkol sa buhay sa isang makalupang paraiso. (Apocalipsis 22:1, 2, 17) Samantalang ang mga pinahiran ay nangunguna sa aktibidad na ito, sila’y nagpapakita ng “kapakumbabaan ng isip” at gumagawa ‘upang mangakasiguro sa pagkatawag at pagkahirang sa kanila.’—Efeso 4:1-3; 2 Pedro 1:5-11.