Maghahari ang Ilan, Makikinabang ang Marami
MULA noong panahon ng mga apostol, pumipili na ang Diyos mula sa sangkatauhan ng isang limitadong bilang ng tapat na mga Kristiyano at inampon sila bilang kaniyang mga anak. Lubusan ang pagbabagong nangyari sa mga inampong ito, anupat tinutukoy ito ng Salita ng Diyos na bagong pagsilang o born again. Layunin ng pagiging born again na ihanda ang mga lingkod na ito ng Diyos para mamahala sa langit. (2 Timoteo 2:12) Upang maging mga tagapamahala, binuhay-muli sila tungo sa buhay sa langit. (Roma 6:3-5) Sa langit, “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa,” kasama ni Kristo.—Apocalipsis 5:10; 11:15.
Pero sinasabi rin ng Salita ng Diyos na bukod sa mga born again, may iba pang tatanggap ng walang-hanggang kaligtasan. Binabanggit sa Bibliya (sa Hebreong Kasulatan at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan) na nilayon ng Diyos na iligtas ang dalawang grupo ng mga tao—isang maliit na grupo ng mga tagapamahala na maninirahan sa langit at isang malaking grupo ng mga tao na magiging sakop ng Kaharian at maninirahan sa lupa. Halimbawa, pansinin ang isinulat ni apostol Juan sa mga kapananampalataya niya na naging born again. Sinabi niya hinggil kay Jesus: “Siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi lamang para sa atin [maliit na grupo] kundi para rin naman sa buong sanlibutan [malaking grupo].”—1 Juan 2:2.
Sa katulad na paraan, isinulat ni apostol Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang [malaking grupo] ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos [maliit na grupo].” (Roma 8:19-21) Paano natin uunawain ang mga sinabi nina apostol Juan at Pablo? Ganito: Ang mga born again ay magiging bahagi ng pamahalaan sa langit. Sa anong layunin? Para magdala ng walang-hanggang mga pakinabang sa milyun-milyong tao na magiging sakop ng pamahalaan ng Diyos at maninirahan sa lupa. Kaya tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Mababasa rin sa Hebreong Kasulatan na may dalawang grupo na maliligtas. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Jehova sa ninuno ni Jesus na si Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi [maliit na grupo] ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa [malaking grupo] ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Oo, pagpapalain ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham.
Sino ang “binhi”? Si Jesu-Kristo, kasama ang mga born again, ang inampon na mga anak ng Diyos. Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Kung kayo ay kay Kristo, kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham.” (Galacia 3:16, 29) Anu-anong pagpapala ang ilalaan sa mga tao ng lahat ng bansa sa pamamagitan ng “binhi”? Ang matamong muli ang pagsang-ayon ng Diyos at mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. Inihula ng salmistang si David: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29; Isaias 45:18; Apocalipsis 21:1-5.
Oo, ang pamamahala sa langit ay inilaan para sa ilan, pero ang mga pakinabang ng pamamahalang ito—ang buhay na walang hanggan sa lupa at ang mga pagpapalang kasama nito—ay para sa marami. Ikaw sana at ang iyong pamilya ay makabilang sa mga tatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala na idudulot ng Kaharian ng Diyos.
[Larawan sa pahina 12]
Milyun-milyong tao ang mabubuhay nang walang hanggan sa lupa. Makakabilang ka kaya sa kanila?