Mga Lahi ng Sangkatauhan
Kahulugan: Gaya ng paggamit dito, ang isang lahi ay isang bahagi ng sangkatauhan na sa pangkalahatan ay nagtataglay ng nagkakahawig na pisikal na mga katangian na maaaring manahin at magbukod sa kanila bilang isang partikular na grupo ng mga tao. Gayumpaman, dapat pansinin na, yamang ang mga lahi ay maaaring mag-asawa sa isa’t isa at magkaanak, maliwanag na sila’y iisang “uri” lamang, na pawang mga miyembro ng pamilya ng sangkatauhan. Kaya ang iba’t-ibang lahi ay mga bahagi lamang ng kabuuang pagkakasari-sari ng sangkatauhan.
Saan nagmula ang iba’t ibang mga lahi?
Gen. 5:1, 2; 1:28: “Nang araw na lalangin ng Diyos si Adan ay sa wangis ng Diyos siya nilalang. Lalake at babae silang nilalang. At sila’y binasbasan niya at tinawag silang Tao [o, Sangkatauhan] sa araw na sila’y lalangin.” “Sila’y binasbasan ng Diyos, at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’ ” (Kaya ang buong sangkatauhan ay pawang mga supling ng unang mag-asawang tao, sina Adan at Eba.)
Gawa 17:26: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawa’t bansa, upang magsipanahan sa ibabaw ng lupa.” (Kaya, kahit may iba’t ibang lahi na bumubuo ng isang bansa, lahat sila ay mga supling ni Adan.)
Gen. 9:18, 19: “Ang mga anak ni Noe na nagsilunsad sa daong ay si Sem at si Ham at si Japhet. . . . Ang tatlong ito ay mga anak ni Noe, at sa mga ito nakalatan ang buong lupa.” (Matapos puksain ng Diyos ang masamang sanlibutan sa pamamagitan ng pandaigdig na baha noong kaarawan ni Noe, ang bagong populasyon ng lupa, kasama ang lahat ng mga lahing kilala sa ngayon, ay nagmula sa supling ng tatlong anak at manugang ni Noe.)
Sina Adan at Eba ba’y mga taong makatalinghaga lamang?
Hindi inaalalayan ng Bibliya ang pangmalas na ito; tingnan ang paksang “Adan at Eba.”
Saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa kung iisa lamang ang sambahayan noon?
Gen. 3:20: “Ang asawa ni Adan ay tinawag niyang Eba, sapagka’t siya’y magiging ina ng lahat ng mga nabubuhay.” (Kaya ang lahat ng mga tao ay magiging supling nina Adan at Eba.)
Gen. 5:3, 4: “Nabuhay si Adan ng isang daan at tatlumpung taon. At nagkaanak siya ng isang lalake sa kaniyang wangis, kahawig ng kaniyang larawan, at tinawag niya ito sa pangalang Set. At ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon. Samantala, siya’y nagkaanak ng mga lalake at mga babae.” (Ang isa sa mga anak na lalake ni Adan ay si Cain, at isa sa mga anak na babae ni Adan ay naging asawa ni Cain. Noong panahong iyon ng kasaysayan ang mga tao ay nagtataglay pa rin ng natatanging pisikal na kalusugan at kalakasan, na siyang ipinakikita rin ng haba ng kanilang buhay, kung kaya’t hindi malaki ang panganib na mailipat ang depekto sa mga supling niyaong nag-aasawa ng malapit na kamag-anak. Subali’t, pagkalipas ng 2,500 taon ng kasaysayan ng tao, nang humina ang pisikal na kalagayan ng sangkatauhan, si Jehova ay nagbigay sa Israel ng mga batas na nagbawal sa pag-aasawa ng malapit na kamag-anak.)
Gen. 4:16, 17: “Umalis si Cain sa harapan ni Jehova at tumahan sa lupain ng mga Takas [o, Nod] sa silanganan ng Eden. At sinipingan ni Cain ang kaniyang asawa [“nakilala ang kaniyang asawa,” alalaong baga’y sa pagtatalik, KJ, RS; “sumiping sa kaniyang asawa,” NE] at siya’y naglihi at ipinanganak si Enoc.” (Pansinin na hindi unang nakilala ni Cain ang kaniyang asawa sa lupaing tinakasan niya, na para bagang siya’y galing sa ibang pamilya. Sa halip, doon lamang sila nagsiping upang magluwal ng anak.)
Ano ang dahilan ng pagkakaroon ng iba’t-ibang katangian ng mga lahi?
“Ang lahat ng mga taong nabubuhay ngayon ay kabilang sa iisang uri, Homo sapiens, at may iisang pinagmulan. . . . Ang biolohikal na pagkakaiba-iba ng mga tao ay bunga ng pagmamana at ng epekto ng kapaligiran sa minanang mga katangiang ito. Karaniwan na, ang dalawang salik na ito ang siyang sanhi ng mga pagkakaibang yaon. . . . Kadalasa’y mas malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng mga indibiduwal na bumubuo ng isang lahi o bansa kaysa pagkakaiba sa pagitan ng iba’t-ibang mga lahi o mga bansa.”—Isang pandaigdig na lupon ng mga siyentista na tinipon ng UNESCO, sinipi sa Statement on Race (Nueba York, 1972, ikatlong ed.), Ashley Montagu, p. 149, 150.
“Ang isang lahi ay isa lamang sa mga nakabukod na grupo ng pinagsamasamang mga gene na lumitaw bunga ng pagkakahati ng sangkatauhan nang panahong ito’y lumaganap sa balat ng lupa. Humigit kumulang, nagkaroon ng isang lahi sa bawa’t isa sa limang pangunahing kontinente ng lupa. . . . Ang tao ay nagkabukud-bukod nga noong panahong ito ng kasaysayan at ating masusukat at mapag-aaralan ang naging bunga ng pagkakabukud-bukod na ito batay sa nalabi ngayon ng sinaunang mga lahi. Gaya ng ating maaasahan, waring ang pagkakabukud-bukod na ito ay may kaugnayan sa tagal ng kanilang pagkabukod. . . . Nang mabuo ang mga lahi sa mga kontinente, at nagsiksikan ang libu-libong mga tao sa nakabukod na grupo ng mga gene sa buong daigdig, lumitaw ang pagkakaiba-iba ng mga gene na ating nakikita sa ngayon. . . . Ang nakapagtataka rito ay na, bagama’t sa labas ay tila nagkakaiba-iba ang bawa’t grupo ng mga tao, gayon man sa kabila ng mga pagkakaibang ito ay nagkakahawig sila sa pangkalahatan.” (Heredity and Human Life, Nueba York, 1963, H. L. Carson, p. 151, 154, 162, 163) (Kaya, sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao, nang bumukod sa iba ang isang grupo ng mga tao at nag-asawa sa kanilang sariling grupo, ang kanilang mga supling ay nagkaroon ng ilang namumukud-tanging katangiang henetiko.)
Itinuturo ba ng Bibliya na ang mga itim ay isinumpa?
Ang ideyang iyon ay salig sa maling pagkaunawa ng Genesis 9:25, na doon si Noe ay nagsabi: “Sumpain si Canaan. Siya’y magiging hamak na alipin sa kaniyang mga kapatid.” Basahin ninyong maingat; walang sinabi tungkol sa kulay ng balat. Maliwanag na ang sumpa ay ibinigay dahil sa karumaldumal na pagkilos ng anak ni Ham na si Canaan na nararapat sumpain. Nguni’t sino ang mga naging supling ni Canaan? Hindi ang mga itim, kundi ang mga taong mas maputi ang balat na nanirahan sa dakong silanganan ng Dagat Mediteranyo. Dahil sa kanilang karumaldumal na mga gawain, demonistikong mga rituwal, idolatriya, at paghahain ng mga bata, sila’y napasa-ilalim ng banal na paghatol, at ibinigay ng Diyos sa Israel ang lupaing tinitirahan ng mga Cananeo. (Gen. 10:15-19) Hindi lahat ng mga Cananeo ay nalipol; ang ilan ay pinagtrabaho nang mabigat, bilang katuparan ng sumpa.—Jos. 17:13.
Sino sa mga anak ni Noe ang pinagmulan ng mga itim? “Ang mga anak ni Cush [isa na rin sa mga anak ni Ham] ay si Seba at si Havila at si Sabta at si Raama at si Sabteca.” (Gen. 10:6, 7) Kapag binanggit ng Bibliya ang Cush, kadalasa’y katumbas ito ng Ethiopia. Ang Seba ay ginamit nang dakong huli upang tukuyin ang isang bayan sa dakong silanganan ng Aprika na malapit sa Ethiopia.—Isa. 43:3, talababa sa NW, edisyong may Reperensiya.
Ang lahat ba ng mga tao’y anak ng Diyos?
Ang pagiging anak ng Diyos ay hindi natin makakamit bilang di-sakdal na mga tao dahil lamang sa pagsilang. Subali’t tayong lahat ay mga supling ni Adan, na naging “anak ng Diyos” nang siya’y lalangin sa kasakdalan.—Luc. 3:38.
Gawa 10:34, 35: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng tao, kundi sa bawa’t bansa siya na may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugudlugod sa kaniya.”
Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Kailangan ang tunay na pananampalataya sa kaniya upang makamit ng sinoman sa atin ang kaugnayan sa Diyos na naiwala ni Adan. Ang pribilehiyong iyon ay bukás sa mga tao ng lahat ng mga lahi.)
1 Juan 3:10: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.” (Kaya hindi lahat ng mga tao ay itinuturing ng Diyos na kaniyang mga anak. Mula sa espirituwal na pangmalas, yaong mga kusang gumagawa ng mga bagay na hinahatulan ng Diyos ay mga anak ng Diyablo. Tingnan ang Juan 8:44. Nguni’t ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapakita ng maka-diyos na mga katangian. Mula sa mga ito, pinili ng Diyos ang isang limitadong bilang upang maghari kasama ni Kristo sa langit. Ang mga ito ay tinutukoy ng Diyos bilang kaniyang “anak” o “anak na lalake.” Para sa karagdagang detalye, tingnan ang paksang “Pagkapanganak-na-Muli.”)
Roma 8:19-21: “Ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Diyos . . . Ang buong sangnilalang din naman ay palalayain mula sa pagka-alipin sa kabulukan at magtataglay ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Darating ang kaginhawahan sa sangkatauhan kapag ang “mga anak ng Diyos,” matapos tumanggap ng makalangit na buhay, ay ‘nahayag’ sa diwa na sila’y kumikilos na upang tulungan ang sangkatauhan sa ilalim ng pangunguna ni Kristo. Kapag nakamit na ng mga tapat sa lupa [na tinutukoy bilang “buong nilalang” sa tekstong ito] ang kasakdalang tao at nakapagpatunay ng di-mababaling katapatan kay Jehova bilang Pansansinukob na Soberano, kung magkagayon sila rin naman ay magtatamasa ng mainam na kaugnayan bilang mga anak ng Diyos. Tatamasahin ito ng mga tao sa lahat ng lahi.)
Talaga bang magkakaisa bilang magkakapatid ang mga tao sa lahat ng lahi?
Sa tunay niyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kayong lahat ay magkakapatid.” (Mat. 23:8) Nang dakong huli ay idinagdag niya: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”—Juan 13:35.
Sa kabila ng di-kasakdalan ng tao, ang gayong pagkakaisa ay talagang umiral sa gitna ng unang mga Kristiyano. Sumulat si apostol Pablo: “Walang magiging Judio ni Griyego man, walang magiging alipin ni malaya man, walang magiging lalake ni babae man; sapagka’t kayong lahat ay iisang persona na kaisa ni Kristo Jesus.”—Gal. 3:28.
Ang Kristiyanong kapatiran na walang bahid ng pagtatangi-tangi ng lahi ay umiiral sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglo. Sinabi ng manunulat na si William Whalen sa U.S. Catholic: “Ako’y naniniwala na ang isa sa pinaka-magandang katangian ng [organisasyon ng mga Saksi ni Jehova] ay ang patakaran nito ng pagkakapantay-pantay ng lahi.” Matapos gumawa ng isang malawak na pagsusuri tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Aprika, ang sosyologo na si Bryan Wilson ng Oxford University ay nagsabi: “Tila mas matagumpay ang mga Saksi kaysa alinpamang ibang grupo sa bilis ng pag-aalis ng pagtatangi-tangi ng tribo sa mga nakukumberte nila.” Bilang pag-uulat sa isang pandaigdig na pagtitipon ng mga Saksi mula sa 123 lupain, sinabi ng The New York Times Magazine: “Humanga ang mga taga-Nueba York sa mga Saksi hindi lamang dahil sa kanilang bilang, kundi dahil sa kanilang pagkasari-sari (kasama nila ang mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay), ang kanilang di-pagtatangi ng lahi (maraming Saksi ay mga Negro) at ang kanilang tahimik at maayos na paggawi.”
Di matatagalan at lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay, kasama na rin ang lahat na hindi tunay na umiibig sa Diyos na Jehova at sa kanilang kapuwa. (Dan. 2:44; Luc. 10:25-28) Ang Salita ng Diyos ay nangangako na ang mga makaliligtas ay magiging mga tao “mula sa bawa’t bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika.” (Apoc. 7:9) Yamang sila’y binubuklod ng pagsamba sa tunay na Diyos, ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, at ng pag-ibig sa isa’t-isa, sila’y tunay na bubuo ng isang nagkakaisang sambahayan ng tao.