-
Karunungan ng Diyos—Makikita sa KalikasanAng Bantayan—2008 | Mayo 1
-
-
Karunungan ng Diyos—Makikita sa Kalikasan
“Siya ang Isa na nagtuturo sa atin nang higit kaysa sa mga hayop sa lupa, at ginagawa niya tayong mas marunong kaysa sa mga lumilipad na nilalang sa langit.”—JOB 35:11.
ANG mga ibon ay may kahanga-hangang kakayahan. Kinaiinggitan ng mga tagadisenyo ng eroplano ang paraan ng kanilang paglipad. Ang ilang uri ng ibon ay nakalilipad nang libu-libong kilometro sa dagat kahit wala itong mga palatandaan at nakararating sila sa kanilang destinasyon.
Ang isa pang namumukod-tanging kakayahan ng mga ibon—na higit pang nagsisiwalat sa karunungan ng Maylikha—ay ang kakayahan nilang mag-usap sa pamamagitan ng pagsiyap at paghuni. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Pag-uusap ng mga Ibon
Ang ilang uri ng ibon ay nakikipag-usap na bago pa man mapisa. Halimbawa, ang inahing pugo ay nangingitlog nang di-kukulangin sa walong itlog, isa sa bawat araw. Kung pare-pareho ang bilis ng paglaki ng sisiw sa loob ng itlog, isa-isang mapipisa ang mga ito sa loob ng walong araw. Mahihirapan ang inahin na alagaan ang malilikot na sisiw na isang linggo nang napisa habang may nililimliman pa itong isang itlog. Kaya ang nangyayari, sabay-sabay na napipisa ang lahat ng walong sisiw sa loob ng anim na oras. Paano nangyayari iyon? Ayon sa mga mananaliksik, ang isang pangunahing dahilan ay ang pag-uusap ng mga sisiw bago pa man sila mapisa at, sa paanuman, napagkakasunduan nilang mapisa sila nang halos sabay-sabay.
Kapag malaki na ang mga ibon, ang mga lalaki ang karaniwang humuhuni. Ginagawa nila ito lalo na kung panahon ng pagpaparami para manligaw o markahan ang kanilang teritoryo. Ang bawat isa sa libu-libong uri ng ibon ay masasabing may sariling wika at tumutulong ito para makapili ang mga babae ng kapareha na kauri nila.
Ang mga ibon ay karaniwan nang humuhuni kung madaling-araw at dapit-hapon, at tamang-tama naman ito. Hindi masyadong mahangin at walang gaanong ingay sa mga panahong iyon. Natuklasan ng mga mananaliksik na hanggang 20 ulit na mas naririnig ang huni ng mga ibon sa umaga at gabi kaysa sa tanghaling-tapat.
Bagaman mga lalaki ang karaniwan nang humuhuni, ang mga lalaki at babae ay parehong may iba’t ibang uri ng siyap, o maiikling huni, na may kani-kaniyang kahulugan. Halimbawa, ang mga chaffinch ay may siyam na iba’t ibang uri ng siyap. Iba ang pagsiyap nila para magbabala kung mula sa himpapawid ang panganib—gaya ng umaali-aligid na ibong maninila—at iba naman kung mula sa lupa ang panganib.
Isang Nakahihigit na Regalo
Talagang kahanga-hanga ang likas na karunungan ng mga ibon. Pero pagdating sa kakayahang makipag-usap, di-hamak na mas kahanga-hanga ang mga tao. Ginawa ng Diyos ang mga tao na “mas marunong kaysa sa mga lumilipad na nilalang sa langit,” ang sabi sa Job 35:11. Natatangi ang kakayahan ng tao na magpahayag ng mahihirap na ideya at pangangatuwiran sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsenyas.
Di-tulad ng ibang nilalang, waring likas sa mga sanggol na matuto ng masalimuot na mga wika. Ganito ang sabi ng magasing American Scientist na mababasa sa Internet: “Natututo ng wika ang mga bata kahit hindi sila tuwirang kinakausap ng kanilang mga magulang; nakaiimbento pa nga ang mga batang bingi ng sarili nilang senyas kahit hindi sila tinuturuan nito sa bahay.”
-
-
Karunungan ng Diyos—Makikita sa KalikasanAng Bantayan—2008 | Mayo 1
-
-
Ano ang Nadarama Mo?
Ano ang iyong nadarama kapag naririnig mo ang magandang huni ng ibon o ang unang mga salitang binibigkas ng isang bata? Nakikita mo ba ang karunungan ng Diyos sa mga bagay na ginawa niya?
Pagkatapos magbulay-bulay sa paraan ng pagkalalang sa kaniya, nasabi ng salmistang si David sa Diyos: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Habang sinusuri at pinahahalagahan mo ang karunungan ng Diyos na makikita sa paglalang, tiyak na lalakas ang iyong pananampalataya sa kaniyang kakayahang maglaan sa iyo ng matalinong payo.
-
-
Kapangyarihan ng Diyos—Makikita sa mga BituinAng Bantayan—2008 | Mayo 1
-
-
Kapangyarihan ng Diyos—Makikita sa mga Bituin
“Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—ISAIAS 40:26.
ANG ating araw ay isang bituin na katamtaman lamang ang laki. Magkagayunman, 330,000 ulit na nakahihigit ang mass ng araw kaysa sa mass ng lupa. Karamihan sa mga bituing malapit sa lupa ay mas maliit sa araw. Pero ang ibang bituin, gaya ng tinatawag na V382 Cygni, ay may mass na di-kukulangin sa 27 ulit na nakahihigit kaysa sa mass ng ating araw.
Gaano karaming enerhiya ang inilalabas ng araw? Isipin na lamang kung gaano kainit ang apoy kung nararamdaman mo pa rin ang init nito kahit 15 kilometro na ang layo mo. Mga 150 milyong kilometro ang layo ng araw sa lupa. Pero kung tirik ang araw, nakapapaso ito ng balat! Kapansin-pansin, mga ikaisang bilyong bahagi lamang ng enerhiya ng araw ang nakaaabot sa lupa. Magkagayunman, ang bahagyang enerhiyang ito mula sa araw ay sapat na para masustinihan ang buhay sa lupa.
Sa katunayan, tinataya ng mga siyentipiko na ang kabuuang enerhiyang nanggagaling lamang sa ating araw ay sapat na para masustinihan ang mga 31 trilyong planeta gaya ng lupa. O sa ibang salita: Kung maiipon ang lahat ng enerhiya ng araw sa isang segundo lamang, masusuplayan nito ang Estados Unidos ng “sapat na enerhiya, ayon sa kasalukuyang gamit nito, sa loob ng hanggang 9,000,000 taon,” ayon sa Web site ng Space Weather Prediction Center (SWPC).
Ang enerhiya ng araw ay nagmumula sa sentro nito, pero napakalaki ng araw at napakasinsin ng sentro nito kaya inaabot nang milyun-milyong taon bago makarating sa gilid ng araw ang nalilikhang enerhiya sa sentro nito. “Kung hihinto ngayon ang Araw sa paggawa ng enerhiya,” ang sabi ng Web site ng SWPC, “aabutin pa nang 50,000,000 taon bago maramdaman sa Lupa ang epekto nito!”
Isipin ang bagay na ito: Kung titingala ka sa kalangitan sa isang maaliwalas na gabi, makikita mo ang libu-libong bituin na bawat isa’y naglalabas ng napakaraming enerhiya, gaya ng ating araw. At tinataya ng mga siyentipiko na bilyun-bilyon ang mga bituin sa uniberso!
Saan nagmula ang lahat ng bituing ito? Naniniwala ngayon ang karamihan sa mga mananaliksik na sa di-maipaliwanag na mga dahilan, bigla na lamang umiral ang uniberso mga 14 na bilyong taon na ang lumipas. Simple lamang ang sabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Walang alinlangan, ang Isa na lumikha ng pagkalaki-laking mga pabrika ng enerhiya na tinatawag nating mga bituin ay masasabing ‘malakas ang kapangyarihan.’—Isaias 40:26.
-