Ang Paglalang ay Nagsasabi, “Wala Silang Maidadahilan”
“Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita magmula pa nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, kaya wala silang maidadahilan.”—ROMA 1:20.
1, 2. (a) Anong masaklap na reklamo ang iniharap ni Job kay Jehova? (b) Ano ang binawi ni Job pagkatapos?
SI Job, isang sinaunang tao na may taglay na di-masisirang katapatan sa Diyos na Jehova, ay isinailalim ni Satanas sa isang kakila-kilabot na pagsubok. Pinangyari ng Diyablo na mawala kay Job ang lahat ng kaniyang materyal na mga pag-aari, pinasapit ang kamatayan sa kaniyang mga anak, at siya’y pinadapuan ng isang nakapandidiring sakit. Akala ni Job ay ang Diyos ang nagbibigay sa kaniya ng mga kalamidad na ito, at siya’y nagharap ng masaklap na reklamo kay Jehova: “Mabuti ba sa iyo na ikaw ay gumawa ng tiwali, . . . na iyong hanapin ang aking pagkakamali at patuloy na hanapin ang aking kasalanan? Ito’y bagaman iyong alam na ako’y hindi masama?”—Job 1:12-19; 2:5-8; 10:3, 6, 7.
2 Makalipas ang kaunting panahon, sa ipinahayag ni Job sa Diyos ay mahihiwatigan ang lubusang kabaligtaran ng kaniyang sinabi: “Ako’y nagsalita, ngunit hindi ko nauunawaan ang mga bagay na totoong kagila-gilalas para sa akin, na hindi ko nalalaman. Sa sabi-sabi ay nakabalita ako tungkol sa iyo, subalit ngayon ay nakikita ka ng aking sariling mata. Kaya binabawi ko ang aking sinabi, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.” (Job 42:3, 5, 6) Ano ba ang nangyari upang mabago ang saloobin ni Job?
3. Anong bagong punto de vista tungkol sa paglalang ang natamo ni Job?
3 Samantala, mula sa ipuipo ay hinarap ni Jehova si Job. (Job 38:1) Patuloy ang pagtatanong niya kay Job. ‘Nasaan ka nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Sino ang nagsara ng mga pinto sa dagat at naglagay ng mga hangganan kung hanggang saan hindi na makalalagpas ang mga alon? Magagawa mo bang ang mga alapaap ay magbagsak ng kanilang ulan sa lupa? Mapangyayari mo bang tumubo ang mga damo? Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin at maaakay ang mga ito sa kanilang landas?’ Sa buong mga kabanata 38 hanggang 41 ng aklat ng Job, pinaulanan ni Jehova si Job ng mga tanong na ito at ng marami pa tungkol sa Kaniyang nilalang. Kaniyang pinapangyaring makita ni Job ang napakalaking agwat sa pagitan ng Diyos at ng tao, sapilitang ipinaalaala kay Job ang karunungan at kapangyarihang ibinabadya ng paglalang ng Diyos, mga bagay na walang bahagya mang kakayahan si Job na gawin o kahit maunawaan. Palibhasa’y nadaraig ng kagila-gilalas na kapangyarihan at ng di-kapani-paniwalang karunungan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ayon sa nahahayag sa pamamagitan ng Kaniyang mga nilalang, si Job ay nangilabot nang maisip ang kaniyang kapangahasan na makipagtalo kay Jehova. Kaya sinabi niya: “Sa sabi-sabi ay nakabalita ako tungkol sa iyo, subalit ngayon ay nakikita ka ng aking sariling mata.”—Job 42:5.
4. Ano ang dapat nating matanto o maunawaan buhat sa mga paglalang ni Jehova, at ano ang kalagayan ng mga hindi nakakakita nito?
4 Makalipas ang daan-daang taon isang kinasihang manunulat ng Bibliya ang nagpatotoo na ang mga katangian ni Jehova ay makikita sa pamamagitan ng kaniyang mga paglalang. Ang apostol na si Pablo ay sumulat sa Roma 1:19, 20: “Sapagkat ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nasa gitna nila, dahil sa ito’y ipinakilala sa kanila ng Diyos. Sapagkat ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita magmula pa nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, kaya wala silang maidadahilan.”
5. (a) Ano ang likas na pangangailangan ng mga tao, at papaano ito maling binibigyang-kasiyahan ng ilan? (b) Ano ang ipinakilala ni Pablo sa mga Griego sa Atenas?
5 Nilalang ang tao na taglay ang likas na pangangailangang sumamba sa isang lalong mataas na kapangyarihan. Sa kaniyang aklat na The Undiscovered Self, tinukoy ni Dr. C. G. Jung ang pangangailangang ito bilang “isang katutubong saloobin na tao lamang ang nagtataglay, at ang mga palatandaan nito ay makikita sa buong kasaysayan ng tao.” Binanggit ni apostol Pablo ang katutubong hilig ng tao na sumamba, na nagpapaliwanag kung bakit ang mga Griego sa Atenas ay gumawa ng mga imahen at mga dambana sa maraming diyos, kilalá at di-kilalá. Ipinakilala rin sa kanila ni Pablo ang tunay na Diyos at ipinakita na dapat nilang bigyang kasiyahan sa tamang paraan ang katutubong hilig na ito sa pamamagitan ng paghanap sa tunay na Diyos, si Jehova, “baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:22-30) Kung malapít tayo sa kaniyang mga paglalang, gayunding kalapit natin mauunawaan ang kaniyang mga kalidad at katangian.
Ang Kagila-gilalas na Siklo ng Tubig
6. Anong mga katangian ni Jehova ang nakikita natin sa siklo ng tubig?
6 Halimbawa, anong mga katangian ni Jehova ang ating nauunawaan sa kakayahan ng mistulang himulmol na mga alapaap na pumigil ng tone-toneladang tubig? Nakikita natin ang kaniyang pag-ibig at karunungan, sapagkat sa pamamagitan nito ay nagbibigay siya ng ulan para sa ikapagpapala ng lupa. Kaniyang ginawa ito sa pamamagitan ng kahanga-hangang pagdisenyo sa siklo ng tubig, na binanggit sa Eclesiastes 1:7: “Lahat ng tubig-ulan ay humuhuho sa dagat, gayunman ay hindi napúpunô ang dagat. Sa dakong hinuhuhuan ng tubig-ulan, doon din humuhuho uli ang mga iyon.” Ang aklat ni Job sa Bibliya ay tiyakang nagsasabi kung papaano ito nangyayari.
7. Papaano ang tubig buhat sa dagat ay nagtutungo hanggang sa mga alapaap, at papaano ang mistulang himulmol na mga alapaap ay nakapipigil ng tone-toneladang tubig?
7 Pagka ang tubig-ulan ay umagos sa dagat, hindi ito namamalagi roon. Si Jehova ay “nagpapailanlang ng mga patak ng tubig buhat sa dagat at iyon ay kaniyang pinagiging ulan mula sa ulap na kaniyang ginawa.” Dahilan sa ang tubig ay nasa anyong singaw ng tubig at sa wakas nagiging mahinang ambon, “ang mga alapaap ay nakabitin sa itaas, isang kahanga-hangang gawa ng kaniyang lubos na kasanayan.” (Job 36:27; 37:16; The New English Bible) Ang mga alapaap ay lumulutang habang ito’y mahinang ambon: “Kaniyang itinatali ang tubig sa kaniyang mga alapaap—ang ambon ay hindi lumalagpak sa ilalim nito.” O gaya ng sinasabi ng isa pang salin: “Ang tubig ay kaniyang pinananatiling nakabitin sa makakapal na alapaap, at ang mga ulap ay hindi nahahapak sa ilalim nila.”—Job 26:8, The Jerusalem Bible; NE.
8. Sa pamamagitan ng anu-anong paraan “ang mga tapayan ng langit” ay inaalisan ng laman at nabubuo ang siklo ng tubig?
8 Ang “mga tapayan ng langit—sino ang makapagbubuhos ng laman nito” upang pangyarihing umulan sa lupa? (Job 38:37) Ang Isa na ang “lubos na kasanayan” ang siyang naglagay roon unang-una, na “pinagiging ulan [iyon] mula sa ulap na kaniyang ginawa.” At ano ang kinakailangan upang maging ulan ang mga ulap? Kailangang may pagkaliit-liit na buo at matitigas na bagay, tulad ng alabok o kati-katiting na piraso ng asin—libu-libo hanggang daan-daang libo nito sa bawat kubiko sentimetro ng hangin—upang magsilbing mga nukleo para may mabuong patak sa palibot. Tinataya na nangangailangan ng isang milyon ng pagkaliliit na mga patak ng alapaap upang makabuo ng isang katamtamang patak ng ulan. Pagkatapos lamang na maganap ang lahat na ito maaaring maghulog ang mga alapaap ng kanilang dalang tubig sa lupa upang maging mga ilog na nagsasauli ng tubig sa dagat. Ganiyan nabubuo ang siklo ng tubig. At lahat ba nito ay nagkataong nangyari lamang nang walang gumagawa? ‘Wala ngang maidadahilan!’
Ang Isang Pinagmulan ng Karunungan ni Solomon
9. Ano ang natuklasan ni Solomon na kapansin-pansin tungkol sa isang uri ng langgam?
9 Sa sinaunang sanlibutan, walang katulad ang karunungan ni Solomon. Ang kalakhang bahagi ng karunungang iyan ay tungkol sa paglalang ni Jehova: “[Si Solomon] ay nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa hisopo na sumisibol sa pader; at siya’y nagsalita rin tungkol sa maiilap na hayop at tungkol sa mga ibon at tungkol sa mga bagay na umuusad at tungkol sa mga isda.” (1 Hari 4:33) Ang Haring Solomon ding ito ang sumulat: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka. Bagaman walang nag-uutos, pangulo o pinunò, siya’y naghahanda ng pagkain kahit sa tag-init; kaniyang natipon na ang kaniyang panustos na pagkain kahit sa tag-ani.”—Kawikaan 6:6-8.
10. Papaano naipagbangong-puri ang ilustrasyon ni Solomon tungkol sa mang-aaning mga langgam?
10 Sino ang nagturo sa mga langgam na mag-imbak ng pagkain kung tag-init upang mayroon silang makain sa taglamig? Sa loob ng daan-daang taon ang pagiging totoo ng pag-uulat ni Solomon tungkol sa mga langgam na ito na nag-ani ng mga binhi at inimbak iyon para magamit kung taglamig ay pinag-aalinlanganan. Walang sinumang nakasumpong ng ebidensiya ng kanilang pag-iral. Gayunman, noong 1871 isang naturalistang Britano ang nakatuklas ng kanilang mga bangan sa ilalim ng lupa, at ang pagiging totoo ng Bibliya sa pag-uulat nito ay naipagbangong-puri. Subalit papaano nagkaroon ang mga langgam na ito ng patiunang kaalaman kung tag-init na dumarating na ang taglamig at ng karunungan na makaalam kung ano ang dapat gawin? Ang Bibliya mismo ay nagpapaliwanag na marami sa mga nilalang ni Jehova ang may karunungan na isinangkap sa kanila para sa kanilang ikabubuhay. Ang mang-aaning mga langgam ay tumatanggap ng pagpapalang ito buhat sa kanilang Maylikha. Ito’y tinutukoy sa Kawikaan 30:24: “Sila ay likas na may kapantasan.” Hindi makatuwiran na sabihing nagkataon lamang na nagkaroon sila ng gayong karunungan; ang hindi pagkaunawa na may isang marunong na Maylikha na nasa likod niyaon ay hindi maidadahilan.
11. (a) Bakit ang napakataas na punong sequoia ay totoong kagila-gilalas? (b) Ano ang kamangha-mangha tungkol sa unang reaksiyon sa photosynthesis?
11 Ang isang tao sa may paanan ng isang napakataas na punong sequoia, palibhasa’y nanggilalas sa kalakhan niyaon, ay makauunawa kung bakit siya’y mistulang isang munting langgam doon. Ang laki ng punungkahoy ay kagila-gilalas: 90 metro ang taas, 11 metro ang diyametro, ang pinakabalat ng punò ay 0.6 metro ang kapal, ang mga ugat ay kumakalat sa lawak na 1.2 hanggang 1.6 ektarya. Subalit, lalong kagila-gilalas ang kimika at pisika ng paglaki nito. Ang mga dahon ay kumukuha ng tubig buhat sa mga ugat, ng carbon dioxide buhat sa hangin, at enerhiya buhat sa araw upang gumawa ng mga asukal at maglabas naman ng oksiheno—isang proseso na tinatawag na photosynthesis na kinasasangkutan ng mga 70 kemikal na reaksiyon, na hindi lahat ay naiintindihan. Kamangha-mangha, ang unang reaksiyon ay depende sa liwanag na nagbubuhat sa araw na siyang tamang-tamang kulay, tamang sukat; sapagkat kung hindi ay hindi iyon sisipsipin ng mga molekula ng chlorophyll upang pasimulan ang proseso ng photosynthesis.
12. (a) Ano ang kapansin-pansin sa punong sequoia tungkol sa paggamit nito ng tubig? (b) Bakit ang nitroheno ay kailangan sa paglaki ng halaman, at papaano nabubuo ang siklong ito?
12 Kamangha-mangha rin ang bagay na ang punungkahoy ay nakapag-aakyat ng panustos na tubig buhat sa mga ugat hanggang sa taluktok ng 90-metrong dambuhalang ito. Higit pang dami ng tubig ang naiaakyat kaysa kinakailangan para sa photosynthesis. Ang labis ay inilalabas naman sa mga dahon patungo sa hangin sa pamamagitan ng pagsingaw. Sa pamamagitan nito, ang punungkahoy ay napalalamig ng tubig, tulad natin na pinalalamig ng pagpapawis. Upang makabuo ng protina para sa paglaki, ang nitroheno ay kailangang idagdag sa mga asukal, o carbohydrates. Ang dahon ay hindi makagagamit ng gas na nitroheno na kinuha sa hangin, subalit sa pamamagitan ng mga organismo sa lupa, ang nitrohenong gas sa lupa ay nagagawa nito na mga nitrate at mga nitrite na natutunaw sa tubig, na umaakyat buhat sa mga ugat patungo hanggang sa mga dahon. Pagka ang mga pananim at mga hayop na gumamit ng nitrohenong ito sa kanilang mga protina ay namatay at nabulok, ang nitroheno ay malayang kumakalat, at nabubuo ang siklo ng nitroheno. Sa lahat na ito, nakalilito ang pagkamasalimuot niyaon, malamang na hindi magagawa kung walang disenyo o patnubay.
Bagaman Hindi Nagsasalita o Walang Imik o Tinig, Sila’y Nangungusap!
13. Ano ang ipinahayag kay David ng mabituing langit, at ano ang kanilang patuloy na sinasabi sa atin?
13 Kagila-gilalas nga ang ibinabadya tungkol sa Maylikha ng isang mabituing langit kung gabi na anupat napúpunô ng pagpapakundangan ang mga nakasasaksi! Sa Awit 8:3, 4, ipinahayag ni David ang panggigilalas na kaniyang nadama: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, at ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano baga ang taong mortal upang iyong alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?” Sa mga may matang nakakakita, mga taingang nakakarinig, at pusong nakakadama, ang mabituing mga langit na ito ay nangungusap, gaya ng nasaksihan ni David: “Ang mga langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos.”—Awit 19:1-4.
14. Bakit natin lubhang kailangan ang dinamikong lakas ng isa sa mga bituin?
14 Mientras marami ang ating alam tungkol sa mga bituin, lalo namang malakas ang kanilang pangungusap sa atin. Sa Isaias 40:26, tayo’y inaanyayahan na bigyan-pansin ang kanilang makapangyarihang lakas: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong lakas, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.” Ang puwersa ng grabidád at ang dinamikong lakas ng isa sa kanila, ang ating araw, ang pumipigil sa lupa upang mapasakaniyang landas, nagpapatubo ng mga halaman, nagbibigay-init sa atin, at nagpapangyari sa lahat ng buhay rito sa lupa. Ang apostol na si Pablo ay kinasihan na magsabi: “Ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.” (1 Corinto 15:41) Kilala sa siyensiya ang dilaw na mga bituin tulad ng ating araw, pati na rin mga blue star, red giant, white dwarf, mga bituing neutron, at sumasabog na mga supernova na nagpapakawala ng lakas na di-maubos-maisip.
15. Ano ang natutuhan ng maraming imbentor buhat sa paglalang at sinubok na tularan?
15 Maraming imbentor ang natuto sa paglalang at nagtangkang tularan ang mga kakayahan ng nabubuhay na mga nilalang. (Job 12:7-10) Pansinin ang ilan lamang sa mahahalagang pitak ng paglalang. Ang mga ibong-dagat na may mga glandula na nag-aalis ng alat sa tubig-dagat; mga isda at mga igat na nakalilikha ng koryente; mga isda, bulati, at insekto na nakagagawa ng malalamlam na ilaw; mga bayakan at mga dolphin na gumagamit ng sonar; mga putakti na gumagawa ng papel; mga langgam na nagtatayo ng mga tulay; mga beaver na nagtatayo ng mga prinsa; mga ahas na may katutubong termometro; mga insekto sa lawa na gumagamit ng mga snorkel at mga diving bell; mga pugita na gumagamit ng jet-propulsion; mga gagamba na gumagawa ng pitong uri ng mga bahay-gagamba at gumagawa ng mga patibong, lambat, at mga pansilo at may mga anak-gagamba na sumasakay sa mga lobo, naglalakbay ng libu-libong kilometro sa itaas; mga isda at mga crustacean na gumagamit ng lumulutang na mga tangke tulad ng sa mga submarino; at mga ibon, insekto, pagong-dagat, mga isda, at mga mamal na kamangha-mangha sa kanilang katangian na dumayo sa ibang lugar—mga kakayahan na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya.
16. Anong mga katotohanan ng siyensiya ang iniulat na sa Bibliya libu-libong taon bago pa natuklasan ng siyensiya ang mga ito?
16 Ang Bibliya ay nag-ulat ng siyentipikong mga katotohanan libu-libong mga taon bago pa naalaman ng siyensiya ang mga ito. Ang Kautusang Mosaiko (ika-16 na siglo B.C.E.) ay may ipinahiwatig nang kaalaman sa mga mikrobyo ng sakit libu-libong taon bago pa kay Pasteur. (Levitico, kabanata 13, 14) Noong ika-17 siglo B.C.E., si Job ay nagsabi: “Kaniyang . . . ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Sanlibong taon bago pa kay Kristo, si Solomon ay sumulat tungkol sa sirkulasyon ng dugo; ang siyensiya ng paggamot ay kinailangan pang maghintay ng ika-17 siglo upang mapag-alaman ang tungkol doon. (Eclesiastes 12:6) Bago pa noon, ang Awit 139:16 ay nagpahiwatig ng kaalaman sa genetic code: “Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi, tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga ito at wala pa kahit anuman sa kanila.” Noong ika-7 siglo B.C.E., bago nakaunawa ang mga naturalista ng tungkol sa pandarayuhan, si Jeremias ay sumulat, gaya ng nakaulat sa Jeremias 8:7: “Nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang panahon ng pandarayuhan, ang batu-bato at ang langay-langayan at ang tagak ay nakaaalam ng panahon ng pagbabalik.”—NE.
Ang “Maylikha” na Pinipili ng mga Ebolusyonista
17. (a) Ano ba ang sinasabi ng Roma 1:21-23 tungkol sa ilan na tumatangging kilalanin na may isang matalinong Maylikha sa likod ng mga kababalaghan sa paglalang? (b) Sa diwa, ano ang pinipili ng mga ebolusyonista bilang kanilang “maylikha”?
17 Isang teksto ang nagsasabi tungkol sa ilan na tumatangging kilalanin na may isang matalinong Maylikha sa likod ng mga kababalaghan sa paglalang: “Sila’y naging hangal sa kanilang mga pangangatuwiran at ang kanilang pusong mangmang ay nagdilim. Bagaman kanilang sinasabing sila’y marurunong, sila’y naging mga mangmang at ang kaluwalhatian ng Diyos na walang pagkasira ay pinalitan nila ng isang katulad ng larawan ng tao na may pagkasira at ng mga ibon at ng mga hayop na may apat na paa at ng mga nagsisigapang.” Ang “katotohanan ng Diyos ay pinalitan [nila] ng kasinungalingan at sumamba at naglingkod nang may kabanalan sa nilalang sa halip na sa Lumalang.” (Roma 1:21-23, 25) Ito’y nahahawig sa mga siyentipiko ng ebolusyon, na, sa totoo, niluwalhati ang isang guniguning umuunlad na kabit-kabit na protozoa-bulati-isda-amphibian-reptilya-mamal-“mga taong-bakulaw” bilang kanilang “maylikha.” Subalit, batid nila na walang tunay na simpleng iisahing selulang organismo na magiging pasimula ng kawing. Ang pinakasimpleng nakilalang organismo ay may sandaang bilyong atomo, may libu-libong kemikal na reaksiyon na nagaganap sa loob nito nang sabay-sabay.
18, 19. (a) Sino ang Isang nararapat purihin bilang pinagmumulan ng buhay? (b) Gaano karami sa mga nilalang ni Jehova ang maaaring makita natin?
18 Ang Diyos na Jehova ang Maylikha ng buhay. (Awit 36:9) Siya ang dakilang Unang Sanhi. Ang kaniyang pangalan na Jehova ay nangangahulugan na “Kaniyang pinangyayaring matupad.” Ang kaniyang mga nilalang ay hindi natin mabibilang. Tunay na ito’y milyun-milyong higit kaysa alam ng tao. Ito’y ipinahihiwatig ng Awit 104:24, 25: “Anong pagkasari-sari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan.” Sa Job 26:14 ay malinaw na sinasabi ito: “Narito! Ang mga ito ay gilid lamang ng kaniyang mga daan, at anong pagkarahan-rahan ng bulong na narinig sa kaniya! Ngunit sino ang makakaunawa ng pagkalakas-lakas na kulog ng kaniyang kapangyarihan?” Ating nakikita ang ilang gilid, ating naririnig ang ilang bulong, ngunit hindi natin lubusang maunawaan ang pagkalakas-lakas na kulog ng kaniyang kapangyarihan.
19 Gayunman, tayo’y may mas mainam na mapagkukunan ng kaalaman upang makilala siya hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang pisikal na mga nilalang. Iyan ay ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa mapagkukunang iyan tutungo tayo ngayon sa sumusunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ba ang natutuhan ni Job nang siya’y kausapin ni Jehova buhat sa ipuipo?
◻ Bakit sinabi ni Pablo na ang ilang tao ay walang maidadahilan?
◻ Papaano gumagana ang siklo ng tubig?
◻ Anong mahahalagang bagay ang ginagawa para sa atin ng liwanag ng araw?
◻ Anong mga katotohanan sa siyensiya ang isiniwalat na ng Bibliya bago pa natuklasan ng siyensiya ang mga iyon?