Kung Paano Sasanayin ang Iyong Budhi
“ANG isang malinis na budhi ang siyang pinakamainam na unan.” Itinatampok ng lumang sawikaing ito ang isang mahalagang bagay: Kapag binibigyang-pansin natin ang ating budhi, nagtatamasa tayo ng kapayapaan at kapanatagan ng loob.
Subalit hindi lahat ay nagpapasiyang gumawa ng gayon. Ipinahayag ni Adolf Hitler na siya ay may misyong palayain ang tao mula sa masamang panaginip, o guniguni, na kilala bilang ang budhi. Ang kaniyang kakila-kilabot na paghahari ay naglaan ng nakapanlulumong sulyap kung gaano kalupit ang tao kapag itinakwil nila ang kanilang budhi. Subalit ganoon din kalupit ang marami sa mararahas na kriminal sa ngayon—yaong walang habag na nanghahalay at pumapaslang. Ang lumalaking bilang ng mga gumagawa nito ay nasa kabataan pa. Kaya isang aklat na tumatalakay sa pangyayaring ito ang may subtitulong Children Without a Conscience.
Samantalang karamihan ng mga tao ay hindi kailanman mag-iisip na gumawa ng isang marahas na krimen, marami ang hindi nababahala tungkol sa paggawa ng seksuwal na imoralidad, pagsisinungaling, o pandaraya. Bumababa ang moral sa buong daigdig. Bilang pagtukoy sa malaking apostasya mula sa tunay na pagsamba, sumulat si apostol Pablo na ang ilang Kristiyano ay magpapadaig sa impluwensiya ng sanlibutan at sa gayo’y magiging “natatakan sa kanilang mga budhi gaya ng sa isang pangherong bakal.” (1 Timoteo 4:2) Ang banta ng kabulukan ay lalo nang mas matindi ngayon sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Kaya dapat magsumikap ang mga Kristiyano na ingatan ang kanilang budhi. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasanay at paglinang dito.
Ang Isip, ang Puso, at ang Iyong Budhi
Sinabi ni apostol Pablo: “Ako ay nagsasabi ng katotohanan sa Kristo; hindi ako nagsisinungaling, yamang ang aking budhi ang nagpapatotoong kasama ko sa banal na espiritu.” (Roma 9:1) Kaya naman ang budhi ay maaaring maging isang tagapagpatotoo. Maaari nitong suriin ang isang landasin ng paggawi at alinman sa sang-ayunan o kaya’y hatulan ito. Ang malaking bahagi ng ating pagkadama ng tama at mali ay inilagay sa atin ng ating Maylalang. Gayunpaman, maaaring hubugin at sanayin ang ating budhi. Paano? Sa pamamagitan ng pagkuha natin ng tumpak na kaalaman mula sa Salita ng Diyos. “Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos,” sabi ni apostol Pablo. (Roma 12:2) Habang itinatanim mo sa iyong isip ang kaisipan at kalooban ng Diyos, ang iyong budhi ay magsisimulang gumana sa isang lalong makadiyos na paraan.
Milyun-milyon sa buong daigdig ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Sa pamamagitan ng kanilang kaayusan ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, itinuturo nila sa tapat-pusong mga tao ang mga pamantayan ng Diyos na Jehova tungkol sa sekso, inuming de-alkohol, pag-aasawa, pagnenegosyo, at marami pang ibang paksa.a (Kawikaan 11:1; Marcos 10:6-12; 1 Corinto 6:9, 10; Efeso 5:28-33) Ang pagkuha ng ganitong “tumpak na kaalaman” ay isang mahalagang hakbang sa pagkakaroon ng isang makadiyos na budhi. (Filipos 1:9) Sabihin pa, kahit na pagkatapos matamo ng isang Kristiyano ang may-gulang na unawa sa Bibliya, kailangang patuloy niyang pakanin nang regular ang kaniyang isip sa Salita ng Diyos kung ibig niyang manatiling malusog ang kaniyang budhi.—Awit 1:1-3.
Iniuugnay rin ng Bibliya ang budhi sa makasagisag na puso, na dito’y nasasangkot ang ating damdamin at emosyon. (Roma 2:15) Kailangang maging magkasuwato ang isip at puso upang gumana nang mahusay ang budhi. Nangangahulugan ito ng higit pa kaysa paglalagay lamang ng impormasyon sa iyong isipan. Dapat mo ring hubugin ang iyong puso—ang iyong damdamin, hangarin, at pagnanasa. Kaya naman ginagamit ng aklat ng Kawikaan ang mga pananalitang gaya ng “ikiling mo ang iyong puso,” “ilagak mo ang iyong puso,” at “akayin mo ang iyong puso.” (Kawikaan 2:2; 23:19; 27:23) Ang isang paraan upang gawin iyon ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay at pagmumunimuni sa Kasulatan. “Aking tiyak na bubulay-bulayin ang lahat ng iyong aktibidad, at pagkakaabalahan ko ang iyong mga pakikitungo,” sabi ng Awit 77:12. Tumutulong sa atin ang pagbubulay-bulay upang maarok ang ating kaloob-loobang damdamin at motibo.
Halimbawa, ipagpalagay na mayroon kang maruming bisyo gaya ng pagkasugapa sa tabako. Tulad ng maraming tao, tiyak na alam na alam mo ang mga panganib nito sa kalusugan. Gayunpaman, sa kabila ng paghimok ng mga kaibigan at ng pamilya, nahihirapan kang huminto. Paanong ang pagbubulay-bulay sa mensahe ng Bibliya ay magpapalakas ng iyong budhi hinggil dito?
Bilang halimbawa, subuking bulay-bulayin ang mga salita ni apostol Pablo na masusumpungan sa 2 Corinto 7:1: “Kaya nga, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga iniibig, linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.” Kunin ang diwa ng mga salitang ito. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano nga ba ang “mga pangakong ito” na binabanggit ni Pablo?’ Sa pamamagitan ng pagbasa sa konteksto, mapapansin mo na sinasabi sa naunang mga talata: “ ‘ “Lumabas kayo mula sa gitna nila, at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,” sabi ni Jehova, “at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay” ’; ‘ “at tatanggapin ko kayo.” ’ ‘ “At ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin,” sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat.’ ”—2 Corinto 6:17, 18.
Ang utos ni Pablo na ‘linisin ang ating sarili mula sa karungisan’ ay mas mapuwersa ngayon! Bilang malakas na pangganyak sa paggawa ng gayon, nangako ang Diyos na ‘tatanggapin tayo,’ alalaong baga, isasailalim tayo sa kaniyang maingat na pangangalaga. ‘Magtatamasa kaya ako ng malapit na kaugnayan sa kaniya—tulad niyaong sa isang anak na lalaki o babae at isang ama?’ baka itanong mo sa iyong sarili. Hindi ba kaakit-akit ang ideya ng pagiging ‘tinatanggap’ o minamahal ng isang marunong at maibiging Diyos? Kung waring bago sa iyo ang ganiyang kaisipan, pansinin kung paano ipinahahayag ng maibiging mga ama ang kanilang pag-ibig at pagmamahal sa kanilang mga anak. Gunigunihin ngayon ang gayong buklod na umiiral sa pagitan ninyo ni Jehova! Habang lalo mong binubulay-bulay ito, lalong lumalago ang iyong hangarin na magkaroon ng gayong kaugnayan.
Ngunit bigyang-pansin: Posible lamang ang pagiging malapit sa Diyos kung ‘titigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay.’ Tanungin ang iyong sarili: ‘Hindi ba ang pagkasugapa sa tabako ay kabilang sa “di-malinis na mga bagay” na hinahatulan ng Diyos? Ang paggamit ba nito ay magiging isang “karungisan ng laman,” anupat paglalantad ng aking sarili sa lahat ng uri ng panganib sa kalusugan? Yamang si Jehova ay isang malinis, o “banal,” na Diyos, sasang-ayunan kaya niya ang aking sadyang pagpaparungis ng sarili sa ganitong paraan?’ (1 Pedro 1:15, 16) Pansinin na nagbabala rin si Pablo laban sa ‘karungisan ng espiritu ng isa,’ o hilig ng kaisipan. Tanungin ang iyong sarili: ‘Nangingibabaw ba sa aking kaisipan ang pagkasugapang ito? Gagawin ko ba ang lahat ng aking makakaya upang mabigyang-kasiyahan ang aking pagnanasa, marahil sa ikapipinsala ng aking kalusugan, ng aking pamilya, o maging ng aking katayuan sa harap ng Diyos? Hanggang saan ko hinayaang sirain ng pagkasugapa sa tabako ang aking buhay?’ Ang pagharap sa ganitong nakababahalang mga tanong ay marahil magbibigay sa iyo ng lakas ng loob upang huminto!
Sabihin pa, baka kailanganin mo ng tulong at alalay mula sa iba upang mapagtagumpayan ang tabako. Gayunpaman, malaki ang magagawa ng pagbubulay-bulay sa Bibliya upang sanayin at palakasin ang iyong budhi nang sa gayo’y makaalpas ka sa pagkasugapa.
Kapag Nakagawa Tayo ng Mali
Sa kabila ng ating pinakamagaling na pagsisikap na gawin ang tama, kung minsan ay nadaraig tayo ng ating di-kasakdalan at nagkakamali tayo. Kung magkagayo’y uusigin tayo ng ating budhi, ngunit nakatutuksong subuking ipagwalang-bahala iyon. O baka maging gayon na lamang ang pagkasira ng ating loob anupat ibig nating talikuran na ang lahat ng pagsisikap na maglingkod sa Diyos. Subalit alalahanin ang kaso ni Haring David. Pagkatapos na mangalunya siya kasama ni Bat-sheba, binagabag siya ng kaniyang budhi. Inilarawan niya ang hirap na nadama niya: “Sa araw at gabi ang iyong kamay ay mabigat sa akin. Ang halumigmig ng aking buhay ay nabago gaya ng tuyong init ng tag-araw.” (Awit 32:4) Masakit? Totoo naman! Subalit ang ganitong makadiyos na kalungkutan ang siyang nagpakilos kay David na magsisi at makipagkasundo sa Diyos. (Ihambing ang 2 Corinto 7:10.) Ang nakahahapis na pagsusumamo ni David ng kapatawaran ay nagbibigay ng saganang patotoo ng kaniyang taimtim na pagsisisi. Dahil sa tinugon niya ang kaniyang budhi, natulungan si David na magbago at matamong-muli ang kaniyang kagalakan nang dakong huli.—Awit 51.
Maaaring mangyari rin ito sa ngayon. Ang ilan ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong nakaraang panahon ngunit huminto nang malaman nilang ang kanilang buhay ay di-kasuwato ng matataas na pamantayan ng Diyos. Marahil sila ay nakikisama nang di-kasal sa isang di-kasekso o mga alipin ng maruruming bisyo. Binagabag sila ng kanilang budhi!
Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan, isaalang-alang ang mga salita ni apostol Pedro noong araw ng Pentecostes. Nang ibunyag niya ang mga kasalanan ng kaniyang mga kababayang Judio, “nasugatan sila sa puso.” Sa halip na sumuko, sinunod nila ang payo ni Pedro na magsisi, at natamo nila ang pabor ng Diyos. (Gawa 2:37-41) Magagawa mo rin iyon! Sa halip na talikuran ang katotohanan dahil binabagabag ka ng iyong budhi, hayaang pakilusin ka ng iyong budhi na ‘magsisi at manumbalik.’ (Gawa 3:19) Taglay ang determinasyon at pagsisikap, magagawa mo ang mga pagbabagong kailangan upang matamo ang pabor ng Diyos.
“Magtaglay Kayo ng Isang Mabuting Budhi”
Ikaw man ay nagsisimulang matuto ng mga daan ni Jehova o may marami nang taon ng karanasan bilang isang may-gulang na Kristiyano, angkop ang paalaala ni Pedro: “Magtaglay kayo ng isang mabuting budhi.” (1 Pedro 3:16) Ito ay isang bentaha, hindi isang pabigat. Sanayin ito sa pamamagitan ng pagkikintal sa iyong isip at puso ng karunungan mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bigyang-pansin ang iyong budhi kapag nagbababala ito sa iyo. Tamasahin ang panloob na kapayapaan ng isip na maidudulot ng pagsunod sa budhi ng isa.
Totoo, hindi madali ang pagsasanay at paghubog sa iyong budhi. Gayunman, maaari kang manalangin sa Diyos na Jehova upang alalayan ka. Sa tulong niya, mapaglilingkuran mo ang Diyos “mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 Timoteo 1:5.
[Talababa]
a Huwag mag-atubiling makipag-alam sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito kung interesado ka na magkaroon ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
[Larawan sa pahina 6]
Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na sanayin ang ating budhi