Ang Pagtitiis na Nakikinabang ng Tagumpay
“Kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang, kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, kayo’y magsitanggap ng katuparan ng pangako.”—HEBREO 10:36.
1. Bakit kailangan ang pagtitiis para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos na Jehova ngayon?
ANG buong sanlibutang ito ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang mapaghimagsik na diyos. Ang di-nakikitang tagapamahala nito, si Satanas na Diyablo, ay nakatutok ang lahat ng pagsisikap sa pagsalansang kay Jehova at paglaban sa pagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Dahil dito ay di-maiiwasan na sinumang nag-alay ng kaniyang sarili sa Diyos at pumanig sa Kaniya sa isyu ng pagkasoberano ay patuloy na sasalansangin ng sanlibutang ito. (Juan 15:18-20; 1 Juan 5:19) Sa gayon, bawat isa sa atin ay kailangang magpakatibay upang makapagtiis hanggang ang sanlibutang ito ay bumagsak sa lubusang pagkatalo sa Armagedon. Upang makabilang sa nagtagumpay na mga lingkod ng Diyos na dumadaig sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at katapatan, tayo’y kailangang kumapit nang buong higpit hanggang sa wakas. (1 Juan 5:4) Papaano natin magagawa iyan?
2, 3. Papaanong si Jehovang Diyos at si Jesu-Kristo ang pinakadakilang mga halimbawa ng pagtitiis?
2 Unang-una, tayo’y makaaasa ng pampatibay-loob sa dalawang namumukod-tanging halimbawa ng pagtitiis. Sino ang mga ito? Ang isa ay si Jesu-Kristo, “ang panganay sa lahat ng nilalang,” na buong katapatang nagtiyaga sa paglilingkod sa Diyos sa mula’t sapol na siya’y umiral sa di pa batid na panahon noong nakalipas. Sa kaniyang patuloy na paglilingkod sa Diyos nang buong katapatan, si Jesus ay naging isang halimbawa sa lahat ng matalinong mga nilalang na pagkatapos ay umiral sa langit at lupa. (Colosas 1:15, 16) Gayunman, ang pinakadakilang halimbawa ng pagtitiis ay ang Diyos na Jehova, na napakatagal nang nagtitiis laban sa paghihimagsik sa kaniyang pansansinukob na soberanya at magpapatuloy na magtiis hanggang sa siya’y kumilos upang lutasin magpakailanman ang isyu ng pagkasoberano.
3 Si Jehova ay nagtiis sa isang ulirang paraan sa mga bagay na kung saan ang kaniyang karangalan at ang kaniyang pinakamatalas na pansariling mga damdamin ay kasangkot. Siya’y nagpigil sa harap ng nakapagpapagalit na kalagayan at pinigil ang kaniyang sarili ng pagkilos laban sa mga tumutuya sa kaniya—kasali na si Satanas na Diyablo. Ating pinasasalamatan ang Diyos sa kaniyang pagtitiis at sa kaniyang awa. Kung wala ito, tayo ay hindi magtatamasa ng kahit na pinakamaikling buhay. Oo, ang Diyos na Jehova ay nagpakilala ng kaniyang sarili bilang walang sinumang makapapantay sa kaniyang pagkamatiisin.
4, 5. (a) Papaanong ang ilustrasyon ni Pablo ng isang magpapalayok ay nagpapakita ng pagtitiis ng Diyos at ng kaniyang awa? (b) Papaano patutunayan na hindi nasayang ang awa ng Diyos?
4 Si apostol Pablo ay bumabanggit kapuwa ng pagtitiis at ng awa ng Diyos nang kaniyang sabihin: “Wala bang kapangyarihan sa putik ang magpapalayok upang gawin sa isang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa’y sa ikahihiya? Kung, ngayon, bagaman kalooban ng Diyos na itanghal ang kaniyang galit at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, naging totoong matiisin siya sa mga sisidlan ng galit na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maipakilala niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na inihanda na niya una pa ukol sa kaluwalhatian, alalaong baga, tayo, na kaniyang tinawag hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa, ay ano?”—Roma 9:21-24.
5 Gaya ng ipinakikita ng mga salitang ito, sa kasalukuyang panahong ito ng kaniyang pagtitiis, si Jehova ay nagpapatuloy sa kaniyang maluwalhating layunin at nagpapakita ng awa sa ibang mga sisidlang tao. Kaniyang inihahanda ang mga sisidlang ito para sa walang-hanggang kaluwalhatian at sa gayo’y dinadaig ang balakyot na mga layunin ng kaniyang mahigpit na mananalansang, si Satanas na Diyablo, at lahat ng mga alipores ni Satanas. Hindi lahat ng tao ay lumabas na mga sisidlan ng galit, na karapat-dapat puksain. Iyan ay mabuting patotoo tungkol sa matiyagang pagtitiis ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang kaniyang awa ay hindi mawawalang kabuluhan. Ang magiging resulta ay (1) isang maluwalhating pamilya sa Kaharian sa langit sa ilalim ng sinisintang Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, at (2) isang nabawi at napasakdal na lahi ng mga nilalang na tao sa isang lupang paraiso, pawang mga tagapagmana ng buhay na walang-hanggan.
Pagtitiis Hanggang sa Wakas
6. (a) Bakit hindi maiiwasan ng mga Kristiyano ang pagsubok sa kanilang pagtitiis? (b) Sa ano karaniwan nang tumutukoy ang salitang Griego na isinaling “pagtitiis”?
6 Sa harap ng ganiyang kahanga-hangang pag-asa, ang nagpapatibay na salita ni Jesus ay dapat na palaging umalingawngaw sa ating pandinig, samakatuwid nga: “Ang nagtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Mahalaga na magkaroon ng mabuting pagpapasimula sa landas ng Kristiyanong pagkaalagad. Subalit ang mahalaga sa katapus-tapusan ay kung papaano tayo nagtitiis, kung gaanong kainam ang pagtapos sa landas na tinahak natin. Ito’y idiniin ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang, kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, kayo’y magsitanggap ng katuparan ng pangako.” (Hebreo 10:36) Ang salitang Griego na isinalin dito na “pagtitiis” ay hy·po·mo·neʹ. Karaniwan nang tumutukoy ito sa may tibay-loob, matatag, o matiyagang pagtitiis na hindi nawawalan ng pag-asa sa harap ng mga balakid, pag-uusig, pagsubok, at tukso. Kung tayo’y umaasang magtatamo sa wakas ng kaligtasan, tayo’y kailangang dumaan sa isang pagsubok ng pagkamatiisin bilang bahagi ng kinakailangang paghahanda sa kaligtasan.
7. Anong panlilinlang ang kailangang iwasan natin, at kaninong halimbawa ang tutulong sa atin na magtiis?
7 Huwag nating linlangin ang ating sarili sa pamamagitan ng ideyang nagbibigay-lugod sa sarili na magagawa nating dali-daling tapusin ang pagsubok. Upang ang mga isyu ng pansansinukob na soberanya at ng katapatan ng tao ay malutas, hindi ipinuwera ni Jehova ang kaniyang sarili. Siya’y nagtiis ng di-kanais-nais na mga bagay bagaman maaari sana niyang nalipol sila sa isang kisap-mata. Si Jesu-Kristo ay nagpakita rin ng halimbawa ng pagtitiis. (1 Pedro 2:21; ihambing ang Roma 15:3-5.) Sa maningning na mga halimbawang ito na nasaksihan natin, tiyak na tayo man ay handang magtiis hanggang sa wakas.—Hebreo 12:2, 3.
Isang Kailangang Katangian
8. Anong katangian na kailangan nating lahat ang ipinakita ni apostol Pablo?
8 Walang lingkod ng Diyos, kahit na noong pinakamaagang mga panahon, na hindi hiningan na patunayan ang kaniyang katapatan sa pamamagitan ng pagtitiis. Litaw na litaw na mga tao sa kasaysayan ng Bibliya na nanatiling tapat hanggang sa kamatayan at kuwalipikado sa buhay na walang-hanggan sa langit ang kinailangang patunayan ang kanilang pagkamatatag. Halimbawa, ang dating Fariseo, si Saulo ng Tarso, ay nagsabi sa mga taga-Corinto: “Hindi ako naging huli sa inyong pinakamagagaling na mga apostol sa isa mang bagay, bagaman ako’y walang kabuluhan. Oo, ang mga tanda ng isang apostol ay pinatunayan sa gitna ninyo nang buong pagtitiis, at sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at makapangyarihang mga gawa.” (2 Corinto 12:11, 12) Sa kabila ng kabigatan ng gawain, ganiyan na lamang ang mataas na pagtingin ni Pablo sa kaniyang ministeryo kung kaya’t siya’y dumanas ng maraming pagtitiis at masigasig na nagsikap na huwag dalhan iyon ng ikapupulà.—2 Corinto 6:3, 4, 9.
9. (a) Papaano nagpakita ng pagtitiis ang pinahirang nalabi, at ano ang resulta? (b) Ano ang nagsisilbing pangganyak sa atin upang magpatuloy na tapat sa banal na paglilingkuran?
9 Sa modernong panahon, ang pinahirang mga Kristiyano na naglilingkod sa Diyos bago sumiklab ang unang digmaang pandaigdig ay nakababatid na noong 1914 matatapos ang Panahon ng mga Gentil, at marami sa kanila ang umaasang tatanggap ng kanilang makalangit na gantimpala sa di-malilimot na taóng iyon. Subalit hindi ito nangyari. Gaya ng ipinakikita ngayon ng mga pangyayari, deka-dekadang mga taon ang naparagdag sa kanila. Sa di-inaasahang pagpapalawig na ito ng kanilang makalupang buhay, sila’y dumaan sa pagdalisay sa kamay ng Diyos na Jehova. (Zacarias 13:9; Malakias 3:2, 3) Ang patuloy na pagtitiis ay nagbunga ng lalong ikabubuti nila. Bilang mga lingkod ni Jehova, kanilang ikinagagalak na tawagin sa kaniyang pangalan bilang kaniyang bayan. (Isaias 43:10-12; Gawa 15:14) Sa ngayon, pagkatapos makalampas sa dalawang digmaang pandaigdig at sa marami pang mas maliliit na mga digmaan, sila’y nagagalak na matulungan sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng lumalagong malaking pulutong ng mga ibang tupa, ngayo’y may bilang nang mahigit na apat na milyon. Ang espirituwal na paraisong kanilang tinatamasa ay lumaganap sa buong lupa, nakaabot hanggang sa kadulu-duluhang mga isla ng karagatan. Ang ganitong pagpapakita ng pabor, na ating pinahahalagahan nang higit at higit mientras pinahahaba ang ating buhay, ay nagsilbing isang pangganyak na magpatuloy na tapat sa banal na paglilingkuran hanggang sa ang kalooban at layunin ni Jehova ay lubusang maganap.
10. Upang tayo’y huwag makaranas ng panghihina, ano ang palagiang kinakailangan?
10 Yamang ang ating gantimpala ay depende sa ating pagkamatatag, tayo’y laging nangangailangan ng payo sa mahalagang bagay na ito. (1 Corinto 15:58; Colosas 1:23) Upang huwag magkaroon ng anumang panghihina sa gitna ng bayan ni Jehova, tayo’y kailangang palagiang patibayin-loob na manghawakan sa katotohanan at sa mahalagang pribilehiyo na pagpapalaganap ng katotohanan, gaya ng ginagawa sa bagong katatatag na mga kongregasyon noong unang siglo sa pamamagitan ng mga pagdalaw muli ni Pablo at ni Bernabe. (Gawa 14:21, 22) Maging ating matibay na pasiya at determinasyon, gaya ng pagkasabi ni apostol Juan, na ang katotohanan ay mananatili sa atin, “at ito’y sasaatin magpakailanman.”—2 Juan 2.
Paghihintay Taglay ang Patuloy na Pagtitiis
11. Ano ang waring alituntunin na sinusunod ng Diyos sa pakikitungo sa kaniyang mga lingkod, at papaano ipinaghahalimbawa ito sa kaso ni Jose?
11 Panahon ang kailangan upang ang pagsubok sa atin ay maganap. (Santiago 1:2-4) Maghintay! Maghintay! Maghintay! ang waring alituntuning sinusunod ng Diyos sa kaniyang mga lingkod noong sinaunang panahon nang sila’y sinubok sa kanilang determinasyon na magpatuloy sa pananampalataya. Subalit ang paghihintay, sa wakas, ay laging nagsilbing kagantihan para sa tapat na mga lingkod na iyon. Halimbawa, si Jose ay naghintay ng 13 taon bilang isang alipin at isang bilanggo, ngunit ang karanasan ay gumawa ng pagdalisay sa kaniyang pagkatao.—Awit 105:17-19.
12, 13. (a) Papaanong isang halimbawa si Abraham ng tapat na pagtitiis? (b) Sa papaanong paraan nagsisilbing isang parisan para sa atin ang pananampalataya at pagtitiis ni Abraham?
12 Si Abraham ay 75 taóng gulang na nang tawagin siya ng Diyos buhat sa Ur ng mga Caldeo upang pumaroon sa Lupang Pangako. Siya’y mga 125 taóng gulang na nang siya’y tumanggap ng sinumpaang katibayan ng ipinangako ng Diyos—na naganap kara-karaka pagkatapos ipakita ni Abraham ang tibay ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagdating hanggang sa punto ng paghahandog ng kaniyang sinisintang anak, na si Isaac, na huminto lamang nang pigilin ang kaniyang kamay ng anghel ni Jehova at hadlangan ang paghahain. (Genesis 22:1-18) Ang limampung taon ay isang mahabang panahon para hintayin ni Abraham bilang isang pansamantalang mananahanan sa isang lupaing banyaga, ngunit siya’y nagtiis pa rin ng isa pang 50 taon hanggang sa siya’y mamatay sa edad na 175 taon. Sa buong panahong iyan si Abraham ay isang tapat na saksi at propeta ng Diyos na Jehova.—Awit 105:9-15.
13 Ang pananampalataya at pagtitiis ni Abraham ay nagsisilbing isang parisan sa lahat ng mga lingkod ng Diyos na nagnanais tumanggap ng ipinangakong mga pagpapala sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang Binhi ni Abraham. (Hebreo 11:8-10, 17-19) Tungkol sa kaniya, ating mababasa sa Hebreo 6:11-15: “Ibig naming bawat isa sa inyo’y magpakita ng ganoon ding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang katapusan, upang huwag kayong maging tamad, kundi tumulad sa mga nagmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis. Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa walang sinumang mapanunumpaan niya na mas mataas sa kaniya, siya’y nanumpa sa kaniyang sarili, na nagsasabi: ‘Tunay sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.’ At sa ganito pagkatapos na makapaghintay si Abraham nang may pagtitiis, kaniyang natamo ang pangakong ito.”
14. Bakit hindi natin dapat isipin na ang pagsubok sa pagtitiis ay walang katapusan at ang gantimpala ay mahirap maapuhap?
14 Nasaksihan na ng pinahirang nalabi ang paglipas ng 77 taon buhat nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914, nang inasahan ng iba sa kanila na luluwalhatiin sa langit ang tunay na kongregasyong Kristiyano. Kung gaano pang katagal kailangang maghintay ang nalabi hindi natin alam. Tayo ba kung gayon ay mag-aalinlangan at iisipin natin na ang paghihintay ay walang katapusan at ang gantimpala ay mahirap maapuhap? Hindi! Iyan ay hindi magbabangong-puri sa soberanya ng Diyos o magpaparangal sa kaniyang pangalan. Wala siyang katuwiran sa harap ng sanlibutan na tayo’y pagkalooban niya ng tagumpay at ng resultang buhay na walang-hanggan bilang gantimpala. Gaano man ang haba ng panahon na dapat ipaghintay, ang nalabi, at ang kanilang tulad-tupang mga kasamahan, ay desidido na hintayin na kumilos si Jehova sa kaniyang sariling panahon. Sa pagpapakita ng gayong ulirang pagtitiyaga, kanilang tinutularan si Abraham.—Roma 8:23-25.
15. (a) Ano ang ating kasabihan, at sa pamamagitan ng anong mga karanasan tinulungan tayo ng Diyos upang tayo’y makalampas nang matagumpay? (b) Anong payo ni Pablo ang angkop pa rin para sa ating kaarawan?
15 Kung gayon, ang kasabihan, ay ito pa ring patuloy na pagtitiis sa paggawa sa kalooban ng Diyos. (Roma 2:6, 7) Noong nakaraan kaniyang inalalayan tayo sa matitinding kahirapan, kasali na ang mga pagkabilanggo at mga piitang kampo, at tayo’y tinulungan niya upang makalampas nang matagumpay na nagdulot ng kaluwalhatian sa kaniyang pangalan at layunin.a Sa panahon na natitira pa para mahusto ang pagsubok sa atin, si Jehova ay magpapatuloy na gumawa rin ng ganiyan. Ang payo ni Pablo ay angkop pa rin para sa ating kaarawan: “Sapagkat kayo’y nangangailangang magpakatatag sa pagtitiyaga at pagtitiis, upang inyong maganap at lubusang magawa ang kalooban ng Diyos, at sa gayo’y inyong mátanggap at madala at matamasa na lubusan ang ipinangako.”—Hebreo 10:36, The Amplified Bible; Roma 8:37.
16. Bakit ang ating pag-aalay kay Jehova ay hindi natin dapat malasin sa isang limitadong paraan lamang o na may pasubali?
16 Habang si Jehova ay may gawain na ipagagawa sa atin sa gitna ng balakyot na sanlibutang ito, kung gayon, bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, ibig natin na lumahok sa gawaing iyan hanggang sa matapos. (Juan 17:4) Ang ating pag-aalay kay Jehova ay hindi batay sa pagkaunawa na tayo’y maglilingkod sa kaniya ng maikling panahon lamang at pagkatapos ay darating ang Armagedon. Ang ating pag-aalay ay magpakailanman. Ang gawain ng Diyos para sa atin ay hindi matatapos sa digmaan ng Armagedon. Gayunman, tangi lamang pagkatapos na ating nagawa na ang gawain na kailangang gawin bago mag-Armagedon makikita natin ang dakilang mga bagay na magaganap pagkatapos ng malaking digmaang iyan. Pagkatapos, bukod sa maligayang pribilehiyo na pagpapatuloy sa kaniyang gawain, tayo’y gagantimpalaan ng malaon nang inaasahang mga pagpapala na kaniyang ipinangako.—Roma 8:32.
Ang Pag-ibig sa Diyos ay Tumutulong sa Atin na Magtiis
17, 18. (a) Sa panahon ng kagipitan, ano ang tutulong sa atin upang magtiis na may pagsang-ayon ng Diyos? (b) Ano ang tutulong sa atin na matamo ang tagumpay, at ano ang hindi natin sinasabi tungkol sa panahong natitira?
17 Marahil, sa panahon ng kagipitan, ay maitatanong natin: ‘Papaano kaya tayo patuloy na makapagtitiis pa?’ Ang sagot? Sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos ng ating buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:4, 7, 8) Maliban sa tayo’y magtiis ng dahil sa pag-ibig sa Diyos, ang ating pagtitiis ay walang kabuluhan. Ngunit kung tayo’y magbabata sa ilalim ng mga pabigat dahilan sa ating debosyon kay Jehova, ang epekto ng ating pagtitiis ay ang matimyas na pag-ibig natin sa kaniya. Ang pag-ibig sa Diyos, na kaniyang Ama, ang tumulong kay Jesus upang magtiis. (Juan 14:30, 31; Hebreo 12:2) Kung ang ating tunay na motibo ay pag-ibig sa Diyos, na ating Ama, ano ang hindi natin matitiis?
18 Ang ating walang pag-aalinlangan na pag-ibig sa Diyos na Jehova ang tumulong sa atin na patuloy na magtagumpay sa sanlibutan sa pinakamaselan na panahong ito ng pagsubok. At si Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ay patuloy na magbibigay sa atin ng tulong na kailangan natin gaano mang katagal pa payagang umiral ang matandang sistemang ito ng mga bagay. (1 Pedro 5:10) Mangyari pa, tayo’y hindi nanghuhula tungkol sa kung gaanong panahon ang natitira pa, at tayo’y hindi nagbibigay ng espisipikong petsa. Iyan ay ating ipinauubaya sa Dakilang Timekeeper, si Jehovang Diyos.—Awit 31:15.
19, 20. (a) Papaano natin mamalasin ang bawat lumipas na araw na tayo’y magtiis? (b) Anong kamangmangan ang ibig nating maiwasan, at bakit?
19 Gayunman, ang salin-lahi na inihulang makasasaksi at makararanas ng mga pangyayari sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay totoong matanda na ngayon. (Mateo 24:3, 32-35) Kaya huwag nating kalilimutan na sa bawat lumipas na araw na tayo’y magtiis ay isang araw na kabawasan para kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo upang parumihin ang sansinukob ng kanila mismong paglagi rito at isang araw ang lapit sa panahon na hindi na titiisin ni Jehova ang pag-iral ng “mga sisidlan ng galit na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.” (Roma 9:22) Hindi na magtatagal, pagka natapos na ang pagpapahinuhod ni Jehova, kaniyang ibubuhos ang kaniyang galit sa mga lalaki at mga babaing balakyot. Sa gayon, kaniyang isisiwalat ang hindi niya pagsang-ayon sa kanilang mga gawa, bagaman kaniyang pinayagan sila na magpatuloy sa buong yugtong ito ng panahon.
20 Sukdulang kamangmangan kung hindi natin ipagpapatuloy ang ating maibiging pagsisikap na matamo ang maluwalhating gantimpala na iniaalok sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Bagkus, tayo ay desididong magpatuloy nang buong katapatan bilang mga Saksi ni Jehova sa pinakamahalagang panahong ito na hindi na magtatagal at ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang sarili bilang Pansansinukob na Soberano.
[Talababa]
a Halimbawa, si Christine Elizabeth King ay sumulat: “Tanging sa mga Saksi lamang bigo ang pamahalaan [Nazi], sapagkat bagaman kanilang napatay ang libu-libo, ang gawain ay nagpatuloy at noong Mayo 1945 ang kilusan ng mga Saksi ni Jehova ay buháy pa rin, samantalang ang National Socialism ay patay na. Ang bilang ng mga Saksi ay dumami at walang pakikipagkompromisong naganap. Ang kilusan ay nagkaroon ng mga martir at matagumpay na nakapagsagawa ng isa pang labanan sa digmaan ni Jehovang Diyos.”—The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity, pahina 193.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit hindi natin maiiwasan na subukin ang ating pagtitiis?
◻ Anong maling paniniwala ang ibig nating iwasan?
◻ Upang iwasan ang ano mang panghihina, ano ang kailangan?
◻ Ano ang ating kasabihan?
◻ Sa panahon ng kagipitan, ano ang tutulong sa atin na magtiis?
[Larawan sa pahina 11]
Ang bayan ng Diyos, tulad ng mga Saksing ito sa Puerto ng España, Trinidad, ay sa tuwina nalulugod na maghintay kay Jehova