KALALIMAN
Ayon sa Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst (London, 1845, p. 2), ang Griegong aʹbys·sos ay nangangahulugang “napakalalim o pagkalalim-lalim.” Ayon naman sa Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott (Oxford, 1968, p. 4), ito ay nangangahulugang “di-maarok, walang-hangganan.” Lagi itong ginagamit ng Griegong Septuagint bilang salin ng Hebreong tehohmʹ (matubig na kalaliman), gaya sa Genesis 1:2; 7:11.
Ang aʹbys·sos ay lumilitaw nang siyam na ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat ang pito sa mga ito ay nasa aklat ng Apocalipsis. Sa “kalaliman” lumabas ang makasagisag na mga balang sa pangunguna ng kanilang hari, si Abadon o Apolyon, “ang anghel ng kalaliman.” (Apo 9:1-3, 11) “Ang mabangis na hayop” na nakipagdigma sa “dalawang saksi” ng Diyos at pumatay sa kanila ay binabanggit din na lumabas “mula sa kalaliman.” (Apo 11:3, 7) Inilalarawan ng Apocalipsis 20:1-3 ang panghinaharap na pagbubulid kay Satanas sa kalaliman sa loob ng isang libong taon, anupat noong isang pagkakataon ay ipinakiusap kay Jesus ng isang hukbo ng mga demonyo na huwag itong gawin sa kanila.—Luc 8:31.
Ang Kahulugan Nito sa Kasulatan. Kapansin-pansin na hindi ginamit ng Griegong Septuagint ang aʹbys·sos bilang salin ng Hebreong sheʼohlʹ, at dahil mga espiritung nilalang ang ibubulid doon, hindi wastong limitahan ang kahulugan nito bilang Sheol o Hades lamang, yamang ang dalawang salitang ito ay malinaw na tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan sa lupa. (Job 17:13-16; tingnan ang HADES; SHEOL.) Hindi ito tumutukoy sa “lawa ng apoy,” yamang matapos palayain si Satanas mula sa kalaliman, saka pa lamang siya ihahagis sa lawa ng apoy sa bandang huli. (Apo 20:1-3, 7-10) Dahil din sa pananalita ni Pablo sa Roma 10:7, kung saan sinabi niyang si Kristo ay nasa kalaliman, magiging imposible ang pakahulugang iyon at mauunawaan din natin na ang kalaliman ay iba sa Tartaro.—Tingnan ang TARTARO.
Tumutulong ang Roma 10:6, 7 upang maging malinaw ang kahulugan ng “kalaliman” sa pagsasabi: “Ngunit ang katuwiran na resulta ng pananampalataya ay nagsasalita sa ganitong paraan: ‘Huwag mong sabihin sa iyong puso, “Sino ang aakyat sa langit?” samakatuwid nga, upang ibaba si Kristo; o, “Sino ang bababa sa kalaliman?” samakatuwid nga, upang iahon si Kristo mula sa mga patay.’” (Ihambing ang Deu 30:11-13.) Maliwanag na ang “kalaliman” dito ay tumutukoy sa isang dako na doon namalagi si Kristo Jesus sa loob ng tatlong araw at mula roon ay binuhay siyang muli ng kaniyang Ama. (Ihambing ang Aw 71:19, 20; Mat 12:40.) Tinutukoy ng Apocalipsis 20:7 ang kalaliman bilang isang “bilangguan,” at walang alinlangang kasuwato ito ng nangyari kay Jesus nang makulong siya sa ganap na kawalang-ginagawa bilang resulta ng kamatayan.—Ihambing ang Gaw 2:24; 2Sa 22:5, 6; Job 38:16, 17; Aw 9:13; 107:18; 116:3.
May kinalaman sa salitang-ugat na nangangahulugang “di-maarok” na isang katangian ng “kalaliman,” kapansin-pansin ang sinabi sa Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hastings (1913, Tomo I, p. 54) bilang komento sa Roma 10:6, 7: “Ang impresyon na itinatawid ng pananalita ni San Pablo ay ang pagiging napakalawak ng dakong iyon, gaya ng isang dako na imposible nating magalugad.” Ipinakikita ni Pablo na kung paanong mahirap marating ang “langit” at ang “kalaliman,” madali namang maabot ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinaghahalimbawa ito ng paggamit ni Pablo sa kaugnay na salitang baʹthos sa Roma 11:33: “O ang lalim [baʹthos] ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Tingnan din ang 1Co 2:10; Efe 3:18, 19.) Kaya, kasuwato ng Roma 10:6, 7, maliwanag na ang dakong kinakatawanan ng “kalaliman” ay nagpapahiwatig din na hindi ito mararating ninuman maliban ng Diyos o ng kaniyang inatasang anghel na may “susi ng kalaliman.” (Apo 20:1) Binabanggit ng Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott (p. 4) na ang isang kahulugan ng salitang aʹbys·sos ay “walang-hanggang kahungkagan.”
Ang anyong pangmaramihan ng salitang Hebreo na metsoh·lahʹ (o metsu·lahʹ) ay isinasalin sa Awit 88:6 bilang “malaking kalaliman” at literal na nangangahulugang “mga kalaliman.” (Ihambing ang Zac 10:11.) Nauugnay ito sa tsu·lahʹ, na nangangahulugang “matubig na kalaliman.”—Isa 44:27.