PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Roma 10:13—‘Tumawag sa Pangalan ng Panginoon’
“Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Roma 10:13, Bagong Sanlibutang Salin.
“Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”—Roma 10:13, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Roma 10:13
Hindi nagtatangi ang Diyos, at binibigyan niya ang lahat ng tao ng pagkakataong maligtas at magkaroon ng buhay na walang hanggan, anuman ang kanilang bansa, lahi, o kalagayan sa buhay. Para matanggap ito, dapat tayong tumawag sa pangalan ni Jehova—ang personal na pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.a—Awit 83:18.
Sa Bibliya, ang pananalitang ‘tumawag sa pangalan ni Jehova’ ay hindi lang basta pagkaalam sa pangalan ng Diyos at paggamit nito sa pagsamba. (Awit 116:12-14) Kasama rin dito ang pagtitiwala sa Diyos at paghingi ng tulong sa kaniya.—Awit 20:7; 99:6.
Para kay Jesu-Kristo, napakahalaga ng pangalan ng Diyos. Sinimulan niya ang kaniyang modelong panalangin sa pagsasabing: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Sinabi rin ni Jesus na dapat nating kilalanin, sundin, at ibigin si Jehova para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.—Juan 17:3, 6, 26.
Bakit natin masasabi na ang “Panginoon” sa Roma 10:13 sa Magandang Balita Biblia ay si Jehova? Sinipi ng tekstong ito ang Joel 2:32. Mababasa sa talatang ito ng Joel ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo, at hindi ang titulong “Panginoon.”b
Konteksto ng Roma 10:13
Sinasabi sa Roma kabanata 10 na para magkaroon ng magandang katayuan sa Diyos ang isang tao, kailangan niyang manampalataya kay Jesu-Kristo. (Roma 10:9) Sinusuportahan ito ng ilang teksto na nasa bahagi ng Bibliya na tinatawag ng marami na Lumang Tipan. Ipinapakita ng isang tao ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng ‘paghahayag’ nito sa iba, at kasama rito ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaligtasan. Dahil dito, may pagkakataon ang iba na magkaroon ng pananampalataya para maligtas.—Roma 10:10, 14, 15, 17.
Basahin ang Roma kabanata 10, pati na ang mga talababa at cross-reference.
a Lumilitaw ang pangalan ng Diyos nang mga 7,000 beses sa mga sinaunang manuskrito ng Bibliya. Sa Hebreo, ang pangalan ng Diyos ay isinusulat gamit ang apat na letra, na tinatawag na Tetragrammaton. Karaniwan nang isinasalin ito na “Jehovah” sa English; pero ginagamit ng ilang iskolar ang salin na “Yahweh.”
b Malamang na ginamit ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya ang pangalan ng Diyos nang sipiin nila mula sa “Lumang Tipan” ang mga teksto na may pangalan ng Diyos. Sinasabi ng The Anchor Bible Dictionary: “May mga katibayan na noong unang isulat ang dokumento ng Bagong Tipan, ang Tetragrammaton, o Yahweh, na Pangalan ng Diyos, ay lumitaw sa ilan o sa lahat ng pagsipi ng Bagong Tipan mula sa Matandang Tipan,” o Lumang Tipan. (Tomo 6, pahina 392) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Apendise A5, “Ang Pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan,” sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Makikita sa Appendix C2 ng New World Translation of the Holy Scriptures ang listahan ng mga salin ng Bibliya na gumamit ng pangalan ng Diyos sa Roma 10:13.